LUNTIAN: Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong
Mag-aaral
Ang Luntian: Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral
ay tumatanggap at naglalathala ng mga orihinal na malikhaing akda ng mga guro at
gradwadong mag-aaral. Kabilang dito ang tula, maikling kuwento, dagli, sanaysay o malikhaing
di-katha, at mga guhit o larawan sa digital HD format na may kaakibat na teksto.
Patakarang Editoryal
Ang lahat ng isusumiteng akda ay kailangang orihinal at hindi pa nailalathala sa anumang
limbag o online na publikasyon. Hindi rin tatanggapin ang mga akdang kasalukuyang isinumite
o isinasaalang-alang para sa iba pang publikasyon o panawagan.
Ang lahat ng kwalipikadong akda ay sasailalim sa review o refereeing, kung saan hindi
malalaman ng rebyuwer ang pagkakakilanlan ng awtor at hindi rin ibubunyag sa awtor ang
pagkakakilanlan ng rebyuwer. Ang mga isinumiteng manuskrito at kaugnay na impormasyon ay
ituturing na kumpidensiyal sa buong proseso ng pagsusuri.
Patakaran Ukol sa Publication Fee
Ang Luntian ay hindi naniningil ng anumang bayad para sa pagsusumite, pagrerebyu,
pagproseso, pag-e-edit, o paglalathala ng akda.
Walang submission fee, review fee, processing fee, o publication fee na kinakailangang bayaran
ng awtor sa anumang yugto ng proseso. Ang pagtanggap o pagtanggi sa isang akda ay
nakabatay lamang sa pagsunod nito sa mga patakaran ng journal at sa resulta ng editoryal na
pagsusuri at refereeing.
Patakaran sa Paggamit ng Artificial Intelligence (AI)
Pinahahalagahan ng Luntian ang pagiging orihinal ng malikhaing gawa at ang pananagutan ng
awtor sa kaniyang akda. Dahil dito, hindi pinahihintulutan ang pagsusumite ng anumang
tekstuwal o biswal na likhang binuo o ginawa, sa kabuuan man o sa malaking bahagi, gamit ang
generative artificial intelligence (AI).
Kabilang sa hindi pinahihintulutan ang:
● mga tula, kuwento, dagli, sanaysay, o iba pang tekstong nilikha o substantibong binuo
ng generative AI;
● mga larawan, ilustrasyon, guhit, o iba pang biswal na nilikha gamit ang AI
image-generation tools; at
● mga tekstuwal o biswal na materyal na binuo ng AI at pagkatapos ay bahagya lamang
binago, inayos, o nirebisa ng nagsumite.
Sa pagsusumite, inaasahang pinatutunayan ng awtor na ang akda at mga kalakip nitong biswal
ay kaniyang orihinal na likha at sumusunod sa patakarang ito. Kapag napatunayang may
AI-generated na nilalaman ang isang lahok, maaaring ihinto ng Pamatnugutan ang proseso ng
pagsusuri, tanggihan ang akda, o bawiin ang naunang pagtanggap dito.
Proseso ng Pagrerebyu at Pagpili ng mga Akda
Unang Hakbang: Pagsusumite
Tumatanggap ang Luntian ng sumusunod na malikhaing akda:
● Tula: Isa hanggang tatlong (1–3) tula, na hindi lalampas sa dalawang (2) pahina bawat
isa;
● Maikling Kuwento: Isang (1) maikling kuwento na may habang isa hanggang limang
(1–5) pahina, na may laktaw sa bawat talata;
● Dagli: Isa hanggang dalawang (1–2) dagli, na hindi lalampas sa isang (1) pahina bawat
isa;
● Sanaysay/Malikhaing Di-katha: Isang sanaysay na may habang dalawa hanggang
limang (2–5) pahina, na may laktaw sa bawat talata; at
● Guhit o Larawan: Orihinal na guhit o larawan sa digital na HD format na may kaakibat
na teksto.
Ang mga akda ay kinakailangang nakapormat sa 12-point font, gamit ang Arial o Times New
Roman.
Ikalawang Hakbang: Paunang Screening
Magsasagawa ang Pamatnugutan ng paunang screening upang matiyak na sumusunod ang
lahok sa mga pangunahing rekisito ng pagsusumite. Susuriin kung ang akda ay:
- kabilang sa mga uri ng akdang tinatanggap ng Luntian;
- sumusunod sa itinakdang bilang, haba, at format;
- hindi pa nailalathala at hindi kasalukuyang isinumite sa ibang publikasyon o panawagan;
at - sumusunod sa patakaran ng Luntian hinggil sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI).
Ang mga akdang hindi nakatutugon sa mga pangunahing rekisito ay maaaring tanggihan nang
hindi na isinasailalim sa susunod na yugto ng pagsusuri.
Ikatlong Hakbang: Desk Review
Ang mga akdang makapapasa sa desk review lamang ang itatalaga sa mga rebyuwer. Ang mga
hindi makapapasa ay maaaring tanggihan sa yugtong ito at ipaaalam sa awtor ang naging
desisyong editoryal.
Ikaapat na Hakbang: Anonymization at Pagtatalaga sa mga Rebyuwer
Ang mga akdang makapapasa sa desk review ay ihahanda para sa blind review o refereeing.
Aalisin sa manuskrito ang pangalan, institusyonal na afiliyasyon, at iba pang impormasyong
maaaring maglantad sa pagkakakilanlan ng awtor. Pagkatapos nito, itatalaga ang akda sa mga
rebyuwer na may angkop na kaalaman o karanasan sa genre o anyo ng akdang sinusuri. Ang
sinumang rebyuwer na may personal, propesyonal, akademiko, o iba pang ugnayang maaaring
makaapekto sa pagiging patas ng pagsusuri ay kinakailangang ipaalam ito sa Pamatnugutan at
tumanggi sa pagrebyu ng akda.
Ikalimang Hakbang: Review o Refereeing
Susuriin ang bawat akda batay sa sumusunod na pamantayan:
Wika
Sinusuri ang bisa, kaangkupan, at malikhaing paggamit ng wika, kabilang ang estilo, tinig, at
pagpili ng mga salita.
Disenyo ng Akda / Estruktura
Sinusuri ang organisasyon, daloy, at pagkakaugnay ng mga bahagi ng akda at ang ambag
estruktura sa kabuuang bisa nito.
Kalinawan
Sinusuri ang bisa ng paghahatid ng ideya, karanasan, o imahen ng akda nang hindi nililimitahan
ang malikhaing paggamit ng ambigwidad at eksperimentasyon.
Kasiningan
Sinusuri ang artistiko at malikhaing bisa ng akda, kabilang ang orihinalidad, imahinasyon, lalim,
at pangkalahatang estetika nito.
Pagkatapos masala ang mga akda batay sa sumusunod na pamantayan, magbibigay ang
rebyuwer ng isa sa sumusunod na rekomendasyon:
● Tanggap: Inirerekomenda ang akda para sa publikasyon, maliban sa karaniwang
copyediting at proofreading.
● Tanggihan: Hindi inirerekomenda ang akda para sa publikasyon.
Ikaanim na Hakbang: Pagpapadala ng Resulta sa mga Kontribyutor
Padadalhan ng pamatnugutan ng liham ang lahat ng kontribyutor para sa kanilang mga
natanggap at hindi pinalad na mga akda.
Proseso ng Pag-eedit at Publikasyon
Ang mga tinanggap na akda ay sasailalim sa kinakailangang editing, copyediting, at
proofreading bago ang publikasyon. Sisiguruhin ng Pamatnugutan na mapananatili sa proseso
ng pag-e-edit ang tinig, estilo, at malikhaing intensiyon ng awtor. Ang anumang substantibong
pagbabago sa nilalaman o anyo ng akda ay kinakailangang isangguni sa awtor. Pagkatapos ng
pag-e-edit, ihahanda ang akda para sa online publication at isasailalim sa final proofreading at
quality checking. Kapag nakumpleto at naaprubahan ang final version, ilalathala ang akda
bilang bahagi ng kaukulang isyu ng Luntian sa website nito.
Kumpidensiyalidad at Integridad ng Proseso
Ang lahat ng manuskrito, resulta ng refereeing, at komunikasyon kaugnay ng pagsusuri ay
mananatiling kumpidensiyal. Hindi maaaring gamitin, ipamahagi, sipiin, o talakayin ng mga
rebyuwer ang hindi pa nailalathalang akda sa labas ng proseso ng refereeing. Kung
matuklasang ang isang akda ay dati nang nailathala, sabay na isinumite sa ibang publikasyon,
o lumabag sa iba pang patakaran ng Luntian, may karapatan ang Pamatnugutan na ihinto ang
pagsusuri o bawiin ang pagtanggap sa akda.
