Ang Papel ng Papel

Kamakailan, may nagpadala ng mensahe sa email ng TOMÁS, ang opisyal na refereed journal ng Center for Creative Writing and Literary Studies ng Unibersidad ng Santo Tomas. Sa sulat, hiniling ng isang maliit na kompanya kung may mga kopya kami ng research journal at iba pang publikasyon na maaaring ipagbili sa kanila. Bilang Managing Editor ng nasabing dyornal, sinagot ko ang liham. Inilapag ko ang URL ng archive ng mga nakaraang isyu ng TOMÁS.

Mainam na may mga repositoryo online ang mga akademiko at pampanitikang dyornal sa bansa, gaya ng Luntian: Online Journal para sa Malikhaing Akda. Mas madaling magkakaroon ng akses ang mga mananaliksik, malikhaing manunulat, at iba pang interesado kahit na nasa kung saang panig pa sila ng kapuluan, o, sabihin pa, ng daigdig. Maaakses nila ang mga datos ano mang oras nila gustuhin, o saan mang kombinyenteng lugar sila naroon. Ganito ang pinapanindigan ng Luntian, lalo pa’t maaakses ninyo kami online nang libre.

Ang mga limbag sa papel ay maaaring masama sa mga biktima ng baha—dala ng habagat, bagyo, at flood control scandal. Maaaring malubog sa baha, magkalasog-lasog, at amagin. O kaya naman, maaaring madamay sa sunog. Sinadya man o hindi. (Maaalala ang tila sinadyang pagkakaabo o pagkalusaw ng mga posibleng ebidensiya ng korupsiyon sa ilang gusali ng gobyerno.)

Bago sakupin ng mga Espanyol ang ating kapuluan, ang mga sinaunang Pilipino ay nagsulat sa mga dahon, balat ng puno at prutas, at kawayan. Ang mga materyal na ito ay naging mainit sa mga mata ng mga kolonisador na Espanyol, at kanilang pinawasak at pinasunog, kasabay ng pagmamarka sa ating mga katutubong gawi at kaugalian na galing sa diyablo.

Sayang, wala tayong nag-survive na materyal, gaya nung tinuhog-tuhog na palm leaves na pinagsulatan ng Mahābhārata. Ang mayroon tayo ay Batong Monreal na may ukit na baybayin, Binatbat na Tanso ng Laguna, at Palayok Calatagan. Itong huli ay may mga ukit na tsina-chant sa sinaunang ritwal, ayon sa mga iskolar. Hanggang ngayon, inuukit pa rin ng mga Mangyan kanilang mga ambahan sa mga piraso ng kawayan, na ang ilan ay ginagamit nilang parang sling bag.

Kung tutuusin, hindi rin kinailangang iukit ang mga panitikang-bayan ng mga sinaunang Pilipino. Ipinapasa-pasa nila ang kanilang mga katutubong tula, kuwentong-bayan, epikong-bayan, at iba pa sa pamamagitan ng dila (panitikang oral). Ultimo Florante at Laura ni Francisco Balagtas, saulado at kino-quote noon nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini, at iba pa.

Isang prayleng Dominiko, na tinulungan ng isang may palimbagang negosyanteng Tsino, ang nagdala ng printing press sa kapuluan. Nang una, eksklusibo ang sistemang ito sa mga relihiyosong orden, hanggang sa maging komersiyalisado, kaya nakapag-mass produce ng mga aklat. Nalimbag ang mga aklat ng tula at nobela, so on and so forth.

Ngayon, halos lahat ng mga publikasyon at timpalak ay humihiling nang ipadala sa email o sa Google Form ang mga manuskritong lahok. Naabutan ko pa ang sistemang de-papel sa Liwayway magasin noong nasa hayskul ako. Makinilyado sa short coupon bond ang manuskrito. Ipapasok mo sa legal-size white envelope. Sa loob, isasama mo ang isang self-addressed stamped envelope (SASE), na sa kaso ko ay sinulatan ko ng pangalan at address ko at dinikitan ng selyong katumbas ng halaga ng pagpapadala sa koreo. Kapag niligwak ng editor ang manuskrito mo, ipapasok niya ito sa SASE para bumalik sa iyo (na madalas may mga correction note na niya). Naitago ko pa ang mga SASE na may lamang rejected manuscripts ko. Ngayon kasi, komo sa email na lang nagpapadala, minsan, hindi ka rereplayan kung natanggap nga ba o hindi ang akda mo. O kaya, magugulat ka na lang na send to all. Kaya parang inanunsiyo ng umalohokan sa madlang pipol ang trahedyang sinapit ng manuskrito mo.

Marami nang printed material, gaya ng mga news magazine at broadsheet ang matagal nang tumiklop. Lumipat na sila sa kani-kanilang websayt, social media platform, at app. Ang mga malikhaing manunulat nama’y hindi na nagsusulat-kamay o nagmamakinilya. Deretso na sa paglikha, gamit ang kani-kanilang computer at gadget. Yuppie na ngayon ang mula sa henerasyon ng mga hayskul noon na nagsusulat ng Wattpad story sa kani-kanilang cellphone. Minsan, sa food court ng mall, dahil tumakas sila sa klase, o nakahiga sila sa couch sa kani-kanilang sala.

Sa panahon ng Digital Humanities, kaliwa’t kanang artifact ang pinoproseso ng digital archiving. Sa pamamagitan nito, umaasang mas mapapatagal ang buhay ng mga dokumento. Gayunman, pinapasok na rin ito ng AI. At kapag pumasok ang AI, nangangailangan ito ng data centers. At kapag nangailangang magtayo ng data centers, nanganganib ang lupang ninuno ng mga mamamayan. Nanganganib na maubos ang malinis na tubig. At, oo, hindi lahat ng papel ay nalulusaw, lalo na iyong mga nasa landfill. Aanurin sila ng baha papunta sa mga anyong tubig, hanggang sa makarating sa tiyan ng mga hayop, hanggang sa makarating sa tiyan nating lahat.

One response to “G. Mark Anthony Angeles”

Leave a Reply

Tungkol sa Luntian Journal

Tuloy po kayo sa Luntian Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (inilalathala ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino/PSLLF).

Basahin ang latest na isyu.

Latest posts