
Hinggil sa Ispesyal na Isyu sa Pakikipagtulungan ng University of Hawaiʻi at Mānoa
Ang ispesyal na isyung ito ay isinabalikat sa pakikipagtulungan ng mga guro at estudyante ng University of Hawaiʻi at Mānoa. Mahalagang marinig ang tinig ng ating mga kababayan sa diaspora. Sakada ang unang batch ng mga manggagawang Pilipino sa Hawaii noong 1900s: ang henerasyon ng mga “manong.” Lagi nating tinatanaw at pinahahalagahan ang kanilang sakripisyo. Kung hindi dahil sa kanilang sigasig sa pakikipagsapalaran ay baka hindi gaanong nabuksan ang pintuan ng mga pangarap at oportunidad para sa mas maraming Pilipino. Malayo-layo na ang narating ng mga kababayan sa Hawaii dahil mahigit 20% ng populasyon ng Hawaii ngayon ang Pilipino o may dugong Pilipino, at nasa iba’t ibang trabaho at propesyon na nag-aambag sa pag-unlad ng Hawaii at ng Pilipinas din (sa pamamagitan ng remittances).
Malayo man ay malapit pa rin, ‘ika nga. Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga nasa diaspora sa mga nasa Pilipinas. Ang ating mga tinig ay likas na madaling makakapagsama-sama sa tulong ng teknolohiya. Halimbawa, ang ispesyal na isyung ito ay naisagawa sa kolaborasyong online. Inaalingawngaw sa mga akda ng mga guro at estudyante ng UH at Mānoa ang karanasan ng mga kababayan natin sa ibang bansa na nananatiling may mahigpit at malalim na koneksyon sa ating inang bayan. Naaalala ko sa kanilang mga akda at danas ang awiting “Bagong Hinirang” ni Joey Ayala. Sa daigdig nating walang hanggahan ang kapital at mga bilyonaryo at habang tila nagsasara naman ang mga daanan para sa mga migrante at refugee bunsod ng krisis na kagagawan din ng mga gobyernong pinatatakbo ng mga bilyonaryo sukdulang mas lumalakas ang mga maingay na tinig ng rasismo at sobinismo, lalo ring dapat palakasin ang boses ng pagkakaisa, pagkakapatiran, at pagkakaunawaan.

Leave a Reply