
(ang likhang sining ay kay Von Dickens Ulsa at pinamagatang, “Pegges”)
Cherry Blossom Eskapo
Emman Mante
Oras at Lugar: 3 ng umaga, Japan sa kasalukuyan
Mga Karakter:
SARAH – morena, maganda ang hubog ng katawan, may angking alindog, maaaring may kulay ang buhok; biktima ng human trafficking, early 20’s
ANDREW – gwapo pero rugged at mala-rakista ang itsura at pananamit; katamtaman ang pangangatawan; mid to late-20’s
Sa pagbukas ng ilaw, may makikitang kama sa stage left at may gitara sa bandang paanan ng kama.
May isang munting sofa na may nagkalat na damit at mga gamit na nakapatong dito. On the side of the sofa is a small table where we can see a pot of a synthetic cherry blossom.
May kadiliman ang kwarto.
Nasa kama nakahilata si Andrew, gising at mulat ang diwa, nang bigla-biglang may kumakatok sa pinto; Tatlong paulit-ulit. Hindi papansinin ni Andrew. Kakatok muli ng tatlong ulit. Tatayo ang binate tungo sa pintuan ng biglang kumatok muli ng higit sa tatlo. Mabilis at paulit-ulit. Tila may pagtatakha, hihinto si Andrew sa tapat ng pinto.
ANDREW
Who’s there?
SARAH
Si Sarah to, yung sa club. Pakibukas.
ANDREW
Di ba ikaw yung bagong recruit?
SARAH
OO! Please, paki bukas!
Madaling magtutungo si Andrew sa isang maliit na cabinet sa gilid ng kanyang kama. Maghahalungkat ito. Hindi tanaw ng manonood kung ano ang inuusisa ng binata. Mabilis ngunit marahan ang kanyang kilos. May makukuhang parisukat na bagay na nasa loob ng brown envelop ang binata. Agaran niyang isusukbit sa likurang bulsa ng pantalon at saka tutungo sa pintuan upang pagbuksan si Sarah.
Bubuksan ni Andrew ang pinto. Paspasang pumasok sa loob ng kwarto si Sarah at sinara ng mabilisan ang pinto. May dala siyang bagahe na de-stroller. Bakas sa kanyang mukha ang magkahalong pagod at takot. Gulo-gulo ang kanyang buhok at may kaunting pawis sa mukha. Titingin siya sa bintana sa may upstage, kung meron man, na tila may hinahanap at inaabangan.
SARAH
…’Pag may naghanap sa’kin, pls sabihin mo wala ako dito.
ANDREW
Anong nangyari sa’yo?
SARAH
(habang hinahabol ang hininga)
Nakatulog ako ng sandali sa bench sa subway, sa Metro Tokyo station. Napansin ko may sumusunod sakin.
ANDREW
Buong gabi kang natulog dun? Sino yung mga taong yun? Look, hindi pa kita gaano kilala. Siguro yung mga tao sa club ang sumusunod sayo. Teka, pano mo ba nahanap itong flat ko?
SARAH
Sarah pala.
(iaabot ang kamay upang makipagkamay)
Andrew, di ba?
Yung isang kasama ko. Sabi niya mapapagkatiwalaan ka daw.
ANDREW
Sino?
SARAH
Si Stella.
ANDREW
Ah . . . Si Stella.
SARAH
Natatandaan mo?
ANDREW
Ako yung nagchecheck palagi sa kanya nung nandito siya sa Japan. Nagkasakit siya noon. Nabigla sa lamig ng panahon–
SARAH
Ok pero hindi yan ang pinunta ko dito. Makinig ka. Kailangan ko ng tulong mo. Please, tulungan mo akong makabalik sa Maynila.
Hindi iimik si Andrew
O, patuluyin mo muna ako.
Hindi pa rin iimik si Andrew.
O, painumin?
Wala pa rin iimik si Andrew.
Mapapansin ni Sarah ang gitara malapit sa paanan ng kama.
Musikero ka, di ba? Sabi ng nagrecruit sakin sa Maynila, magiging singer daw ako ng isang banda. Dito sa Japan. Pangarap ko kasi maging singer. Tapos Malaki pa ang kikitain pag dito. Kaya naniwala ako. Pero ang gaga, nahulog sa patalim kaya heto’t nag tatakas. Ikaw ba? Please, naman Andrew. Tulungan mo ko, please. Gusto ko nang bumalik sa Pilipinas…
ANDREW
Ano nga ulit pangalan mo?
SARAH
Sarah
ANDREW
Oo nga pala. Sarah… Parang mali pinuntahan mo.
SARAH
Anong ibig mong sabihin?
ANDREW
I don’t think I can help you.
SARAH
Bakit?! Andrew, pang-ilan ka nang pinuntahan ko. Diyos ko, nakikiusap ako, maawa ka…
ANDREW
Ano bang gusto mong mangyari?
SARAH
Patuluyin mo muna ako dito ng mga ilang araw. Wag ka mag alala. Di ako magiging perwisyo.
ANDREW
Mahirap yang gusto mong mangyari. May trabaho din ako sa club.
SARAH
Sige lang, pumasok ka lang ako na bahala sa sarili ko dito. Wala ka namang kasama dito sa bahay, di ba? Sige na. Dito na muna ako magtatago. Pero please wag na wag kang mag susumbong sa kanila. Dito na muna ako.
ANDREW
Hindi pwede.
SARAH
Edi… samahan mo na lang ako magsumbong sa embassy ngayon.
ANDREW
Mas lalong hindi.
SARAH
Bakit?
ANDREW
Sarah, kapatid ko ang manager doon.
SARAH
Si Luke?
ANDREW
Si Luke.
SARAH
Sige. Di bale na.
ANDREW
Teka! Teka! Saan ka pupunta?
SARAH
Kahit saan na malayo dito.
ANDREW
Calm down, it’s okay…Hindi ako masamang tao.
SARAH
Pero kapatid mo si Luke!
ANDREW
Oo alam ko.
SARAH
At ayaw mo kong patuluyin dito.
ANDREW
Pinag…iisipan ko pa.
SARAH
AYOKO NA PALA.
ANDREW
Tsaka wala naman akong sinabing isusumbong kita.
SARAH
Masama ang kapatid mo. Kaya masama ka rin. Hindi ko alam saan magsisimula sa lahat ng kahayupang balak niyang gawin at ipagawa sakin. Niloko niya ako. Sabi niya bibigyan niya ako ng matinong trabaho…
ANDREW
Iba ako kay Kuya. Mapagkakatiwalaan mo ako.
SARAH
Tiwala. Napakadaling sabihin yan. Alam mo, marami na akong taong nilapitan para hingan ng tulong. At anong ginawa nila? Nagtawanan, yung iba balak pa akong pagsamantalahan. Yung huli kong nilapitan, tumawag kay Luke at nagsumbong.
Mapapa-iling ng bahagya si ANDREW sa huling linya ni SARAH
Kaya hindi na ako basta-basta nagtitiwala ngayon. Wala lang talaga akong ibang malapitan na kaya andito ako. Ikaw ang huling tao sa listahan ko.
ANDREW
Di ba si Stella ang nagsabi sayo na ako ang lapitan mo? Pinatira ko siya dito nung nagkasakit siya. Ako pa nga ang nagpatakas sa kanya kahit nagka-away kami ni Kuya. Hindi ba nakwento sayo ni Stella yun?
SARAH
Hindi.
ANDREW
Tinulungan ko siya, pero hindi gaya ng tulong na hinihingi mo.
Tahimik at naninimbang na tingin ang ibabato ni Sarah.
Sige na, maupo ka muna at magpahinga. Alam kong pagod na pagod ka. Hindi ka dito pupuntahan ni kuya.
SARAH
So, payag ka na?
ANDREW
Ngayong araw lang. Dumito ka muna.
Mapanuri ang kanilang tingin sa isa’t isa. Malalim na nag-iisip si sarah saka ito tatango.
SARAH
Andrew, may tubig ka? Pwedeng maki-inom?
ANDREW
Tatanungin pa nga lang kita kung gusto mo talaga makiinom, e.
Sige sandali lang, ikukuha kita.
Lalabas si ANDREW sa backstage, sa labas ng eksena, at kukuha ng isang basong tubig.
Pagkalabas na pagkalabas ni ANDREW, magmamadaling maghahalungkat at maghahanap si SARAH sa mga gamit ni ANDREW; hahanapin niya ang nawawala niyang passport.
ANDREW
Anong ginagawa mo?
SARAH
Ang ganda pala ng apartment mo, ano? Ang laki. Ikaw lang nakatira dito?
ANDREW
OO. Uhmmm… may sashimi at tofu. Baka nagugutom ka…
SARAH
Thank you na lang. Hindi ko tipo yang mga pagkaing yan.
ANDREW
Sige na. Kumain ka na. Kung di mo gusto, lunukin mo lang ng diretso. Importante may laman ang tiyan mo.
SARAH
May baon pa naman akong biscuit.
ANDREW
Pwede mong ikwento sakin anong nangyari sayo?
SARAH
Para saan pa?
ANDREW
Buong araw tayong magsasama. Pinatuloy kita dito. Di ba dapat lang kilala ko kung sinong pinapapasok ko sa bahay ko.
SARAH
Wag na.
ADREW
Dali na. baka mag bago isip ko at samahan kita mag sumbong.
SARAH
Talaga ba?
ANDREW
Biro lang. Syempre di ko gagawin yon. Kapatid ko si Luke. Pero paano nga?
SARAH
Tumakas ako sa club ng kuya mo 2 days ago. May kasama pa akong dalawa na na-recruit din kasabay ko. Naligaw-ligaw pa kami sa kahahanap sa police station. Kaso bago pa kami makarating dun, naunahan kami ng mga tao ni Luke. Inaabangan na kami bago pa makapagsumbong. Tapos nakita nila kami. Sa pagkataranta namin, nagkahiwa-hiwalay kami habang tumatakbo palayo. Dapat pupunta na kami ng Embassy kaso napalayo na ako sa kakatakbo. Umabot sa puntong pati train station natulugan ko na. Sa puntong yun hindi na ako nahanap ng mga lalaking humahabol samin.
Kaso…nagkahiwa-hiwalay na kami ng mga kasama ko. Buti na lang
Naalala ko yung sinabi ni Stella na kapag nangailangan ako, pwede kitang puntahan. Binigay niya ang address mo.
(may iaabot na isang pirasong papel si SARAH kay ANDREW)
ANDREW
Naintindihan ko na. Eh…paano ka ba nakapunta dito sa Japan?
Maghihikab si Sarah.
SARAH
Andrew, bigla ata akong inantok. Napagod ata ako sa tinakbo ko buong gabi. Ayos lang ba kung magpahinga na muna ako?
ANDREW
Oo! Oo! Naman. Syempre. Oo ng apala. Alas tres pa lang ng umaga. Wala ka pang tulog. Dito ka na muna mahiga, doon na ako sa sofa.
Marahang lalamya ang ilaw ng tanghalan. Mababalot ng katahimikan. Maya maya’y maririnig ang tunog ng gitara mula kay Andrew. Mapapatingin si Sarah.
Pasensya na. Di na ata ako makakatulog.
SARAH
Ayos lang. Ang ganda ng musika, ano? Pangarap ko maging singer. Kaya nga ako napunta dito sa Japan, e.
ANDREW
Talaga? Paano?
SARAH
Saleslady ako sa SM sa pinas. Isang araw yung katarabaho ko tinanong ako kung gusto ko daw ba kumita ng malaki. Di naman talaga kami mahirap sa probinsya. Katamtaman lang. Malas lang kasi nagkasakit yung lola ko at kailangan namin ng malaking pera para maoperahan siya. Wala na kong mga magulang. Lola ko na lang ang kasama ko sa buhay. Kaya ayon. Inintroduce sa isang recruitment agency tas nag-arrange ng band rehearsal yung kasama ko. Mga isang buwan kami nagrehearsal. Lima kami. Ako vocalist. Ang manager ng banda naming ang nag-asikaso ng passport, visa, and tickets.
Nung palipad na kami, nagtataka ko bakit nasa domestic area yung meeting place namin e international naman yung flight. Dun ko naramdaman na may hindi tama. 11pm pa yung flight pero alas kwatro yung calltime namin. Yun pala, itinago kami.
Nung dumating kami dito sa Japan, pinalusot agad kami ng immigration. Sakay agad ng van. Tatlong araw pa kaming tumira sa isang bahay na may studio at doon kami nagrerehearse. Dun nagpakilala na si Luke. Nilinlang lang kami. Pinaasa hanggang malaman kong sa club pala kami magtatrabaho bilang GRO.
ANDREW
Pero paano mo nakuhang tumakas mula sa club?
SARAH
May Dutchman na customer doon sa club. Sinabi ko sa kanya yung sitwasyon ko pati nung dalawa kong kasamang recruit. Pinangako niyang tutulungan niya akong lumapit sa Embassy. Sikreto nyang binigay sakin yung susi ng kwarto nya sa hotel dahil doon daw sya maghihintay samin.
Sabi niya may driver daw na maghihintay samin sa likod ng bar. Pero pagdating namin ng dalawang kasama ko sa kwarto niya, binigyan niya kami ng kondisyon. Makipagsex daw kami sa kanya kung hindi, tatawag siya sa club at isusumbong kami. Ang tanga ko at naniwala agad ako! Yung isang kasama ko, pinahiga niya, pinunit ang damit, at inumpisahan niyang halayin. Sumigaw yung kasama ko ng “tulong! Tulong! Maawa ka! Huwag!”
Tinulak ko yung matanda at nahulog siya sa kama. Buti nga! Yung mukha niya tumama sa sahig. Ayan, di agad nakabangon. Kaya tumakbo kami papunta sa police station.
ANDREW
Wag kang magtiwala sa kahit na sinong nasa club. Mahirap na.
SARAH
Oo wag talagang magtiwala sa kahit na sino. Period.
ANDREW
Mabuti at nakatakas ka sa humahabol sayo.
SARAH
Muntik nang hindi. Pero sinalba ako ng pangarap ko. Oo! Nakakatawa. Alam mo ba pangarap kong makapunta dito noong bata ako. Pangarap ko kasi makakita ng Cherry Blossom. Ewan ko ba, pero gandang-ganda ako sa bulaklak na yon. Minsanan lang pala sila namumukadkad sa isang taon, ano? Kaya talagang inaabangan. Alam mo, namumukadkad na sila ngayong buwan? OO! Nakita ko habang humahangos ako papalayo sa mga nag hahabol. Hingal na hingal ako, hindi ko na alam saan tatakbo. Saan susuot. naghahabol ako ng hininga at nandidilim na ang paninigin ko. Noong akala ko tutumba na ako napatingala ako. Nakita ko sila. Namukadkad na. Nasa mga puno at sumasayaw sa ihip ng hangin. Ang iba’y bumibitaw at marahang bumabagsak sa lupa—na tila ba lumalaya. At naroon sila nakakalat sa tinatakbuhan ko. Ang ganda-ganda. Ang ganda-ganda. Sinundan ko lang kung saan sila nag babagsakan at hindi ko namalayan na nakalayo na ako.
Mapupuno ng katahimikan ang silid. Ngingiti si Andrew, gayon din si Sarah.
Matulog na tayo, Andrew.
Pipikit si Andrew. Makalipas ng ilang minuto, marahang tatayo si Sarah. Ipagpapatuloy nito ang naunsiyaming plano. Tahimik itong maghahalungkat sa buong apartment ni Andrew. Magagawi ito sa isang cabinet na pinagpapatungan ng synthetic na cherry blossom. Mapapangiti ito. Hahawakan. Magbabago ang ilaw ng tanghalan, uulan ng mga bulaklak. May makikitang passport si Sarah. Sabik nitong kukuhain.
Tutunog ang cellphone ni Andrew. Magigising ito.
ANDREW
Anong ginagawa mo?
SARAH
Aalis na ako, Andrew.
ANDREW
Bakit? Masyadong maaga.
SARAH
Hindi na. Nakakaabala na ako sayo.
ANDREW
Hindi, sandali.
Hahangos si Sarah sa pinto.
Sasamahan kita sa Embassy.
Mapapahinto si Sarah.
Gusto kitang samahan sa embassy at magsusumbong tayo.
SARAH
Totoo?
ANDREW
Hindi. Hindi ko alam. Hindi pwede. Pero oo.
Aalis si Sarah.
Teka. Niloko rin kasi ako ni Kuya. Niloko niya rin ako kaya ako napunta dito sa Japan.
Kailangan na kailangan ko kasi ng pera. Kaya humingi ako ng tulong sa Kuya ko. Sabi niya tutugtog lang daw ako sa isang banda. Sakto, may banda ako. Pero, nang umabot ako sa Japan, naging driver ako para sa mga VIP nilang kliyente sa club. Yung mga nagpapasundo para di nila gamitin ang sarili nilang kotse dahil ayaw nilang mahuli sila ng pamilya nila. Taga-sundo rin ako ng ilang mga recruit.
Music talaga ang passion ko, dun umiikot ang buhay ko nung nasa Pilipinas ako,
Pero walang kinikita at palaging gutom. Ngayong nandito ako, heto kumikita nga, pero inuutus-utusan lang na parang alila. Walang kalayaan. Kung tutuosin parehas lang naman sa Pilipinas, pero atleast dito may pera. Wala na akong choice. Sinabi ko sa sarili ko magtratrbaho ako sa Japan para kay Kuya para makapag-ipon, mahirap talaga, pero wala namang madaling pera.
SARAH
Sorry. Hindi ko alam ganyan pala ang pinagdadaanan mo. Pareho lang pala tayo na may mabigat na pasanin. Pero paano mo nasisikmura ang sitwasyon mo?
ANDREW
Puta… Anong nasikmura?
SARAH
Nagkakapera ka dahil sa panloloko mo sa mga babae. Nasaan ang konsensya mo?
ANDREW
Konsensya? Hoy! wala akong niloloko. Hindi ako ang nagrecruit sa inyo.
SARAH
Pero kasali ka sa operasyon.
ANDREW
Totoo, pero wala akong niloko.
SARAH
Anong kaibahan noon?!
ANDREW
Malaki.
SARAH
Kahit sabihin mong hindi ka nanloko, pero nandun ka pa rin. Kasali sa pagbenta ng katawan at kaluluwa ng mga inosenteng babaeng kagaya ko.
ANDREW
Inosente? Teka… Puta ikaw ang pumunta dito! Humihingi ka nang tulong? Bakit kita tutulungan?
Ginagawa ko lang ang trabaho. Kung magparatang ka kala mo parang pinanganak ka kahapon. Malamang sa hindi, alam mo na kung ano ang totoong patakaran ng mundo.
Anything goes, madaming mga nagpapakaself-righteous, human rights, na-ooffend! katarantaduhan! Pang mayaman lang yon! Hindi tayo pwede mamili at maarte. Kawawa ang hindi marunong mag tiis. Simple lang naman Sarah. May mas mahirap at karumaldumal na sitwasyon kaysa sayo. Tang ina, Buti ka pa nga may pagkakakitaan.
SARAH
Hindi ako pokpok. Hindi ko ginusto itong nangyari sa’kin. Kaya aalis na ako habang may natitira pa akong dangal!
ANDREW
Dangal!?
Walang patutunguhan ang pagtatalong to. At hindi ko rin pinili to, pero paninindigan ko kasi mas wala akong ka hahantungan sa Pilipinas.
SARAH
Kaya nga aalis na ako. Hayaan mo na ako!
ANDREW
Hindi kita pwedeng paalisin.
SARAH
Bakit?!Tinawagan mo ba si Luke?
ANDREW
Wag ka nang manlaban kasi wala naman na talagang mangyayari. Eto na ang mundong ito, kaya pasensya na, hindi ka na pwedeng umalis. At tsaka… mali ang passport na nasa’yo. Sa akin yan.
(Mapapatigil si SARAH sa pagkagulat, tila nawalan ng dugo sa kanyang mukha, sabay kukunin niya ang natagong passport at makikitang ito pala ay kay ANDREW.)
SARAH
Nasaan ang passport ko?! Ibigay mo sa akin please.
ANDREW
Ewan ko. Hindi ko alam.
SARAH
Sinungaling ka! Nasaan na, ibigay mo na sa’kin!
ANDREW
Sinabi ko na ngang hindi ko alam.
SARAH
Alam kong nagsisinungaling ka nung umpisa pa lang. Sinabi mong inalagaan mo si Stella nung may sakit siya? Wala siyang sinabing kahit ano tungkol dun o sa kung ano mang pagpapakita mo ng kabutihan sa kanya. Ang kinuwento niya sakin, kapag may magbabalak tumakas mula sa club, kukunin ni Luke ng sapilitan ang mga passport nila at ibibigay sa’yo para itago. Ano?!
May nalalaman ka pang “pagkatiwalaan mo ako” Kung inaakala mong ganon ako katanga tulad ng iba diyan, puwes ibahin mo ko. Amoy na amoy ko ang baho ng mga tulad mo! Gago! PAREHO KAYONG DEMONYO NG KUYA MO!!!
ANDREW
Tang ina, eh pwedeng pwede ka naman ibenta ni kuya sa yakuza! Tatangalan ka nila ng dila at hihiwain nila ang mga singit-singit mo para hindi kana makatayo.
Hindi ka makakagalaw at gagawin kang laruan at pag laspag ka na, bebenta nila ang mga laman loob mo. Dapat hindi ka na nangarap, wala kang sikmura para sa realidad ng katotohanan. BOBO!
Alam naman natin hindi madali buhay, diba? Kailangan ng lahat ng pera at pera ang basehan ng lahat.
Ang magagawa ko lang ay itaguyod ang sarili ko. Panagutan ang sarili kong buhay, at sa paraan na yun ako makakaiwas makaperwisyo.
Magandang buhay? Ang sarap isipin. May sariling bahay, matiwasay at kontentong.
Hindi yung ganito! Sarah nandito ako hindi dahil gusto ko ang ginagawa ko, pero dahil kailangan.
SARAH
Sakim ka… Sarili mo lang talaga ang iniisip mo. At gusto mong umasenso habang kami pinapahirapan. Akala mo ba makakaalis ka pa dito? Hindi ka na papakawalan ng kuya mo. Malaki ang pakinabang mo sa kanya kaya ‘wag ka nang umasang makakabalik pa sa Pilipinas.
ANDREW
Tumigil ka na! Wala na tayong kawala sa mundong pinasukan natin. Tiisin mo na lang at isipin mo na lang na may magandang kahahantungan ang lahat ng ito. Kapag dumating na si Kuya Luke, sumama ka ng maayos para hindi ka na masaktan!
SARAH
Hinding-hindi ako sasama sa kanya!
Para malaman mo, kinontak ko ang Embassy kanina habang kumuha ka ng tubig. Papunta na rin sila dito. Pare-pareho kayong mabubulok sa kulungan!
Luluwag ang pagkakagapos ni Andrew kay Sarah. Marahan itong mag lalakad-lakad sa buong apartment tila nag-iisip bago tumungo sa pintuan. Ikakandado niya ito at haharangan. Haharap kay Sarah.
ANDREW
Tingin mo ba bago sa akin ang ganitong sitwasyon, Sarah? Tingin mo ba ikaw ang kauna-unahang babaeng tumungo ditto para manghingi ng tulong? Hindi. Dating gawi na lang ito. May tatakas, may tatakbo rito, manghihingi ng tulong tapos hahanapin ang passport.
Susunggaban ni Sarah si Andrew. Dedepensahan ni Andrew ang sarili. Maitutulak niya si Sarah sa kama. Maaabot ni Sarah ang gitara at akmang ihahampas sa binate. Maaagaw ni Andrew ito. Magpapatuloy si Sarah sa pag atake kay Andrew. Pipigilan siya nito at pilit na patatahimikin.
SARAH
Maawa ka sakin please, hindi ko kakayanin na magtrabaho pa dun. Mamamatay ako. Yung anak ko. Magulang ka rin. Nakikita ko sa mata mo na hindi ka masamang tao. Ikaw na lang huling pag-asa ko Andrew…

Leave a Reply