
(ang likhang sining ay kay Von Dickens Ulsa at pinamagatang, “Ambatali”)
Limang Tulang Panalangin
Ruth Elynia Mabanglo
Tulang Panalangin #1
Amang Banal,
Pagpapala Ninyo’y
Lumalaganap
Tulad ng Inyong paglingap,
Wala pinipili’t walang
Pasubali,
Lahat ay tatanggap.
Maaaring maaga ang dating, kung minsan
At paminsan din nama’y
maaaring mabalam.
Gayunma’y wala Kayong
Diskriminasyon,
Walang pasyang
May maiiwan o di
Pagkakalooban.
Labis kaming
Nagpapasalamat, Gawad Ninyo’y walang
Labis o kulang,
Sapat lamang sa bawat
Pangangailangan.
Maaaring nalingat
Ang ibang tumanggap
At di nagpasalamat
Gayunma’y nagtamasa’t
Umunlad;
Mayroon namang
Nag-alinlangan o
Binale-wala
Ang pagpapala.
Dadalhin nila iyo’t
Sa kalauna’y
Gugunitain,
Walang kasiyaha’t
Pagdaramdam,
Walang pasalamat
Kahit inuuntag
Ng katwiran.
Ama, ang biyaya
Ninyo’y Hangin, ulan, araw,
Buwan at bituin
Sa gabing madilim.
Saan pa namin
Mahahanap Diyos
Na nagpapalis
Ng panimdim,
Dito lamang sa lupa
Lagi naming kapiling.
Kayo ang biyayang
Walang pagkaubos,
Bago nang bago,
Lubos na lubos.
Humahaing walang likat,
Hiningi ma’t hindi,
Pag-ibig anumang oras
Mithi naming natutupad.
Salamat po
Sa Inyong mataos
Na paglingap,
Kayo ang banal
Na biyayang
Sa buhay nami’y
Nagpapagaang,
Sa puso nami’y
Nakatahan,
Ngayon at magpakailanman.
Amen.
Tulang Panalangin #2
Sumukob tayo sa langit
At walang hanggang
Pagpapala’y ating makamit,
Tinanggap din natin
Ang Ibayong paglingap
Mula sa Diyos na ating
Iniibig.
Salamat po,
Aming Amang
Nasa langit,
Magpapalang malabis
Sa ating lahat
Na nananalig;
Salamat po sa pag-ibig
Na Laging iginagawad,
Iniaahon kami
Sa marawal na kalagayan,
Isinasandig kami
Sa katotohanan,
Inilalayo sa kasalanan.
Salamat po, aming Ama,
Iniaangat Ninyo
Ang aming kalagayan
Hanggang maabot namin
Ang Inyong sinapupunan.
Iyon ang aming wastong
Kanlungan;
Iyon ang aming paraisong
Tinalikdan.
Makababalik pa kaya
Kami?
Tatanggapin pa kaya kami
Ng Panginoong iniwan?
Oo naman.
Sapagkat wagas
Ang Kanyang pagmamahal,
Taimtim ang pag-ibig
Niyang
Iginagawad—
Mapagpatawad,
Lantay at walang pingas.
Tayo nang bumalik
Sa Kanyang bisig;
Tayo nang maglunoy
Sa Kanyang pag-ibig.
Ay, nasa Inyo ang tunay
Na pagmamahal,
Ampunin kaming muli’t
Alagaan,
Igawad pong muli
Ang tunay na pag-ibig
Ngayo’t kailanman
Ng aming pananalig.
Habampanahon kaming
Magpapaampon,
Aming Diyos,
Aming Panginoon,
Aming pag-ibig
Na walang linggatong.
Amen.
Tulang Panalangin #3
Amang Banal,
Sa paglaganap
Ng Inyong liwanag,
Pagpapala ri’y kumalat,
Iginawad sa ami’y
Biyayang wagas.
Ay, marami pong salamat,
Lagi po Ninyong tinutupad
Ang ating tipan.
Ay, marami pong salamat,
Pag-ibig Ninyo’y patuloy
Na naglalagablab.
Ay, marami pong salamat,
Ang buhay nami’y laging
Umaangat. Ikaw, O Poon namin,
Ang luwalhating hatid
Ng aming Panginoong
Laging nakikinig; Ikaw, O Poon namin,
Ang laging tinitingala’t
Iniibig.
Saan kami tutungo
Kung ginigiyagis
Ng ligalig?
Kanino kami lalapit
Kung walang nakikinig?
Kayo lamang Panginoon
Ang aming kapanalig,
Kayo lamang Panginoon
Ang landas na walang tinik.
Ligtas kaming lubos
Sa Inyong paglingap,
Lahat na’y sapat
At lahat na’y magaganap.
Mabuhay Kayo
Sa aming mga puso,
Manalaytay kayo
Sa mga ugat naming bukas
Sa Inyong dugo,
Sumasainyo kami
Sa araw-araw
At sa saglit-saglit
Ng Inyong pag-ibig—
Tinapay at alak naming
Humahaing walang patid.
Sumusuko Kami
Sa Inyo, Panginoon,
Susunod po kami
Sa Inyong mga utos
At makalalayo kami
Sa lahat ng unos,
At mapapalis namin
Ang lahat ng lungkot,
Pagkat kami’y buhat
Ng pag-ibig Ninyong
Walang taros.
Siya nawa.
Tulang Panalangin #4
Amang Banal,
Ngayon po ay araw
Ng pangiling;
Banal na araw
Na itinalaga ng Diyos
Para sa pagpapahinga;
Isang araw na hiningi niyang
Maging Kanya;
Maging araw na pakikiniig
Sa kanya, upang magpuri
At magpasalamat,
Upang muling ipabinyag
Sa Kanya at ating katapatan,
Upang muling hilingin
Sa Kanya ang patuloy
Na pagkakandili sa ating
Kaluluwa.
Salamat po, Ama.
Salamat po sa lahat
Ng grasya,
Patuloy Ninyong
Ipinagkakaloob,
Patuloy Ninyong
Iginagawad.
Salamat po.
Inihahain namin
Ang wagas na pasasalamat,
Patuloy po sanang
Tanggapin;
Lagi’t lagi itong
Inihahain sa pag-ibig
Ninyong walang maliw.
Kasama ng naming
Taos na dalanging
Di magwakas ang Inyong
Paggiliw sapagkat lagi
Naming kakailanganin,
Ang suhay ng aming
Paggiliw.
Ay, Inyo sanang
Kalugdan ang aming
Paghahain, Sapagkat Kayo lamang
Ang aming ginigiliw,
Kayo lamang
Ang pintakasing iniibig
At laging mamahalin
Hanggang sa wakas
Ng daigdig.
Amen.
Tulang Panalangin #5
Pagpapala at paglingap
Ng Panginoo’y
Patuloy na lumalaganap
Sa kabila ng mga kasalanan
Nating lahat; Alam kasi nating lahat
Na tayo’y pinatatawad.
At alam din natin
Na natin hindi iyan dapat;
Ngunit bakit patuloy pa rin
Tayong lumilihis ng landas?
Patuloy pa rin nating
Sinusunod ang kapritso
Kahit dumog na dumog na
Ang ating pagkatao.
Ama, huwag po sanang
Ipagkait ang Inyong liwanag,
Sikatang maalab ang isip naming lahat, katawa’y
Susunod sa nais Ninyo’y
Gawad,
Lalayo sa sala’t sa Inyo’y
Yuyukod sa pagtitikang ganap
Gabayan po sana kami
Ng buong wagas.
Kailangan po namin
Kayo lagi,
Sa aming buhay—
Kayo ang suhay,
Kayo ang aming gabay,
Kayo ang aming lakas,
Kayo ang aming paningin
Hanggang wakas.
Iyakap po Ninyo sa amin
Ang Inyong paglingap
Upang marating naming ganap ang paraisong
Hinahanap.
Amen.
Sa Anino ng Tokhang
McMillan Ching
Sa bawat katok sa pinto ng gabi,
May kaba sa dibdib na di mawari.
Sa dilim ng lansangan, sa tahimik na hangin,
May mga pangalang unti-unting nilamon ng dilim.
Ako’y naglakad sa landas ng pagkaligaw,
Nalunod sa usok, sa bisyong mapanglaw.
Ngunit sa gitna ng unos at panganib na humarang,
Ako’y nanatiling buhay—isang himalang di ko maipaliwanag.
Sobrang swerte ko, sa mundong walang kasiguruhan,
Na sa kabila ng adiksyon ay di ako nakitil ng kapalaran.
Habang ang iba’y bumagsak sa malamig na lupa,
Wala man lang hustisya, ni paglilitis ng batas na ginawa.
May mga pangarap na biglang pinatahimik,
Mga pusong tumigil nang walang narinig.
Mga ina’y umiyak sa katahimikan ng gabi,
Hinahanap ang sagot kung bakit ganoon ang nangyari.
Ako’y nananatili, humihinga pa rin ngayon,
May bigat ng alaala sa bawat pagbangon.
Buhay na hiniram mula sa mga pangalang nawala,
Mga aninong iniwan ng madilim na alaala.
Kaya bawat umaga’y may panalangin sa dibdib:
Na ang buhay na ito’y maging patunay at tinig—
Na sa gitna ng takot at madilim na yugto,
Ang hustisya’y dapat sumikat tulad ng araw sa mundo.
Dalawang Sulok ng Pendulum
McMillan Ching
Ako’y nakatali sa dalawang sulok ng pendulum,
Isa’y liwanag, isa’y dilim na walang humihinto.
Sa unang sulok, ang mundo’y parang palasyo,
Puso’y pumapailanlang, isip ay puno ng hiyaw at sigla.
Ang bawat ideya’y tila bituing kumikislap,
Bawat hakbang ay tila sayaw sa ulap.
Ngunit sa likod ng sigla at kulay ng araw,
Nasa kabila ang dilim, tahimik na nag-aalab.
Doon, ang bawat sandali’y mabigat at malabo,
Bawat pangarap ay parang bula, madaling mabuo’t mawala.
Ang puso’y pumipintig ng takot at pangungulila,
Isip ay naliligaw sa kaguluhan ng sariling daigdig.
Ako’y nahihila, hindi mapakali,
Sa pendulum ng damdamin, di mawari ang tunay na giliw.
Ngunit sa bawat pag-ikot at pagdaloy ng oras,
Natututo akong huminga, tumindig, at muling harapin ang bukas.
Sa pagitan ng dalawang sulok ng pendulum,
Ako’y natutong makipagsapalaran, magtiwala sa sarili.
Na kahit may liwanag o dilim na dumarating,
Ako’y nananatiling ako—buo, kahit alanganin, at patuloy na naglalakbay.
Alanganin
McMillan Ching
Sa silid-aralan ako’y laging hinahangaan,
Papel ko’y puno ng bituing gantimpala’t papuri ng guro’t kaibigan.
Ako ang sagot sa tanong, ako ang unang tinatawag,
Isang pangalang sa tagumpay ay laging inilalantad.
Ngunit sa likod ng ngiti at tahimik na dangal,
May lihim na unos na di nila namamalayan.
Sa bulsa ng katahimikan at sa sulok ng gabi,
May bisyong dahan-dahang kumakain sa sarili.
Sa bawat papuring naririnig sa aking pangalan,
May bigat na lihim na pilit kong tinatakasan.
Mga matang tumitingala sa aking tagumpay,
Hindi alam ang dilim na sa dibdib ay naglalakbay.
Unti-unting lumalala ang lihim na sakit,
Parang aninong palapit nang palapit.
Habang ang mundo’y naniniwalang ako’y matatag,
Sa loob ko’y lahat ay alanganin at wasak.
Ako ang estudyanteng pinapangarap maging huwaran,
Ngunit gabi-gabi’y nilalamon ng sariling kahinaan.
Sa pagitan ng liwanag ng pangalan ko sa paaralan,
At dilim ng lihim na ayaw kong aminin sa sinuman.
Hanggang isang araw, sa harap ng sariling salamin,
Tinanong ko ang sarili kung sino ba talaga ang aking kaharap:
Ang batang hinahangaan ng buong silid,
O ang kaluluwang alanganin sa bingit ng pagkalugmok.
At sa pagitan ng papuri at lihim na sugat,
Nakatayo ako—nag-aalinlangan, nanginginig, at pagod—
Umaasang sa kabila ng lahat ng aking itinatago,
May landas pa ring magliligtas sa sarili ko.
Rehab o Rehas
McMillan Ching
Sa pagitan ng pader na tahimik at malamig,
May tanong na paulit-ulit na sumisiksik:
Ito ba’y rehab o rehas ng pagkakulong,
O daan palabas sa sariling pagkalugmok?
Sa bawat pagkiskis ng sahig sa umaga,
Parang kasalanang dahan-dahang nabubura.
Ang bawat galaw ng walis at basahan,
Paglilinis din ng pusong nadungisan.
Sa bawat utos na kailangang sundin,
May aral na pilit na itinatanghal sa damdamin.
Hindi lamang disiplina ng kamay at katawan,
Kundi pagwawasto ng sariling kamalian.
Tahimik ang oras sa pagitan ng mga pader,
Ngunit sa katahimika’y may tinig na naririnig:
Na ang pagkakulong ay hindi laging wakas,
Kung minsan ito’y simula ng bagong bukas.
Dito natutong muling tumayo ang pangarap,
Sa gitna ng pagod, pawis, at pagharap.
Sapagkat sa rehab man o sa likod ng rehas,
Ang tunay na laban ay nasa loob ng sarili at lakas.
At kung sa bawat araw ay may munting pagbabago,
Kung ang dating ligaw ay natutong tumino,
Maaaring ang rehas ay maging daan din—
Patungo sa kalayaang hinahanap ng damdamin.
Mundong Binalot ng Hiwaga
Marvin Balagulan
Puwede bang ako sayo’y may ipakikita
Mundong nilikha gamit aking mga sandata
Hayaan lamang na sa bandang huli ika’y
aking kasangga Kampilan ko’y pluma
Bala ko’y mga letra
Kalasag ko’y mga salita
Alamin kung bakit ito ang aking mga naging sandata
Hayaan mo’t gamitin ko ang aking kampilan,
Kampilang ‘pag sinagwa’y lahat malilito
Isa, dalawa, tatlo Heto na’t iuukit ko
Teka! wag kang magmadali sabi ko baka ika’y malito
Dahil sa mundong ito ang lahat ng obra ay misteryo
0, Pagmasdan yaring sining
Ano kayang ibig sabihin
Hayaan mo’t gamitin ko ang mga balang ito,
Alam mo meron lamang 28 na titik sa alpabeto
Ngunit kaya nitong wasakin at tapusin ang mundong inihanda ko
Di mawari kung sino ang ‘di kauri’t kauri
Kung kaya’t kilalanin mo’t maging mapanuri
‘wag mag-alala ako yata’y naghanda sa mga pangyayari
Ibabahagi ko kahit anong mangyari.
Hayaan mo’t gamitin ko na ang mga kalasag nang mailantad ka sa tuwina,
Ramdam mo na ba ang lungkot at saya?
Hangad ko ang kaligayaha’t kalungkutan mo
Iyon ay kung hahayaan mo akong ilibot kita sa mundong ito
Samu’t saring lasa ang ipatitikim ko
Wag kang mag-alala ikaw ay aking
inihahanda rito
Paanong ang makata’y naiiba?
Ginamit ko ang kampilan nang maukit ang iyong nadarama
Balang tatama para hatulan ka
Kalasag na ilalantad ka sa mga mapapait at malalamyos na salita.
Huwag mag-alala, ang mundong ito para sa mga makakata
Makipagdigma gamit ang nagtatagong hiraya
Tayo’y maging magkasangga
Dahil mundong ito’y binuo para sa ating makakata
Kampilan, bala at kalasag lamang ang mga sandata
Tuklasin natin ang mga natatagong hiwaga.
Kadena
Marvin Balagulan
Minsan na tayong nakagapos sa tanikala ng nakaraan,
Ngunit sa hindi inaasahan,
pangalawang pagkakataon,
pag-ibig natin napagbigyan.
Sinta, wala na sana sa iyong isip—
ang salitang paglisan,
Sapagkat nasa akin na ang sakit
at pangungulila nang ako’y iyong bitawan.
Muli kong haharapin ang bawat baka at sakali,
Kahit minsan na akong lumuhod,
Magmakaawa lang ika’y sa ‘kin mananatili.
Dahil sa totoo ikaw ang aking pahinga sa bawat kong pagkapagal.
Sa malalakas na buhos ng ulan
At sa matayog na sikat ng araw,
Ako’y umaaninag, at pilit tumatanaw.
Sa mapait na nakaraan, na akin pa ring binalikan.
Pa(g)hinga
Marvin Balagulan
May kuwentong nalilikha sa gitna ng pag-iisa.
At sa bawat pag-iisa, lumilikha ng espasyo para mag-usisa
sa kung ano ang dapat harapin, sa kung ano ang dapat piliin.
Sa kung paanong pinili mong matuto kaysa matukso sa panandaliang gusto.
Sa kung bakit wastong piliin ang husto, sa gitna ng paimbabaw na gusto na bunga ng tukso.
Sa gitna ng pag-iisa, kung kailangang lumuha,
hayaan mong samahan ka ng aking unan sa ‘yong pa(g)hinga.
Milyang Pagitan
Marvin Balagulan
Gusto kong makawala sa mga rehas.
Mga salitang kay tagal ibinaon na hindi mailabas-labas,
Unti-unti akong nilalamon sa lakas,
Hindi na makawala pa sa higpit nitong posas.
Pilit pinagtutugma ang bawat mga salita,
Ngunit iba ang nabubuong mga letra.
Sa bawat tinta’y hindi alam kung aabot pa,
Pagtutugmain pa ba o magiging malaya na lang?
Mga bituin kay hirap ngang abutin,
Ilang milya pa ba ang lalakarin?
Ilang bato pa aking titibagin?
Pilit pinapasok itong daang madilim.
Saan mahahanap itong hinahangad na wakas,
May dulo pa ba itong tinatahak na landas?
Isinisiksik sa iyong mga yabag para aking mabagtas
Pagka’t mga paa ko’y gapos ng iyong rehas.
Isang Bituin sa Kalawakan
Von Dickens Ulsa
Kasama kita sa bungad ng kalawakan
Habang ang mga mata mo’y kasinlayo ng sinag-taon.
Ang mga mata ko ay sa’yo nakatuon,
Dahil wala na akong mahihiling pa.
Ani mo sa paglubog ng Araw, na siya namang
Oras para hanapin niya ang kaniyang irog;
Ani mo sa Buwan, na sa kanyang pag-angat ay kasabay
Ang pagpunit ng ubeng ilaw sa asul na langit;
Sa pagbalik ng iyong mga mata sa akin,
Muli mong naitanong, at wala akong maisagot…
“Bakit ayaw ng Tanglaw-Daga umangat sa bukang-liwayway?”
“Ano ang lihim ng mga bituin sa kanilang pagsinag?”
“Kung madaraanan ng aking kaluluwa ang budhi ni Bathala.
Isa kaya ako sa kanyang makikilala?”
Dahil sa alab ng iyong pagnanais na matuon ang mga kasagutan,
Na sing-init ng alab ng aking pagnanais na ako ay muli mong pagmasdan,
Ako muli ay naging isang maliit na bituin sa iyong engrandeng kalawakan.

(ang larawan ay kay Daisy Isla)
Ang mga Alon
Von Dickens Ulsa
Siguro wala na ang mga
Bughaw na alon.
Hindi na maisayaw ni Amihan
Ang katubigan ni Magwayen.
Mahigpit kong dinarakma ang
Mga alaala ng dagat.
Pagkabagot? Siguro.
Nagkulang? Siguro.
At sa pag-alab ni Aldaw,
At aking pag-init,
Habang sa paghalik ng
Aking pawis so tubig.
Sa mahalumigmig na
Sikat ng araw,
Mas mariin kong
Kinuyom ang mga alaala,
Dahil, marahil – muling darating
Ang bugnaw na alon.
Lila
Von Dickens Ulsa
Noong sinabi mo na ang kulay ko ay lila,
Hindi na ako naghanap pa ng kulay na iba.
Mula sa mga sanggumay sa hardin mo,
Sa ilalim ng mga bagawak morado,
Hanggang sa halayang napakatamis
Sa sariwang binong malamig.
Lahat ng lila sa kasuluk-sulukan
Ay aking pinaghahahanap.
Dahil ubod ang aking tunay na kasiyahan
Kahit sa kulay lila ko lang mapagkukunan.
Pinakshet ng Buhay
Kelvin Saraos
Sa hapag ng kusina, ako’y napilit,
Pinakbet ang ulam, puso’y sumikip.
Kalabasa, ampalaya, sitaw na matigas,
Mga gulay na ayaw kong malasahan, malas.
Isa-isa kong nililihis sa gilid,
Ampalaya’y mapait, itatabi na lang saglit.
Parang mabilis humusga sa munting mali,
Sana’y matutong unawain, hindi agad sumasali.
Binabaklas ang talong, hinahawi ang okra,
Gaya ng oras sa social media, ubos at wala.
Sana oras ko’y sa sarili ko ilaan,
Sa tunay na mundo, hindi sa piksyong laman.
Hinuhukay ko rin ang mga sahog,
Parang galit sa sarili, sugat na lumulubog.
Sana’y matutong yakapin ang sarili,
Sa halip na manahan sa poot at pighati.
Ngunit may ilang nais kong itira,
Parang pangarap at pag-asa, di dapat mawala.
Hinahayaan kong sumama ang sigarilyas,
Parang pamilya, sa hirap at ginhawa’y hindi kumukupas.
Hinahalo ko ang kamatis at bawang,
Parang sigla sa buhay, may pait pero may kasayahan.
Pinapanatili ang tamang timpla,
Gaya ng pagsisikap upang tagumpay ay makuha.
Pinakbet man ito, minsan di ko gusto,
Pero natutunan kong sa buhay, ito’y totoo.
May mga bagay na dapat alisin at palayain,
Ngunit higit ang dapat mahalin at ingatan natin.
Pagmumuni-muni sa klase
Louward Zubiri
Minsan parang mahal ko ang Filipino,
madalas parang hindi.
Sino ba ang may kakayahang
isantabi ito nang walang kapalit?
Sino nga ba ang minsan ay walang imik?
Madalas kong sinasambit,
ako’y kapwa Pilipino, ngunit
sa danas at dusa, muling nagpalit
tila ba ito’y parang damit
Filipino rin ako. Bakit?
Masipag, magaling at mabuti.
Filipino nga ako. Bakit?
Wika, gawi at danas dati.
Filipino po ako. Dahil?
Gumigising at pinipili.
Filipino na ako. Dahil?
Nagising. Filipino lagi.
Ang Itim sa Maliwanag na Puti ng Mga Dukha
Sugar Shandy Reyes
Ang lasa ng dukha ay matamis na pansamantala
Ang kulay ay madalas maalikabok, minsanang matingkad, at bihirang maliwanag
Ang tinig ng dukha ay puti, malakas ngunit hindi dinig,
laganap sa kapaligiran, bistado ng mga balintataw ngunit hindi unawa ng paningin.
Mas masakit ang maliwanag na puti
Nakakapaso sa balat
Nakakabulag sa mata
Animo’y araw na kanilang tinitingala.
Sa liwanag lahat ay nakikita,
Lingon sa kanan, lingon sa kaliwa
Sakit na dulot ng kulay na itim mas nadarama
Pait na lasa ng itim, lalong nakakasuka
Pero bakit parang mas komportable sa dilim
Kung saan kinakapa ang bawat galaw
Kung saan hindi tanaw ang walang hanggang daan
Puno ng tanong na paano? ano? alin? at kelan?
Saka lang tumitingkad ang itim sa puti
Saka rin lang lumiliwanag ang puti sa dilim
Ang maputing liwanag ay nakakasunog
Ang itim naman ay nakakalunod
Ang mga pangarap sa itim ay nananatiling panaginip
At sa puti nama’y kathang isip na nananatiling guni-guni
Naiipit sa gitna ng puti’t itim
Nakatayo sa kawalan
Tumitingala sa kayamanan.
Ang mundong ito ay puno ng kulay
Ngunit sa daigdig ng karamiha’y
Dadalawang puti’t itim lamang
Dilim at liwanag
Pangarap at katotohanan
Kung saan sa itim nakakakita ng klaro
At sa puti’y malabo.
Ang Baklang Santa
Steven Fluckiger
Sa gabi ng Biyernes Santo, pumunta kami sa simbahan
Nagparangya kami sa pag-ikot sa buong bayan.
Pinili namin ang aming paboritong Katolikong santo
Para sundan siya habang lumalakad kami sa loob ng lungsod.
Sa panahong nangyari ito, di ako Katoliko
Sino ang dapat kong piliin sa mga karosang santo?
Naroon ang Birhen, si Santo Jose, at ang Santo Niño
Sina Pedro, Santiago, Juan, at si Jesus na nagdurugo.
Pero sa likod ng mga santong karosa
May isang babaeng magandang-maganda.
Ang ngalan ng babaeng ito ay Santa Magdalena
Ang unang taong nakakita ng Tagapagligtas na muling nabuhay.
Pinili ko si Santa Magdalena para sundan siya sa gala
Pero hindi ako nag-iisa sa pagpili ko sa kanya.
Nandoon din kasama ko sa tabi ni Magdalena
Ang isang matanda at relihiyosong bakla.
Kinumusta niya ako at ako’y kaniyang kinuwentuhan
Tinulungan niya ako sa pagsisindi ng aking kandila.
Sa marubdob na pananampalataya
Sinundan ng bakla ang karosa.
Sa loob ng dalawa o tatlong oras
Naglakad kami sa parada.
Maraming umalis sa gitna ng gala
Pero siya, kahit matanda,
Nagtiis hanggang sa wakas.
Sayang naman ang kanyang kalagayan
Dahil sa lakas ng kanyang pananampalataya.
Kahit sa Simbahang Katoliko
Makasalanan ang inosenteng taong ito.
Sa ministeryo ni Jesucristo, ang Tagapagligtas
Hindi Siya kailanman nanghuhusga.
Naglingkod lang Siya sa mga mapagkumbaba,
Ang mga makasalanan at mga puta.
Pero sa panahong moderno sa doktrina ng Simbahan
Nagkakasala ang taong may ibang kasarian.
Kahit nagdarasal siya buong buhay niya
Pupunta siya sa impyerno dahil bakla siya.
Mabuti at malakas ang kanyang pananampalataya
Dahil alam niya na ang Diyos ay mapang-unawa.
Bahala na ang Simbahan at lahat ng kanyang utos
Ang pag-ibig ng Diyos ay ganap at lubos.

Dapithapon
Ivan Paul Bondoc
Ako’y nag-uumapaw sa pagsisisi
Ano at ngayon lang nagpasyang tumabi
Upang tunghayan ang kariktan ng buhay
Na nagdiriwang sa pinilakang tabing
Inihahandog ang yabong ng halaman
Ang gawi ng hayop, ang bugso ng hangin
Himbing ng ulap at wisawis ng ulan
Pagsibol ng punla, silahis ng araw
Walang sulok na mapagsidlan ang galak
Sapagkat sa paglukob ng mata dito
Agad nanakop, sikat sa aking balat;
Rumagasa ang daloy sa aking ugat
Humagod ang kalam sa aking sikmura
Dumaluyong ang ihip sa aking baga
Hinaplusan ng dama ang aking atay
Kumislot ang buhay sa aking katawan
At sa’king pagdantay sa duyan ng buhay
Nagpapaalalang mahaba ang landas
At walang sawa, suliranin at gawa
Ngunit tinaningan ang oras at buhay
Kaya’t di ko sanang mawaglit lumahok
Isantabi ang sarili, magtampisaw
Sa batis ng lihim, kahig, at punyagi.
Silid
salin ni Ronn Angeles ng Room
Mundo dahil narito tayo.
Liban dito, saan pa?
Dito’y kahit papaano’y may kama
At ningas ng lampara
At kalupaan sa labas ng bintana
Na tumutugon sa ating nais
Sa pagtatapos ng ulan—
Araw at hangin
At kalauna’y
Pagtubo ng mga damo.
At mga punong
Nagsipamunga.
Ano pang ibig?
Ibang tao,
Oo. Pero panandalian lamang.
Maayos na nakapamuhay
Nang wala sila
Nang walang mga anak at pagpaslang
At mga nawawalang barya
At lambing
Kahit papaano.
Room
Lawrence Lacambra Ypil
Earth because where we lived.
Where else was there?
Here at least there was a bed
And a bright lamp when lit
And land outside the window
Which after rain
Gave in to what we wanted—
Sun and wind
And after some time,
The grass which grew.
And the trees
Which bore their fruit.
What else was there to want?
Other people,
Yes. But sometimes only.
Decent lives were lived
Without them
Without sons and murders
And lost coins
And tenderness given
And even if only.
Sa Sandaling Binabagtas
salin ni Ronn Angeles ng In The Time It Takes
Sa sandaling binabagtas ng anino ng mundo
upang hagipin ang anino ng tuhod
ng babaeng nakaupo sa lilim ng puno sa parke
nabubuo ang litrato.
Patak, isa pa, tilamsik.
Tapos na.
Ang tuyong imaheng binubuong
nakalapat sa halumigmig na damo.
Nang isangguni ng mga arkitekto ng lungsod kung anong maaaring gawin sa nakaraan,
hindi nila sukat akalain ang salamin. Paniwala sila sa karagatan,
ang walang hanggang ningning nitong pagpapatuloy
ay hahapo sa mga taong-lungsod na sipatin ang tubig.
Anong paubaya ng mga daan, ng ulang
walang humpay na bumabagsak mula sa bubungan ng mga tindahan
gayundin ang mga punong kinatwiran
ng kalikasan upang tukuyin ang malayo mula rito
kung saan ang babae’y marahang tumatayo upang maging anino ng aking anino.
In the Time It Takes
Lawrence Lacambra Ypil
In the time it takes for the shadow of the world
to reach the shadow of the knee
of the woman sitting in the park under a tree
a photograph is developed.
Drip, drip, splash.
Then alright.
Then a dry mount
against the wet, wet grass.
When the city’s architects asked what could be done with the past,
they didn’t anticipate glass. They believed the ocean
with its endless shimmer of always would make the dame denizens
of the city sick from squinting at the sea.
What reprieve the streets could be, what rain
falling endlessly from the eaves of shophouses
as a line of trees becomes the token gesture
nature makes to signify an elsewhere here
where a woman slowly rises to become the shadow of a shadow of me.
Ngayo’y Tanging Himpilan
salin ni Ronn Angeles ng Now There Is Only a Station
Himpilan at kalangitan lamang.
Sa gilid ng riles, isang lalaki ang nakatayo.
Apat na paso ng halaman. Isang lampara.
Ang teorya ng oras ay parating teorya ng pangungulila.
(1) Naghihintay siya sa walang tren na darating.
(2) Pagkat naiwan.
(3) Pagkat napaaga ng dating.
Sa likod ng bawat teorya, may kwentong mas payak, mas nakaaaliw.
Isang lalaki ang naupo sa gilid, takip ng mga kamay ang mukha
habang iyak-tawa.
Dalawang ibon ang dumapo sa dalawang puno, isa’y lukob ng mga bulaklak,
ang isa’y lagas, ginaganyak ng isa ang isa
paloob at paalpas ng mga dahon.
Ang guho ay pabaon ng mahabang panahong paghihintay.
Now There Is Only a Station
Lawrence Lacambra Ypil
Now there is only a station and the sky.
A man stands on the side of the tracks.
Four potted plants. A lamp.
The theory of time is always a theory of sentimentality.
(1) He is waiting in vain for a train that will never arrive.
(2) He has been left behind.
(3) He arrived early.
For every theory, there is a simpler story, more funny.
A man sits in a corner, covers his face with his hands,
and breaks down in laughter.
Two birds alight on two trees, one covered in flowers,
the other barren, each one tempting the other
into or out of the leaves.
A wreck is a souvenir of a long time waiting.
Kung Bakit may Bagyo Kapag Nagkalapit ang mga Bituin
Jose R. Taton Jr.
| Tulughapunon (Ang Lalaking Bituin) pinaghiwalay na tayo — mapapahintulutan pa ba ang pag-ibig na hindi dapat? Isinaisip na lang sana, | Kabugwason (Ang Babaeng Bituin) tadhana na ang humusga ang muli nating pagtatagpo na mula’t sapol ay talinghaga isang tahas na kabalintunaan | Karamraganon (Anak na Bituin) sa bulag pag-ibig na hindi itinakda nagbunga ng bituing iisang dugo na labag sa kinaugalian |
NOTE: This one is a mixture of four poems. Each character can be read as one poem. The combination of all the lines becomes the fourth poem.
Ikaw ang Aking Ritwal
Jose R. Taton Jr.
Nagmistulang ritwal ang pag-ibig…
Kung saan,
Ang halimuyak ng iyong buhok
Ay parang kamangyan—
Pumapailanlang sa langit,
Sumasamo sa mga diya sa kaitaasan,
Habang binibihag ang aking kamalayan.
Kung saan,
Ang limug ng iyong salita
Ay tila ugong at ritmo ng agong
Pumuputol sa katahimikan ng nayon,
Nananawagan sa lahat,
Ngunit gumigising sa aking ulirat.
Kung saan,
Ang dalampas ng iyong mga yapak
Ay mistulang kibang ng babaylan
Tumatawag sa mga anito sa kailaliman,
Pumupukaw sa nangungulilang katawan.
Kaya,
Ikaw ay ang aking ritwal!
At katulad ng mga lumilihok na baylan
Tuluyang mababaliw ang diwa
Kung hindi maihahandog ang sarili
Sa pagsamba at pamimintuho.
Ang Bulkang Taal
Ken Reyes
Ang simoy ng Habagat
Dala niya’y ulang mabigat
At minsa’y patak na malamlam
Sa lawa ng Bunbon sa Barangan.
Dito’y nakapaligid ang mga bundok
Na abot langit ang tuktok
At minsa’y takip ng ulap
Hanggang hindi na natin makita.
Marahil dito’y isinalin
Ni Bathala ang kanyang pag-ibig.
Wala nang gaganda pa
Sa lawang ito na malawak.
Ito’y maikukumpara mo
Sa karagatang Pasipiko.
Kay dakila sa tingin ng tao
Kahit na sa lahat ng mga hayop.
May isang balangay sa baybayin
Sa mismong labi ng lawang malalim.
O, dito’y kay tamis ng paghalik
Ng hawang tubig sa lupain.
Mapayapa’t masayang namumuhay
Ang mga tao at ang kalikasan,
Kahit ang mga diwata’t mga anito
Ay nasisiyahan sa pagkakaisang loob.
Ang magiting na datung si Balinda
Walang lalaking maikukumpara sa lakas.
At ang kanyang kagitinga’y tanyag
Sa iba’t-ibang dako ng probinsiya.
Taimtim ang karunungan ni Datu Balinda
Sa pamamahala sa balangay ng Barangan.
Ang kanyang kayamana’y katumbas
Ng lahat ng kuwebang may ginto at pilak.
Ang mga mamamayan ng Barangan
Ay namumuhay sa pangingisda.
Sa lawang bughaw ang tubig
Sila’y nag-aani ng mga tawilis.
Pag-ibig ay talagang ibinuhos
Ni Bathalas sa lupa’t bayang ito.
Kay ganda ng hubog ng tanawin
At sa dulo’y makikita ang nilikhang langit.
Sa lahat ng mga nilalang
Na nilikha ni Bathala
Si Tawalita na yata
Ang pinakamaganda sa lahat.
Ang kutis niya’y kayumanggi
Pero maihahambing sa rosas ang kinis.
At ang buhok niya’y mahaba’t itim
Kasingdilim ng langit sa gabi.
Daig pa niya ang mga maya
Dahil sa pag-awit niya.
Napapawi ang pagod at hirap
Ng mga tao sa paligid niya.
Maaliwalas ang tingin niya sa mundo
Mga mata niya’y dilat at bilog.
Parang araw sa kalagitnaan ng mga ulap
At ang ngiti niya’y nagbibigay-buhay.
Siya’y walang kamalay-malay
Sa mga mabibigat na mga bagay.
Magaan ang mundo niyang pasan
Abot-bituin ang kaniyang mga pangarap.
Inosente ang laman ng mga balintataw
Dalisay ang dugong dumadaloy sa mga ugat.
Puno ng kabutihang walang dungis
Ang mga kamay niya’y walang bahid ng dumi.
Sa lahat ng mga bata at dalaga
Na nakatira sa tabi ng lawa,
Si Tawalita na yata
Ang pinakakaakit-akit sa lahat.
Kaya Tawalita ang kaniyang pangalan
Ang bansag sa babae na purong yaman.
Kahit kamay niya’y hindi mahipuan
Ng mga lalaki, ito ang hiling nila lamang:
“O, Tawalita, mahal kong Taal,”
Awit ng kaniyang magiting na ama.
“Ikaw ang pinakamamahal kong kayamanan,
Kintab ng ginto’y mapurol sa inyong presensiya.”
“Ikaw ang bunga, ang granada ng magmamahal.
Sa kawalan ng iyong inang reyna,
Ikaw lamang ang nagbibigay ng saya
Sa pusong kong nangungulila.”
Sa kabila ng talusalang katangian
Siya’y mahilig sa pakikipagsapalaran.
Hindi man sa labanan o kabuhayan
Ngunit ang kaniyang libangan ay nasa lawa.
Sa isang kahoy na bangka
Gawa sa pinakamadalang narra
Si Tawalita’y mahilig lumayag
Sa lawa ng Bunbon, sa gabi’t araw.
Marahil malakas ang kaniyang loob
Katulad ng hangin na dumadaang timog
Sa paglalayag niya sa kaniyang barko
Ang pagnanais niya’y hindi humihinto.
Pagsapit ng dapithapon sa bayan
Kung saan sinasalubong ng araw
Ang pagsapit ng minamahal ng gabi
Si Tawalita’y nasisiyahan at nananabik.
Sapagkat ginto ang silahis ng araw
At ito’y kumikintab at kumukutikutitap
Sumasayaw sa kalatagan ng tubig
Parang himpapawid sa lupang may bituin.
“O, gintong araw, gintong oras,
Pinuno mo ako ng saya’t galak
Hiling ko lamang na ika’y manatili
Huwag mo akong iwan kahit sandali.”
Ito ang tanging awit ni Tawalita
Habang lumulubog ang araw sa kanluran.
Sa ginta ng dalawang bundok
Sa kapaligiran ng balangay ng Barangan.
Araw-araw, ito ang hiling niya
Hindi lalaking mandirigma
O prinsipeng mayaman
Kundi ang paglayag ng kaniyang mahal na lawa.
Hindi ito maintindihan ng mga mamamayan
Ang prinsesang maladiyosa’t maganda
Nasa kaniya na ang lahat
Subalit ang tingin niya’y nasa iba.
Ang kaniyang kaibigang mga dalaga
Ay puno rin ng pagtataka
Pero siya ay kanilang sinasamahan
Dahil siya ang kanilang darating na reyna.
Dahil ang tingin niya’y
Parating nakatuod sa lawa
Hindi niya pinahahalagahan
Ang mga bagay na higit ang bigat.
Isang singsing sa daliri ng dilag
Panday pa sa puti’t puro ang kintab.
Na minina sa kailalim-laliman
Ng mga kuwebang may hiwaga.
Ito ang singing na kaniyang pamilya
Sa dugong maharlika lamang pinapasa.
Selyo ng pag-iisang dibdib at kamay
Ng datung Balinda at ang kaniyang reyna.
Pero isang araw, naglakbay si Tawalita
Kasama ng kaniyang mga kaibigang dilag
Nang siya ay nagbalik sa bayan
Pagkabahala ang laman ng kaniyang mga mata.
Hinanap niya ang kaniyang ama
At natagpuan niya siya sa kakahuyan
“O, ama ko, paumanhin at patawad
Ito lamang ang hiling kong hamak.”
Lumuhod si Tawalita sa lupa
At nagpakumbaba sa kabila ng kaniyang hiya.
Boses niya’y nangiginig sa pangamba
At luha niya’y walang tigil sa pagpatak.
“Datu Balinda, aking ama,
Ako’y may kargang malaking sala
Sapagkat ako’y naging pabaya
Sa mga bagay na dapat kong iningatan.”
“Anak, bumangon ka,” utos ni Balinda
At tiningnan niya ang kaniyang anak
Na labis ang lungkot at pagkahiya
“Sabihin mo sa akin ang iyong iniiyak.”
“O, ama, ang singsing mong minamahal,
Na labis ang halaga at walang kapantay,
Ito ay nawala sa aking daliri
Nadulas ang singsing sa aking kapit.”
Nabigla ang datu, halos nawalan ng hininga.
“Aba!” Napuno ng galit ang ama
“Bakit ka naging pabaya, Taal?
Ang tingin mo’y laging nasa iba.”
“Sa banig ng kamatayan
Ang huling bilin ng iyong ina
Ay ipamana sa iyo ang singsing
Na pagpalain ang iyong pag-iisang dibdib.”
“Patawarin ninyo po ako
Sa aking pagiging halaghag,
Kung mababawi ko sana ang oras
Ito’y aking aalagaan.”
Ulit-ulitin man ni Tawalita
Ang kaniyang mahinang salaysay
Hindi ninto mababawi ang singsing
Mula sa kailaliman ng tubig.
Nagpasya si Datu Balinda
Na patawarin si Tawalita.
Dahil sa tindi ng mga damdamin
Ang kaniyang pananalita’y naging maasim.
“Huwag kang mag-alala, Tawalita,
Nakaligtaan mo na ba?
Nasa balangay natin na yata
Ang pinakamaasahang mga binata.”
At tama ang panghusga ni Datu Balinda
Sapagkat nasa bayan nila
Mga lalaking may pursige at pasyon
Talento, giting, at talino.
Sa pagsikat ng araw sa silangan
Nilipon ng datu ang kaniyang bayan.
At kaniyang ipinahayag sa lahat
Ang dumuduong sa kaniyang diwa.
“Kung sino man, kahit sino ka man,
Ang makakatagpo sa aking tanging yaman
Ako’y labis na masisiyahan
At para sa iyo, nakalalayang pabuya.”
Sa udyok ng malaking gantimpala
Kumalat sa ibang bayan ang balita.
Naglakbay ang marami mula sa malayo
Para lang mahanap ang singsing na puro.
Subalit bigo ang lahat ng sumubok
Ang tubig sa lawa’y walang sinanto.
Ang pagod nila’y hindi nag-ani
At dahil dito, nag-alala ang marami.
Nainip ang datu at ang dalaga
Dahil walang nagtagumpay sa paghahanap
Ngunit ang datu’y matalino
At siya’y nakaisip ng dakilang plano.
“Anak ko,” pamanhik kay Tawalita,
“Maaari bang ika’y gawing gantimpala
Sa makisig na makakahanap
Ng singsing ng iyong pinakamamahal na ina?”
“Ako’y nag-iipon na ng panahon
Sayo’y ito ang aking layon
Ang singsing ang magtatali
Sa iibigin mong lalaki.”
Kahit ma’y nais ni Tawalita
Na manatili siyang dalaga,
Tumango siya sa hiling ng ama
Sa ikabubuti ng kaniyang bayan.
Balitang ito’y isinalin
Sa ibayong mga bayan nakarating.
Maraming kuwentong sumibol
Pati na rin ang kanilang mga tanong.
Isang lalaking nagmula sa malayo
Sa ibayong dagat, sa kabilang bundok.
Ang naglakbay patungong timog
Para lang makuha ang purong puso.
Kulay-abo man ang kaniyang balat
Subalit matipuno at makinis ang mukha.
Mata niya’y puno ng tapang at pangahas
Higit pa sa kamandag ng nakalalason na ahas.
Hindi lang sa mukha, pati na rin sa asta
Siya ang tanging naiiba sa lahat.
Araw at gabi, walang kapaguran
Si Mulawin lamang ang may mahabang tiyaga.
Siya’y naging unang usapin sa bayan
Dahil sa kaniyang pamamalagi sa lawa
Pati na rin ang mga babaeng dalaga
Ay naligalig sa kisig ng mandirigma.
Kahit hindi man aminin ni Taal
Ang kaniyang pagtingin sa kaniya
Alam na’t nagtitiwala ang lahat
Si Mulawin ang lalaking makakahanap.
Ka’y tamis naman ng buhay
Para kay Mulawin at Tawalita
Sapagkat iisang landas lamang
Ang kanilang dinaraanan.
Habang lumalalim ang pagtingin
Ng dalaga sa lalaking makisig
Heto rin ang nararamdaman
Ni Mulawin sa binibining maganda.
“Mga anitong sa kaitaas-taasan,
Ako po’y bigyan ng lakas
Na ang singsing ni Tawalita
Ay maging singsing ng aming pagmamahal.”
Dahil marangal ang mandirigma
At ang kaniyang diwa’y wagas,
Higit pa sa lakas at sigla
Ang pinagkaloob sa kaniya.
Sa kabilugan ng buwan, isang gabi,
Sa ilalim ng mga makinang bituin,
Sumabak muli si Mulawin
Sa lawang payapa’t mahinhin.
Makalipas ng ilang mga saglit
Akala niya’y hindi niya makakamit
Pero hindi niya alakaing makasalubong
Ang malaking bituka ng isang ulo-ulo.
“Higanteng hayop, nasa iyo pala
Ang dulo ng aking paglalakbay
Iluwa mo na ang singsing
Hinihintay ako ng aking pag-ibig.”
Ang ulo-ulo’y hindi matinag
Pakikipagtungali na lamang
Sa pagitan ng dalawa
Sa ilalim ng lawa sa Barangan.
Subalit kay Mulawin nama’y
Lahat ng pabor at biyaya
Ng mga anitong nakakatanda
Ng mga anitong nagbigay-lakas.
Pagkalipas ng kalahating oras
Tagumpay lamang sa isipan niya
Sa pagbiyak ng bituka ng higanteng nilalang
Ang singsing ni Taal ay nakamtan niya.
Hinalikan ni Mulawin ang singsing
At siya’y tumakbong matulin
Doon sinalubong ng mga labi ni Taal
At sila’y nahulog sa isang yakap.
Hanga’t respeto nakamtan ni Mulawin
Mula sa datu’t pati na rin sa marami.
Ang kamay ni Taal kaniyang pabuya
Kasama ng pamumuno sa buong bayan.
Hindi lang lakas at talino
Ang tanglay ng datung maginoo.
Dalawang sandata lamang ang kailangan
Giting pati na rin ang kahabagan.
Si Taal nama’y kapantay niya
Sa puso rin at sa diwa.
Sila’y namuno nang mapayapa
Dahil pag-ibig nila sa bayan ay wagas.
Higit pa sa pagmamahal niya sa lawa
Ang pag-ibig niya sa kaniyang asawa.
Ngunit ang lawa ang ugat
Ng pagsibol ng kanilang pagsinta.
Libangan pa rin ni Tawalita
Ang paglalayag sa malawak na lawa.
Subalit siya’y may kasama na,
Ang datung magiting at matiyaga.
Mula sa kailaliman ng lawa
Pinagmamasdan sila ng isang nilalang
Ang nunong puno ng selos at inggit
Sa dalawang busog sa pag-ibig.
Ang nuno’y pangit pero makapangyarihan.
Nais niya ang puso ni Tawalita.
Balak sana’y makamtan ang singsing
Ngunit naunahan ng mandirigmang magiting.
Dahil dito’y nagtanim siya ng galit
Pagnais niya’y naging mapait
“Kung hindi ko makukuha ang puso niya,
Mas mabuti pang mawala na sila.”
Isang tanghaling puno ng pagkanta
Ng mga ibon sa himpapawid at mga hayop sa lupa.
Tumulak ang magasawa sa lawa
At sila’y nagtungo sa gitnang banda.
Habang umugong si Mulawin
Ng isang haranang kay tamis
Lumingon si Tawalita sa tubig.
Namasdan niya’y bulaklak na kaakit-akit.
Isang bainong makulay at masigla
Katangi-tangi ang kaniyang ganda
Hingid sa kaalaman ni Tawalita
Ito’y plano lamang ng mapangahas.
Sinubukan niyang abutin ang bulaklak
Ang sarili niya’y hindi na napigilan.
Nahulog si Tawalita sa lawa
Sa ikinagulat ng kaniyang asawa.
Hindi na siya nagdalawang-isip pa.
Sumisid si Mulawin para sa kaniyang mahal.
Subalit hindi niya natagpuan si Taal.
Ang lakas ng loob niya’y nawala.
Hindi na umahon pa
Ang dalawa mula sa lawa.
Sa paglangoy sila’y dalubhasa
Ngunit wala na silang nagawa pa.
Buong araw at buong magdamag
Sila’y hinanap ng kanilang mga tauhan
Nilunok na sila ng lawa
At ang dalawa’y hindi na nakita pa.
Nagluksa ang buong bayan
Sa pagkawala ng minamahal nila.
Ang pinuno at ang kaniyang reyna
Wala nang hihigit sa kanila.
Lumipas ang ilang mga araw
Ang lawa’y uti-uting nag-iiba.
Umiinit minsan ang tubig
Sa paghahanda nito sa darating.
Isang araw habang malakas si Habagat
Mga mangingisda sa tabi ng lawa’y
Natunghayan ang isang kababalaghan
Isang maliit na isla sa kalagitnaan.
Heto na ang bunga ng pagkamatay
Ni Mulawin at Tawalita.
Subalit hindi na sila natagpuan
Sila’y naalala ng kalikasan.
Ang islang ito’y nagkahugis
Ng isang bundok na maliit.
At sa paggiba ng lupa at lawa
Usok at kumukulong putik ito’y nagbuga.
“Bulkan! Bulkan!”
Heto ang sigaw ng bayan
Napaluha ang mga mamamayan
Sa paggunita nila kay Tawalita.
Nawalan sila ng pinunong tapat
Pati na rin ng nakagagandang sigla
Ngunit naalala nila ang singsing ni Taal
At dito sila’y nangamba.
Ang singsing ang nagbigay-buhay
Sa bulkan sa gitna ng lawa.
Heto ang buhay ni Tawalita
At ni Mulawin, ang kaniyang sinta.
Pinangalangan nila ang bulkan
“Heto ang bulkang Taal”
At minsan ma’y naririnig nila
Sa gabi ang mga kanta ng mag-asawa.

(ang larawan ay kay Daisy Isla)
Paano Ba Magsisimula?
Daisy Isla
Paano nga ba magsisimula?
Tila naglaho sa gunita,
Ilang taon na ang nagdaan,
Mukhang ikaw ay nakaligtaan.
Ang hirap muling humakbang,
Lalo na’t ikaw ay lumisan.
Para bang nasanay na ako,
Sa tahimik na pangungulila.
Huwag kang mag-alala,
Apoy ay muling sisilaban.
Sa puso ko’y may munting ilaw,
Mula sa ating masasayang alaala.
Sa paglakad ng mga araw at buwan
Hindi hadlang ang hirap, sa taong nangangarap
Panalangin ko sana matugunan
Pangarap ay pipiliting makamtan.

Leave a Reply