
(ang likhang sining ay kay Von Dickens Ulsa at pinamagatang, “Amgode”)

Pag-ibig sa Lungsod ng mga Ilaw
Angeli Callo
Nang gabing iyon napadpad ako sa isang nakatagong kapihan sa dako ng Mongkok. Sa likod ng masisikip na pamilihan, may isang lugar kung saan ang mga estrangherong manlalakbay ay nagkakakilanlan at nagkukuwentuhan. Maingay, masaya, ngunit ako’y nagpasiyang umupo na lamang sa isang sulok upang magnilay-nilay.
May lambing ang gabing iyon, ngunit may lungkot ding hindi ko mawari. Sa ilalim ng malamlam na ilaw at tunog ng nagbabanggaang tasa ng porselana, isang balik-tanaw ang muling sumulpot sa aking alaala. Isang kuwento ng pag-ibig. Isang paggunita.
Nakalipas ang ilang oras, at sa dami ng kapeng hindi ko na mabilang, isang bahagi ng aking sarili ang unti-unting sumibol. Tila nagpupumiglas sa pagkakakimkim at nag-aanyayang magtapat sa isang estrangherong walang pagtatangkang manghusga.
May kakaibang katangian ang Hong Kong na mistulang sining at pelikula. Ang mga ilaw ng lungsod, ang makikitid na eskinita, ang mga bubong kung saan di mabubunyag ang mga lihim. At sa gitna ng lahat ng iyon, dumating ang isang taong nagpabago ng tibok ng aking buhay.
Hindi ito nagmula sa engrandeng bulwagan o sa ilalim ng makikislap na kandilerya. Nagmula ito sa isang simpleng pagtitipon ng magkakaibigan. Iyong mga gabing may banayad na musika at mga halakhak sa pagitan ng masasayang pagkukuwentuhan. Nagkakilala kami nang walang seremonya at walang babala. May simpleng katatagaan sa kanyang katauhan na nakapagbibigay ng kapanatagan. Isang katangiang may katiyakan na ika’y masisilayan at mauunawaan. Lingid sa aking kaalaman na ang karaniwang gabing iyon ay hahantong sa isang bagay na di-inaasahan.
Ang aming ugnayan ay umusbong nang tahimik, tulad ng isang awiting di mo namamalayang iyo na palang naiibigan. Walang hayag na pag-amin, at walang planong malinaw sa kinabukasan. Tanging mga nakaw na sandali at mga katotohanang di binibigkas. Nagtatagpo sa mga lihim na tagpuan. Malayo sa ingay ngunit puno ng hiwaga. Kandilang nagbibigay-liwanag, pabulong na usapan, at isang ugnayang di namin kailanman tinangkang pangalanan.
Minsan, naglayag patungo sa malayong isla. Kung saan walang oras, walang batas. Kaming dalawa lamang sa aming munting mundo. Tila siya si Adan at ako naman si Eba. Naglakad sa tahimik na landas, ang kanyang kamay ay banayad na nagpahinga sa aking baywang. Ang mga sandaling ito ay isang haplos na paulit-ulit kong nararamdaman sa isang reyalidad na mistulang pangarap. Dahan-dahang nagtagpo ang aming maiinit na labi. Doon sa ilalim ng bukas na langit, walang takot, walang alinlangan. Tanging kami lamang dalawa.
Pinagsaluhan namin ang aming pag-ibig, hindi lamang sa pagsasanib ng aming kahubugan. Bagkus ay sa malalim na ugnayan at marahang paglalapat ng aming mga kaluluwa. Malulutong na halakhak habang may luha ang mga mata. Anumang kirot ay mawawala pagka’t “kami” ay sapat na. Nakababaliw na ang pagbibitiw ay ikapaparam ng lahat, kaya’t mahigpit kaming nagyakap, buong gabi, hanggang sa kasikatan ng araw. Iniligtas niya ako sa maraming bagay. Marahil, pati sa aking malupit na sarili.
Pinagkalooban niya ako ng puwang na di kailanman naialay ng iba. Ipinagtanggol sa bingit ng aking pansariling pagkakabihag. Ipinadama na ako’y ligtas, karapat-dapat, kaaya-aya. Sa pakiwari ko, inibig din niya ako, at ito ang nais kong paniwalaan. Hindi ko kailanman matutuklasan. May mga tanong na sadyang mananatiling walang tugon. At marahil, ito na rin ang karapat-dapat.
Ang buhay niya’y hindi akin. Isang reyalidad na hindi ko maaaring tapikin. Gayun pa man, ako’y nanatili. Marahil dahil sa kalungkutan. Marahil sa pananabik. Marahil inaasam na maramdaman na ako’y ninanais, na ako’y buhay. Ngunit ang wakas, pilit mo mang iwasan ay kusang dumarating. Hindi man ngayon o bukas… balang-araw.
Ang aking pag-alis ay napakabigat. Ni hindi ko mabigkas ang ano mang salita. Ipinatong niya ang kanyang palad sa kanyang dibdib, sa ibabaw ng kanyang puso. Ang aming huling halik ay mainit at nanginginig, tila nakabitin ang bawat sandali, walang simula at walang wakas. May luha sa aking mga mata, ngunit ang puso ko’y may damdaming hindi ko maarok. Kailangan kong bumalik sa buhay na totoo. Sa aking reyalidad. Sa mundong aking kinabibilangan at sa mundong lihim kong ninanais na sana’y isang panaginip lamang.
Pagdating ko sa aking tahanan, tumahimik ang aming pagitan. Lumipas ang mga taon. Walang balita at tanging katahimikang palutang-lutang lamang. Ngunit ni isang sandali ay hindi siya nawala sa aking gunita. Siya. Kami. Ang isla. Lahat ng naging kami at lahat ng hindi maaaring maging. Sa mga gabing mahamog, sa mga awiting nagpapaalala ng kanyang titig, nananatili ang kaniyang presensya.
May mga pag-ibig na panandalian lamang. Ngunit ganap at magpakailanman. Sa sulok ng aking puso, walang makaaagaw sa kanya. Ito ang tangi kong baon, na minsan, sa lungsod ng sanlibong ilaw, panandalian man ang pag-ibig, para sa akin ay masidhi itong nagningas.
Tangan ng Hong Kong ang mga alaalang iyon. Nakatago sa mga kalye nito, sa skyline, at sa mga himig ng lungsod. Isang kabanatang hindi nakasulat sa papel ngunit nakaukit sa bawat tibok ng aking puso.
Maglakbay Patungong Tagumpay
Hanna-Lou B. Aguilar

“Mabuhay,” iyon ang pinakakaraniwang salitang ginagamit namin sa pagbati sa isa’t isa. Sa palagay ko, ang malalim na kahulugan ng salitang iyon ay “to live your life to the fullest.” Narinig mo na ba ang istorya ng Ibong Adarna? Ang Ibong Adarna ay isang mahiwagang ibon sa Filipino mythology at sabi nila may mga kapangyarihan sa panggagamot ito, often symbolizing ang pag-asa at paghilom. May mga taong gustong magkaroon ng Ibong Adarna para maging successful at malakas sila pero hindi sila naging matagumpay…
Una sa lahat, lumaki ako sa Honolulu, Hawaii, partikular sa lugar ng Kalihi-Palama kasama ang aking pamilya. Dalawampung taong gulang na ako at hanggang ngayon, dito ako nakatira. Noong kabataan ko, sinasabi ng lahat sa akin na may pinakamagandang plano pagkatapos ng hayskul. Ang mga iyon ay: 1) papasok ka sa kolehiyo at kunin mo ang mas mabuting medyor tulad ng nursing, 2) mag-apply ka sa trabahong mataas ang sweldo, 3.) Work hard at magsimula ng sariling pamilya mo, at finally 4) mag-retire ka at enjoy the rest of the years you have left.
Mukhang maganda ang planong ito sa papel, ngunit masyadong komplikado kung susundan mo ang bawat hakbang sa totoong buhay. Sa totoo lang, ang buhay ko ngayon ay malabo at hindi ako sigurado kung ano ang magiging buhay ko sa kinabukasan. Gayunpaman, meron akong mga pangarap sa pagiging animator at video game developer sa darating na araw, kung kaya nandito ako sa Kapiolani Community College para habulin ko ang mga pangarap na iyon. Kung may isang mahalagang bagay tungkol sa buhay na natutunan ko, iyon ay hindi mahaba ang buhay natin kundi maikli lang. Ang ibig kong sabihin, lahat ng meron tayo ay pansamantala lang dahil binabago ng panahon ang lahat. Nakakatakot pero iyon ang katotohanan sa mundong ito.
Kaya, ang oras at buhay ay ang pinaka-importanteng halaga sa sarili. Kung iisipin mo, tayo ay isinilang sa mundo at hindi natin alam kung ano ang purpose natin sa buhay. Maaaring maging magulo ang mental state natin dahil sa mga existential crisis o sa pag-iisip kung ano ang purpose natin sa buhay. Dahil dito, ang paggamit ng oras ay isang napakahalagang opportunity para mahanap natin ang purpose at nagiging worth it ang buhay. Balik pala tayo sa kwento ng Ibong Adarna. Di ba sinabi ko na maraming taong gustong magkaroon ng Ibong Adarna, pero hindi sila naging matagumpay? Well, hindi ko natapos ang lahat ng gusto kong sabihin. Maraming taong gustong magkaroon ng Ibong Adarna para maging successful at malakas sila, pero hindi sila naging matagumpay… kasi never silang nagsisikap.
Ang mga pangarap ay parang imposible, ngunit hindi ibig sabihin na dapat tuluyan na tayong sumuko. Kaya, kung may Ibong Adarna sa buhay mo na gusto mong makuha, subukan mo lang. Hindi mo malalaman ang magiging kahihinatnan mo kung hindi mo subukan. Katulad sa akin, sinusubukan ko at nagsisikap ako para sa mga pangarap ko sa pagiging animator at game developer. Siguro iyon ang purpose ko sa buhay. Kahit kailan, ang oras ay nagbibigay ng maraming mga posibilidad para mahanap ang purpose natin sa buhay. After all, iisa lang ang buhay natin. Mabuhay.

Paglago Habang Abala ang Mundo
Mica Moran Tabios
May isang mag-inang nakatira sa isang maliit na bahay sa tabi ng bukirin. Isang araw, habang naglalakad ang bata kasama ang kanyang ina, may nakita silang maliit na halamang nakatanim sa gilid ng daan. Halos matuyo na ito. Nakayuko ang mga dahon at tila wala nang lakas upang mabuhay.
“Ma, puwede ba natin itong iuwi?” tanong ng bata.
Ngumiti ang ina at tumango. “Mukhang kailangan niya ng kaibigan,” sabi nito.
Maingat nilang hinukay ang halaman at itinanim sa isang lumang paso sa harap ng kanilang bahay. Araw-araw, inaalagaan nila ito. Dinidiligan nila tuwing umaga. Inilalagay sa lugar na may sapat na araw. Kinakausap pa nga ito ng bata minsan.”Lumaki ka ha,” madalas niyang sabihin.
Lumipas ang mga linggo, at unti-unting sumigla ang halaman. Nagkaroon ito ng mga bagong dahon. Naging mas berde ang kulay nito. Sa tuwing nakikita ito ng bata, pakiramdam niya ay may maliit siyang tagumpay. Ngunit habang lumalaki ang halaman, nagiging mas mahirap din ang buhay. Kailangang magtrabaho nang mas mahaba ang kanyang ina upang may maipambili sila ng pagkain. Madalas itong umalis nang maaga at umuwi nang gabi.
Minsan, naiwan sa bata ang pagdidilig. Minsan naman, pareho silang nakalimot dahil sa pagod. Dumating ang panahon na tila nalanta muli ang halaman. Nalungkot ang bata.
“Ma, baka mamatay na siya,” sabi niya habang nakatingin sa mga dahong unti-unting naninilaw.
Tiningnan ito ng kanyang ina. “Minsan,” sabi nito, “kahit gaano natin kamahal ang isang bagay, darating ang araw na hindi tayo makakapanatili sa tabi nito palagi.”
Hindi lubos na naunawaan ng bata ang sinabi ng kanyang ina. Patuloy pa rin nilang inalagaan ang halaman hangga’t kaya nila. Ngunit habang tumatagal, napansin nila ang isang kakaibang bagay.
Kapag umuulan, tila mas sumisigla ang halaman. Kapag sumisikat ang araw, mas tumitibay ang mga tangkay nito.Kapag hinihipan ng hangin, hindi ito bumabagsak. Sa halip, lalo itong tumatatag.
Unti-unting napagtanto ng bata na may mga bagay palang hindi kayang ibigay ng tao. May lakas na nanggagaling sa ulan. May tapang na natututunan sa hangin. May tibay na nakukuha sa init ng araw. At may paglaking nangyayari kahit walang nakatingin.
Lumipas ang maraming taon. Ang dating maliit at nanghihinang halaman ay naging isang matibay na puno. Hindi na ito kasya sa lumang paso. Malalim na ang ugat nito. Malalakas na ang mga sanga.
Kayang-kaya na nitong harapin ang malalakas na ulan at malulupit na hangin.
Isang araw, naupo ang bata sa ilalim ng puno. Hindi na siya bata ngayon. Malayo na ang kanyang narating. Marami na siyang pinagdaanan. May mga araw na pakiramdam niya ay nag-iisa siya. May mga pagkakataong nawalan siya ng mga taong inaasahan niyang mananatili. May mga gabing puno ng luha, pagod, at pangungulila. Ngunit sa bawat pagsubok, palagi niyang naaalala ang puno sa kanilang bakuran.
Naalala niya kung paano ito nagsimula. Isang maliit na halamang halos wala nang buhay. Isang halamang inalagaan ng pagmamahal. Ngunit sa huli, natutong mabuhay gamit ang sariling lakas.
Doon niya naunawaan ang gustong sabihin ng kanyang ina noon. Hindi habambuhay na may taong magdidilig sa atin. Hindi habambuhay na may taong sasalo sa atin kapag tayo ay natutumba. Darating ang panahon na kailangan nating matutong tumayo sa sarili nating mga paa. Hindi dahil wala nang nagmamahal sa atin. Kundi dahil naniniwala silang kaya na natin.
Tumingala siya sa puno at napangiti. Sa bawat sugat ng puno ay may kuwento ng unos na nalampasan.
Sa bawat matibay na sanga ay may alaala ng hanging minsang nagtangkang baliin ito. At sa bawat berdeng dahon ay may patunay na kahit gaano kahirap ang buhay, may paraan pa ring muling mamukadkad.
Napatingin siya sa kanyang ina na nakaupo sa may pintuan ng bahay. Mas matanda na ito ngayon. Mas marami na ring bakas ng pagod sa mukha nito. Ngunit pareho pa rin ang init ng kanyang mga ngiti. At sa sandaling iyon, naunawaan niya ang pinakamahalagang aral na itinuro ng halaman. Ang pagmamahal ng isang ina ang unang tubig na nagbibigay-buhay sa isang pangarap. Ngunit ang tibay ng loob, sipag, at pananampalataya sa sarili ang tutulong upang patuloy itong mabuhay. Dahil sa simula, may mga taong tutulong sa ating lumago. Pero sa huli, tayo rin ang pipili kung patuloy tayong lalaban.
At tulad ng munting halamang minsang halos mamatay, natutunan niyang ang tunay na lakas ay hindi lamang nanggagaling sa mga taong nag-alaga sa atin. Ito ay nanggagaling rin sa kakayahan nating bumangon, magpatuloy, at mamukadkad kahit gaano karaming unos ang dumaan sa ating buhay.
Bibingka – Isang Liham
Sugar Shandy Reyes
(A Short Film – Script)
In Ilokano, we don’t just say “adda akon”, but we also give bibingka to say we are home.
Bilang isang naninirahan sa lugar na hindi ko kinagisnan, palagi akong nakakaramdam ng pangungulila sa gunita ng aking kabataan. Kasalanan ng distansya at oras ang sapilitang pagbuklat ng bagong kabanata sa buhay ko na hanggang ngayo’y pinaghihirapan at pinipilit kong sinusulat. Sinisisi ko ang pag-imbento ng eroplano dahil tinangay niya ako patungo rito–sa malayo, sa malungkot, at sa abalang mundo.
Ngunit, hindi naman puwedeng magmukmok lang ako sa kalungkutan at pagnanahoy. Dahil ang panahon ay patuloy pa rin sa pagdaloy at ang daigdig ay hindi tumitigil para kanino. Kathang-isip na lang ang konsepto na maisasakatuparan ang muling pamumuhay sa salamisim. At hanggang sa pagkain na lang madarama ang singaw ng lumipas na taon at tamis ng kahapon.
Alam mo ba na sa Ilokano, hindi lang namin sinasambit ang katagang “adda akon”, kundi nagbibigay rin kami ng pasalubong bilang pagsasagisag sa aming panunumbalik. “Adda akon”—walong titik, dalawang salita, at apat na pantig, pero kapag sinambit, hindi masusukat ng taningan ang ginhawang bitbit. “Pasalubong”—pagkain na nagsisilbing kublihan ng mga lumisang damdamin at lagusan na tumatagos sa nakaraan. Marahil sa pagkain na lamang talaga matatagpuan at maisasauli ang dating kalagayan..
Alam mo ba na sa Ilokano hindi lang namin sinasambit ang katagang “adda akon” kundi nagbibigay rin kami ng bibingka. Iba ang bibingka sa Ilocos—siya’y malagkit tila tupig sa pagkakapit at lalim. Hindi katulad sa karaniwang mahimulmol na kinakain tuwing Pasko. Iba ang bibingka sa amin. Ito’y hindi lamang pagkain kundi palatandaan rin—ng pagbabalik o pagnanais na may maibalik.
Tuwing kumakain ako nito, nadarama ko ang salamisim ng nakaraan. Maliban sa tamis, may nalalasahan akong pag-aasam. Para bang bumabalik ako sa pagpunta namin sa Ilocos Sur—ang lugar na pinagmulan ng kakaning bibingka. At kung saan pinasan ako sa likod ng aking papa.
Doon kami’y nagliwaliw sa kalye ni Mang Crisologo (Calle Crisologo). Naglakad ng marahan sa lilim ng lumampas na panahon, at nilasap ang malamig na simoy ng gunita. Doon, kinain namin ang isang kahon ng bibingka—kung saan ang bawat kagat ay piraso na bumubuo ng isang natatanging alaala.
Pilosopo Tasyo’s Study Room
Angel Sanchez
At the most silent period of the night, you’ll see warm light seeping through the closed window shutters, or at least that’s how I would like to visualize it, as I have never stepped outside. My view only consists of wooden walls covered by floor-to-ceiling bookshelves, also made of wood. The bookshelf shows scratches, dents, and inconsistent color, its sides being lighter than the other, showing that it’s been used for years, passed down from one owner to the other. Despite its years of usage, as it is made of mahogany wood, its lifespan and strength surpass the others.
It serves its purpose quite well in storing literature. There’s no empty space; each nook and cranny is storing books—thick books, thin books, spines consisting of different colors, spines with creased lines, spines with cursive titles, printed titles, and spines with no titles. Some are stored with their spines hidden, showing the front edge pages that obviously have been flipped millions of times. Some books are more worn out than the others—with loose binding and makeshift covers. But all are still in good condition, ready to be reread again. There’s no unused book; all have been flipped, scanned, annotated, and marked. There’s so much books to the point where some are stored sideways, stacked upon one another. Some are lying on the ground, waiting for their home to be bought or made. And despite the amount of books, the bookshelf is clean; there’s no dust on it. Don Anastasio, my dearest friend, makes sure to care for the books from the first day he purchased them.
I spend the most time with him in the quietest part of the night. I don’t know exactly what time, as Tasyo stopped the hanging wall clock’s ticking a long time ago. It now merely serves as decoration. Our nightly routine starts with Tasyo striking a match. He then burns the tall, thick candle, leaving wax remains at the bottom. As he sits in front of me, he puts on thick circular lenses, as he can’t see in the dark without them. He prefers wearing a long-sleeved white shirt, and has so many similar versions–all are old and worn out. His best clothing is his white barong tagalog, though he wears it only on special unfortunate occasions. Like his clothes, Tasyo is old. I always look up to him, with his white short hair, his face full of wrinkles from his forehead to his cheeks, his eyes droopy and casting dark shadows—noticeable even with me looking up—and his tongue is black from licking the tip of the quill when it dries up with my blood. When it fails to leave its mark on the paper, he finally greets me and my partner. He takes just enough, tapping the quill on my sides if he thinks it’s too much. With it, he writes on the papers spread around me. We spend our time together like this. As he writes, the candle grows shorter, the stack of written paper grows taller, his eyes’ shadow darker, and my blood grows lighter.
Occasionally I bid farewell to Tasyo. My black liquid vitality dries up, and I faint, afraid and sure it is my last time to help him write his concealed texts. I say occasionally because, unlike his wife, his mother, his friends, his comrades, and like-minded acquaintances who never woke up again, I come back based on his will to once again fill my life with purpose. Every time I wake from death, I hope for Tasyo to continue his writing so that at least I can stay with him. I hope to see him every time he glances at the stuck clock, blows the candle, takes off his lenses, pauses his writing to stand up and open the window shutter. With his unmoving stature and hands clasped behind his back, his eyes gleam, reflecting the dawn that wakes the breathing people left. Until it’s his turn to follow his quill and the dawn fails to greet him, I hope to witness this friend.
Silid-Aralan ni Pilosopo Tasyo
Isinalin sa Filipino ni Rey-Rey Tinaco
Sa pinakatahimik na sandali ng gabi, makikita mo ang banayad na liwanag na sumisingaw sa pagitan ng mga nakasarang bintanang may kapis, o marahil ganoon ko lamang nais isipin, sapagkat kailanman ay hindi pa ako nakalabas. Ang aking daigdig ay binubuo lamang ng mga dingding na kahoy na natatakpan ng mga estanteng kahoy na umaabot sa sahig hanggang kisame. Hitik ang mga ito sa mga gasgas, baku-bako, at kupas na kulay; higit na mapusyaw ang isang tagiliran kaysa sa kabila—patunay na matagal na itong napakinabangan at naipasa sa iba’t ibang may-ari. Gayunman, dahil yari ito sa matibay na narra, nananatili ang tibay at habang-buhay nito na higit sa karaniwan.
Ganap nitong natutupad ang layunin nitong maging tahanan ng panitikan. Walang kahit katiting na puwang na walang laman. Bawat sulok at siwang ay kinalalagyan ng mga aklat—makakapal at maninipis; may gulugod na makukulay, may lukot na sa katandaan, may pamagat na nakasulat sa kudlit na titik, may limbag na pamagat, at mayroon ding wala nang anumang pangalan. Ang ilan ay nakatihaya, anupa’t ang nakalitaw ay ang gilid ng mga pahinang wari’y milyun-milyong ulit nang nabuklat. May mga aklat na higit nang naluma kaysa sa iba—maluwag na ang tahi at pansamantala na lamang ang pabalat. Ngunit lahat ay nananatiling buo at handang muling basahin. Walang aklat na hindi pa nahawakan; bawat isa’y nabuklat, nasaliksik, nalagyan ng anotasyon, at namarkahan. Napakarami ng mga ito kaya’t ang iba’y nakahiga, nakasalansan sa ibabaw ng isa’t isa. May ilan ding nakalapag sa sahig, naghihintay ng sarili nilang masisilungan. At sa kabila ng dami ng mga aklat, nananatiling malinis ang estante; walang bakas ng alikabok. Si Don Anastasio, ang pinakamamahal kong kaibigan, ay buong ingat na inaalagaan ang bawat aklat mula pa noong unang araw na mapasakaniya ang mga ito.
Kasama ko siya sa pinakatahimik na oras ng gabi. Hindi ko alam ang tiyak na oras, sapagkat matagal nang pinatigil ni Tasyo ang tikatik ng orasan sa dingding. Isa na lamang itong palamuti. Nagsisimula ang aming ritwal sa gabi sa pagliyab ng posporo sa kaniyang kamay. Pagkaraan, sinisindihan niya ang matangkad at makapal na kandila na napaliligiran ng mga natuyong patak ng lumang pagkatunaw. Pag-upo niya sa aking harapan, isinusuot niya ang makakapal niyang bilog na salamin, sapagkat hindi siya nakakakita sa dilim kung wala ang mga ito. Madalas siyang magsuot ng puting kamisang may mahabang manggas; marami siyang magkakahawig, at lahat ay luma na at kupas. Ang pinakamaganda niyang kasuotan ay ang puting barong Tagalog na isinusuot lamang niya sa mga natatangi ngunit malulungkot na pagkakataon.
Tulad ng kaniyang mga kasuotan, matanda na rin si Tasyo. Lagi ko siyang tinitingala. Maikli at maputi na ang kaniyang buhok. Ang kaniyang mukha ay hitik sa mga kulubot mula noo hanggang pisngi. Laging bagsak ang kaniyang mga mata at nababalot ng maiitim na anino—kapansin-pansin kahit mula sa aking kinatatayuan sa ibaba. Maitim ang kaniyang dila dahil sa paulit-ulit niyang pagdila sa dulo ng pluma kapag natutuyo ito sa aking dugo. Kapag hindi na nito maiwan ang bakas nito sa papel, saka niya ako kinakausap sa pamamagitan ng kapares ko. Kumukuha lamang siya ng sapat na dami, at marahang itinatapik ang pluma sa aking tagiliran kapag inaakala niyang sumobra na. Sa pamamagitan niyon, sinusulatan niya ang mga papel na nakalatag sa aking paligid. Ganyan kami magkasamang magpalipas ng mga gabi. Habang sumusulat siya, lalo namang umiikli ang kandila, tumataas ang bunton ng mga papel na nasulatan, lalong umiitim ang anino sa ilalim ng kaniyang mga mata, at unti-unting nababawasan ang aking dugo.
Paminsan-minsan, nagpapaalam ako kay Tasyo. Natutuyo ang maitim kong likidong nagbibigay-buhay at ako’y nanghihina, puno ng pangamba at katiyakang iyon na ang huling pagkakataon kong matulungan siyang isulat ang kaniyang mga lihim na akda. Sinasabi kong paminsan-minsan, sapagkat hindi tulad ng kaniyang asawa, ina, mga kaibigan, kasamahan, at mga kapuwa niyang nag-isip na minsang namatay at hindi na muling nagising, ako ay muling nabubuhay tuwing nanaisin niya akong bigyan ng panibagong layunin.
Sa bawat paggising ko mula sa kamatayan, umaasa akong ipagpapatuloy ni Tasyo ang kaniyang pagsusulat upang manatili pa akong kasama niya. Nais ko siyang masilayan tuwing sisilip siya sa tumigil na orasan, hihipan ang kandila, aalisin ang salamin, hihinto sa pagsusulat, tatayo, at bubuksan ang bintana. Sa kaniyang di-nagbabagong tindig, habang magkadaop ang mga kamay sa likuran, kumikislap ang kaniyang mga matang sumasalamin sa bukang-liwayway na gumigising sa mga taong humihinga pa. Hanggang dumating ang sandaling sundan niya ang kaniyang pluma at hindi na siya abutin ng panibagong umaga, umaasa akong manatiling saksi sa aking kaibigan.
Elias
Ron Gerald Feliciano
Marami akong tinatagong sikreto. Marahil dahil na rin sa aking madilim na nakaraan, kaya hindi ko kayang magtiwala sa iba. Lumaki ako sa karangyaan kasama ang aking kapatid na babae. Nag-aral ako sa ilalim ng mga paring Jesuit, samantalang ang aking kapatid na babae naman ay pumasok sa kumbento ng La Concordia upang mag-aral. Ang tanging hiling ko lamang noon ay maging magsasaka, kaya naman pagkatapos ng aming maikling edukasyon, bumalik kami sa bayan upang sakahin ang lupang minana namin mula sa aming lolo. Masasabi kong masaya ang aming buhay, hindi masyadong nababahala sa aking kinabukasan, marami kaming mga katulong, samantalang maraming napipitas na prutas at masagana ang ani ng lupang sinasaka namin. Nakatakdang ding magpakasal sa lalaking kanyang iniibig ang aking kapatid.
Dahil na rin siguro sa aking musmos na edad, may pagka-mahangin ako, aminado naman ako. Sino ba naman ang hindi magyayabang? I am the hottest guy in town, triple threat ‘ika nga nila. Makisig, mayaman, at hindi rin masama sa paningin. At dahil na rin siguro dito, kaya medyo malayo ang loob sa akin ng isa kong kamag-anak. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nagkaroon ako ng problemang pinansyal at dahil na rin siguro sa aking pagiging arogante, hindi nakapagpigil ang aking kamag-anak at siniwalat ang aking totoong pinanggalingan.
Mainit ang panahon, ngunit nanlalamig ang aking mga kamay. Halo-halong emosyon ang aking naramdaman — takot, kaba, at lungkot. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa aking natuklasan; ang matandang lalaking matagal nang naninilbihan sa amin ay siya palang tunay kong ama. Halong kahihiyan at pagsisisi ang aking nadama, dahil may mga pagkakataong napagbuhatan ko ito ng kamay at namaltrato. Ang dating masaya at makulay na bukas ay nabalot ng kadiliman.
Nagpasya akong ibalik ang aking mga mana at dahil sa eskandalong bumagsak sa aming pamilya, umatras din sa kasal ang lalaking pakakasalan sana ng aking kapatid. Lumipat kami sa karatig-bayan kasama ng aking ama, ngunit dahil na rin sa konsensya, bumagsak ang katawan ng aking ama at tuluyang namatay. Mahal na mahal ng kapatid ko ang kanyang dating kasintahan, kaya siguro halos bumagsak ang katawan nito nang nalaman niyang ikakasal na ito sa iba. Wala akong magawa upang tulungan siya.
Isang araw, biglang naglaho ang kapatid ko. Hinanap ko siya nang hinanap, ngunit nabigo ako. Pagkalipas ng anim na buwan, sa bayan ng Calamba, isang bangkay ang natagpuan at walang kumupkop nito dahil wala naman daw na nawawalang dalaga sa bayan nila. Base sa deskripsiyon—sa damit, mga alahas, maamong mukha, at mahaba niyang buhok — tiyak kong kapatid ko ang namatay. May kutsilyo raw ito sa dibdib, senyales na pinatay siya. Ang saklap ng sinapit ng aking kapatid, halos hindi ko akalain na hahantong sa ganito ang buhay namin. Mula noon, nagpalipat-lipat ako ng bayan. Walang pagkakakilanlan, pero ang pangalan ko ay bukambibig ng karamihan dahil sa mga naitulong ko sa iilan. Ngayon, bahagi ako ng rebolusyon na naglalayong pabagsakin ang mga mananakop. Nakilala ko rin si Crisostomo Ibarra, at sinusubukan ko siyang hikayatin na sumama at maging lider ng kilusan, ngunit tumanggi siya at mas importante raw na maghintay.
Paano naman ako makakapaghintay kung tinatrato ako na mas mababa pa sa hayop sa sarili kong bansa? Ang paghihintay ay isang malaking pagdurusa. Ngunit matigas si Don Crisostomo. Ang nais niya, mapayapang reporma. Ayaw niyang may masaktan pang iba, kaya naman magpapatayo siya ng eskwelahan para sa mas progresibong pag-unlad.
Naniniwala ako na ang paghihirap at pakikibaka ay kaakibat ng kalayaan. At kung walang kalayaan, wala ring tunay na liwanag. Hinihiling ko na sana ay magbago ang isip ni Don Crisostomo at sumanib sa kilusan. Ang presensya niya ay magiging lakas sa mga miyembro ng rebolusyon, magiging lakas ko rin siya kung nagkataon. Ngunit wala na kaming masyadong oras. Sana, bago ako mamatay, makita kong si Crisostomo Ibarra ang nangunguna sa himagsikan. Ngunit sa ngayon, maghihintay muna ako sa iyong desisyon, Don Crisostomo. At kung pumanaw man ako, sana kaming mga nalugmok sa dilim ay hindi malimutan ng mga taong naghihintay sa bukang-liwayway.
Ang Huni ng mga Patak ng Ulan
Reymund Tinaco
Kung ako ay isang uri ng tubig, nais kong maging ulan—hindi bagyo, hindi alon, kundi isang payak na patak na marahang bumabagsak mula sa langit. Sa bawat patak ay may sariling himig. May mga patak na mabilis, may mabagal, may halos hindi marinig, at mayroon ding paulit-ulit hanggang makabuo ng isang awit. Marahil ganoon din ako. Mahilig ako sa musika at madalas kong napapansin ang mga tunog na nagmumula sa mga bagay na karaniwang nakikita natin. Para sa akin, ang mundo ay parang isang malaking instrumento, at ang ulan ay isa sa mga pinakamatandang awit nito.
Noong bata pa ako, may isang alaala na hanggang ngayon ay parang ulan na hindi tuluyang natuyo sa aking gunita.
Isang araw, nagpunta kami ng aking kaibigan sa isang burol. Hindi ko na lubos na maalala kung paano kami nakarating doon. Ang alam ko lamang, tila may kakaibang saya at pagkabalisa sa aming paglalakbay. Marahil ay dahil bata pa kami at alam naming wala kaming pahintulot ng aming mga magulang. May bahagi sa akin na nag-aalala, ngunit nang makarating kami sa lugar na sinabi niyang tahimik at malinis, unti-unting napalitan ng saya ang aking pangamba.
Doon, sa gitna ng katahimikan ng burol, nagsimula ang isang pagkakaibigang unti-unting nagkaroon ng sariling himig.
Ibinahagi sa akin ng aking kaibigan ang isang awiting madalas niyang pinakikinggan tuwing pumupunta siya roon. “O Sole Mio,” isang awiting Italyano, ang tinatawag niyang theme song. Kapag naririnig niya ito, para raw siyang napupunta sa Italya—parang nasa ibang mundo, o kaya nama’y nasa langit.
May pangarap siyang makarating sa Italya balang araw. Doon niya nais mag-aral at magsimula ng isang bagong yugto sa kanyang buhay. Habang ikinukuwento niya iyon, marahil ay hindi ko pa nauunawaan kung gaano kalalim ang ibig sabihin ng isang pangarap para sa isang tao. Para sa akin noon, isa lamang itong kuwento ng isang kaibigan. Ngunit kalaunan, naunawaan kong may mga pangarap na parang ulap—malayo, ngunit patuloy mong tinitingnan dahil umaasang balang araw ay maaabot mo rin.
Makalipas ang ilang oras, nagsimulang bumagsak ang ulan.
Una, iilang patak lamang. Marahang dumampi sa aming balat at sa mga dahon ng punong sinilungan namin. Pagkatapos, lumakas ito, na para bang may unti-unting tumutugtog na tambol sa paligid. Nanatili kami roon, nagkukuwentuhan at nagtatawanan habang pinakikinggan ang himig ng ulan. At doon namin natuklasan ang isa pang awit—“Neapolitan Love Song.”
Hindi ko malilimutan ang unang pagkakataong narinig ko iyon. May kakaibang ganda ang awit, at habang umaalingawngaw ito sa paligid, tila nagkaroon ng sariling kuwento ang ulan. Mula noon, naging theme song na namin ang “Neapolitan Love Song” tuwing pumupunta kami sa burol.
Hindi ko alam noon na ang isang kanta ay maaaring maging lalagyan ng alaala. Hindi ko rin alam na ang isang simpleng hapon sa ulan ay maaaring manatili sa isang tao nang napakatagal.
Ang mga patak ng ulan ang naging saksi sa aming pagkakaibigan. Sa bawat pagbagsak nito, tila may isang tunog na nag-uugnay sa aming mga kuwento—ang aming mga tawanan, mga pangarap, mga lihim, at ang mga awiting natuklasan naming magkasama. Dahil sa aking kaibigan, mas nakinig ako sa musika. Natutuhan kong hindi lamang ito mga tunog na pinagsama-sama. Maaari pala itong maging alaala. Maaari itong maging lugar. Maaari itong maging isang tao.
Lumipas ang mga buwan at unti-unti nang natatapos ang taon ng pag-aaral. Isang araw, sinabi sa akin ng aking kaibigan na aalis na siya. Matutupad na ang matagal na niyang pangarap: pupunta na siya sa Italya.
Nalungkot ako. Sa isip ko, paano kung wala na siya? Sino na ang makakasama ko sa burol? Sino ang makikinig sa akin kapag may bago akong natuklasang kanta? Sino ang makakaalala kung paano nagsimula ang lahat?
Ngunit alam kong hindi ko maaaring pigilan ang isang taong naglalakbay patungo sa kanyang pangarap.
Kaya sinulit namin ang mga natitirang araw. Muli kaming nagpunta sa burol. Doon ko sinabi sa kanya ang tunay kong nararamdaman tungkol sa pag-alis niya. Malungkot ako, ngunit masaya rin ako para sa kanya. At sa araw na iyon, sinabi rin niya sa akin ang isang bagay na hindi ko inaasahan.
Kulang daw ang kanyang pangarap na makarating sa Italya kung hindi ako kasama. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Ngunit sa sandaling iyon, naunawaan ko na may mga pagkakaibigang hindi kailangang manatili sa iisang lugar upang manatili sa ating buhay.
Binalikan namin ang mga alaala namin—kung paano kami nagsimula, ang aming mga unang pagpunta sa burol, ang mga kantang natuklasan namin, at ang mga patak ng ulan na naging tahimik na saksi sa lahat ng iyon.
Naalala namin ang isang awiting matagal na naming binabalak gawin bago siya umalis. Isang kanta na magiging alaala namin, isang bagay na maiiwan kahit magkalayo na kami. Ngunit habang papalapit ang araw ng kanyang pag-alis, hindi na namin ito nagawa.
Naisip ko: Hihintayin ko ba siya para gawin namin ang kanta nang magkasama? O ako na lang ang magsusulat nito? Marahil, hindi kailangang tapusin ang lahat ng awit nang sabay-sabay. Marahil, may mga awiting nagsisimula sa isang tao at nagpapatuloy sa isa pa.
Kaya siguro gagawa ako ng sarili kong kanta—isang awit na magsisilbing bakas ng aming pagkakaibigan. Isusulat ko rito ang mga tunog ng aming mga tawanan, ang mga pangarap na minsan naming ibinahagi, ang burol na naging tahanan ng aming mga alaala, at ang dalawang awiting unang naglapit sa amin.
At marahil, isasama ko rin ang ulan. Dahil hanggang ngayon, kapag naririnig ko ang unang patak sa bubong o sa mga dahon, para bang bumabalik ang isang hapon na matagal nang lumipas. Sa bawat patak, naririnig ko ang isang awit. Sa bawat awit, naaalala ko ang isang kaibigan. At sa bawat alaala, nararamdaman kong may mga bagay na maaaring umalis, ngunit hindi kailanman tuluyang nawawala.
Ang ulan ay bumabagsak, sumasayaw sa lupa, at muling bumabalik sa langit. Marahil ganoon din ang mga alaala. Hindi sila nawawala. Nagbabago lamang sila ng anyo—mula sa patak, nagiging himig; mula sa himig, nagiging alaala; at mula sa alaala, nagiging awit na maaari nating dalhin saanman tayo mapunta.

Leave a Reply