PINTIG NG PAHINA: MGA HANDUM MULA SA HAWAIʻI

Takot ako sa katahimikan ng blankong pahina. Ilang linggo ko na ring iniiwasang tingnan ito. Hinahanap ko ang ritmong magpapasayaw sa mga salita, ang himig na magbibigay-buhay sa mga titik na nakahanay sa puting espasyo. Ngunit kung minsan, talagang matumal dumating ang mga talinhaga—lalo na sa harap ng maraming ganap, gawaing-bahay, at mga pagsubok ng buhay-guro. Ngunit mas matindi ang takot ko sa aking mahal na kaibigan, si Propesor Nonon Carandang, at sa lahat ng patnugot ng Luntian; hindi ko sila kayang biguin kaya’t nabuo rin ang panimulang ito.

Hindi naman pala ako dapat nagduda na darating ang musa dahil sumulpot din ang mga kataga. Sapagkat ang musika ay naroon na sa simula pa lamang—sa marahang pintig ng dibdib, sa bawat hininga, sa mga gunita at pangarap na tahimik na nananahan sa atin. Kailangan lamang nating huminto at makinig. At hindi ako dapat nangamba dahil lahat naman ng bagay na naisakatuparan ay nagsimula sa kawalan, tabula rasa. Isang hiraya o handum lang ang nagiging binhi. 

Handum ang salitang Hiligaynon para sa hangad, mithiin, o pangarap—ang ipinipintig ng ating puso. Ngunit higit pa sa isang simpleng pagnanais ang handum. Kaugnay nito ang salitang handumanon/handumanan at ang Cebuanong handurawan—ang larawang binubuo ng guniguni, pagbabalik-tanaw. Sa mga salitang ito humihimlay ang alaala at pangarap; nag-uulayaw ang nakaraan at ang hinaharap. 

Malaon ko nang handum ang pagbubuo ng isang antolohiya ng mga akda ng mga mag-aaral dito sa Unibersidad ng Hawai’i. Inabot ng labingwalong taon bago ito natupad. Gaya ng lahat ng bagay, dumarating ang ganitong uri ng biyaya hindi kung kailan natin gusto, kundi sa panahong pabuot ng Sansinukob.

Narito na ngayon ang Handum: Luntian Isyu 15. Sa mga pahinang ito, nagsasama-sama ang mga tinig ng mga gradwado at di-gradwadong mag-aaral, mga guro at staff ng Unibersidad ng Hawaiʻi. Iba-iba ang kanilang pinagmulan at antas ng kaalaman sa Filipino. May mga ipinanganak at lumaki sa Pilipinas; may mga dumating sa Hawaiʻi matapos ang elementarya o hayskul sa Pilipinas; may mga dito na ipinanganak at mas sanay magsalita ng Ingles; at may mga hindi Pilipino na nagsimulang mag-aral ng wika mula sa pinakaunang antas. Ngunit nakabuo sila ng sulatin sa wikang Filipino. May mga salitang naghahanap ng tahanan, mga kuwentong tumatawid sa karagatan, at mga gunitang naglalakbay sa pagitan ng Pilipinas at Hawaiʻi. Ang Hawaiʻi, isang kapuluang hinahaplos at pinaghihiwalay ng dagat, ay naging kanlungan ng mga kuwentong maraming pinagmulan ngunit patuloy na nagtatagpo.

Marahil ay hindi nagkataon na nabuo ang koleksiyong ito sa panahong papalapit ang ika-35 anibersaryo ng Katipunan Club, ang organisasyon ng mga mag-aaral na Filipino, sa 2027. Kabilang sa antolohiyang ito ang mga akda ng dating tagapag-ugnay ng UH programang Filipino at tagapagtatag ng Katipunan Club, ang bantog na makatang si Dr. Ruth Elynia Mabanglo. Sa kanyang paglahok, nagkakaroon ng pag-uusap ang mga salinlahi—ang mga tinig ng mga nauna at ng mga kasalukuyang sumusulat.

Pinangunahan ni Dr. Ruth Elynia Mabanglo ang hanay ng mga tula sa kanyang Limang Tulang Panalangin, na wari’y pagbabasbas sa mga sumusunod na pahina. Sa unang bahagi, Luntiang Panulaan, sumisibol ang mga tulang nakaugat sa kalikasan, gunita, pag-ibig, at mga karanasang humuhubog sa atin. Sa mga tula nina Von Dickens Ulsa at Sugar Shandy Reyes, ang mga bagay na tila payak at pamilyar ay nagiging mga bintanang bumubukas sa mas malalalim na tanawin ng buhay. Sa Dapithapon ni Ivan Bondoc, ang papalubog na araw ay sandali ng paghinto upang magnilay-nilay sa pagitan ng liwanag at dilim.

Sa mga akda nina McMillan Ching, Kelvin Saraos, Marvin Batingaw, Louward Zubiri, Steven Fluckiger, at Daisy Isla, ang mga karanasan ng indibidwal ay sumasanib sa mas malalaking alon ng lipunan. Ang sariling pintig ay nagiging bahagi ng mas malawak na kumpas: mga tinig na nakikipagbuno sa mga tanong tungkol sa kapangyarihan, pagkakakilanlan at mundong kanilang ginagalawan.

Sa mga akda naman ni Jose R. Taton Jr., ang mga bituin, bagyo, at ritwal ay nagiging wika ng mga bagay na mahirap sabihin nang tuwiran; ang malayo ay nagiging malapit, at ang kalawakan ay nagiging salamin ng puso. Sa Epiko ni Ken Reyes na gumagamit ng tradisyonal na sukat at tugma, muling umaalingawngaw ang isang sinaunang kumpas ng ating panitikang-bayan.

Sa dulo ng bahaging ito, matatagpuan ang mga salin ni Ronn Angeles sa mga akda ni Lawrence Lacambra Ypil. Sa mga tekstong ito, ang silid ay nagiging tahanan at kulungan, ang sandali ay nagiging mahabang paglalakbay, at ang himpilan ay nagiging lugar ng paghihintay at pag-alis. Sa pamamagitan ng salin, tumatawid ang mga salita sa pagitan ng dalawang wika, at nakasusumpong sila ng panibagong tahanan sa Filipino.

Sa ikalawang bahagi, Hardin ng Kuwento, maririnig ang mga pintig ng alaala at mga bakas ng mga karanasang patuloy na kumikirot. Sa Bibingka ni Sugar Shandy Reyes, ang isang pamilyar na pagkain ay nagiging sisidlan ng alaala ng pagkabata. Sa Maglakbay Patungong Tagumpay ni Hanna-Lou Aguilar at Paglago Habang Abala ang Mundo ni Mica Moran Tabios, ang mga hangad para sa kinabukasan ay nangangailangan ng tibay ng loob at pag-asang maiigpawan din ang bawat pagsubok. Sa mga akda nina Angeli Callo at Reymund Tinaco, muling nabubuhay ang pait-tamis ng alaala ng mga araw na minsang nagpaalab sa puso at nag-iiwan ng marka sa kaluluwa.

Mula naman sa pagsasanay para sa kursong Rizal’s Life and Work ang dalawang character sketch na muling nagbibigay-buhay sa mga tauhan ng Noli Me Tangere. Sa Pilosopo Tasyo’s Study Room, kapansin-pansin ang homage ni Angel Sanchez sa The Bead Woman at Candle Woman’s Daughter ni Cristina Pantoja Hidalgo mula sa A Book of Dreams, na aming pinag-aralan sa klase bilang halimbawa. Sa halip na tuwirang ilista ang mga katangian ni Pilosopo Tasyo, ang kanyang silid-aklatan at ang mga bagay sa kanyang paligid ang nabubunyag sa lalim ng kanyang pagkatao. Sa kabilang banda, gamit ang kontemporaryong wika, binibigyan ni Ron Feliciano ng bagong tinig si Elias, isang tauhang matagal nang nakaukit sa ating panitikan at kolektibong kamalayan. 

Bunga ng aming kurso sa pagsasalin ang mga akdang kabilang sa Bukid ng Salin. Isinalin ni Markee Micu ang mga tula ni Rumi; maingat ang kanyang pagsasalin at nahuli niya ang marubdob na pangungulila at ang pagnanais na mapalapit sa minamahal at sa banal sa mga tula ni Rumi. Sa salin naman ni Rod Neil David ng Letters to a Young Poet, nauunawaan ang kahalagahan ng pag-iisa at pagtanggap sa kawalang-katiyakan sa buhay. Kung minsan, parang mas mahapdi pa ang ilang bahagi nang maisalin sa Filipino dahil mas malapit sa sensibilidad natin.

Pumili si Joy Carmel Sahagun ng mga tula mula sa mga paborito niyang makata—sina Lydia Wang, Ashe Vernon at Sarah Kaye. Ang mga tulang ito ay tumutuligsa sa mga isteryotipikal at mapang-aping pananaw tungkol sa kababaihan. Hindi kumurap si Sahagun sa mga pariralang malakas ang dating at walang takot niyang isinalin ang mga ito. Sa kabuuan, hindi lamang paghahanap ng katumbas sa tunguhang lengguwahe ang pagsasalin, kundi pati na rin ang paglipat at pagtawid ng kultura, damdamin, ritmo, at pagtingin sa mundo. 

Sa Sanga-Sangang Sanaysay, mababasa sa unang pagkakataon ang sariling salin sa Cebuano  ng Note from the Underground ng kapita-pitagang Propesor Patricio Abinales. Mababasa rito ang mga handurawan niya noong panahon ng Batas Militar at ang kanyang pakikisangkot sa kilusang bumatikos at tumutol sa diktadura. Makabuluhang basahin ang kanyang matalas at matapat na salaysay dahil kinakaharap pa rin natin ang mga parehong suliranin mahigit na limang dekada na ang nakalipas. Kaugnay ng Note from the Underground ang pagsusuri ni Samantha Guinto ng Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo Reyes, na naging serye sa Liwayway Magazine noong 1966-67. Ang mga suliraning tinatalakay ni Guinto sa kanyang sanaysay ay mga kaapihang naranasan ng mga manggagawa at ng kababaihang nalugmok sa prostitusyon. 

Sa ikaw-4 na antas ng pag-aaral ng wika dito, isa sa mga proyekto ay ang oral history. Halimbawa nito ang sanaysay tungkol sa mga handumanon ng kanyang lolo at lola sa Pilipinas at Hapon ni Haruka Waseda, isang Haponesang estudyante ng Asian Studies. Isinalaysay ni Waseda ang kuwento ng pagkakilala at pag-iibigan ng kanyang lolo at lola. Naging inspirasyon niya ito upang mag-aral ng Filipino at magpatuloy sa pananaliksik sa Asian Studies.

Pinalad ang katipunang ito dahil nakabilang ang Cherry Blossom Eskapo sa huling bahagi, Punla ng Dula. Mula sa panulat ni Emmanuel Jones Mante, nakasentro ang dula sa buhay si Sara na nilinlang sa pagtatrabaho sa isang club sa Japan. Tinututulan ng dula ang human trafficking at layunin nitong mabuksan ang kamalayan ng mga tao sa mga puwersa ng lipunang nagpapalaganap ng ganitong kasamaan at kalupitan.

Lahat ng mga akdang ito ay may sariling pintig, sariling handumanon, sariling handum, sariling himig. Ngunit sa pagsusulat at pagbabahagi natin nito, nabubuo naman ang pinagsamang himig ng mas malaking awit. Isang kolektibong himig ng mga taga-Unibersidad ng Hawai’i, na binubuhay ng bawat pintig.

Ito rin ang pintig ng aking puso: isang pusong nakatamo ng handum—ang pagkakabuo ng matagal ko nang inaasam na antolohiya—isang pusong umaapaw sa pag-asa at nagpapatianod sa daloy ng buhay.

Lubos ang aking pasasalamat sa Lupon ng mga Editor ng Luntian—Nonon Villaluz Carandang, David Michael San Juan, Mark Angeles, Christopher Bryan Concha, at higit sa lahat kay Gerome Nicolas Dela Peña—sa kanilang kahusayan at pagkamalikhain; at lalo na sa pagtitiyaga sa aking makupad na pagtugon sa mga pangangailangan. Mahalo kay Jose Taton, Jr. para sa kanyang cover art; kay Von Dickens Ulsa para sa art ng page breakers, at kay Reyrey Tinaco sa administrative support. Sila ang naging sandigan sa pagbuo ng isyung ito; ngunit anumang pagkukulang ay akin lamang.

Mahigpit na yakap mula sa Hawai’i.

Pia Arboleda

22 Setyembre 2026

One response to “Dr. Pia Arboleda”

  1. […] Dr. Pia Arboleda (Panauhing Patnugot) […]

    Like

Leave a Reply

Tungkol sa Luntian Journal

Tuloy po kayo sa Luntian Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (inilalathala ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino/PSLLF).

Basahin ang latest na isyu.

Latest posts