PASASALAMAT SA KOLABORASYONG LUNTIAN AT NG UNIVERSITY OF HAWAII MANOA, AT ANG KATUTURAN NG PANITIKAN SA PANAHON NG PAMUNUANG HIBANG

Sa ikalabinglimang isyu ng Luntian Journal, karangalan ang makasama ang University of Hawaii at Manoa (UHM) sa pangunguna ni Dr. Pia Arboleda, ang tumatayong direktor ng Center for Southeast Asian Studies (UH CSEAS). Isang kalipunan ito ng mga akdang kumakatawan sa mga guro at mag-aaral na may pagpapahalaga sa kaakuhan at nagtataguyod ng kulturang Pilipino, at nakapag-aakda o nakapagsasalin ng kanilang piling karanasan at nakapagbahagi ng kanilang pananaw at talinghaga.

Ang mga kontribusyon sa isyung ito ay nagpapatunay ng kanilang sigasig sa paggamit ng wikang Filipino at ng malasakit sa mga wika sa bansa. Sa katunayan, ilang katutubo at wika sa bansa ang ginalugad upang maging pamagat ng isyu. Nais ni Dr. Arboleda na mapasama at makilala ang mga salitang nag-uugat sa mga wika ng Pilipinas na namumukod-tangi at may kaangkupan sa kahulugan at katuturan. 

Gaya ng ikasampung isyu, kung saan nagtatampok ng mga akdang produkto ng Luntiang Palihan ng Bienvenido N. Santos, ang mga akdang tampok sa espesyal na isyung ito ay produkto rin ng pagsasanay ng mga mag-aaral sa malikhaing pagsulat at ang kanilang adhikaing mapakilala at mapatingkad pa ang kaakuhan ng mga Pilipinong manunulat at guro sa UHM. Kaya naman, malaking karangalan ang mailaan sa ang isyung ito.

Patunay ang koleksyon ng mga akda sa ikalabinglimang isyu na buhay ang panitikang Pilipino sa akademya kahit ito pa ay sa ibayong dagat. At magiging isang pangunang pagtatampok ito ng mga akda na maaaring maging modelo para masundan pa ng iba pang pamantasang may programang pangkultura at panitikan.

Gaya nga ng palagi kong nababanggit, bukas at iniaalok ng Luntian Journal ang espasyo para sa iba pang mga pamantasan at organisasyong may layong mailathala ang kanilang mga akda sa hinaharap. Isang paraan din ito upang maipakilala ang mga manunulat at makalap at maipamahagi ito sa mas malawak na mambabasa ng mga inakda ng mga mag-aaral, guro, organisasyon, at pamantasan bilang publikasyong dumaan sa masusing pagpili (refereeing). 

Taos-pusong pasasalamat ang aking ipinaabot sa University of Hawaii at Manoa, sa pangunguna ni Dr. Pia Arboleda para sa kanilang masigasig na pagkikiugnayan at kolaborasyon sa Luntian Journal.

Mahalo nui loa!

Nais kong panariwain at balikan ang panahon ng aking kabataan. Marami-rami na akong naisulat na alaalaysay (memoirs, sa akin ang terminolohiya) ukol sa aking pagkabata, lugar o kapaligirang nakamulatan, mga kaibigan, at karanasang kapuwa nakapagpapangiti o nakapagpapahikbi.

Bago pa matapos ang buwan ng Setyembre, ang buwan ng paggunita sa pag-iral ng Batas Militar, nais kong balikan ang nagisnan kong tahanan, mga taon sa paaralan noong dekadang nakamulatan kong puno ng paalala at karahasang naikukubli ng midyang kontrolado ng pamahalaan, at ang enkuwentro sa isa sa mga kinikilalang kadugo ng diktador.

I. Ang Aming Telebisyon

Tawagin mo akong Kuwatog. Ang pangalan ng bida sa pelikula ng kilalang child actor noong 1979. Katawagan sa akin ito ng mga tiyahin ko at kabarkada ng aking inang walang ginawa kundi ang makipaglaro ng Lucky 9 habang kalong-kalong ako ng mga ito. Madalas silang naglalaro nito at para hindi maabala o magmarakulyo ay naipundar ng aking ina ang payak na telebisyon. Musmos ang tawag sa akin lalo’t paslit pa lamang ako ay palaging nakamasid na sa kanilang libangan.

May cabinet type black and white television kami noon sa aming bagong nilipatang bahay sa Valenzuela na dating sakop pa ng Bulacan. Naaalala ko pa ito kahit na nasa apat o limang taong gulang pa lamang ako sa huling bahagi ng Dekada ‘70 at ipinatutupad pa ang Martial Law.

May tila roletang pihitan ito ng channel at ang natatandaan ko nakatutuwaan ko itong pihitin dahil sa tunog nitong parang pinupukpok na tabla. Magagarang imahen ang lumalabas sa bawat pagpihit nito. Palibhasa’y black and white lang, may volume, brightness, and contrast adjustment knobs ito na akin ding kinatutuwaang paglaruan. Dito ko marahil nalinang ang aking pandinig sa tuwing hihinaan ko ang tunog at lalakasan ko ito nang todo hanggang sa makagalitan ako ng aking magulang. Ang tunog ng telebisyon ang nagturo sa akin ng kapangyarihan ng musika at wika. Doon ko rin napahalagahan ang imahe sa isang kuwadro na nagpapakita ng disenyo, galaw, bilis, at simbolo. Higit sa lahat doon ko nabatid ang halaga ng pagbabahagi ng impormasyon at ng payak na paglilibang.

Nakahiligan ko ang panonood ng telebisyon. Palibhasa’y wala naman akong makalaro at parati akong naiiwan sa loob ng bahay kasama ang aking nakatatandang kapatid na walang panahon sa pakikipagharutan at ang kasambahay na abala sa gawaing bahay.  Wala akong kaibigan o kapitbahay na nakalaro, maliban kay Ferdinand na anak ni Aling Paula na nangungupahan sa aming apartment na madalang ring palabasin at ang mga anak ni Aling Dely na hindi rin naging malapit sa akin dahil sila ang mga mas malayang makapaglaro sa labas ng aming bakuran. Naging libangan ko ang manood ng mga pambatang palabas gaya ng Sesame Street, Electric Company, Candy Candy, Mazinger Z, Daimos, Voltes V, Fraggle Rock, Kaluskos Musmos, Thunder Sub, Thundercats, Three Stoogies, Uncle Bob Lucky 7 Club, at marami pang iba. Kabisado ko ang araw at oras kung kailan ito ipinalalabas at kung saang channel.  Natuto akong bumasa at bumilang, ang maunawaan ang konsepto ng pagkakaibigan, paggalang sa nakatatanda, ang kabayanihan, at ang pagmamalasakit sa kapuwa. At kung para sa nakatatanda namang palabas ay may ilan din akong natatandaan gaya ng Gulong ng Palad, Cafeteria Aroma, Spin-a-Win, Kuwarta o Kahon, John en Marsha, Ana Liza, Flor de Luna, Student Canteen, Lovingly Yours, Helen, at ang Piling-piling Pelikula (PPP).  Higit sa lahat nasusubaybayan ko ang mga paboritong That’s Incredible, The Price is Right, at ang buong maghapong cartoons tuwing Sabado na Saturday Fun Machine na nagtatampok ng paborito kong Superfriends.

Pero ang hindi ko malilimutan ay kung paano napuputol ang mga programa para magbigay daan sa anunsyo o live coverage ng mga gawain ng Pangulo ng Pilipinas, ang Unang Ginang, at ang mga ulat ukol sa proyekto ng gabinete. Ang masaklap pa nga, lahat ng channels ay kanilang gagamitin nang kahit anong oras pa ito. May mga pagkakataong si Pang. Ferdinand Marcos (PFM) ang bida sa ilang minutong pagsasahimpapawid ng talakayan o paalala para sa mamamayan. Naaalala ko pa ang paalala ng aking mga loyalistang magulang na dapat sundin ang mga bilin at patakaran ng rehimeng Marcos. Masydo na raw, di umano, dumarami ang mga subersibo at makakaliwa kaya’t dapat disiplinahin ang bayan. Hindi ko ito lubos na maunawaan. Madalas ding ipalabas sa telebisyon ang mga programa sa pagdalaw ng mag-asawang Marcos sa ibang bansa at ang mga masasayang piging sa Malacañan lalo na kung may panauhing lider mula sa ibang bayan. Pero sa tuwing sumisingit ang palabas ng mga Marcos at nahihinto nito ang aking mga kinagigiliwang palabas, dama ko sa aking munting pang-unawa na may mali at di-makatarungan sa panahong iyon.

Musmos pa nga lamang ako ngunit may napapansin na akong kakaibang sistema sa aking munting libangan.

II. Ang Flag Ceremony

Nasa unang baytang ako sa elementarya noong 1980. Gaya ng karamihang nakapag-aral sa panahong iyon, natutunan naming simulan ang araw sa pamamagitan ng pagtataas ng watawat, saliw ng Lupang Hinirang tuwing ikapito ng umaga at maligamgam ang sikat ng araw. Palibahasa’y may kaliitan ako, kaya’t madalas na nasa unahan o ikalawa ako sa pila ng aming klase. Nangunguna at pumapaimbabaw ang taginting ng aking tinig sa pag-awit, kahit pa manakanakang lumilihis ang tono. Bilin kasi ng aking guro na isapuso at iparinig ang aming tinig na nagpapahayag ng pagmamahal sa bansang Pilipinas. Susundan ito ng pagpili ng mga bibigkas ng Panatang Makabayan. Hindi ko lubos na maunawaan kung bakit kailangan pa itong bigkasin, bagaman iniisip ko na lamang na kasama ito sa programa at tila isang dasal na kailangang araw-araw na maibahagi. Hindi naipaliwanag sa akin ang huling dalawang pangungusap nito, “Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at ng buong katapatan. Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.” Paano maisasakatuparan kung ako ay isang mag-aaral na salat o may kakulangan pa sa kaalaman ukol sa aking kaakuhan, kasaysayan, at kalinangan?

Matapos ang pag-awit at pagbigkas, ilang minuto kaming mag-eehersisyo habang binibilangan ng guro gamit ang tambol o ang nagkayupi-yuping latang basurahan. Matapos ay maririnig namin ang panimulang tambuli sa awiting pinasikat ni Kuh Ledesma na Ako ay Pilipino.  Madamdamin ito at isa na namang pagpapahayag ng pagmamahal sa sariling lipi. Ito na ang pinakamadamdaming awiting aking isinaulo noong nasa elementarya pa ako. Doon ko bahagyang madadama ang pagod sa pakikibahagi at ngawit sa pagtayo. Pero hindi pa matatapos doon ang seremonya sa umaga, kahit pa pumapatak sa magkabilang sentido ko ang pawis. Patutugtogin pa ang huling awit na Bagong Lipunan, isang martsa ito na isinulat ni Felipe Mendoza de Leon, bilang pagtalima sa utos ng Unang Ginang Imelda Marcos. Aawitin ito ng mga mag-aaral kahit pa hindi naman tinalakay ang kahulugan ng Bagong Lipunan at kahalagahan ng buong titik. Araw-araw itong isinasagawa kaya naman matapos ang dalawang taon ko sa elementarya, tanging ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan na lamang ang aking inaawit at binibigkas. Hanggang sa sumapit ang taong 1986 at nagbago na ang seremonya sa pagtataas ng watawat, bagaman nakalulungkot dahil iiwanan ko na ang antas ng elementarya patungo sa hayskul nang hindi ko naranasan nang itigil na ang dalawang huling awitin. Mas lumawak pa ang unawa at unti-unti kong hinuhubad ang kamusmusan.

III. Field Day/Demonstration at Salubong

Taon-taon, nagaganap sa aming paaralan ang Field Day o Field Demonstration. Isa itong gawain kung saan inaasahan ang pakikilahok ng mga mag-aaral na maaaring tematikong pagtatanghal gaya ng mga pambayang sayaw o modernong sayaw, pagsasadula, pag-awit bilang koro na may kasamang koreograpiya at iba pa.  Madalas kaming nakikibahagi rito bilang kahingian sa huling bahagi ng taong pampaaralan.  Ilang linggong pinaghahandaan ito ng mga guro ng bawat seksyon sa bawat baytang. Malimit na ang unang seksyon (kung saan nabibilang ang mga piling mag-aaral) ang may pinakamagarbo at hinihintay na pagtatanghal.   

Natatandaan ko pa, sadyang naaliw ang maraming guro at mga opisyal ng barangay kaya’t kinuha pa kami noon bilang kinatawan ng aming barangay sa prusisyon sa Kapistahan San Roque sa Valenzuela. Nagkataon din namang isa ako sa namamanata sa Poong San Roque kaya’t kasiyahan ko ang makapagtanghal noon sa kanyang kapistahan. Masayang-masaya ang lahat noon dahil sa bagong natamong kalayaan mula sa diktadurya at ang pagbabago sa pamamahala sa bansa.

May kapirasong kamusmusan pang natitira sa akin, bagaman malay na ako sa halaga ng demokrasya at sa rimarim ng pinagdaanang Batas Militar.

IV. Ang Pag-indak sa Tarmac

Human rights violations were rampant during the martial law era. In a report by Amnesty International, over 100,000 people were recorded to have been victims of martial law from 1972 to 1981 –70,000 were arrested, 34,000 were tortured, and 3,240 were killed by the military and the police.

(Read more: https://newsinfo.inquirer.net/1034745/remembering-martial-law-under-the-marcos-regime#ixzz7fUZ1xk42)

Natatandaan ko pa noong ako ay nasa elementarya, madalas kaming abisuhan ng aming guro para sa mga pagtatanghal.  Isa itong karangalan kung mapipili ng mga kinatawan ng Kabataang Barangay ang paaralan upang maging bahagi ng mga programa o proyekto nito at ang napakaraming gawain ng mga Marcos.

Kasama ang mga kabataan bilang palamuti sa pagbubuo ng Bagong Lipunan.  Masaya, kapaki-pakinabang, at nakikiisang kabataan ang palaging bukambibig ng anak ni Macoy na naatasang manguna sa Kabataang Barangay sa bisa ng  Presidential Decree No. 684 noong ika-15 ng Abril 1975 hanggang buwagin ito noong 1986.  Natatandaan ko ang simbolo nitong gamit ang baybaying titik na K at B na para sa akin ay mistulang pusong nakatiwarik sa kailaliman ng maalong dagat. 

Ilang linggo kaming nagsasanay sa gitna ng init ng araw. Sinusundo  ng bus ang mga kabataan at nakagugulat na ilang bus pala ang makakasabay namin na lulan ang mga kabataang galing sa iba’t ibang distrito ng Kamaynilaan para sa pagsasayaw ng mga folk dance at ang pagkaway sa espasyong nakalaan sa Manila International Airport na may nakalatag na pulang alpombra. 

Nakapapanabik ito sa tulad naming bago pa lamang makapapasok ng paliparan, makakikita ng totoong eroplano, at higit sa lahat ay maghahatid o sasalubong sa pinuno ng bansa. Natatandaan ko pa, malimit na kasa-kasama ng Unang Ginang ang ilang photographer, body guards, at mga mahuhusay na grupo o artista sa kanyang paglalakbay.  At sa likod din niya nakabuntot ang kanyang dalawang anak na babae na hindi mababakasan ng katiting na pagod o kahihiyan sa karangyaan ng magulang. Natutuwa kaming makita silang masaya, kahit pa nakapapaso ang araw, kumakalam ang tiyan, nauuhaw, at nakapapagod ito, manapa’y nakaaabala pa ito sa daloy ng aming pag-aaral. Naisip ko, darating ang araw na makakasama ko rin sila sa kanilang paglalakbay at magiging isa rin ako sa mga ihahatid at sasalubungin ng mga batang tulad ko. Hindi ko man lang naisip kung bukal sa kalooban nga ng mga kasamang alagad ng sining ang mapasama sa mga paglalakbay ng mga Marcos.

Musmos pa nga ako, bagaman nagkaroon ng ambisyong maging alagad ng sining sa maling paniniwala o prinsipyo.

V. Gusto mo pa ba Akong maging Kaibigan?

Trajano was tortured and found dead in September 1977 after asking Imee a question during an open forum about her appointment by her father as the head of youth organization Kabataang Barangay.

(https://www.rappler.com/newsbreak/fact-check/212456-false-only-one-executed-none-arrested-criticizing-marcos-martial-law/)

Mula noong hayskul hanggang kolehiyo, nahilig na ako sa pagtatanghal sa entablado o sa pag-awit sa koro, at sa pagsulat o pagbasa ng panitikan. Sa hayskul, ako ay naipakilala sa mahika ng teatro, ang sining ng pagsasadula, ang pagkukuwento gamit ang espasyo at disenyo, at ang kapangyarihan ng pagganap. Nakailang ulit akong nakapagtanghal ng mga dula, at napakalaki ng bentahe ng aking kursong Literatura sa kolehiyo bilang pundasyon ng kasaysayan ng dulaan o teatro. Halos kaalinsabay ng aking pagmamahal sa dulaan ay ang pagiging aktibong malikhaing manunulat para sa mga dyornal at pahayagang pampamantasan. Nahasa ako ng aking mga barkada sa panulat at ng nakatatandang manunulat na nagbigay ng kanilang kaalaman at higit pang nagbukas ng mga pinto ng kaalaman sa sarisaring pormang pampanitikan gaya ng prosa at panulaan. Nalilibang din ako sa pagiging aktibo sa teatro at pagpapalathala ng mga akda.

Sa mga panahong ito sa kolehiyo, nabalitaan namin ang pagbabalik ng anak ng napatalsik na diktador na si Bongbong Marcos. Naging  popular siya sa mga kabataan dahil sa kanyang tikas, bagaman marami ang sadyang nag-alala sa mga posibilidad ng pagbabalik ng buong mag-anak hindi lamang sa bansa kundi sa kapangyarihan. 

At sa aking pagtatapos sa kolehiyo noong 1995, kumandidato si Bongbong Marcos para senador at hindi pinalad sa kanyang ikalabing-anim na ranggo. Bagaman nahalal siya bilang gobernador ng Ilocos Norte noong 1998 hanggang 2007. Ito rin ang panahon na sinimulan ko ang pagtuturo sa kolehiyo habang nagpapakadalubhasa, at paminsan-minsa’y napapasama sa kaibigang manunulat na may kaugnayan sa ilang proyekto sa isang network at may ugnayan sa mga produksyong hinahawakan ng pinakamahilig sa pelikulang anak ni Macoy. Madalas akong naisasama sa mga pulong para sa brainstorming o pitching concepts. Makailang ulit din kaming naipatatawag nito tuwing may mga panukalang iskrip na dapat upuan, pag-usapan, at aprubahan.       Sumapit ang huling taon ko sa paaralang gradwado at kinailangan kong bigyang pansin at higit na tuon ang aking thesis. Ako ay isa sa unang batch ng magtatapos sa programang ito kaya’t malaki ang inaasahan sa akin ng aking mga kamag-aral, guro, at mga kasamahan sa departamentong kinabibilangan. Abala ako sa paghahanda para sa aking rebisyon noon ng thesis nang makatanggap ako ng text message mula sa dating chairperson ng KB.

“Wer u? Go k d2 IN. Sakay ka bus at España tom. Tok 2 u. C u.‟

Pinili ko ang manahimik at tapusin ang thesis bilang paghahanda sa depensa, kaya’t simpleng tugon lang ang aking naisukli.

“Sori po. Dfnse ng tesis dis wik.”

“Cge, w8 u nxt wik. Ty.”

Natapos ang linggo ng aking depensa. Nayanig ako sa mga gawain sa dalawang pamantasang pinapasukan at sa rebisyon ng aking tesis. Gayon din, nakaraos at nakapagbigay pa ng lektura ukol sa proseso ng paglikha. Nawaglit na sa isip ang ukol sa imbitasyon sa Ilocos Norte (IN). Ilang araw ring nakapagbawi ng pahinga at nagsaayos ng mga naiwang gawain sa pagtuturo. Naisip kong sa puntong ito, mas marapating ang pananagutan sa pamantasan ang pahalagahan. Dalawang linggo ang nakalipas at napakaraming oportunidad pa ang naipagkaloob ng bagong digri. At sumapit ang araw na nakatanggap ako ng tawag mula sa co-producer ng mga pelikulang The Boatman, Brutal, at Scorpio Nights.

“Hello! Congrats sa iyong matagumpay na depensa at pagtatapos ng MA. Ang tagal mo naman. Sabi mo ay susunod ka sa IN. Gusto mo pa ba akong maging kaibigan?”

Hindi na ako musmos, nakabibili na ako ng magagarang telebisyon, namamanata pa rin sa patrong San Roque, nakapaglalakbay kahit na walang naghahatid at sumasalubong, at lalong hindi nalilibang sa mga walang katuturang palabas, at pagbabalik ng mga hibang sa kapangyarihan.

VI. Rekomendasyon:

  1. Sikaping tanungin ang mga nakatatanda na may edad 50 pataas ukol sa kanilang karanasan sa panahon ng pag-iral ng Batas Militar. Kausapin natin sila at usisain kung anong uri ng pamayanan at pamumuhay ang kanilang nagisnan at naranasan. Ipagpatuloy natin ang pagkalap ng naratibo. Unti-unti na kasing nawawala ang mga taong mayroong alaala at nalilimutan na rin ang mga pangyayaring nagmumula sa mga hindi nailathala o naitalang naratibo, lalo na yaong mga nagalusan ng kawalang katarungan.
  2. Hanapin ang aklat na Mondo Marcos, Mga Panulat sa Batas Militar at ng Marcos Babies (Anvil Publishing) na pinamatnugutan nina Roland Tolentino at Frank Cimatu. May kopya ako, pero hanggang sa pagbabahagi lang ng softcopy ang pwede kong isagawa.  Wala nang nabibili nito at out of print na, kaya’t hinihiling ko sa mga patnugot at publisher na harinawang muli itong mailathala.
  3. Magbasa ng mga talambuhay o mga malikhaing akda ukol sa mga Marcos at iba pang mga biktima ng Martial Law. Napakarami nito sa aklatan. Mairerekomenda ko ang ilan, gaya ng The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos (1976) ni Primitivo Mijares, Filipino Poetry and Martial Law 1970-1987: Clenched Fists and Yellow Ribbons ni Lilia Quindoza Santiago, at Imelda: Steel Butterfly of the Philippines (1988) ni Katherine Ellison, at marami pang iba.
  4. Bisitahin ang  Martial Law Museum ng Pamantasang Ateneo de Manila (https://learn.martiallawmuseum.ph/) na naglalaman ng mga materyal para sa mga mag-aaral at mga guro at nanghihikayat sa higit na paninindigan laban sa diktadurya o anumang karahasan, katiwalian, at kawalang-katarungan. Napakainam na salukan ito ng mga materyal na nauukol sa Batas Militar kasama ng mga sarisaring pananaw at pag-aaral kaugnay nito.
  5. Ipagpatuloy ang pagbabantay sa rehimeng ito at sa mga politikong may rekord ng pagiging tiwali at abusado.  Sa gayon, isulat ito bilang sanaysay, kuwentong alegorikal, o tulang mapanuligsa at mapang-usig.  Kailangan ng bansang ito ang mga bagong manunulat na may matikas na paninindigan sa katarungan at pagpapanatili ng pananagutan sa panahong ito. Ang panitikan ang nagsisilbing tagapagpaalala sa kumikitid na pambansang gunita at tagapagtala ng mga ikinukubling impormasyon.

One response to “Dr. Nonon Villaluz Carandang”

Leave a Reply

Tungkol sa Luntian Journal

Tuloy po kayo sa Luntian Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (inilalathala ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino/PSLLF).

Basahin ang latest na isyu.

Latest posts