Yucks Talaga ang Filipino Films

Ragebait ba ‘to? Well, obviously. Pero mamaya ikukuwento ko kung bakit.

Noong nakaraang buwan, lumikha ng debate sa social media ang kontrobersyal na tweet ng Filipinong direktor na si Victor Villanueva sa gitna ng usapin ng tumatamlay na suporta sa pelikulang Pilipino. Sa kanyang opisyal na X account, nag-post siya ng larawan ng ticket sa pelikulang Insidious na may caption na, “watched Insidious special screening instead of Cinemalaya kasi yucks talaga ang Filipino films na pa ulit ulit nalang.”

Bagaman sarkastiko ang tono at motibo ni Villanueva, agad na na-pick up ito ng maraming Facebook at X accounts na tila apoy na mabilis na kumalat sa social media. Umani ng kaliwa’t kanang batikos ang direktor to the point na kinailangan pa niyang maglabas ng statement upang linawin na sarcasm lamang ang kanyang tweet.

Pero hindi pa roon natapos ang kuwento. Ilang araw lang ang lumipas, nagtala ng bagong rekord ang Insidious: Out of the Further bilang horror film na may pinakamalaking opening-day gross sa Pilipinas, na umabot sa ₱51.7 milyon. Nang kumalat ang balita, pabiro pang inako ni Villanueva na siya ang may kasalanan nito.

Natawa ako noong una kong mabasa ang tweet, lalo pa’t personal kong kakilala si direk. Gumana ang sarcasm niya dahil may tinatamaan ito. Walang biro ang kakalat nang ganoon kabilis kung walang naniniwala rito. Sa likod ng bawat share at quote tweet, pati na rin sa mga FB post, naroon ang matagal nang bulong ng marami. Paulit-ulit at gasgas na raw ang istorya ng mga pelikulang Pilipino. Walang quality. Hindi kayang sumabay sa Hollywood. Salamin ang inihain ni Villanueva. Ang masakit, marami ang tumingin at tumango rito.

Ako man din ay ilang ulit nang nawalan ng gana sa panonood ng mga pelikulang Pilipino. Bigyan ba naman tayo ng sunod-sunod na kabitan stories, formulaic na rom-com tropes, at walang katapusang pagbuhay sa mga gasgas nang franchise (yes, I am looking at you, Shake, Rattle, & Roll). Mananawa talaga ang mga manonood. At higit ko itong naramdaman nitong post-pandemic. Understandable na maghihingalo ang industriya dahil sa pandemya, gaya ng dinanas ng halos lahat ng negosyo. Pero hindi tulad ng iba, tila hindi na nakasabay sa pagbabalik-normal ang mga sinehan. Sa halip, marami sa mga sinehan ang isinara o ‘di kaya’y ni-renovate upang paliitin o gawing director’s club (mas mahal siyempre ang bayad).

Nang minsang manood ako ng isang indie film na hindi ko na lamang babanggitin ang pamagat, labing-apat lamang kami sa loob ng sinehan. Binilang ko talaga. Hindi ko alam kung bakit, pero naging ugali ko na ito tuwing nanonood ako ng pelikulang Pilipino. Parang attendance sa klase. Pagpasok ko pa lang, iniikot ko na ang tingin sa mga upuan at isa-isang binibilang ang mga ulong nakausli sa dilim. Labing-apat sa halos isandaang upuan. May magkasintahang naglalandian at nagsusubuan ng popcorn sa bandang gilid. May lolang mag-isang nakaupo sa harapan. May grupo ng mga estudyanteng nagkukulitan sa likurang bahagi. At ako, nasa gitna, bitbit ang tiket na ₱450 (with water at chips that I didn’t ask for pero puwersahang isinama sa ticket price) na pinag-isipan ko pa nang dalawang araw bago bilhin.

Hindi naman ito bago sa akin. Pero may kakaibang lungkot pa rin tuwing nakikita kong mas marami pa ang bakanteng upuan kaysa sa mga taong nanonood. Siguro kaya ganito na lang ako maapektuhan dahil hindi lang basta libangan para sa akin ang panonood ng sine, ang panonood ng pelikulang Pilipino. Ang pangalan ko nga mismo ay hinango kay Christopher de Leon, na isa sa mga batikang aktor sa industriya. Kaya nga kahit sa aking undergraduate thesis, pelikula ang pinili kong tahaking paksa na pag-aralan. Pinili kong suriin ang mga obra ni Brillante Mendoza at nagkaroon pa ako ng pagkakataong makapanayam siya nang personal. Magpapatuloy ang fasinasyon ko sa pelikula hanggang sa aking MA thesis na tumuon naman sa Filipino coming-of-age films sa Cinemalaya.

Sa tuwing tinatanong ako kung bakit mahilig ako sa pelikula o kung bakit ito ang pinili kong maging isa sa mga research interest ko as an academic, lagi kong isinasagot ang pelikulang Magnifico ni Maryo J. Delos Reyes na naipalabas noong 2003, ang isa sa aking favorite Filipino films of all time. Tungkol ito kay Magnifico na pinaghahandaan ang pagpanaw ng kanyang may sakit na lola sa pamamagitan ng pagtulong sa pagbuo ng kabaong nito, kasabay ng pag-iipon ng pambili ng wheelchair ng kanyang may kondisyong kapatid. Pero sa huli, ang kabaong inihahanda niya para sa kanyang lola, sa kanya pala ilalaan ng pagkakataon (jusko, halos dalawang dekada at ilang Semana Santa special na itong naipalabas sa TV baka naman magalit pa kayo sa spoiler na ‘to ha).

Pero alam niyo ba nang maipalabas ito noong 2003, kagaya ng dinanas ng iba pang mga pelikulang Pilipino in recent years, nilangaw din ito sa maraming sinehan? Bukod sa hindi ito nagtatampok ng romance, sex o violence na siyang mabenta sa mga panahong iyon, hindi rin napili ang pelikula bilang opisyal na kalahok sa 2002 Metro Manila Film Festival (MMFF) dahil na rin sa kawalan nito ng commercial appeal. Sa kabila ng komersyal nitong kabiguan, humakot ang pelikula ng kaliwa’t kanang pagkilala mula sa mga lokal at internasyonal na award-giving bodies. Kabilang dito ang Crystal Bear for Best Feature Film at Grand Prix of the Deutsches Kinderhilfswerk mula sa prestihiyosong 54th Berlin International Film Festival. Kinilala rin ito sa 27th Gawad Urian, 52nd FAMAS Awards, at 22nd Filipino Academy of the Philippines (FAP) Awards bilang Best Picture. Ano ang point natin dito? Noon pa tayo naglalabas ng magagandang pelikula, pero bakit noon pa man ay wala nang nanonood?

Hindi lang ako ang nakakapansin nito. Dahil sa pagtamlay ng industriya noong pandemya, nakipagtulungan ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa De La Salle University upang pag-aralan ang gawi ng mga Pilipinong manonood. Sa 800 respondent ng pag-aaral, 67 porsiyento ang pangunahing nanonood sa streaming sites at 21 porsiyento na lamang ang regular na pumupunta sa sinehan. Tatlo ang pangunahing dahilang lumabas kung bakit lumalayo ang tao sa sinehan. Una, mahal ang tiket. Ikalawa, kulang ang mapagpipiliang lokal na pelikula. At ikatlo, paulit-ulit ang mga tema.

Madaling pumili ng sisisihin kung bakit nagkaganito ang estado ng pelikula sa bansa. Bakit ba kasi puro Hollywood movie ang bukambibig ng karamihan sa atin? At the same time, bakit ba puro formulaic film ang inihahain ng mga producer? Para sa akin, wala sa dalawang ito ang dapat sisihin. Hindi ang manonood at ang mga filmmaker ang dapat pagsabungin.

Unawain natin ang mga producer. Sila ang naglalabas ng pera. Milyon-milyon ang puhunan sa isang pelikulang walang kasiguraduhang babalik o kahit maka-breakeven man lang sa Return of Investment (ROI). May mga direktor at manunulat na may ambitious stories to tell. Pero ano ang problema? Kapos sila sa badyet. Kaya minsan, bumabalik sila sa pormulang alam nilang papatok. Hindi dahil sa ayaw nilang mag-eksperimento, kundi sa kawalan ng kakayahang sumugal at malugi. Isang flop na movie lang, baka iyon na ang huling pelikulang magagawa nila.

Sa kabilang banda, unawain din natin ang mga manonood. Jusko, ang mahal na ng sine. Mahal ko ang sinehan, ang movie experience. Iba pa rin ang may kasabay kang tumawa, sumigaw, o magalit dahil sa mga eksenang pinanonood ninyo. Iba pa rin ang immersive experience ng isang Dolby Cinema. Pero aminin natin, ang hirap na ng buhay. Ang mahal na ng mga bilihin. Nitong mga nagdaang buwan nga, pili na lang din ang pinanonood ko dahil hindi na kinakayang masingit sa badyet. Kapag may extra, pelikulang Pilipino ang inuuna ko dahil gusto kong suportahan ang industriyang ito, at naniniwala pa rin ako sa kapangyarihan at potensyal nito.

Pero real talk lang, hindi na talaga ito para sa masa. Kahit si FDCP Chairman Jose Javier Reyes, diretsahang nagsabi na hindi na kayang regular na manood ng sine ng karaniwang Pilipino. Ang mas masakit pa raw, hindi na umuulit ng panonood ang mga tao dahil hinihintay na lang nilang lumabas sa streaming sties ang mga pelikula. At bakit nga hindi? Mag-subscribe ka lang sa Netflix sa halagang ₱169 kada buwan, daan-daang pelikula at series na ang mapapanood mo. Samantalang ang ₱450 sa sinehan, isang pelikula lang. Mapipilitan ka pang gumastos para sa Potato Corner (hindi ko talaga kayang manood sa sine nang wala ito, sorry not sorry).

Kaya siguro ang tanong ay hindi kung sino ang may kasalanan. Ang tanong ay kung sino ang kulang sa ginagawa. Tingnan natin ang South Korea. Hindi aksidente ang tagumpay nila. Noong huling bahagi ng dekada ’90, dinagdagan ng pamahalaan ang pondo para sa sektor ng sining, itinatag ang mga institusyon gaya ng Korean Film Council o KOFIC, at nagpatupad ng mga patakarang pumapabor sa lokal na pelikula tulad ng screen quota. Sa screen quota, obligado ang mga sinehan na maglaan ng tiyak na bilang ng araw kada taon para sa mga pelikulang Koreano. May kasama pa itong tax incentives, subsidiya, at mga programa sa pagsasanay para sa kanilang mga filmmaker. Sa katunayan, kahit naapektuhan ang kanilang ekonomiya, gaya ng halos lahat ng mga bansa noong pandemya, hindi nila pinabayaan ang kanilang entertainment industry at patuloy na nagbuhos ng pondo. Nitong 2025, naglaan ang KOFIC ng halos 7 milyong dolyar (o halos ₱400 milyon) para suportahan ang mga mid-budget na pelikula, na may grant na hanggang 30 porsiyento ng gastos sa produksyon.

Nang tanungin sa isang panayam ang tagapangulo ng KOFIC na si Han Sang-jun, sinabi niya na mas maraming trabaho ang nalilikha ng ilang pelikulang tig-isang milyon ang manonood kaysa sa iisang blockbuster na may sampung milyon. Nakakainggit. Kahit hindi naman ako parte ng industriya, nanghihinayang ako sa mga kuwentong kayang isulat at iprodyus ng ating mga filmmaker kung mabibigyan lamang ng ganitong suportang pinansyal kagaya ng tinatamasa ng mga South Korean filmmakers.

Kaya kung may dapat man tayong awayin, hindi si Direk Vic iyon o ang mga Pilipinong humaling na humaling sa Hollywood films. Ang pamahalaan ang dapat nating kalampagin. Humingi tayo ng tuloy-tuloy na suporta para sa pelikula, telebisyon, at buong entertainment industry. Suportang magbibigay sa mga filmmaker ng lakas ng loob na sumugal. Suportang magpapababa sa presyo ng tiket para makabalik ang masa sa sinehan.

Ngayon, balikan natin ang pamagat. Oo, ragebait ito. Sinadya kong hiramin ang linyang nagpainit ng ulo ng marami sa atin noong nakaraang buwan (lakas ng amats mo, Direk Vic). Pero hindi kayo ang target ko. Kung may dapat mang mapikon sa “yucks talaga ang Filipino films,” ang gobyerno iyon. Kung totoo mang paulit-ulit at gasgas na ang mga pelikula natin, hindi iyon dahil kulang tayo sa talento. Nakita nga natin ang kayang gawin ng South Korea nang seryosohin nitong suportahan at pondohan ang kanilang industriya ng entertainment. Ngayong 2026, ₱4.3 bilyon ang kabuuang pondong inilaan nila para sa kanilang film sector. Ang naaprubahang badyet ng FDCP ngayong taon? Tumataginting na ₱368 milyon. Yucks nga talaga.

One response to “Dr. Christopher Bryan A. Concha”

  1. […] Dr. Christopher Bryan A. Concha […]

    Like

Leave a Reply

Tungkol sa Luntian Journal

Tuloy po kayo sa Luntian Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (inilalathala ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino/PSLLF).

Basahin ang latest na isyu.

Latest posts