(ang likhang sining ay kay Von Dickens Ulsa at pinamagatang, “Anagolay”)

Paghingi ng Tawad ni Lydia Wang

Joy Carmel Sahagun

Ikinawiwili ko pa rin kung paano lumilisan ang mga tao, kung paano natin inaasahan ito,
kung gaano kabilis nating linilinis, inaalis ang laman ng mga bahay at itinatago ang mga multo sa ilalim ng ating mga kuko. Kung paanong mga pangala’y nagiging mga pangalang
hindi nakakapaso. Kung paanong mga tula’y hindi nakakasakit
na ngayon.
Ibig kong sabihin, ang mga kantang nagpapaalala sa akin sa iyo
marahil ay nagpapaalala sa iyo ng ibang tao. Ibig kong
sabihin, inihanda natin ang ating buong buhay para dito. Ibig kong
sabihin, masyado tayong mahusay sa pagpupuno ng mga alaala sa ating mga maleta
at paglulunod ng ating mga dating sarili. Ibig kong
sabihin, patawad. Ibig kong sabihin, sa kadiliman
ang panandalian ay tila kahawig ng walang-hanggan. Ibig kong sabihin,
ang iyong mga binti ay tiyak na pagod na sa kalalakad papasok at palabas
ng bahay ng mga tao/ ng buhay ng mga tao/ ng puso ng mga tao. Ang iyong mga paa
ay tiyak na nananakit na. Ibig kong sabihin, patawad. Ibig kong
sabihin, ako’y nasa tahanan pa rin kung ito’y nais mo. Patawad.

Maging Isang Babae ni Lydia Wang

Joy Carmel Sahagun

Nililimot pa rin natin ang mga tinuro ng ating mga ina sa atin:
ang pagiging batang babae ay pagiging isang bagay na malambot, isang bagay na walang ngipin.
Lumalaki tayo sa ating mga bunganga, ngunit hindi natin natutunan kung paano sila gamitin.
“Ito ang ibig sabihin ng maging isang babae,” sabi ng ating mga ina,
boses nila’y tumutulo ng pulot sapagkat batid nila.
(Naging babae ako noong unang nagbiro ang isang lalaking guro tungkol sa aking katawan)
(Naging babae ako noong unang sinabi ng isang taong hindi ko kilala sa internet na gusto niya akong kalabitin.)
(Naging babae ako noong unang hinipo ako ng isang lalaki nang may pahintulot.)
(Naging babae ako noong unang hinipo ako ng isang lalaki nang walang pahintulot.)

Ang mga lalaki ay nagiging lalaki kapag tama sila at matalas
ngunit naiiba tayo;
Nagiging babae ang mga babae kapag tayo ay naranasan na ng mga lalaki.
Mayroong usapan tungkol sa pagkuha ng ating sariling inumin sa mga parti
at mayroong usapan tungkol sa paglalakad mag-isa pauwi sa gabi
at mayroong usapan kung paano tanggihan ang isang lalaki,
kung paano siya ayawan nang hindi siya sinasaktan
Palagi tayong depensibo. Palagi tayong pakiusap, patawad,
salamat, pero huwag na lang, palaging linulunok ang mga ngipin
dahil kinakagat natin ang ating mga dila nang buong tindi.

“Ito ang ibig sabihin ng maging isang babae,” sasabihin ko sa aking mga anak na babae
habang pinapatawad nila ang kanilang sarili para sa kanilang malalambot na parte,
pinapatawad nila ang kanilang sarili para sa pagdurugo at poot
at sa walang kaalaman kung ano ang sasabihin sa tuwing iniirapan ka ng isang lalaki sa bintana ng kanyang sasakyan
at sa walang kaalaman kung ano ang gagawin sa tuwing hinihipo ng isang lalaki ang iyong hita.
Isang araw kapag magkaroon ako ng mga anak na babae, sila’y magiging apoy.

Magiging matapang sila. Lilimutin nila ang tinuro ng mundo sa kanila–
palaging isara ang iyong mga binti at palaging umupo nang matuwid,
pihitin ang kanilang mga labing Chapstick upang ngumiti kahit na ito’y masakit.
Makakalimutan nilang sila ay maliliit na sakuna.
Makakalimutan nila kung paano lumunok.

(ang larawan ay kay Daisy Isla)

Mga Tanong para sa Diyos, o Kahit Sinumang Nakikinig ni Ashe Vernon

Joy Carmel Sahagun

ang problema ay
tinatawag ko pa ring babae ang aking sarili
at sa tuwing ito’y nahuhulog galing sa aking bibig
ito’y tila sabong dumudulas
sa aking mga daliri,
isda sa labas ng tubig,
isang bagay na nais kong hilahing pabalik sa aking sarili.
Tinatawag kong babae ang aking sarili at ito’y tila aksidente:
tila anim na kotseng nagtumpuk-tumpok sa labas ng siyudad, tila
napakalapit mo na sa bahay.
napakalapit mo na.
maaari ka sanang naging eksaktong
tulad ng bagay na gusto ka nilang maging
nang binalot ka nila sa kulay-rosas na kumot,
nang sabihin ng doktor ang salitang batang babae
at napakasaya nila.
ngunit paano naging tila estranghero
ang salitang babae
kung buong buhay ko na itong sinusuot?

ang problema ay
ang kasarian ko’y wikang hindi ko pa alam gamitin.
nanlalaki ang aking mga mata sa selos, batang malagkit ang mga kamay
inaabot ang mga katawan ng matitikas na kalalakihang
palagi kong ninais maging kahawig.
iniisip ko kung gaano karaming mga bagay ang aking kusang isusuko
upang ako’y maging mahaba, upang ako’y maging malapad,
maging matulis at napakalalaki.
ngunit ang aking mga kurba ay isang bagay na hindi ko pa handang
iwaglit sa akin.
Tinitignan ko ang aking katawan at iniisip
hindi, hindi kita lilisanin. hindi pa, hindi na naman,
hindi tulad nila.
iniisip ko–batang babae.
iniisip ko–batang babae.
iniisip ko,
batang babae, ika’y inayawan na ng napakaraming kamay.
at hindi ako magiging taksil sa aking sariling pulbong rosas.
hindi ko maidudugo ang babae palabas ng aking mga baga.
sinubukan ko na.
hindi siya
napapaalis
nang
madali.
sa halip, isinusuot ko ang babae na tila amerikanang mas maliit ng dalawang sukat
hindi na ito kasya, ngunit ito’y amoy tahanan.

noong ako’y labintatlong taong gulang, lahat ng aking pangarap
ay iba’t-ibang kulay:
tinatanggal ko itong mga mabibigat at walang silbing bagay
sa harap ng aking katawan
at tinataga ko sila gamit ang lagaring pambakal.
sinasabi kong gusto ko silang paliitin dahil ang likod ko’y masakit–
dahil linumpo nila ang aking katawan
sa isang bagay na walang gamit.
ang aking kinatatakutang aminin
ay gusto ko silang paliitin
dahil hindi ko na
sila gusto.

anong gagawin mo kapag ika’y papipiliin
sa pagitan ng dalawang kasuotan
at wala sa kanila ang may sapat na puwang?
anong gagawin mo kapag ang salitang babae
ay ang tanging bagay na nakasasaklaw ng lahat ng karahasang
nagawa sa iyo para sa iyong kapangahasang magmukhang
matamis?
anong gagawin mo kapag ang salitang babae ay hindi
mali–na ito’y sadyang hindi ang kabuuan ng kuwento?
at ika’y walang salita para sa iyong kuwento.
anong gagawin mo kapag mahal mo ang salitang–
babae. batang babae. she. her. hers–
ngunit hindi mo gusto ang hitsura nito sa iyo.
ngunit ang salitang lalaki ay tila may pagkukulang–
ito ay hindi kailanman naging akin kung walang
babae sa harap nito.

minsan
lahat ng mga salita ay tila sinaunang teksto
na walang antas para malutas.
hindi ko sila maintindihan.
hindi ko sila gusto. ngunit namumuhay ako sa isang lipunang nagsasabing
dapat akong mamili sa dalawa, na walang
nasa pagitan, ito’y aksidenteng hindi pagtutugma
ng mga bahagi ng katawan lamang. pagkatapos ng araw, ako’y walang alitan
sa aking katawan–tanging mga bagay na tinatalaga
ng mga tao dito. tanging mga salitang tila walang silbi
laban sa taong pinaghirapan kong
mahalin.
tanging babae: hindi man ito naaangkop minsan
ang gusto kong malaman ay
maaari ko bang yakapin ang babae sa kalayuan
at mahalin siya tulad ng aking paboritong damit?
maaari ko ba itong bitawan
kapag masyado itong mabigat
Buhatin?

Kuwento sa Oras ng Pagtulog ni Ashe Vernon

Joy Carmel Sahagun

kuwento ng isang batang babaeng inakalang walang kailanmang mangyayari sa kanya.
kuwento ng isang batang babaeng bumangon sa kanyang kama ngayong umaga.
kuwento ng isang batang babaeng nagmahal nang mas matindi kaysa sa kanyang pag-iyak,
at umiyak siya nang umiyak.
kuwento ng isang batang babaeng ipininta ang kanyang balat
upang ito’y kanyang mas magustuhan nang husto.
kuwento ng isang batang babaeng binigyang–wakas
ang dati niyang ikinukubli,
siyang babaeng tumayong hubad sa lansangan
at hinamon ang mundong
husgahan siya.
kuwento ng isang batang babaeng itinuturing na may halaga,
sa kabila ng bawat dahilang kanyang nadama
na tila siya’y hindi.
kuwento ng isang batang babaeng naghahanap ng taong yayakap sa kanya.
kuwento ng isang batang babaeng tinatakasan ito.
kuwento ng isang batang babaeng ­­­­­­ramdam ang kanyang pagkababae
higit sa hindi.
kuwento ng isang batang babaeng tila isang putukan.
kuwento ng isang batang babaeng nanahi
ng tansong buko sa kanyang balat,
siyang nakipaglaban gamit ang kanyang mga halik sa halip na mga kamao,
siyang patuloy na inilalagay ang kanyang bibig
kung saan ito hindi nararapat.
kuwento ng isang batang babaeng malaki ang salita.
kuwento ng isang batang babaeng nagmahal nang marubdob.
kuwento ng isang batang babaeng walang puting kabalyero
walang dragon
walang tore.
kuwento ng isang batang babaeng
sinusubukan pa ring iligtas
ang kanyang sarili.

Ang Tipo ni Sarah Kaye

Joy Carmel Sahagun

Nangangailangan ang lahat ng isang lugar. Hindi dapat ito nasa loob ng ibang tao.

– Richard Siken

Kung lumaki ka bilang tipo ng babaeng gustong tingnan ng kalalakihan,
hayaan mong tingnan ka nila.

Huwag mong pagkamalian ang mga mata bilang mga kamay.
O mga bintana. O mga salamin.

Hayaan mong makita nila kung ano ang isang babae.
Maaaring hindi pa sila nakakita nito..

Kung lumaki ka bilang tipo ng babaeng gustong hawakan ng kalalakihan,
hayaang mong hawakan ka nila.

Kung minsan ang inaabot nila’y hindi ikaw.
Kung minsan ito’y isang bote. Pintuan. Tinapay.

Isang Pulitzer. Ibang babae.
Ngunit ikaw ang unang natagpuan ng kanilang mga kamay.

Huwag mong pagkamalian ang sarili mo bilang tagapag-alaga.
O musa. O pangako. O biktima. O miryenda.

Isa kang babae. Balat at buto. Ugat at pulso. Buhok at pawis.
Ang katauhan mo ay hindi binubuo ng mga talinghaga. Hindi mga paumanhin. Hindi mga dahilan.

Kung lumaki ka bilang tipo ng babaeng gustong yakapin ng kalalakihan,
hayaan mong yakapin ka nila.

Buong araw sinasanay nilang ituwid ang kanilang mga katawan–
sa kabila ng ebolusyon, ito’y hindi pa rin natural,

binabanat pa rin ang kalamnan, pilit na pinaiigting ang mga braso’t likuran.
Ilang lalaki lang ang nagnanais matutunan ang pakiramdam ng pagbalot sa iyo

na kanilang katawang parang tandang pananong, amining hindi nila alam ang mga sagot
na akala nila’y batid na nila ngayon;

May mga lalaking ituturing kang Sagot.
Hindi ikaw ang Sagot.

Hindi ikaw ang problema. Hindi ikaw ang tula
o ang punchline o ang bugtong o ang biro.

Babae. Kung lumaki ka bilang tipo ng babaeng gustong mahalin ng kalalakihan,
hayaan mong mahalin ka nila.

Ang iniibig ay di tulad ng umiibig.
Pag ika’y umibig, ito ang pagtuklas ng karagatan

pagkatapos ng ilang taong paglalaro sa putikan. Ito ang pagtatanto na mayroon kang mga kamay.
Ito ang pag-abot sa lubid nang magsiuwian na ang mga tao.

Huwag mong gugulin ang iyong oras sa pag-iisip kung ikaw ang tipo ng babaeng
sasaktan ng kalalakihan. Kung lilisanin niya ang iyong pusong humahagulgol,

matuto kang makikanta sa iyong alulong. Mahirap pigilan ang sarili na mahalin ang karagatan. Kahit na pagkatapos kang lisanin nitong hinihingal, maalat.

Patawarin mo ang iyong sarili para sa mga pasyang iyong ginawa,
mga bagay na pilit mong tinatawag na mga pagkakamali sa tuwing itinutupi mo sila sa gabi.

At tandaan mo ito:

Ikaw ang tipo ng babaeng
naghahanap ng lugar na masasabi mong iyo.

Hayaang magunaw ang mga rebulto.
Ang lugar na iyong hinahanap ay ang sarili mo.

Ikaw ay babaeng may kakayahang magpatayo nito.
Ikaw ay ipinanganak upang magpatayo nito.

Pumanaw para Magmahal ni Rumi

Markee Angelo Micu

Pumanaw! Pumanaw!
Pumanaw ka sa pagmamahal na ito!
Kapag namatay ka sa pagmamahal na ito
manunumbalik ang iyong kaluluwa

Pumanaw! Pumanaw!
Huwag matakot sa tiyak na kamatayan
Kapag nagwakas ka sa may sentido,
ikaw ay magiging walang hanggan.

Pumanaw! Pumanaw!
Putulin ang mga tanikalang bumibilanggo sa iyo sa
mundo ng pagkahumaling

Pumanaw! Pumanaw!
Pumanaw ka sa walang kamatayan 
at ikaw ay magiging walang hanggan

Pumanaw! Pumanaw!
At lumabas mula sa ulap na ito
Kapag nilisan mo ang ulap 
mapaparoon ka sa maliwanag na buwan

Pumanaw! Pumanaw!
Pumanaw ka sa alingawngaw at ingay 
ng makamundong pagkabagabag
Sa lamikmik ng pag-ibig
mahahanap mo ang kislap ng buhay.

Ang Kahiwagaan ng Pag-ibig ni Rumi

Markee Angelo Micu

Humayo ka sa amin mula sa ibang mundo
Mula sa ibayong mga bituin at kawalan
Katangi-tangi, Dalisay, Ubod ng ganda,
Dala-dala ang diwa ng pag-ibig.

Binabago mo ang lahat ng nasasaling mo.
Napapawi ang mga makamundong pagkabagabag, mga abala,
at mga pighati sa iyong katauhan.
Naghahatid ng kagalakan sa pinuno at pinamumunuan.

Sa mambubukid at hari
Natutuliro mo kami sa iyong kariktan.
Lahat ng kabuktutan ay nagbabago sa kabutihan.

Ikaw ang pinakadalubhasang salamangkero.

Sinisilaban mo ang apoy ng pag-ibig sa lupa at kalangitan,
sa puso at kaluluwa ng bawat nilalang.

Sa pamamagitan ng iyong pag-ibig, nagsasanib ang pagkairal at kawalan.
Lahat ng magkasalungat ay nagkakaisa.
Lahat ng kalapastanganan ay muling nagiging banal.

Ang Paghihirap at Kaluguran ng Banal na Kayamutan ni Rumi

Markee Angelo Micu

Sa halamanan at hardin ng rosas, hinahangad kong makita ang iyong mukha.
Sa lasap ng tamis, hinahangad kong mahagkan ang iyong mga labi.
Sa mga anino ng pagnanasa, hinahangad ko ang iyong pagmamahal.

O, Dakilang Mangingibig!
Hayaan mong iwanan ko ang aking mga alalahanin.
Namumukadkad ang mga bulaklak sa kagalakan ng iyong Diwa.

Ah, Allah!
Inaasam kong makatakas sa kulungan ng aking kaakuhan
at mawala ang sarili sa mga bundok at disyerto.

Nakapapagod ang nalulumbay at malulungkot na mga taong ito.
Hinahangad kong magdiwang sa kalasingan ng iyong pagmamahal
at madama ang lakas ni Rustam sa aking mga palad.

Suyang-suya na ako sa mga haring mortal.
Hinahangad kong makita ang iyong liwanag.
Nang may hawak na sulo, lumilibot ang mga sheik at mullah sa madidilim na eskinita
ng bayang itong hindi natatagpuan ang kanilang hinahanap.

Ikaw ang Diwa ng Diwa,
Ang kalasingan ng Pag-ibig.
Hinahangad kong awitin ang iyong mga papuri
subalit magsasawalang imik sa paghihirap ng daing sa aking puso.

Ang Kahulugan ng Pag-ibig ni Rumi

Markee Angelo Micu

Kapwa liwanag at anino ang sayaw ng Pag-ibig.
Walang dahilan ang pag-ibig;
ito ang astrolabya ng mga lihim ng Maykapal.
Magkasanib at walang katapusan ang Mangingibig at Pangingibig

Bagaman maaari kong subukang ilarawan ang pag-ibig,
kapag naranasan ko ito, nauutal ako.
Bagaman maaari kong subukang sumulat tungkol sa pag-ibig, nagiging inutil ako;
Nababali ang aking panulat, at dumadausdos ang papel
sa hindi mailarawang pook na pinagsasaniban ng Mangingibig, Pangingibig at Iniibig.

Pinaluluwalhati ng liwanag ng Pag-ibig ang bawat sandali.

Ang mga Pinagpalang Mangingibig ni Rumi

Markee Angelo Micu

Naging mananayaw ang buwan
sa pagdiriwang na ito ng pag-ibig
Ang sayaw na ito ng liwanag
Ang banal na pagpapalang ito,
Ang dakilang pag-ibig na ito,
ay nang-aanyaya sa atin
sa isang mundong higit pa sa
nakikita ng mga mangingibig lamang
sa mga matang nag-aalab sa pag-iibigan.

Sila ang mga napiling nilalang
na sumuko na.
Dati silang mga tipik ng liwanag.
Ngayon sila ang nagniningning na araw.
Nilisan nila
ang mundo ng mga larong mapanlinlang.
Sila ang mga pinagpalang mangingib
na lumilikha ng isang bagong daigdig
sa kanilang mga matang nag-aalab sa pag-iibigan.

Mga Liham sa Batang Makata

Siyam

salin ni Rod Neil David ng Letter Nine ni Rainer Maria Rilke

Furuborg, Jonsered, Sweden

ika-04 Nobyembre 1904 

Mahal kong Ginoong Kappus, 

Sa panahong ito na lumipas nang walang sulat, bahagyang naglakbay ako at medyo abala, kaya hindi ako nakapagsulat. At kahit ngayon, mahirap para sa akin ang pagsusulat dahil kinailangan ko nang magsulat ng napakaraming sulat, kaya pagod na ang kamay ko. Kung kaya kong magdikta, marami pa akong gustong sabihin sa iyo, ngunit sa kabila nito, mangyaring tanggapin ang ilang salitang ito bilang sagot sa iyong mahabang sulat. 

Madalas kitang naiisip, mahal na G. Kappus, at iniisip ko ang lahat ng mabubuting hangaring dapat, kahit paano, ay makatulong sa iyo. Madalas akong nagdududa kung tunay ngang nakakatulong ang mga liham ko. Huwag mong sabihin, “Oo, nakatulong nga ang mga ito.” Tanggapin lamang ang mga ito nang mahinahon at walang labis na pasasalamat, at hintayin natin kung ano ang darating.

Marahil wala ring gaanong saysay ang pagtugon ko ngayon sa mga katanungan mo; dahil ano naman ang masasabi ko tungkol man sa iyong pagkahilig sa pagdududa, sa iyong kawalan ng kakayahang pag-isahin ang iyong panlabas at panloob na buhay, o sa lahat ng iba pang bagay na nagpapahirap sa iyo—ito lamang ang masasabi ko: hangarin kong matagpuan mo sa iyong sarili ang sapat na pasensya upang matiis ang mga bagay na ito, at sapat na pagiging simple upang magkaroon ng pananampalataya. Nawa’y lalo kang magkaroon ng tiwala sa mahirap na karanasan at sa iyong pagkakalayo sa iba pang tao. At tungkol naman sa iba, hayaan mong mangyari sa iyo ang buhay. Maniwala ka sa akin: ang buhay ay laging nasa tamang landas.

At tungkol sa mga damdamin: Ang lahat ng damdaming nagtitipon sa iyong sarili at nag-aangat sa iyo ay dalisay; ang tanging hindi dalisay ay yaong damdaming humahawak lamang sa isang bahagi ng iyong pagkatao at sa gayon ay sumisira sa iyo. Lahat ng naiisip mo habang hinaharap mo ang iyong pagkabata ay mabuti. Lahat ng bagay na nagpapabuti sa iyo kaysa sa dati, kahit na sa pinakamagagandang sandali ng iyong buhay, ay tama. Mabuti ang bawat pagtindi ng damdamin, kung ito ay dumadaloy sa iyong buong dugo; kung hindi ito pagkalasing o pagkalito, kundi isang kagalakang nakikita mo nang malinaw hanggang sa pinakailalim. Nauunawaan mo ba ang ibig kong sabihin?

At ang iyong pagdududa ay maaaring maging isang mabuting katangian kung sasanayin mo ito. Dapat itong maging kaalaman; dapat itong maging isang uri ng kritisismo. Sa tuwing nais nitong sirain para sa iyo ang isang bagay, tanungin mo ito kung bakit hindi maganda  ang bagay na iyon. Humingi ka rito ng mga patunay, subukan ito, at marahil ay makikita mong malito ito at mapapahiya, marahil ay magpoprotesta pa. Ngunit huwag kang susuko. Ipagpatuloy mo ang iyong mga argumento at kumilos sa ganitong paraan—maingat at matiyaga—sa bawat pagkakataon. Darating ang araw na, sa halip na maging isang maninira, ang iyong pagdududa ay magiging isa sa iyong pinakamahuhusay na katuwang—marahil ang pinakamatalino sa lahat ng bumubuo sa iyong buhay.

Iyan lamang, mahal na G. Kappus, ang masasabi ko sa iyo ngayon. Ngunit ipinadadala ko sa iyo, kasama ng liham na ito, ang muling paglilimbag ng isang maliit na tula na kalalabas lamang sa Prague Deutsche Arbeit (German Labor). Dito ay higit pa akong nakapagsasalita sa iyo tungkol sa buhay at kamatayan, at tungkol sa kung paanong kapwa ito dakila at maluwalhati.

Sumasaiyo,

Rainer Maria Rilke

Sampu

salin ni Rod Neil David ng Letter Ten ni Rainer Maria Rilke

Paris 

Araw pagkatapos ng Pasko, 1908 

Dapat mong malaman, mahal na G. Kappus, kung gaano ako natutuwa na makatanggap ng magandang sulat mula sa iyo. Ang mga balitang ibinibigay mo sa akin, totoo at masasabing muli ngayon, ay tila magandang balita para sa akin, at habang pinag-iisipan ko ito nang matagal, lalo kong naramdaman na napakagandang balita nga nito. Iyan talaga ang gusto kong isulat sa iyo para sa Bisperas ng Pasko; ngunit sa iba’t ibang paraan at sa walang humpay kong pananatili sa aking trabaho ngayong taglamig, dumating nang napakabilis ang sinaunang holiday na halos wala akong sapat na oras upang gawin ang mga pinakakailangang gawain, lalo na ang pagsulat.

Ngunit madalas kitang naiisip sa holiday na ito at naisip kung gaano ka katahimik sa iyong kuta, nag-iisa sa gitna ng mga walang laman na burol, kung saan ang malalaking hanging timog na iyon ay humahampas sa kanilang mga sarili, na parang gusto nilang lamunin ang mga ito sa malalaking piraso. 

Marahil ay napakalawak ng katahimikang ito upang pagbigyan ang gayong mga tunog at paggalaw, at kung isasama pa rito ang umaalingawngaw na presensya ng malayong dagat—marahil bilang pinakaloob na himig ng sinaunang pagkakaisang ito—wala akong maipapayo kundi ang hilingin na buong tiwala at tiyaga mong hayaang kumilos sa iyo ang kahanga-hangang pag-iisang ito—isang pag-iisa na hindi na mabubura sa iyong buhay. Sa lahat ng bagay na nakalaan para sa iyo upang maranasan at gawin, patuloy itong kikilos bilang isang di-nakikitang impluwensya, banayad ngunit may tahimik na katiyakan, na para bang ang dugo ng ating mga ninuno ay walang tigil na dumadaloy sa ating mga ugat at sumasanib sa ating sariling dugo upang mabuo ang natatangi at hindi na mauulit na pagkatao na tayo sa bawat liko ng ating buhay.

Oo: Natutuwa ako na taglay mo na ngayon ang isang matatag at tiyak na pag-iral—ang ranggo, ang uniporme, ang paglilingkod, ang lahat ng nahahawakan at limitadong mundong iyon. Sa gayong kapaligiran, kasama ang napakaunti at bukod na pangkat ng mga tao, ang lahat ay nagiging seryoso at kinakailangan; hinihingi nito ang maingat at buong-pusong pagtutuon, higit pa sa kawalang-kabuluhan at pag-aaksaya lamang ng panahon na maaaring maging bahagi ng propesyon militar. Hindi lamang nito pinahihintulutan ang isang taong umasa sa sariling kakayahan at mag-ingat sa sarili; talagang nililinang nito ang gayong pag-iingat. At ang mapunta sa mga kalagayang humuhubog sa atin, na paminsan-minsa’y naglalagay sa atin sa harap ng mga dakilang bagay ng kalikasan—iyon lamang ang kailangan natin.

Ang sining ay isa lamang paraan ng pamumuhay. Anuman ang paraan ng pamumuhay ng isang tao, maaari niyang, kahit hindi niya namamalayan, ihanda ang kaniyang sarili para rito. Sa lahat ng bagay, ang tunay na buhay ay higit na malapit sa sining kaysa sa hindi tunay at medyo masining na mga propesyon, kahit nagpapanggap na malapit sa sining, ay sa katunayan tumatanggi at sumasalungat sa mismong pag-iral ng lahat ng sining—gaya, halimbawa, ng pamamahayag, at halos lahat ng kritisismo, at tatlong-kapat ng tinatawag na panitikan (at ng mga nais tawaging panitikan). Kaya naman natutuwa ako na nalampasan mo ang panganib na mapunta sa isa sa mga propesyong iyon, at ngayo’y nag-iisa at matapang, sa isang lugar sa gitna ng isang malupit na katotohanan. Nawa’y suportahan at patatagin ka ng mga darating na taon.

Laging Iyo,

R. M. Rilke

One response to “Bukid ng Salin”

Leave a Reply

Tungkol sa Luntian Journal

Tuloy po kayo sa Luntian Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (inilalathala ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino/PSLLF).

Basahin ang latest na isyu.

Latest posts