Ilang Pagninilay sa Buwan ng Hulyo: Buwan ng SONA at Rebolusyon

“Palumpong” ang tema ng Isyu 14 ng Luntian Journal. Ayon sa KWF Diksiyonaryo, “halamang makahoy na matagal ang búhay, maliit kaysa punongkahoy, at karaniwang may mga sangang nagmumula sa malápit sa lupa.” Sa buwan ng Hulyo ay eksakto itong pagnilayan. 

Ang buwan ng Hulyo ay buwan ng State of the Nation Address (SONA) ng presidente ng Pilipinas. Panlimang SONA na ni Presidente Marcos Jr. sa Hulyo 27, 2026.

Gaya ng mga palumpong, nananatiling matibay ang paninindigan ng mga grupong magsasagawa ng SONA ng Sambayanan 2026 para bigyang-diin na halos walang pagbabago sa ating bansa sa kabila ng pangakong “Bagong Pilipinas.” Matindi pa rin ang paghihirap ng mga pamilyang Pilipino. Mababa ang sahod ng mga manggagawa. Wala pa ring tunay na reporma sa lupa para sa mga magsasaka. Patuloy ang mga demolisyon sa mga tahanan ng mga maralita. Hindi pa rin nakukulong ang masterminds ng flood control scam. Tuloy ang pamumunini ng mga matataas na opisyal sa bilyon-bilyong confidential at intelligence funds habang nililitis din ang bise presidente dahil sa pagwawaldas ng milyon-milyong confidential funds. Wala pa ring sapat na badyet para sa edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pang serbisyong panlipunan. Dinadahas, sinisikil ang mga lumalaban sa mapang-aping sistema at naghahangad ng pangmatagalan at positibong pagbabago sa lipunan. 

Ang buwan ng Hulyo ay buwan din ng Rebolusyong Pranses. Mainam na paalala rin sa mga hari-harian na may wakas din ang tiraniya. Darating ang panahong mapupuno ang salop at sasandig ang bayan sa sama-samang lakas na hindi na magagapi. Sabi nga ni Ka Amado V. Hernandez sa tulang “Isang Dipang Langit”: “Habang may Bastilya’y may bayang gaganti!” Kailan ba darating ang araw? Nasa kamay ng taumbayan ang kasagutan. Saktong pakinggan ang awiting “Quand fera-t-il jour, camarade?” na nirekord ni Mireille Mathieu noong dekada 60. Mainam ding panooring muli ang Netflix series na “La Révolution.” Mababasa sa artikulong “Cinema pandemia: Reflections on the underrated Netflix series La Révolution vis-à-vis current Philippine & international realities” (na available sa website ng Plaridel Journal of Communication, Media, and Society) ang mga kaugnay na obserbasyon at pagsusuri. 

Nawa’y dumami pa ang mga manunulat at manlilikha na kabalikat ng mga kilusang panlipunan sa paghubog ng mas makatarungan, mas demokratiko, at mas mapagkalingang daigdig. 

Leave a comment

Tungkol sa Luntian Journal

Tuloy po kayo sa Luntian Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (inilalathala ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino/PSLLF).

Basahin ang latest na isyu.

Latest posts