Ang Saysay ng Malikhaing Palihan: Mga Pagmumuni mula sa AKDAAN 2026

Mayroong espesyal na bahagi sa puso ko ang AKDAAN: Palihan sa Malikhaing Pagsulat, na isa sa mga flagship project ng Departamento ng Filipino ng Pamantasang De La Salle. Sa pampinid na programa ng AKDAAN 2026 noong Hunyo 27, 2026, naibahagi ko ang aking personal na ugnayan sa proyektong ito at ang mga pagbabagong nasaksihan ko sa loob ng walong taon nitong pag-iral. Higit sa pagiging taunang programa ng aming departamento, naging mahalagang espasyo ang AKDAAN para sa paglinang ng mga bagong tinig at sa pagpapatuloy ng tradisyon ng malikhaing pagsulat sa bansa.

Maikling kuwento lang. Isa ako sa mga napiling fellow sa kauna-unahang AKDAAN na ginanap noong 2019. Noon, isang buong araw na palihan lamang ang AKDAAN kagaya ng iba pang karaniwang worksyap. Muli akong magiging bahagi nito noong 2020 sa pamamagitan ng GABAYAN, isang proyektong ipinakilala ng dating tagapangulo ng departamento na si Dr. Ernesto V. Carandang II. Layunin nitong mabigyan ang bawat fellow ng partikular na mentor na higit na gagabay sa kanila sa proseso ng pagsulat at pagrerebisa ng akda. Maaaring ituring ang GABAYAN bilang isa sa mga naging precursor ng kasalukuyang pormat ng AKDAAN.

Magmula noon, naging bahagi na rin ako ng komiteng nangangasiwa sa AKDAAN sa ilalim ng pamumuno ng mga dating koordineytor nito na sina Dr. Carandang, Dr. Alona Jumaquio-Ardales, at Dr. Ramilito Correa. Ngayong taon, binigyan ako ng aming departamento ng pagkakataong maging koordineytor ng proyektong ito. Tila isang full circle moment ito para sa akin: mula sa pagiging fellow at miyembro ng komite, nabigyan ako ng oportunidad na mapamunuan ang proyektong ito, na isa sa mga unang nagtiwala sa aking kakayahan sa pagsulat. Sa bawat papel na aking ginampanan, lalo kong naunawaan kung bakit nananatiling mahalaga ang mga malikhaing palihan, lalo na para sa mga manunulat na nagsisimula pa lamang tuklasin ang kanilang tinig at kakayahan.

Isa sa pinakamahalagang natututuhan ng isang manunulat sa malikhaing palihan ang katotohanang bibihira, kung hindi man ay imposible, na matapos ang isang akda sa unang pagsulat nito. Sa madaling sabi, walang perpektong burador. Palaging may salitang kailangang palitan, talatang kailangang alisin, o wakas na kailangang muling pag-isipan. May mga pagkakataon ding kinakailangang isantabi ang isang buong akda at magsimulang muli. Ito marahil ang pinakamahalagang aral na maibibigay ng alinmang palihan tulad ng AKDAAN. Ang pagsulat ay hindi lamang bunga ng biglaang inspirasyon o likas na talento. Isa itong patuloy na proseso ng paglikha, pagbabasa, pagtanggap ng mga puna, pagrerebisa, at walang katapusang pagkatha. 

Tumagal ng isang buwan ang AKDAAN 2026, mula sa pagbubukas nito noong Hunyo 6 hanggang sa pampinid na programa noong Hunyo 27. Nagsimula ito sa mga online na lektura na nakatuon sa panimulang pagtalakay sa pagsulat ng iba’t ibang genre sa malikhaing pagsulat. Sinundan ito ng mga mentoring session kasama ang ilan sa pinakamahuhusay na manunulat sa bansa. Sa mga sesyong ito, nabigyan ang bawat fellow ng pagkakataong makausap ang mga itinalagang mentor sa kanila at makatanggap ng masinsinang gabay hinggil sa kanilang mga akda. Nagtapos ang programa sa mismong palihan, ang maituturing na battleground ng sinumang nagsisimulang manunulat, AKA ang katayan ng mga akda (biro lang).

Hindi naging madali ang prosesong ito, lalo na para sa mga fellow ng AKDAAN ngayong taon. Hindi madaling ibahagi ang sariling akda. Sabi nga nila, isa itong paghuhubad ng sarili. Ginagawa nating bulnerable sa mata at puna ng iba ang mga akdang iniluwal natin. Hindi madaling marinig na may mga bahaging kailangang baguhin o tanggalin. At higit sa lahat, hindi madaling tanggapin na ang akdang akala natin na maganda o okay na ay nangangailangan pa rin ng maraming rebisyon o pagbabago. Gayunman, dito makikita ang tunay na halaga ng palihan. Ang mga puna ay hindi nilalayong wasakin ang akda o pahinain ang loob ng manunulat. Bahagi ang mga ito ng kolektibong pagsisikap na matulungan siyang makita ang mga posibilidad na hindi niya agad naiisip habang isinusulat ang kaniyang akda. Ito ang katapangang ipinakita ng walong fellow ng AKDAAN 2026 na sina Princess Pabellano, Jovener Soro, Mc Klane Zuño, Gab Oblefias, Jan Kenneth Garces, Joyce Giron, Ian Jay Formacion, at Czar Dela Roca. Sa loob ng apat na linggo, hindi lamang sila nagsulat. Natutuhan din nilang tanggapin na ang pagbibigay ng puna ay hindi pagbasag sa kanilang mga akda kundi mahalagang bahagi ng patuloy na paghulma sa mga ito.

Hindi magiging matagumpay ang AKDAAN 2026 kung wala ang mga manunulat na nagsilbing mentor ng mga fellow. Kabilang sa mga naging mentor ngayong taon sina Dr. Rhoderick V. Nuncio, Dr. Lakangiting Garcia, Gerome Nicolas Dela Peña, Mark Anthony S. Salvador, Dr. John Jack G. Wigley, Mark Anthony S. Angeles, Beverly Wico Siy, at Dr. Correa. Bilang mga kinikilalang manunulat at awtor, hindi lamang sila nagbigay ng mga komento sa mga akda. Naglaan sila ng panahon at nagbahagi ng kanilang mayamang karanasan upang higit pang magabayan ang mga fellow. Ipinakita ng kanilang pakikibahagi na ang mahusay na manunulat ay hindi nahuhubog sa talento lamang. Mahalaga rin ang paggabay, pakikinig, disiplina, at pakikipag-ugnayan sa mga manunulat na nauna nang tumahak sa parehong landas.

Mahalaga rin ang naging ambag ng mga nagsilbing lektyurer sa taong ito, na pawang mga kinikilalang manunulat sa bansa, kabilang ang dalawang Palanca Hall of Famer na sina Joshua Lim So at Eros Atalia. Kasama rin nila ang mga kilalang manunulat na sina Dr. Ayer Arguelles, Dr. Cheeno Marlo Sayuno, at Hannah Lecena. Nagbigay ang bawat lektura ng mas malinaw na pagtingin sa mga anyo, teknik, hamon, at mga posibilidad sa pagkatha ng bawat genre. Higit sa pagbibigay ng kaalaman, nagsilbi rin silang inspirasyon upang hikayatin ang mga fellow na ipagpatuloy ang pagsulat at higit pang paunlarin ang kanilang mga akda.

Patunay ang walong taon ng AKDAAN sa patuloy na paninindigan ng Departamento ng Filipino na suportahan ang malikhaing pagsulat sa loob at labas ng Pamantasang De La Salle. Sa loob ng panahong ito, nakapagluwal ang proyekto ng mga akdang nailathala sa iba’t ibang publikasyon. Hindi maisasakatuparan ang mga ganitong klaseng programa kung wala ang suporta ng pamunuan ng Departamento. Sa nakalipas na dalawang taon, naging posible ang pagdaraos ng AKDAAN sa pangunguna ng tagapangulo ng Departamento na si Dr. Deborrah Anastacio, na patuloy na gumabay at tumugon sa mga pangangailangan ng komite. Mahalaga rin ang naging ambag ng office manager ng Departamento na si Ms. Abi Madurar, na buong sigasig na tumulong sa mga pangangailangan ng proyekto.

Maraming bahagi ng isang palihan ang hindi nakikita ng lahat. Kabilang dito ang mahabang proseso ng pagpaplano, pakikipag-ugnayan sa mga lektyurer at mentor, pagbabasa at pagsasaayos ng mga manuskrito, paghahanda ng mga materyales, pagbuo ng programa, at pagtitiyak na maayos ang bawat detalye sa araw ng palihan. Sa AKDAAN 2026, naging mahalaga ang sama-samang pagtutulungan ng mga miyembro ng komite na binubuo nina Jay Israel de Leon, na nangasiwa sa mga materyal na pampublisidad, souvenir program, at komunikasyon sa fellows, mentors, at lektyurers; Jessica May Reyes, na masigasig na tumuon sa dokumentasyon ng buong proyekto; Mark Anthony Salvador at Gerome Dela Peña, na tumulong sa mga detalye ng palihan at mentoring; at Anthony Gabumpa, na nagsilbing tagapagdaloy sa mga sesyon ng AKDAAN.

Sa panahong nagiging mabilisan na ang produksiyon at pagkonsumo ng teksto, maaari nating itanong kung may saysay pa ba ang mga malikhaing palihan. Marami nang maaaring matutuhan sa internet, sa mga online course, o sa mga aplikasyong gumagamit ng artificial intelligence (AI). Gayunman, may mga bagay na hindi kayang baguhin ng mga ito. Hindi nila lubos na mapapalitan ang aktuwal na pakikipagtagpo sa kapuwa manunulat, ang masinsinang pagbabasa ng isang akda, ang tapat ngunit mapagkalingang pagbibigay ng puna, at ang pagkakataong marinig kung paano tinatanggap at inuunawa ng ibang tao ang mga salitang isinulat natin.

Para sa akin, patuloy na magkakaroon ng saysay ang AKDAAN at ang iba pang mga palihan sa bansa hangga’t may mga nagsisimulang manunulat na naghahanap ng kanilang tinig, mga mentor na handang gumabay, at komunidad ng mga manunulat na naniniwala sa kapangyarihan ng salita. Sa bawat palihang idinaraos, nagpapatuloy ang paghubog hindi lamang sa mga umuusbong na manunulat kundi maging ng kinabukasan ng panitikang Filipino.

Leave a comment

Tungkol sa Luntian Journal

Tuloy po kayo sa Luntian Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (inilalathala ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino/PSLLF).

Basahin ang latest na isyu.

Latest posts