
ANG INTERESANTE AT MAKABULUHANG PANITIKAN
Guro sa wika ang talagang programa ko sa kolehiyo. Kakaunti lamang ang kursong nasa aming kurikulum na ang sentro ay panitikan. Sinanay kami sa ortograpiyang Filipino, manwal ng masinop na pagsulat mula sa KWF, at tamang paraan ng pagsulat ng mga korespondensiya opisyal. Ang talagang marami din kami ay mga aralin kung paano magturo—ibig sabihin, sining ng pedagohiya. Walang katapusang pagkakabisa ng mga pangalan at teorya nina Pavlov, Piaget, Thorndike, Vygotsky, at Maslow. Halos wala rin akong maalalang babaeng teorista sa mga itinuro at ipinaulat sa amin. Mga kanluraning dalumat na agad ko ring nalimutan sa unang taon ng pagtuturo sapagkat malayo sa Sikolohiyang Pilipino: masyadong self-centered o indibidwalistiko sa halip na nakatuon sa konsepto ng kapwa o pakikipagkapwa na tunay na diwa ng ating pagkatuto at kultura. Malamang ay higit sa hamon ng programa, mas usapin ito ng kurikulum.
Hayskul pa lang ako ay talagang nahilig na ako sa pagbabasa ng mga akda sa Filipino. Kami ang ilan sa mga huling batch na nakapagbasa ng mga akda ng mga manunulat sa Agos sa Disyerto noong hindi pa ito inaalis sa mga teksbuk at kurikulum sa mga pampublikong paaralan. Napako rin ang interes ko sa mga salin sa Filipino na mga Asyanong akda tulad ng Kay Estella Zeehandelaar na isinalin ng premyadong guro at manunulat na si Dr. Ruth Elynia Mabanglo. Hindi ko rin malimot hanggang sa ngayon ang distopikong akdang Sebwano na Miliminas: Taong 0069 (Miliminas: Tuig 0069) ni Nilo Par Pamonag na isinalin sa Filipino ni Ruby V. Alcantara. Kaya noong ako ay nagdesisyong kumuha ng BSED Filipino ay dala-dala ko ang pagkahumaling na ito. Sabik na sabik akong magpakadalubhasa at sa loob-loob ko, kahit sa mga aralin namin sa wika ng aking mga mag-aaral, gagamit ako ng panitikan bilang ispringbord upang kunin ang kanilang interes sa bagay na dahilan kung bakit din ako sabik na magbasa noon, sa kabila ng kaliwa’t kanang distraksiyon ng mga umuusbong na teknolohiya ng internet at social media.
Naihalal akong Pangulo ng SamFil (Samahan ng mga Mag-aaral na Nagpapakadalubhasa sa Asignaturang Filipino) ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig (PLP) noong taong laganap na ang balita ng pag-aalis ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo. Taong 2014 iyon. Dito, nagsunod-sunod ang aming pakikisangkot upang labanan at tutulan ang CHED Memo 20, s. 2013 na nag-alis sa Filipino sa core curriculum ng tersiyarya. Sa isang sanaysay ko sa Agos Journal ng UP Diliman – Sentro ng Wikang Filipino ay inilarawan ko ang kumintal sa isip na tila kabayong humulagpos sa geyt ng CHED ang inihagis na gawang kabaong na may nakasulat na “Wikang Filipino” ng mga kasama naming propesor at mag-aaral na nagrarali mula sa DLSU Manila. Ang aking pakikipakat, paglahok sa mga kilos protesta mula Mendiola, CHED, at Korte Suprema ang nagtulak din sa aking sumali sa iba pang pangmasang organisasyon ng mga kabataan. Higit na nagkaroon ng linaw ang aking panulat. Nasalat at naunawaan ko ang malawak na suliranin ng aking panahon. Namulat ako na ang kondisyon sa Bulagan o MPK ay hindi nalalayo sa iba pang komunidad at sektor sa Pilipinas. Nabatid ko na sa kasaysayan, tanging sa paglaban nakakamtan ang lagi’t laging paghahangad ng pagbabago, lalo pa’t ang mga kadalasang nagdedesisyon at may hawak ng mga polisiya at batas sa Pilipinas ay may labis na hiwalay na danas sa mayorya. Ang lumilikha’t humahatol sa mga batas trapiko ng bansa, hindi naman nararanasang magkomyut. Ang mga pinauupo kadalasan sa CHED at iba pang ahensiya at komisyong pang-edukasyon, pangwika, at pangkultura ay tila produkto ng mga ivy league school at nananatili sa kani-kanilang mga toreng garing. Ang ilang mga representante kuno ng mga magsasaka at manggagawa sa kongreso, ni hindi naranasang maging kasamá o ma-ENDO.
Nang sumali ako sa isang patimpalak sa pagsulat ng Tanaga na pinamagatang #LuisiTanaga ng Kilometer 64 Writers Collective, isang progresibong samahan ng mga manunulat sa bansa, pinalad akong magwagi ng unang gantimpala1. Inaral ko ang kasaysayan ng paglaban ng mga magsasaka at iba pang sektor na nakiisa sa kanilang panawagan. Nang dalhin ko ang sertipiko sa faculty room ng aking pinapasukang kolehiyo noon upang iabot sa aking tagapayo na noon pa ma’y nakasuporta na sa akin, may isang propesor ang biglang nakibasa sa sertipiko. Sa gitna ng mga pagbati at parangal sa akin, humugot siya ng tinig at sinabing: “sali ka nang sali sa mga ganyan, baka malaman-laman na lang namin, namundok ka na, ha.” Imbes na masiraan ng loob, patuloy ako sa aking naging pakikisangkot. Pinamunuan ko nang sumunod na taon (kasama ng kapwa mga mag-aaral) nang ako ay mahalal bilang Pangulo ng University Student Council ang kauna-unahang rally sa tapat ng Pamantasan hanggang sa City Hall ng Pasig ang laban sa banta ng Tuition and Other Fees Increase (TOFI) at iba pang ’di-makaestudyanteng patakaran. Damang-dama kong halos mapaantanda ng krus ang nasabing propesor sa kaniyang nasaksihan, patunay na may iba’t ibang antas at porma ang paglaban, lalo na kapag nasa katwiran.
Nagtuturo na ako noong makaharap namin sa isang people’s forum ang kilalang Mayor ng Pasig, ang Kgg. Vico Sotto. Noong panahon ng aming kampanya ay konsehal pa lamang siya at pinag-iinitan na noon ng nakaupong dinastiya. Nang maalala niya kami at marinig ang aming mga hinaing at karanasan, bibilang lang ng ilang buwan ay inalis na ang matrikula at iba pang bayarin sa mga mag-aaral ng Pamantasan. Nagbigay pa ng buwanang allowance sa bawat mag-aaral na noo’y hindi natatamasa ng mga hindi rehistrado sa COMELEC.
Naging miyembro at opisyal ako ng Kataga, Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas, Inc. mula taong 2017 hanggang sa kasalukuyan. Dito, mula sa aming mga babasahin at talakayan para maging ganap na kasapi, naging malinaw sa akin ang prinsipyo ng masining at makabuluhang panitikan. Mula sa napulot ko kay Eros Atalia na pagsasalimbayan ng humor at seryosong mga usapin sa katha, napanghawakan ko naman sa Kataga ang posibilidad ng linyadong akda na hindi tumatalikod sa estetiko at masining na aspekto nito. Ang ilang mga miyembro at opisyal, maging ang tapagayong si Dr. Reuel Molina Aguila ay mga premyadong manunulat. Ibig sabihin, malay sila sa umiiral na timbangan ng kahusayan sa akda. Sa kabila nito, hindi maikakaila ang lagi’t laging pagtatampok nito ng mga usaping panlipunan at pampolitika hindi lamang bilang materyal kundi kaluluwa ng mismong mga akda. Bagaman hindi laging politikal ang mga iniluluwal na akda ng Kataga tulad halimbawa ng KM64, malinaw sa akin ang ambag nito sa paghubog ng mga nagsisimulang manunulat, lalo na sa usapin ng politika at sining ng paglikha at paglalathala.
Pinalad akong makadalo bilang fellow sa mga palihang panrehiyon o regional writing workshop tulad ng 6th Angono Summer Writers Workshop, 1st Kaboronyogan Bikol Creative Writing Workshop, at 2nd Cavite Young Writers Workshop. Naging fellow rin ako sa Nobela sa katatapos lang na 65th UP National Writers Workshop. Naging panelist naman ako sa mga palihan tulad ng Pasig Writers Workshop, Pasay Writers Workshop, Akdaan (DLSU Departamento ng Filipino) at ilang independiyenteng palihan sa iba’t ibang paaralan at unibersidad). May ilan ding pagkilalang natamo mula sa Saranggola Blog Awards, National Book Awards, at naging editor/patnugot ng ilang mga antolohiya at journal sa bansa. Naging language editor sa Agos Journal at kasalukuyang isa sa mga managing editor sa Luntian Online Journal. Mayorya sa aking mga aklat na nailathala ay lumabas sa mga independent at small press, tulad ng Hinabing Salita at 8Letters Bookstore and Publishing, na naglathala rin ng aking naiakdang Sari: Isang Dagling Novella (2025)2. Ito ay kapwa ko isinulat kasama si Dr. Eve P. Antonio batay sa aming mga karanasan ng pakikisangkot sa laban at pakikibaka ng mga drayber sa jeepney phaseout at ng mga katutubong Ayta sa Tarlac para sa kanilang karapatan sa lupa at edukasyon. Kaming dalawa rin ni Dr. Antonio ang nagtatag ng 26 Pages, isang independent publishing na ang layunin nga’y maging espasyo ng aming mga panulat at ng mga kapwa namin nagsusulong ng mga interesante subalit malay sa lipunang mga akda at sulatin.
Hanggang ngayon, maligaya akong hindi ko ikinalungkot lamang ang pagtutok ng aking pag-aaral noon sa ortograpiya at manwal ng masinop na pagsulat ’pagkat nagagamit ko ito bilang tuwang sa aking pagpapatnugot. Marami sa aking mga karanasan sa pagiging gayd sa Bulagan o Munting Pamayanan ng may Kapansanan at pagiging lider-estudyante ang naging materyal ko sa aking mga panulat. Malinaw sa akin na isang malaking pribilehiyo ang kasalukuyan kong posisyon bilang katuwang na propesor sa kolehiyo, gradwadong mag-aaral ng UP, at manunulat sa kasalukuyan. Ang dating kalikasan ng pagkamadaldal ay napanghahawakan ko bilang kasangkapan sa mabilis na pagpaparating ng aking mga mensahe bilang manunulat at guro. Sa kabila ng gaan na pumihit na lamang sa mga popular na akda na mas may market ng mambabasa, halimbawa sa kinasanayang love poems o mga romance novel (na hindi naman din mali o masama) ay personal kong tindig na magsulat hinggil sa aking kinalakhang komunidad. Pagtagpuin ang kompendiyo ng mga pakikisangkot upang kapwa maisulong, gaano man kaliit o kalimitado, ang interesante at makabuluhang panitikan. Sapagkat paano nga ba babasahin kung hindi interesante, at ano ang uukilkil sa mambabasa kundi naman makabuluhan?
- Narito ang aking tulang naipanalo sa nasabing timpalak taong 2014:
HUSTISYA KAY LUISITA
Limang dekadang salat
Tinuyot yaring balat
Nang matutong lumaban
Hatol ay kamatayan ↩︎ - Pinagsama ang mga elemento ng dagli at novella. Maiikli ang mga kabanata at umiikot sa dalawa subalit nagsasalimbayang mga POV o pananaw ng mga tauhang sina Marcus Adlao at Luna Rivera. Ang kanilang mga karanasan, disposisyon, at paninindigan sa buhay ay masasabing parehong personal at politikal—na sa tingin namin ng aking co-author ay higit na mauunawaan ng mga mambabasa sa anyong dagli, lalo na sa panahong marami ang nagsisingit lamang ng kanilang pagbabasa sa pagi-pagitan ng mga gawain upang tumuon sa kani-kanila ring ikabubuhay. Kalipunan ang Sari ng mga magkakarugtong na mga dagli sa haba ng novella upang hindi mabitin ay makuha ang pinakakatas ng mensaheng nais iparating sa mga mambabasa.
↩︎

Leave a Reply