
Minsan, Nag-ampon Siya ng Isang Lagalag
Sara Mae San Juan-Robin
Kung tutuusin, sa karaniwang araw ay batang tingnan si Tita kumpara sa mga ka-edad niya. Palibhasa ay dalaga, kahit sa pagtanda ay dala niya ang magaang na awra; wala sa hawas ng mukha niya ang pagkakunsumi sa lalaki. Idagdag pa dito ang buhok niyang pirming nakagupit na mala-Julie Andrews o Diana Spencer at ang sidekick niyang sasampuing taong gulang na mukhang “mini-me” (ako ‘yun), ay bihira ang nakakatama ng hula sa tunay niyang gulang. Pero nang araw na iyon, biglang sumampal sa mata ko ang kaniyang pagka-sisentahin. Parang inukit ang mumunti niyang kulubot, at parang dumami ang puti niyang buhok. Maging ang kaniyang likod ay parang lalong nahukot, kahit nagisnan ko siyang sakit na niya talaga ang osteoporosis. Hindi naman siya umiyak, nagsalita, o nagpakita ng anumang emosyon. Banayad lamang niyang ibinalik sa kusina ang niresiklong baso ng noodles, at itinapon ang laman nitong kape sa lababo.
Dahil nga pirming sidekick ako ni Tita, nakabisado ko na ang mga galawan niya. Maawain siya sa mga pulubi, lalo na sa mga matatanda. Kapag may nakikita siyang namamalimos, aabutan niya iyon ng piso kahit kung tutuusin ay hindi naman siya mayaman. Mahilig din siyang magpalakad-lakad at tumuklas ng mga mas mainam na daanan. Ngayon-ngayon ko na lang rin naisip, hindi kaya naglalakad kami dahil naiabot ang pamasahe sa pulubi? Pero hindi naman nakakapagod ang paglalakad kasama si Tita. Dahil na rin siguro bata pa ang siyudad noon, may panaka-naka pa ring madaraanang mga puno at halaman. Iisa-isahin niya sa akin ang mga pangalan nito: nakakain ang kamyas at makopa, maririkit na bulaklak sina Donya Imelda at Donya Aurora. Ornamental na dahon ang anahaw at snake plant, halamang gamot ang aloe vera at mayana. Kung minsan pa, hindi lang mga halaman ang nakikita namin kundi mga dugyot na kuting at mga garapatahing tuta. Pero dahil siya ay si Tita (na bininyagan ang sariling girl scout), may dala siyang kung anong makakaing kaagad niyang ibibigay sa mga kawawang hayop.
At mabuti nga kung pinakain lang! Kung minsan, inuuwi pa namin ang mga kuting o tutang aming nakakasalubong. Nakakalungkot man, pero, hindi lahat. Kasama sa “pamantayan ng hurado” kung may nanay bang kasama ang hayop, at kung malapit ba sila sa mapagkukunan ng pagkain tulad ng palengke o karinderya. Kasama rin ang pisikal na kundisyon, kung mataba-taba o talagang mukhang walang makain. Madalas, kung alin ang talagang mukhang kawawa, iyon ang iuuwi namin. Wala namang makapalag sa mga pag-aampon niya dahil panganay at tanging babae sa magkakapatid si Tita, lumalabas na parang siya ang matriyarka ng angkan.
Sa panahon ng ating kuwento, si Tita at ang kaniyang apat na kapatid na lalaki sampu ng kanilang mga asawa at anak (dalawa ang may asawa at anak noon at humabol magpamilya ang bunso kalaunan) ay nakatira sa isang malaking bahay sa tabing riles. Dalawa ang pinto ng bahay, ang isa ay paluwa sa eskinitang ihahatid ka sa kalsada. Ang isa naman ay may nakaabang na hagdanang dadalhin ka sa isang hindi kalakihang bakanteng espasyo katabi ng riles ng tren. Kinakailangan ang espasyong ito dahil sa negosyong paigib ng pamilya, dito nilalagak ng mga kapitbahay ang mga galon at timbang sisidlan ng inigib na tubig.
Isang (madaling) araw, magkakape sana si Tita nang may matanaw na parang kumikilos sa bakanteng espasyong katatagpuan ng gripo. Kinakandado naman namin ang gripo sa madaling-araw, pero baka may naglalakas-loob na sirain ito kaya sinino kaagad ni Tita ang gumagawa ng kaluskos. Tahimik akong nakabuntot sa kaniya at nadatnan namin sa espasyo ang isang matandang pulubi na naghahandang matulog. Ang kaluskos ay galing sa sako ng kalakal na dala niya, at sa makutim na backpack na ginagawa niyang unan. Noon lang ako nakakita ng ganoong tao, isang taong monokromatiko. Ang kabuuan niya, mula ulo hanggang paa ay itim o abo lamang.
Kaagad humingi ng pasensya ang matandang lalaki at akmang aalis. Pero, pinigilan siya ni Tita, pinaupo at iniwan saglit. Siyempre kahit ganoon, hinatak niya pa ring sumama paloob ng bahay ang kaniyang butihing sidekick (na baka nga naman maisako). Mabilis siyang nagtimpla ng kape sa niresiklong baso ng noodles at inihatid iyon sa matanda. Pagkatapos ng ilang higop ay sinimulan ang interbyu. Walang bahay, walang pangkain, malayo ang pamilya. Pasok sa “pamantayan ng hurado” si Mang Goryo (hindi tunay na pangalan), kaya noon din, hora mismo, nag-ampon si Tita ng isang lagalag.
Nang makaalis ang matanda, bumuo ng mumunting sisilungan ang magkakapatid para sa kaniya. Simpleng papag, kaunting pasimanong bubong, at mga trapal panlaban sa anggi ng ulan. Si Mang Goryo naman, maghapong nag-iikot ikot para mangalakal ng basura. Nangongolekta siya ng mga bote at plastik na maipapalit sa mga junk shop at iyon ang kaniyang ikinabubuhay. Pagkatapos ng mahabang araw, babalik siya sa espasyo sa ibaba ng bahay namin at matutulog. Tuwing umaga naman, dudulutan siya ng kape ni Tita. Iyon na nga ang nakagawian namin mula nang dumating sa buhay namin ang matandang lagalag.
Kung minsan, hindi “uuwi” si Mang Goryo. Makalipas ang isa o dalawang araw, babalik siya sa amin, itim/abo pa rin ngunit mas malinis kaysa dati. Kapag ganoon daw, nagpupunta siya sa bahay-lagalag ng lungsod (city transient home) at doon siya natutulog, pati nakakapaligo at nakakalaba. Hindi ko rin alam kung bakit pero ni minsan hindi nangahas makiligo si Mang Goryo sa kanyang pahingahan gayong may gripo nga roon. Gayundin, ang minsang bigyan siya ng kape ay nag-abot siya ng isang supot na may lamang panimplang kape at asukal na pula. Hindi ko rin naiintindihan noon kung bakit kinukuha pa ni Tita iyon gayong ang dami-dami naman naming kape. Magmula noon, doon na niya ibinabawas ang iinumin ni Mang Goryo tuwing umaga at nakabukod iyon sa kape ng pamilya. Malaki na ako nang maunawaan kong iyong hindi pakikiligo at pagpapatago niya ng kape sa amin, dignidad pala ang tawag doon.
Ilang buwan pa ang itinagal sa amin ng ampong lagalag ni Tita. Dahil pawang mga lalaki, inoobserbahan din ng mga kapatid niya ang pakikitungo ni Tita sa matanda. Pero parang wala namang pagbabago sa kanilang ugnayan, hindi naman sila naging mas malapit o anuman. Basta doon sa espasyo sa ibaba ng bahay natutulog si Mang Goryo, at tuwing umaga kapag naroon siya ay dudulutan siya ni Tita ng isang baso ng kape. Iyon at iyon lamang hanggang sa araw na iyon na bigla siyang hinatak papatanda ng isang balita.
Ayon kay Tatay, natunton at tuluyang naiuwi ng mga kamag-anak ang bangkay ni Mang Goryo sa kanilang probinsya. Natagpuan raw itong walang buhay sa pagkakatulog sa bahay-lagalag ng lungsod, na mabuti na rin siguro dahil madaling naasikaso ng awtoridad. Balita na lamang ang nakaabot sa amin, akma lang naman sa ilang buwang pakikipagkapwa. Ibinuhos ni Tita ang kape sa lababo at nagpatuloy sa buhay. Aso, pusa, ibon, halaman- pero kung iyon man ay desisyon niya o hindi na nagkaroon muli ng pagkakataon, iyon na ang una at huling beses na nag-ampon siya ng taong lagalag.

Bago, Habang, at Pagkatapos
Aida Marohom-Manda
Ang matutunghayan ay bahagi ng salaysay ni Dr. Farraniva S. Acmed-Ismael noong 7 Marso 2022 @ 1:10 n.h, isang Internally Displaced Person (IDP). Ito ang kanyang naging danas sa panahong mangyari ang giyera sa Marawi.
Billionaires’ Village. Ito ang turing ni Doc Farrah (tawag sa kanya ng kanyang mga kakilala at kasamahan) sa lugar kung saan sila nakatirang mag-anak, sa Pangarungan Village, Barangay Sangkay Dansalan, Lungsod Marawi. Halos lahat ng nakapaligid na mga bahay sa kanila ay kanyang mga kamag-anak. Ang naglalakihang mga bahay ay naglalarawan ng karangyaan, simbolo ng kapanatagan, at maayos na kalagayan sa buhay. Ang ilang naglalakihang rice mill at malalaking gusaling pangkomersyal sa lugar ay ilan lamang sa dinarayo ng mga mangangalakal, negosyante, at mamimili mula sa lungsod at mga karatig-bayan.
Bago pa man mangyari ang makasaysayang giyera sa Marawi, naulinigan na nila ang bali-balitang papasukin ng mga ISIS ang Marawi. Ipinagwalang-bahala nila ang balitang ito. Hindi pinaniwalaan. Sa mga araw ding ito, bigla na lamang siyang magigising sa kalaliman ng gabi. Sinusuyod niya ng tingin ang loob ng kanilang bahay, ang kanilang katatapos lamang na gawang bahay ng bunga ng pagsisikap nilang mag-asawa. Habang ginagawa niya ito, tahimik siyang nagpapasalamat sa Diyos sa biyayang kaloob Niya sa kanila. Sa kalooban niya, tahimik niyang inuusal ang “Alhamdulillah” dahil may bahay na sila.
Nang pumasok siya sa trabaho sa araw na iyon ng Mayo 23, nilingon pa niya ang kanilang bahay. Pinagmamasdan niya ito. Bago siya nagpatuloy sa kanyang pag-alis, gumuhit ang isang ngiti sa kanyang mukha – ngiting naglalarawan ng kapanatagan sa buhay. Hindi niya inakalang iyon na pala ang kanyang huling sulyap sa kanilang bagong gawang bahay.
Naroon siya sa aklatan ng unibersidad ng MSU nang mangyari ang hindi inaasahang kaguluhan na nagdulot ng pangamba sa isang ina para sa kanyang dalawang anak na hindi niya batid kung nasaan sa mga oras na iyon. Usapan nilang sa aklatang iyon sila magkikita-kita. Ilang sandali pa ay dumating ang kanyang mga anak. Sa mga mukha nito ay makikita ang pangambang dulot ng putukang kanilang naririnig. Mula sa kanilang kinaroroonan ay dinig na dinig nila ang walang tigil na putukan sa Basak Malutlut, ang lugar kung saan nagsimula ang lahat. Sa kabila ng kalagayang ito, hindi inalintana ni Doc Farrah ang panganib sa daan makapiling lamang ang kanyang pamilya. Kasama ang kanyang dalawang anak, pinilit niyang itago ang takot sa dibdib at buong tapang na sinuong ang panganib sa daan. Pagsapit nila sa Banggolo Bridge, tumambad sa kanila ang sarado nang mga daan papasok at may nakaharang nang mga sasakyan. Sa halip na panghinaan ng loob, naisip niya agad ang bahay ng kanyang lola sa Barangay Raya Madaya I. Kasama ang kanyang mga anak na lalaki, binagtas nila ang bahay ng kanyang lola. Ang anumang tapang na natitira sa kanyang sarili sa oras na iyon ay nahalinhan ng pangamba makaraang marinig ang mga sinasabi ng kanilang mga nakasasalubong. Sila ay pinatatago. Pinatatakbo. Higit na nakapanlambot ng kanyang tuhod nang sabihin sa kanyang “Itago mo ang mga anak mo! Nangunguha sila ng mga anak na lalaki!” Lumukob ang takot sa kanyang katawan. Hindi na niya namalayang umaagos na ang kanyang luha. Nangangamba siya hindi para sa kanyang sarili kundi para sa kanyang mga anak na agad niyang niyakap habang binabagtas ang daan pauwi. Tumindi pa ito nang makita niya ang mga terorista sa kanila mismong daraanan. Sa pagkakataong ito, umiral ang kanyang pagiging ina. Matapos humugot nang malalim, linakasan niya ang kanyang loob, hinawakan ang dalawang anak at nagpatuloy sila sa kanilang paglalakad. Hindi niya namamalayang umiiyak na siyang nakikiusap sa mga terorista na sila ay padaanin kasabay ang pagsambit ng “Allahu akbar!” Hindi siya nabigo.
Napakaingay na ng putukan. Takbo-talon ang ginawa nilang mag-ina kasunod ang iba pang nagnanais ding makauwi sa kani-kanilang mga tahanan. Bawat isa ay nagsumikap marating ang tahanang kakanlong sa kanila sa panahong iyon
“Alhamdulillah,” ang kanyang sambit nang marating nila ang bahay ng kanyang lola. Lalo pang tumindi ang putukan dahilan upang maging mailap sa kanila ang antok. Halos hilahin na niya ang umaga para mapuntahan ang kanyang asawa’t iba pang mga anak na hindi na niya makontak. Pinakiramdaman niya ang paligid kinabukasan. Nabuhayan siya ng loob nang makitang may mga naglalakad. Sumabay siya sa kanila hanggang sa nagkita-kita sila ng kanyang asawa’t mga anak na naglalakad na rin palabas sa kanilang pinanggalingang barangay. Sa oras na iyon, tanging kaligtasan ng pamilya ang kanyang iniisip.
Habang nagaganap ang kaguluhan, bitbit ang ilang gamit, tumungo sila sa Lungsod Iligan kipkip ang pangakong babalik sila kaagad pagkaraan ng ilang araw. Sa Iligan ay damang-dama niya ang kalagayan ng isang IDP. Ramdam niya at ng kanyang pamilya ang kawalan at mawalan. Higit siyang nanlumo at tuluyang napaiyak nang makitang may punit, tastas, at luma na ang suot ng kanyang mga anak. Sa pagmamadali, yaong mga itinabi niya ang nabitbit ng kanyang mga anak. Naging hamon sa kaniya lalo’t higit sa kanyang mga anak ang pag-adjust sa isang bagong kapaligiran. Ang ilang araw niyang pangarap na makabalik sa kanilang lugar ay naging linggo, buwan, at taon kaya napilitan siyang ilipat ang kanyang mga anak sa isa sa mga paaralan sa Iligan. Naging malaking hamon sa kanyang mga anak ang wikang Bisaya. Nahirapan silang makibagay at makipag-ugnayan dahil hindi sila marunong at nakaiintindi sa wikang nabanggit. Sa kalagayang ito ng kanyang mga anak, napagtanto niyang napakahalaga ang maging maalam sa ibang wika upang makaagpang sa mga pagbabagong magaganap sa buhay at hindi mahihirapang makibagay.
Sa layuning maibsan ang hirap na nararanasan ng kanyang mga anak sa panahon ng paglikas, sinubukan nilang mag-asawa na maghanap ng mauupahang apartment o kahit man lang kwarto upang takasan ang tila sardinas na kalagayan sa lugar na kanilang natuluyan. Sa panahong ito, hindi lang isang beses kundi makailang beses silang tinatanggihan ng mga may-ari ng bakanteng paupahang kanilang napagtatanungan kapag nababatid nilang Meranaw sila na galing sa Marawi. Dito ay nakaramdam siya ng diskriminasyon sa lugar ng mga hindi Muslim. Sa isip niya, isinisigaw ang mga salitang “Hindi kami terorista!” bilang pagkontra sa karanasan nilang ito. Gayunpaman, sa likod ng kanyang isipan ay pilit na inuunawa ang mga reaksyong ganito at tinanggap bilang bahagi ng kanilang karanasan sa isang bagong lugar. Ang karanasang ito ay nagpatindi sa trauma at sakit na nararamdaman ni Doc Farrah at ng kanyang pamilya. Sa kabila ng pangyayaring ito, taglay ni Doc Farrah ang imahe ng katatagan na may matibay na pananampalataya na naniniwalang ang lahat ng nangyari ay kagustuhan ng Dakilang Lumikha.
Makalipas ang limang buwan, malaya na ang Marawi mula sa mga terorista ngunit ang matinding hamon ay nagsisimula pa lamang para sa kanilang sapilitang nawalay sa Marawi. Sa panahon ng kambalingan (pagbabalik sa Marawi), ang inakala niyang pagbabalik sa kanilang barangay ay nauwi sa wala. Hindi na niya nakilala ang hitsura ng kanilang lugar dahil sa iniwang wasak at sunog na imahe ng nagdaang giyera. Higit niyang ikinapanlumo ang kinahinatnan ng kanilang bahay. Hindi na niya ito namumukhaan. Ang inakala niyang maisasalba pang gamit ay hindi na mapapakinabangan pa. Sa kanyang sarili, sinisisi niya ang gobyerno dahil hindi nito napangalagaan ang anumang natira para sana sa kanila. Malungkot din niyang inilarawan ang tila ba pulubing kalagayan nila na nakikipila sa tulong ng gobyerno dala-dala ang papeles na magpapatunay na karapat-dapat silang tumanggap ng ayuda – ayudang batid niyang para sa kanilang mga apektado ng giyera ngunit pakiwari niya ay mas inilagay sila sa pinakakawawang kalagayan dahil sa hindi maayos na sistema ng pamamahagi nito; ayudang madalang na nilang natatanggap simula noong maging home-based IDP sila dahil ang mga nasa evacuation center ang prayoridad ng mga namamahala nito. Ipinagpasalamat niyang siya ay kawani ng gobyerno at ang sahod niya ang nagsilbing pantawid nila sa pang-araw-araw na hamon bilang mga IDP sa lugar na kanilang napuntahan.
Maglilimang taon na mula nang mangyari ang giyera sa Marawi nang ibahagi ni Doc Farrah ang danas nila ng kanyang pamilya sa makasaysayang pangyayaring ito ngunit sa kalkulasyon niya, hindi pa rin magiging maayos ang Marawi sa mga susunod pang dalawang taon. Hindi rin niya ikinatutuwa ang anumang pagbabagong nakikita niya sa ground zero. Walang silbi ang mga ito kung hindi makababalik ang mga residenteng Meranaw rito na patuloy na sinasalunga ang mga hamon ng pagiging IDP sa mga lugar na kanilang napuntahan.
Lumipas man ang ilang taon, sariwa pa rin sa kanyang alaala ang mga pangyayaring naganap sa Marawi noong 23 Mayo 2017. Isang pangyayaring nagturo sa kanya ng leksyon at panuntunan sa buhay na nagsilbing motibasyon sa kanya upang hindi siya sumuko at ipagpatuloy ang buhay. Ang pangyayari ay nagpatibay sa kanya bilang isang ina, isang asawa at isang Meranaw na kayang-kaya nang humarap sa anumang pagsubok pang darating sa kanila. Ang mga nangawala sa kanila ay mga materyal na bagay na para sa kanya ay maaaring palitan kaya isang napakalaking biyaya kay Doc Farrah na nanatiling buo ang kanyang pamilya at sama-sama silang bumabangon sa hamon ng buhay.

Kung Paano ko Pinatay si Mama
Gerard P. Concepcion
8.
May bago kaming aso sa bahay. Dyno ang pangalan. Ang sabi nung nagbigay, 1/3 poodle, 1/3 shih tzu, AT 1/3 Jack Russel. Kulay itim na may puti sa dibdib. You’re so cute, ang laging sinasabi sa kanya ni Kahel. Sabi ni Bers, naku matutuwa si Mama kung buhay pa ‘yun, kasi pet lover ‘yun. Sabi ko sa sarili ko, kung buhay pa si Mama, malamang wala yang aso rito. Siya pa nga lang ang hirap nang alagaan. At pa’no siya mabubuhay? E, pinatay ko nga siya.
1.
May nakapang maliit na bukol si mama sa kanyang kanang suso. Masakit ba pag hinahawakan yang bukol Ma? Hindi naman daw. Pero sa edad niyang anim na pu’t lima alam kong delikado na yung ganyang sintomas. Taong 2005 nang ma-diagnose si mama ng breast cancer. Ito yung panahon na wala akong permanenteng trabaho, at pinagkakasya ang suweldo ko sa pagiging part-time teacher. Aalisin daw ng surgeon ang buong kanang suso niya, at pagkatapos ay sasailalim sa chemotherapy. Yung gabi bago ang kanyang operasyon, hindi ako nakatulog. Dasal lang ako nang dasal. ‘Ka ko sa Diyos, huwag munang kunin si Mama, dahil kailangan ko pa siya.
Mabait ang Diyos. Biruin mo, nalagpasan ng pamilya namin ang lahat ng gastusin sa ospital, pati na rin ang hormonal pills na kailangan niyang inumin ng limang taon para makontrol ang kanyang estrogen. Ah, hindi po kayo nakapag-breast feed noon? Kompirmasyon ng oncologist kay Mama. Suri niya, ito ang maaaring naging dahilan ng kanyang breast cancer. E hindi rin po kasi healthy ang kinakain namin sa bahay. Tsaka dok, nabasa ko sa internet, yung paggamit ng Rexona nakaka-contribute daw sa pagkakaroon ng breast cancer. Ewan ko ba, pero pilit kong hinahanapan ng rasyonal yung pagkakaroon ng breast cancer ni Mama. Ang panalangin ko ay bigyan pa siya ng mahabang buhay dahil kailangan ko pa siya. Bibigyan ko muna siya ng apo ‘ka ko para naman maranasan niyang maging lola.
Sa totoo lang, naging malakas pa sa kalabaw si Mama. Kahit parang pusa kung kumain, hindi yan halos dinadapuan ng ubo o sipon o lagnat. Ni hindi nga rin yan sumusuka pagkatapos ng mga chemo session niya noon. Sabi ko sa sarili ko, mukhang mahaba pa ang itatagal sa mundo. Namamalengke, nagluluto, at naglalaba pa yan para raw may ginagawa pa rin siya. Pero makikita pa rin sa katawan niya na may pinagdaanan siyang malubhang sakit. Numipis ang buhok, lumubog ang mga pisngi, lumiit ang mga braso, hita, at binti. Sabi nga ng oncologist niya, kung hindi babalik ang cancer sa loob ng pito hanggang sampung taon, isa nang cancer survivor si Mama.
2.
Dalawang mahahalagang pangyayari ang naranasan namin noong 2017. Una, ipinanganak namin si Kahel. Ikalawa, namatay si Papa. Pero Ma, mami-miss mo ba si Papa? Malulungkot daw siya pero mas okey na iyon kesa nakikita niyang nahihirapan ang asawa. Akalain mo ‘yun, nauna pa si Papa sa iyo? E Healthy living yang si Papa. Food-conscious, nag-e-exercise, laging nainom ng vitamins. Nagsimula sa simpleng nasasamid at laging nahihirinan tuwing kumakain, hanggang dumating ang panahon hindi na siya makalunok at makapagsalita. Hinala ng doktor, nagkaroon siya ng mini stroke. Basta ang paliwanag, may naapektuhang mga ugat na nagkokontrol sa kanyang lalamunan. Handa na sana kaming pabutasan ang tiyan niya para sana sa Peg Tube feeding, pero pinigilan kami ng doktor. Sa edad nga naman niyang pitumpu’t pito, baka mas maaga pa raw siyang mamatay sa ibabaw ng operating table. Tiniyaga na lang namin siyang pakainin ng soft diet. Si Mama ang nagsusubo, nagpapainom, at naglilinis kay Papa. Halos aabot ng isang oras para lang maubos niya ang limang kutsarang lugaw. Kahit hindi kami nag-uusap, nagkakaunawaan na kami ni Mama na malapit-lapit nang mamatay si Papa. Isang Sabado, tumae si Papa nang pagkadami-dami. Tae na parang dalawang linggong naipon. Pagkatapos namin siyang palitan ng diaper, umihi naman. E di palit kami ulit. Ewan ko ba. Kahit dalawa na kami ni Mama na bumubuhat kay Papa, sobrang bigat niya para sa isang taong buto’t balat na. Sabi-sabi, dead weight na ang bigat ni Papa. Senyales na malapit nang mamatay ang tao. Tama nga, dahil kinabukasan, pag-uwi ko galing ng trabaho, inabutan kong malamig at matigas nang bangkay si Papa.
3.
Nang magdalawang taon si Kahel, Lola Mumu ang tawag niya kay Mama. Paano ba naman, payat, maputi ang buhok, tapos trip niya laging mamintana tuwing pagkatapos ng hapunan. Nandoon siya sa kuwarto niya, sinisilip ang mga taong naglalakad sa kalsada. Tuwing gagabihin kami ng uwi galing sa pamamasyal, makikita mong parang multo siyang nakatayo sa may bintana. P’wede bang huwag na nating pagsuotin ng puting daster si Mama? Langya, Lilia Cuntapay kasi ang peg. Huwag na ring pagwalisin ng bakuran. Baka biglang magbitaw ng linya si mama ng, dalian ninyo at umuwi na kayo bago kumagat ang dilim! Sabi nga ni Bers, baka p’wede nating ipasok si Mamang extra sa Shake, Rattle, and Roll. Tawang-tawa kaming mag-asawa sa ideya. Kahit nag-iisang apo, hindi naging malapit si Kahel kay Mama. Bukod sa mukhang mumu, stinky raw kasi si lola. Gano’n yata talaga pag matanda na, kahit pa naliligo at nagpupulbos araw-araw, may kung anong amoy-lupa na lumalabas sa katawan. Sabi-sabi ng matatanda, ganoon raw ang amoy ng taong malapit nang mamatay. Pero mali sila. Ang totoo, umiihi na si Mama sa kama. Unti-unti na kasing nawawala ang kontrol niya sa pantog. Madalas, inaabutan siyang naiihi na sa kama dahil hindi siya nakatayo at nakapunta agad sa CR. Madalas nang naging ganyan ang buhay ni mama. Kaya sabi ko, ibibili ko siya ng commode chair. Yan yung silyang may built-in na orinola, para kako hindi na niya kailangan magpunta sa CR. Ang kaso, hindi niya ito ginamit. Ayaw daw niya kasing umihi at tumae roon. Alam mo ba kung saan niya gustong umihi at tumae? Kung suwerteng hindi aabutan sa kama, sa sahig ng CR. Minsan, nang nilinis ko ang kama niya, nakita ko ang mga pakete ng biskwit, balat ng saging, at tsinelas sa ilalim ng unan niya. Nu’ng tanungin ko siya bakit nando’n ang mga ‘yon, sagot lang niya na hindi niya maalala. May pagkakataon ding natiyempuhan ko siyang binuksan ang ref at kumuha ng bacon sa freezer para kainin nang hilaw. Minsan naman, ginupit-gupit niya ang mga retrato ng kasal nila ni Papa, at ginawang pamunas ng mesa. Isang araw, biglang nagsori si Mama sa amin dahil gusto raw niyang magsaing pero di niya alam kung pa’no magsaing. Nakatitig lang siya sa rice cooker at tila iniisip kung para saan ito.
4.
Taong 2019 nang mabigyan ako ng pagkakataong makapagturo sa Busan. Buti at pinayagan ako ni Bers na gawin ito kahit alam naming alagain na si Mama. Ang plano, kukuha kami ng tagapag-alaga. Buti at napakiusapan namin ang aking hipag na sa amin muna tumira habang wala ako. ‘Ka ko tingnan-tingnan lang niya si mama, kasi nasasabihan pa naman siya kung ano ang gagawin. Sa tuwing tatawag ako sa Pilipinas bago magklase sa umaga, sumbong ang kuwento ni Bianca. Kuya Ge, si nanay nagpunta sa tindahan, uminom ng dalawang bote ng Coke. Kuya Ge, si nanay, ayaw na naman maligo. Kuya Ge, si nanay nagpapakain ng daga sa kusina. Kuya Ge, si nanay binigay lahat ‘yung mga sapatos niya sa basurero. Hindi naman sa hindi binabantayan ni Bianca si Mama, pero inaaway siya ng matanda kaya’t wala nang magawa kundi magsumbong na lang sa akin. Binobola ko na nga lang si Mama at sinasabi kong bibigyan ko siya ng maraming pera at ice cream basta sundin lang niya ang sinasabi ni Bianca sa kanya.
Nang pumutok ang COVID-19, mas lalong lumala si mama. Isang umaga, nakatakas siya kay Bianca dahil abala ito sa paghuhugas ng plato. Nakita siya ng kapitbahay namin na nakikipag-usap at niyayakap yung basurero ng barangay. Siyempre dahil takot kaming magka-COVID sa bahay lalo na si Kahel, pinagalitan ko siya. Ano ka ba? Di ka ba nag-iisip? Paano kung may COVID yung kausap mo tapos mahawa ka? Mamamatay ka niyan. E di hayaan na lang daw siyang mamatay. Ang sabi ko, okey lang sana kung ikaw lang. Paano kung pati si Kahel mamatay? Pagkatapos ng tawag ko, magkahalong inis at awa rin ang naramdaman ko para kay Mama. Bakit ko sinasaksak sa isip niya ang isang bagay na alam kong di na niya naiintindihan? Ang naisip naming solusyon, lagyan ng padlock ang gate. Akala ko okey na, hindi pala. Sumbong na naman ni Bianca, Kuya Ge, si nanay sinira yung padlock. Kuya Ge, si nanay tinulak yung silyang nakadagan sa pinto. Kuya Ge, si nanay pinalalayas na ako. Sori Bianca, pagpasensiyahan mo na si Mama, di na niya alam ang ginagawa niya. Kuwento rin ni Bers, gusto raw lumabas ng bahay ni Mama isang gabi. Ang ginawa niya, humarang siya sa pinto para di makapuslit ang matanda. Pilit daw siyang tinutulak ni Mama habang nagbubunganga at nanggagalaiti na hayaan daw siya sa gusto niyang gawin. Galit na galit daw si Mama sa kanya pero hindi naman siya maitulak. Hanggang sa napagod na ang matanda at umakyat na sa kuwarto at natulog. Tawang-tawa kami kasi akala mo raw ay nagsuper saiyan si Mama pero negative 500 ang power.
5.
Disyembre 2020 nang makabalik na ako ng Pilipinas. Pag-uwi ko sa bahay, una kong bungad kay Mama ay kung kilala pa ba niya ako. Siyempre naman ang sabi niya. Pero di niya binanggit ang pangalan ko. Siguro kung normal pa nang kaunti si Mama, sasabihin niyang, oo naman Ge, kilala kita siraulo ka. Bago magpasko, pinauwi na namin si Bianca sa Cavite, ako na kako ang magbabantay kay Mama. May nabasa ako sa internet. Nakatutulong daw sa mga tulad ni mama na may problema na sa pag-iisip kung patuloy pa rin silang pakikilusin nang mag-isa. Ganito ang ginawa ko. Kapag pinakakain ko siya, hinihimay ko na ang ulam at inihahalo sa kanin, at siya ang hinahayaan kong magsubo sa sarili niya. Kapag pinaliligo ko siya, ipinapakita ko sa kanya kung paano magsabon ng katawan. Para tuloy kaming naglalaro ng charades. Tapos, pag nanonood siya ng TV nagkukuwentuhan kami tungkol sa palabas. Madali naman siyang hanapan ng magandang pelikula basta may patayan, barilan, sabugan, at malalaking halimaw na kumakain ng tao. P’wede rin niyang ulit-ulitin ang iisang pelikula kasi madalas, hindi na niya naaalalang napanood na pala niya iyon. Dahil sa setup ng online classes, maya’t maya ay nagagawa kong i-check kung anong ginagawa niya. Paalala ko sa kanya, kung kailangan niyang umihi o tumae, ay magsabi lang siya. Sasamahan ko siya sa CR. Sabi ko sa sarili ko, kaya naman palang alagaan si Mama pag ganitong simpleng routine lang ang gagawin namin araw-araw. Nadiskubre rin namin ang style, dapat pala ay palagi siyang papaalalahanan sa mga dapat niyan gawin para hindi niya makakalimutan.
6.
Hunyo ng taong 2022, lumipat na kami ng Quezon City. Sa totoo lang, hindi na namin masyadong inisip mag-asawa kung may magiging epekto ba ito kay Mama. Hirap na kasi akong mag-MRT papunta at pauwi ng UP. Iniisip din namin na kailangang pumasa ni Kahel sa UPIS para libre ang tuition. May sarili kuwarto at sariling CR si Mama sa bagong bahay. Nu’ng nag-eempake kami, ang sabi lang niya, saan tayo pupunta? Sabi ko, gagawin kasi itong bahay natin Ma, kasi maraming anay. May bago tayong bahay at may sarili kang CR doon. Wala siyang imik sa biyahe. Lagi lang siyang nagtatanong kung malapit na ba kami. Mainipin talaga ito noon pa. Kapag nagche-check in nga kami sa hotel tuwing bagong taon, kahit kakarating pa lang namin ay sasabihin niyang masakit na ang tuhod niya at kung anong oras ba kami uuwi. Kung hindi naman namin siya isasama sa pamamasyal sa mall halimbawa, magdadrama yan kay Kahel kung sino raw makakasama ni lola sa bahay dahil iiwan na naman siyang mag-isa. Pagdating namin sa bagong bahay, una kong tanong kay Mama, okey ba itong bahay, Ma? Tatlong floors yan o. Dito muna tayo kasi puro anay na yung bahay natin sa Pasay. Ngumiti lang siya. Ipinakita ko kay Mama ang kuwarto niya, at ang CR niya. O ayan ha, di na de-buhos ang kubeta mo, may flush na yan, pipindutin mo lang to pagkatapos mo umihi at tumae. Ito may sarili ka na ring shower. Iiikot mo lang to ng ganito, tas lalabas na ‘yung tubig. Ito ang kama mo, diyan ka matutulog. Naglalaro kami ulit ng charades. Hindi ko papatayin ang ilaw mo sa kuwarto para di ka matakot.
Isang gabi, nakatakutan kami dahil may nakaluskos sa stock room namin sa 3rd floor. Dahan-dahan kaming sumilip at nakita namin si Mama na nakaupo sa sahig. Ma, anong ginagawa mo diyan bakit hindi ka pa tulog? May hinahanap daw siya pero hindi niya alam kung ano. E bukas mo na hanapin, halika baba na tayo sa kuwarto mo. Kinaumagahan, gigisingin ko dapat si Mama para mag-almusal. Ma ano ba? Bakit ka diyan sa sahig natutulog? Ito ang kama mo, o. Dito ka dapat natutulog hindi sa sahig. Iakyat ko na lang daw ang pagkain niya dahil tinatamad siyang bumangon. Unti-unti na ngang tinamad si Mama. Bumaba ka naman doon tayo kumain sa mesa. Huwag na at gusto ko pang mahiga sabi niya. Hindi ko alam kung tinatamad ba siya o masakit na naman ang tuhod niya. Sayang ang CR niya. Alam mo kung bakit? Sa kama na siya talaga naihi. Hindi niya raw kasi alam kung nasaan ang CR. Ma, ito ang CR mo o, nalimutan mo ba? Akala ko graduate na ako sa pagbili ng diaper ni Kahel. Hindi pala. No choice kundi kailangan na talaga ng diaper ni Mama. Kaso, kahit naka-diaper siya, inaalis niya, mainit daw kasi. Kaya ang kinahantungan, ihi ulit sa kama. Nakaisip ako ng paraan, para hindi niya maalis ang diaper niya, nilalagyan ko ito ng packing tape paikot sa bewang niya. Ganun ang ritwal namin limang beses isang araw. Sa bawat pagpalit ng diaper, bubuhatin ko siya papuntang CR niya, lilinisan, pagkatapos ay pupulbusan ang puwet, bibihisan ng bagong diaper, at lalagyan ng packing tape sa bewang. Naging matipid ang kuwentuhan namin ni Mama. Hindi na kasi malinaw at angkop ang mga sagot niya sa akin. Pero may ilang pagkakataon naman na naaalala niya si Kahel. Nasaan daw yung batang maliit? Langya akala ko may nakikita siyang tiyanak o undin sa bahay. O kaya yung mga kapatid niya sa Batangas. Kapatid na lang ang tawag niya dahil hindi na niya maalala ang mga pangalan. Sa tuwing dadalhan ko siya ng pagkain sa kuwarto niya, ako raw ang asawa niya. Palagi niyang tanong, nasan si Ge? Sinasabi ko na lang, may pasok sa eskuwela. Ganito kami sa tuwing magkikita. Hindi na niya alam kung sino ako. Minsan kapitbahay, minsan kalaro, madalas asawa. Umikot na lamang sa iilang pagkain ang gusto niyang kainin. Rosalie’s suman, donut, ice cream, bibingka. Yan ang mga gusto niyang kainin. Pero may isa pa pala. Isang araw nang akyatan ko siya ng pagkain, punong-puno ng tae ang kama, unan, pati bibig niya. Pinaglaruan ni Mama ang tae niya. Akala ko pinunas lang sa mukha. Pero nu’ng pinaliliguan ko na siya, amoy tae ang bibig. Kulay brown ang mga ngipin. Kasalanan ko rin siguro dahil nahuli ako ng iskedyul sa pag-check sa kanya. Siguro dahil sa malagkit na pakiramdam ng diaper niya na puno na pala ng tae, pinaglaruan na ni Mama. Naalala ko yung aso ko dati nu’ng elementary. Kaya pala niya kinakain yung tae niya dahil bitin siya sa pagkain na ibinibigay namin. Kaso kay Mama iba e. Hindi naman niya kinain ang suman sa plato.
7.
Kalbaryo na araw-araw. Hindi ko na kayang alagaan si Mama. Nakakaawa na rin ang lagay niya. Kailangan na niyang mamatay. Hindi ko na rin siya kailangan. Sinimulan ko sa panalangin. Gabi-gabi iyon. Lord kunin mo na si mama. Sori kung ganito ang panalangin ko, pero ito ang kailangan niya sa ngayon. Hindi naman siya bumubuti e. Palala nang palala ang lagay niya. Hindi dininig ng Diyos ang panalangin ko. Dumaan ang mga buwan, ayun mas humahaba pa yata ang buhay ni Mama dahil sa pagkain ng tae niya. Nu’ng minsang hinugasan ko ang puwet niya, nakapa ko ang matigas na tae sa dulo ng tumbong niya. Divine intervention yata ito. Ibig sabihin pala, hindi na niya maiire kaya siguro sinusungkit niya para mailabas. Ang kaso imbes na ilagay siguro sa sahig ang tae niya, sa bibig ipinasok. Eto na naman ako, naghahanap ng rasyonal na paliwanag sa mahiwagang tae niya. Kaya mula noon, ako na ang nasungkit ng tae niya sa tumbong niya. Ipapasok ko ang hintuturo ko ng mga tatlo hanggang apat na pulgada at makakapa ko na yung matitigas na tae. Problem solved. Wala na siyang taeng kakainin kasi nasungkit ko na lahat. Likod ko naman ang bumigay. Kakabuhat ko sa kanya mula sa kama niya patunong CR ng halos limang beses isang araw, parang kumalas na yung bewang ko sa gulugod. Hindi pa ba ito dead weight? Mukhang hindi pa, dahil nabubuhat ko pa kasi si Mama. Ang tagal namang mamatay nito. May naisip ako. Tulak ko na lang kaya siya sa hagdan para bumagok ang ulo? Masyadong brutal. Ano kaya kung takpan ko na lang siya ng unan sa mukha para hindi makahinga? Hindi naman siguro malalaman ng mga pulis na pinatay ko si Mama. O kaya lagyan ko na lang ng zonrox yung inumin niya? Mabilis kaya epekto nito? Inihanda ko ang plano ko. Unti-unti ko na lang aalisin ang sustansiya sa katawan niya. Tutal pili na lang naman ang trip niyang kainin. Hindi na rin masyadong nainom ng tubig. Pakainin ko na lang siya lagi ng suman. Puro carbohydrates lang naman yun, kaya talagang ikakamatay niya yun. Ibinili ko siya ng Rosalie’s suman. Ito lang ang kakainin niya ng isang buwan. Dahil paborito niya ito, at least she’ll die happy di ba? Pero nalaman yata ni Mama ang plano ko. Hindi niya kinain ang suman. Naghain rin ako sa kanya ang bibingka, hindi rin niya kinain. Hindi na rin siya umiinom ng tubig. Hindi na rin siya dumilat. Isang hapon, pinagmasdan ko ang dibdib niya. Hingal na hingal siyang natutulog. Ito na ‘yun ‘ka ko. Ito na ang pinakahihintay ko. Pagbalik ko sa kuwarto niya ng alas-siyete ng gabi, tumigil na ang paghinga ni Mama. Walang pag-iyak, walang drama. Pinananabikan ko ang pagdating ng tagpong ito. Bumulong ako sa kanya, babay Ma, pahinga ka na.

Ang Malunggay ni Inang Ingga
Janice April A. Mercurio
Sinipat-sipat ni Inang Ingga ang mga ibong tírit na lumilipad-lipad sa puno ng malunggay. Aliw na aliw sya habang pinagmamasdan ito. Siya ay nobenta’y tres anyos na. Kilala rin siya sa aming bayan bilang si Lola Dominga. Ay pero, sa aming magkakamag-anak, siya ay si Inang Ingga. Saksi ang kanyang tahanan sa kanyang pagkahilig at pagtangi sa paborito n’yang puno ng malunggay.
Walong matataas na haliging maulawin ang nakatayong poste sa kanyang isang palapag na parisukat na bahay. Diumano’y dalawang taon munang pinatuyo ng asawa ni Inang Ingga ang mga haliging ito bago pa man itinayo ang kanilang tahanan. Ang bahay ni Inang Ingga ay gawa sa kahoy at may dalawang pitak na silid—mahigit limang dipang tao ang lapad nito at napapalibutan ng mga lumang bintanang gawa sa capiz. Sa kalumaan, may mga natipak na sa capiz kaya’t may mga siwang na ito. Ang aliwalas sa loob ng bahay: maluwag, maliwanag, at lampasutan ang hangin lalo na kapag nakabukas ang mga bintana nito.
Tahimik sa lugar nila. Sa magandang panahon, huni ng mga ibong tírit at tilaok ng mga manok ang maririnig mo pagmulat ng iyong mga mata. Gigisingin ka din ng batingaw ng kampana ng simbahan pagsapit ng alas-singko ng umaga. Sa gabi naman, nakakabinging huni ng mga kuliglig ang iyong maririnig. At kapag tag-ulan—mga nagkakantahang palaka naman ang sabay-sabay na nagpapaingay sa paligid.
Mahigit tatlong dekada na nang maging balo si Inang Ingga. Ngunit hindi siya kailanman nag-isa. Kinukulong ng mga halaman at ng iisang bakod at iisang tarangkahan, ang kanyang bahay at ang bahay ng kanyang anak na babae, isang balo din—siya ang nag-aalaga kay Inang Ingga—nagpapakain, nagbibigay ng maintenance medicine, at laging nakaalalay sa kanyang mga kilos at gawain.
“Nanay, halî na at nakahain na. Dulog na po kayo”, madalas na sambit ng kanyang anak habang isinasalin sa malukom ang mainit na sabaw. “Ay, tinola po yan, awas sa malunggay, paborito n’yo po.”
At talaga namang paborito ni Inang Ingga ang malunggay—lahat na yata ng ulam nila ay may sahog na malunggay—mapanilaga, torta, kardillo, kinamatisan, sinabawan man o mapamiswa man o sotanghon. Sa harapang bakuran ng kanyang bahay ay nakatindig ang isa sa kinatutuwaan niya sa buhay—ang matabang puno ng malunggay na sobra na sa isang yapos ng kamay ang bilog ng katawan at halos humayon na hanggang bubungan ang taas ng mga dahon nito. Sintaas na ito ng kanyang bahay, at kapag panahon ng tag-ulan, mistulang berdeng ulap ang mga dahon nito sa dami. Sumasayaw din ito kapag hinahampas ng hangin.
Kapag tag-ulan, lumalago nang todo ang dahon ng malunggay kaya masiglang binabakli ni Inang Ingga ang mga sanga nito para hugayín ang mga dahon. Matapos hugayín sa mga sanga at tanggalin sa mga tangkay ang mga dahon ay utay-utay niyang inililipat ito sa lagayan ng ice cream. Maingat itong inilalagay sa lumang pridyider, paghahanda para sa mga susunod na lutuin.
Kapag tag-init naman, ibinibilad ni Inang Ingga sa nilalang bilao ang mga nahugay nang dahon nito sa init ng araw, hanggang sa lumutong at matuyo ito, at kapag tuyo na, ito ay nagiging pulbos na ihinahalo nila sa sabaw, sa kanin, o kaya nama’y pinapakuluan at ginagawang tsaa.
May kaperbahay na dumaan sa harap ng kanilang bahay habang siya at nagdidilig gamit ang regador…
Kaperbahay: Inang Ingga! Payngi nga pong pantinola!
Inang Ingga: Aba uu! Hala, higit na diyan. Tangayin mo na ang isang sanga!
Kaperbahay: Hahaha! Ee yano yang si Inang Ingga ay at buong sanga talaga ay ipapatangay…. Yang garbo nga naman ng mga dahon ngay-on, a. Singgarbo ng bagong bahay ni kun-ay…
Iya at hanggang sa abutin na nang pagtaas ng araw o paglubog ng araw ang paghuhuntahan nilang magkaperbahay – may paghampas at paghagalpak ang kanilang pag-iistoryahan. Itong mga pagkakataong ito ang naghahatid ng balita at chismis kay Inang Ingga—hindi s’ya nahuhuli. Alam n’ya ang mga bali-balita sa paligid – kung may tumama sa huweteng na o kaya naman ay may bagong trabaho na ang anak ni ano… nagkasakit si ano… o kung may balikbayang dumating… o kung may bagong santong binili ang isang angkan mula sa Paete na idadagdag sa mga ipuprusisyong santo kapag Biyernes Santo.
Mahilig din si Inang Inggang magpunla ng sili at kamatis, at petsay, gamit ang mga buto na bininhi niya mula sa nauna na niyang mga inani. Sa kaliwang sulok ng bakuran, may paminta rin siyang inaalagaan—makapal na ang paminta, nagsali-salipot na ang mga gumagapang na sanga at hitik na din sa bunga. Kapag malalaki na ang bunga nito, nauunahan na siya ng mga ibon sa pamimitas. “Ay naku, nauuna pa kayong pumúti ng paminta,” natatawa niyang reklamo. Sa kanang sulok naman ng bakuran ay may pinapalaki siyang palumpong ng ilang-ilang—hanggang dibdib na ito at marami ng bumulaklak at pag sumimoy na ito lalo sa gabi ay nagpapabango ito sa harapan ng kanilang bahay.
Pag nagsimula nang lumubog ang araw ay magdidilig na muli siya. Hila ang hose na nakakabit sa gripo ay isa-isa niyang pinaliliguan ang mga halaman, binabasa ang mga dahon at katawan hanggang sa puno at ugat—sawa sa tubig lalo na kung panahon ng tag-init, para daw magpalakpakan ang mga halaman. Minsan kinakausap din niya ang mga ito at binubulungan—nakakatulong daw ito para mamunga at mamulaklak ang mga halaman.
“Salamat po, hindi ako nag-iisa,” madalas niyang bulong habang pinagmamasdan ang paligid. “May pamilya ako at may mga halaman ako”
Sa araw-araw ay nakagawian nang tanawin ni Inang Ingga ang puno ng malunggay. Sumasaya siya kapag malago na ang mga dahon nito. Pag dumidilaw naman ay dalian na niyang pinupúti ang mga dahon nito para hindi masayang. Kung manlagas na ang mga dahon ay tinatagpas na niya ang mga sanga para mapalitan ng mga bagong súwi ng magiging mga bagong sanga. Maraming sumúwi ang malunggay kapag nahapay, at simula sa pagsúwi ay inaabangan na ito ni Inang Ingga na maging sanga ulit at sumibol ang makapal na mga dahon.
Minsan, isang malakas na bagyo ang dumaan sa bayan nila—si Glenda. Sa simula ng bagyo ay minamasdan na ni Inang Ingga ang puno ng malunggay, ang bilis ng pagsayaw nito – kiling sa kanan at kiling sa kaliwa – malakas ang hampas ng hangin na dala ng bagyo. At kinabukasan nga, nakatiwangwang at naglipana na ang mga nalagas na dahon at sanga ng malunggay. At ang kinalungkot ni Inang Ingga ay nabakli ang puno na para bang may pumalakol sa bandang gitna nito.
Pero ang tikas ng puno ng malunggay—lumalaban sa buhay. Makalipas ang ilang buwan ay marami na ulit sanga at makapal na ulit ang mga dahon nito. Tuwang-tuwang si Inang Ingga sa muling paglago ng puno na ito. Yung kaputol nang nabakling sanga na ibinugsok sa labas ng bakod ng kaperbahay nila ay isa na ring mayabong na puno. Naging pitasan na din ito ng kanilang mga kaperbahay.
Ngunit minsa’y, bumagsak mula sa pagkakaupo si Inang Ingga. Atungal baka ang palahaw niya. “Aruy ko po!!! Aruy, aruy, aruy!” Namalî ang kanyang pagtayo. Isang aksidenteng nagpahinto sa payak na pamumuhay niya sa araw-araw. Dinala siya sa ospital sakay sa ambulansya ng bayan at doon nga’y napag-alamang may bali ang kanyang balakang. Sumailalim sa partial hip replacement surgery si Inang Ingga, at makatapos ang apat na buwang therapy ay nakakapaglakad na ulit siya.
Tuwang-tuwa ang buong barangay nung makabalik si Inang Ingga sa dating nyang gawi… ang pagmasdan ang kanyang puno ng malunggay. Pero di agad sya nakabalik sa dati nyang ginagawang pagdidilig. Sa loob ng apat na buwan sumailalim sya sa therapy kaya iniuutos n’ya na lamang sa kanyang bantay ang pagdidilig.
Kahit paika-ika at mabagal na ang lakad—gamit ang kanyang andador—ay hindi pa rin napipigilan sa kanyang hilig na maghalaman. Araw-araw, pagkaalmusal, sa tulong ng kanyang mga apo, na madalas ay umaalalay sa kanya, patuloy siyang nag-aalaga ng mga tanim nito. Bagama’t marami nang sumasakit sa katawan at pahibay-hibay na ang kanyang paglalakad ay patuloy pa rin siyang gumigising na may masayang inaabangan sa araw-araw—ang pagtanggap ng pagkalinga mula sa kanyang pamilya, ang pagpunla ng mga binhi, paghahalaman, at ang simpleng pagtan-aw sa kanyang puno ng malunggay.

El Shaddai! El Shaddai!
Emmanuel T. Barrameda
SA MGA ARAW ng Sabado at napipilit ni Mama Jo si Papa Nhol na magdala ng AUV sa mga gawain ng El Shaddai, nagiging barker ako. Sayang naman daw kasi kung kaming tatlo lang ang sakay ng AUV papunta at pabalik ng gawain. Sa isip-isip ni Mama Jo, bahagi ito ng kaniyang atas na magdala ng akay sa El Shaddai. Kay Papa Nhol naman ay pambawi ito sa pinanggasolina at pandagdag na rin sa kulang na boundary sa buong linggo. Para sa akin, kiddie meal.
Kapag papunta, nasa bahay pa lang pinipihit na agad ni Mama Jo ang stereo ng AUV sa DWXI kasabay ng pagpapainit ni Papa Nhol sa makina nito. Bago pa man kasi ang gawain ay umeere na ang pagrorosaryo, pagdarasal, pag-awit ng mga charismatic songs, at mga pagpapatotoo. Kung sa concert parang mga front act ito bago ang Banal na Misa at ang main event ng pangangaral ni Bro. Mike. Pagkalabas pa lang ng Ilang-Ilang, ilalagay na agad ni Papa Nhol ang signboard papuntang Zapote. Ako naman, itataas sa gilid ng bintana ang signboard ng “El Shaddai” na ginawa ng tatay ko mula sa karton ng sigarilyo. Ilegal kasi iyon. Wala sa ruta ni Papa Nhol ang biyahe papunta ng gawain. Madali namang naii-spot-tan ni Mama Jo ang mga pasahero na alam niyang pupunta rin sa El Shaddai. Siguro dahil sa malalaki nilang panyo na may logo ng El Shaddai, o kaya kapag may mga dalang bangkito, malalaking payong at iba pa. Ewan, siguro dahil sa tagal na rin ni Mama Jo sa gawain, nagkakaamuyan na silang mga deboto. Sisigaw lang siya ng “El Shaddai! El Shaddai!” aaliwalas na ang mga mukha ng mga nag-aabang na pasahero. Kung hindi kasi sila sasakay sa amin o sa iba pang biyaheng El Shaddai, magdadalawa hanggang tatlong sakay sila papuntang Luneta o PICC, kung saan dinadaos noon ang mga gawain. Habang nasa biyahe, iniistima ni Mama Jo ang mga ka-sister niya (o minsan, mga ka-brother). Pinakikinggan nila ang mga pagpapatotoo sa stereo, nakikidasal, nakikiawit, nagtatanungan tungkol sa mga pinapadala ni Bro. Mike noong isang linggo. Basta ang palagi kong naaalala, palaging sa “amen” nagtatapos ang mga pangungusap nila at saka sa “praise the Lord!”
Masuwerte na kung mangalahati ang AUV kapag papunta kami. Maikli lang naman kasi ang kalsada sa labas ng Ilang-ilang hanggang sa Zapote. Pag lampas namin dito, hindi ko na itinataas ang signboard ng El Shaddai. Mas marami na kasing pulis. Iyong ilang sumakay papunta ay nagpapa-reserve na rin pauwi. Dahil hindi pa ganun kalaganap ang cell phone noon, salita lang ang pinanghahawakan namin. Kung saan ipinarada ni Papa Nhol ang AUV, doon din ang kitaan pauwi.
Pinakamabigat ang trabaho ko kapag pauwi na. Hindi katulad ng papunta na itataas ko lang ang signboard ng El Shaddai, dito kailangan ng boses. Malalakas na boses. Nagmimistula kasing terminal ang parking lot pagkatapos ng gawain. Kaniya kaniya kami ng sigaw kung saan ang biyahe ng aming sasakyan. Sumisigaw ako ng “Zapote! Zapote! Molino!” Ang problema lang, hindi lang kami ang may ganitong ruta. Hindi lang ako ang sumisigaw ng “Zapote! Zapote! Molino!” Mas matatanda na ang mga kasabayan kong barker. Kaya mas banat na rin sa trabaho. Kung ako, (batay sa turo ng mga teacher ko na kailangan ang malinaw na buka ng bibig sa pagsasalita at pakikipagkomunikasyon) ay ZA-PO-TE ang Zapote at MO-LI-NO ang Molino, sila hindi. PO-TE… POTE… lang ang Zapote at LI-NO lang ang Molino. Pero kahit ganun, mas mabilis silang makapagpuno ng jeep. Partida pa nga at mas maikli ang AUV naming sinasakyan. Kaya sa madalas, nahuhuli at napag-iiwanan ang AUV ni Papa Nhol sa parking lot. Inaabot kami ng 30 hanggang 45 minutes sa pagpupuno ng waluhang AUV. Dahil kakapakinig lang nila sa Magandang Balita kaya siguro walang nagrereklamo. Siksik, liglig at umaapaw ang AUV na bibiyahe pauwi ng Molino. Ako naman, gagarahe na sa balikat ng nanay ko na siya namang mangongolekta ng bayad at magsusukli sa mga pasahero ka-sister at ka-brother niya. Gigisingin na lang nila ako kapag nasa RFC na kami. Dito ko na kukubrahin ang aking Kiddie Meal.
Sa paglipas ng panahon, si Mama Jo na lang ang magiging aktibo sa mga gawain. Hanggang sa maisauli na namin ang AUV sa tiyahin ko, at makalipat na kami sa halos linggo-linggo pa ring nakakadalo sa gawin ang nanay ko. Kahit noong tuluyan ng lumipat sa Parañaque ang mga gawain. Kung hindi man ay palagi pa rin siyang nakatutok sa DWXI. Ako, papasok bilang sakristan sa kapilya ng Alapan, lalabas din pagkatapos ng halos isang dekada. Magpapakalayo sa simbahan. Pero kung totoo man ang Diyos na pinapangaral ni Bro. Mike, sa dami ng pasaherong naiakay ko sa gawain, naihatid ng ligtas pauwi sa kanilang mga bahay, bilang barker, sa palagay ko may puntos na rin ako sa langit. Kahit na hindi man iyon siksik, liglig, at nag-uumapaw. Amen! Praise the Lord!

Buhol-buhol na Kuwento: Mga Gunita ng Bohol
Moreal N. Camba
(1) Sinong mag-aakala na ang payapang ilog ng Loboc na tanaw ko ngayon ay naging halimaw na baha noong 2021? Umabot ang tubig nito nang lampas sa karaniwang taas ng isang Pilipino. Sa mga sandaling iyon, tila kayang lamunin ng ilog ang lahat ng madaanan nito. Wari’y wala itong ititirang buháy.
Kahit halos apat na taon na ang lumipas mula nang maminsala ang Bagyong Odette, nananatili ang pulang linya sa labas ng Simbahan ng Loboc—isang tahimik ngunit hindi mabuburang alaala ng dahas ng bahang minsang nagbantang lumipol sa buong bayan. Higit pa ito sa pagiging simpleng panukat ng taas ng tubig. Isa itong pang-araw-araw na paalala ng bagsik ng kalikasan, ng manipis na hangganang namamagitan sa búhay at kamatayan, at ng pananampalatayang hinihingan ng saklolo ng buong komunidad.
Sa mga sandaling iyon ng pangamba, mas mahigpit na kinakapitan ng mga taga-Loboc ang kani-kanilang rosaryo at taimtim na nananalangin sa Ginuo at sa Birhen:
Aba Maria, puno ka sa grasya, ang Ginoo anaa kanimo…
Paulit-ulit itong inuusal, umaalingawngaw habang patuloy na tumataas ang tubig sa kanilang mga tirahan.
(2) Para sa mga pamilyang ikinabubuhay ang paggawa ng asin, ang bilog na ito ay hindi lamang produktong likhang-kamay, na palamuting salita ng maraming tindahan. Bagkus, taglay nito ang bigat ng trabahong pinagsalin-salin sa bawat henerasyon, gawaing kailangang ipagpatuloy upang may maisaing sa maghapon. Mula sa pagsusunog ng bao ng niyog hanggang sa pagpapakulo ng tubig-alat sa mga luwad na palayok, kumakain ng oras at umuubos ng lakas ang bawat hakbang. Katawan ang puhunan, ngunit kakaunti ang balik. Sa ganitong de-mano-manong gawain, nananatiling marupok ang kanilang kabuhayan—madalas, sapat lamang upang maitawid ang kalam ng sikmura.
Sa kuko ng merkado, nag-iibang anyo ang asin. Itinatanghal bilang pang-alta na panlasa, bilang dakilang pamana ng lahi, at produktong pambihira. Pinagkakakitaan ang kuwento nito hanggang umabot sa 1,500 piso ang presyo ng bawat bilog. Sa ganitong patong, mas lumalaki ang kita ng nagbebenta kaysa sa mismong mag-aasin.
Ito ang pait na nakakubli sa alat ng asin tibuok ng Bohol.
(3) Sa Bohol, madalas makita ang sandugo bilang larawan ng dalawang lalaking nag-aabot ng kamay, may kopa, may ritwal, may kasaysayang ginagawang tanawin. Ngunit bago ito naging monumento at souvenir, dugo muna ang pumipintig sa loob ng buong kuwento.
Bakit sa dugo kailangang pagkaisahin?
Isang hiwa sa balat. Ilang patak ng dugo isang inuming pinagsasaluhan. Sa ganitong payak na ritwal nagsisimula ang salitang sandugo o blood compact.
Sa Ingles, ang blood ay dugong dumadaloy sa mga ugat—dugong inuuri bilang A, B, AB, o O. Ang compact naman ay nangangahulugang pag-uugnay, pagsasama, o pagsisiksik. Sa pinakasimpleng pakahulugan, ang blood compact ay pagsasama ng dugo.
Ngunit hindi umaabot sa lalim ang ganitong literal na pagpapakahulugan; hindi nito nasasaling ang bigat ng salitang sandugo sa Filipino. Mula ito sa isang dugo—dalawang salitang pinagbuklod upang tukuyin ang mga taong nagiging tila iisa ang dugo. Hindi lamang ito simpleng paghahalo ng pulang likido mula sa katawan. Sa mas malalim na diwa, tumutukoy ito sa pagiging magkadugo, sa ugnayang humahantong sa kapatid o pagkakapatiran.
Naroon ang ka, ang pagiging kasama o kaugnay—gaya ng kaibigan at kakampi. Naroon din ang patid: ang putol, ang pagkalagot mula sa sinapupunan. Kung kaya ang kapatid ay gunita ng iisang pinagmulan—mula sa isang pusod, sa isang pinanggalingan; isang ugnayan hindi basta-basta napapatid.
Ang sandugo nina Miguel Lopez de Legazpi at Datu Sikatuna sa Bohol noong 1565, kung gayon, ay higit pa sa payak na alyansa. Isa itong pagtatangkang pag-isahin ang dalawang dugong magkaiba upang lumikha ng pagkakapatirang dapat sana’y nakaugat sa pagtutulungan, katapatan, at tiwala. Sa simulain man lamang, hindi ito mababaw na ugnayan, kundi pangakong ituring ang isa’t isa na bilang tunay na kadugo.

Kailangan na nating gumawa ng Arko
Rocky Nicor
May isang kahon na nasa upper right stage ng entablado, papasok ang sampung taong tao na nakabihis sakada, may dalang mga itak, torso, at malalaking lagari, nakatingin sa kahon, maya-maya ay papasok ang isang lalaki, tatayo sa kahon.
Magsasalita.
“Paparating na ang unos, kailangan na nating gumawa ng arko.”
Napakaraming tala sa kasaysayan patungkol sa mga pagbaha sa Negros Occidental, mula pa noong panahon ng mga Kastila. Sa mga ulat ng mga prayle at opisyal ng pamahalaan, madalas isinusulat ang mga pag-apaw ng ilog sa mga bayan ng Bago, Talisay, at Escalante—ngunit ang mga ito’y tinuturing noon bilang mga karaniwang pangyayari lamang, bahagi ng ritmo ng kalikasan. Wala namang baha kung walang ulan, at wala tayong magagawa upang pigilan ang ulan, ‘pagkat ito ay gawa ng kalikasan. Kung ididikit natin ito sa pananampalatayang Katoliko, ang baha, ulan, bagyo, at kung anu-anong delubyo ay ipinapaliwanag bilang gawa ng Maylikha—isang pagsubok sa pananampalataya.
At sa bawat unos, may dalawang uri ng dasal. Sa mga nasa laylayan, mga naninirahan sa tabing-ilog at dalisdis, maririnig ang pagdaing: “Bakit ba kailangan naming magdusa, Panginoon?” At kapag wala nang magawa, ang pagtanggap na may halong pagod: “Kung ito’y iyong kagustuhan, tatanggapin namin, Panginoon.” Samantala, sa mga nakasakay sa mga arko—sa mga bahay na mataas, sementado, at may altar ng minanang santo—ibang tono ang panalangin: “Maraming salamat, Panginoon, at iniligtas mo kami. Sana’y iligtas mo rin ang iba.” Ngunit hindi kailanman tinanong kung bakit kailangang malunod muna ang iba bago maramdaman ang kaligtasan ng piling iilan.
Ngunit sa kabila ng pagpapaliwanag ng relihiyon at ng pagtanggap sa unos bilang gawa ng Diyos, hindi maitatanggi ang mga kamay ng tao sa pinagmulan ng mga baha—lalo na ang mga kamay ng mga naghaharing uri. Noong unang bahagi ng ika-20 siglo, matapos masakop ng mga Amerikano ang Negros, dumating ang Insular Lumber Company (ILCO) sa hilagang bahagi ng isla, sa Fabrica, Sagay. Sa ngalan ng pag-unlad, pinagputol nila ang mga punò ng lauan, apitong, at narra—mga punòng ginawang poste, sahig, at altar sa mga bahay ng mga may-ari ng lupa. Pinutol ang mga ugat ng kagubatan upang maitayo ang ugat ng kapital.
At nang dumating ang mga unang malalaking baha—ang pag-apaw ng Tamogon River sa Bais noong 1909, at ang mapaminsalang pagragasa ng mga ilog ng Bago, Talisay, at Hinigaran noong 1912—ipinasa ng mga may kapangyarihan ang lahat sa kalikasan, sa Diyos, sa ulan. Ngunit kung ang kalikasan nga ang dahilan, bakit tila pare-parehong tahanan lamang ang natitira sa tuwing humuhupa ang tubig?
Sino ba talaga ang nililigtas ng mga arko sa bawat unos?
At higit sa lahat—kailan ba nila tayo isasakay sa kanilang mga arko?
Lalabas ang ibang sakada, dalawa lamang ang matitira, may dalang troso at sako ng tubo, ihahain sa harap ng kahon na parang altar. Ang isa ay mag-aalay ng palaspas, ang isa nama’y magpupunas ng putik sa mga paa ng lalaking nakatayo sa kahon.
Katahimikan.
Bago pa man dumating ang mga bagyong may pangalan, dumating muna ang mga pangalang may kapangyarihan. Lahat ng gubat ng Negros ay unti-unting ginawang hagdan ng tubo—mula sa mga ugat ng lauan hanggang sa dulo ng mga bangkete. Sa tuwing magtatanim ng tubo, may punòng kailangang patumbahin; sa bawat kiskisan ng kahoy, may ilog na unti-unting namamatay.
Noong 1903, pinayagan ng pamahalaang kolonyal ang Insular Lumber Company na pumutol ng mahigit isang daang libong kubiko na troso sa hilagang kagubatan ng Negros. Sa Fabrica, Sagay itinayo ang pinakamalaking gilingan ng troso sa buong Asya—isang pabrika ng mga altar ng yaman. Dito nag-ugat ang mga mansyong naging tanda ng tagumpay ng mga haciendero: mga bahay na itinayo sa mga punòng giniba, mga pader na itinayo sa mga ugat ng punòng inilibing.
Habang kumikintab ang mga chandelier sa mga tahanan ng mga Araneta, Lacson, at Montilla, umitim naman ang tubig sa ilog ng Tamogon at Imbang. Ang mga kahoy na minsang tahanan ng ibon, ginawang sahig ng mga bahay na may bantay na may baril. Ang mga ilog na minsang sumasayaw sa ilalim ng ulan, ginawang daan ng mga troso pababa sa pabrika.
At tuwing bumabaha, lagi namang may ipinaliliwanag: “Kalooban ng Diyos.” Pero kung Diyos nga ang sanhi, bakit pangalan ng kumpanya ang nakaukit sa bawat punò?
Ang mga nagtayo ng arko ay hindi propeta, kundi negosyante.
At ang kanilang arko—hindi gawa upang iligtas ang nilikha,
kundi upang ariin ito.
Maririnig ang lagari, ulan, at kalansing ng makina. Tatakbo papasok ang mga sakada, magbabarikada, nakaharap sa kahon. Tataas ng kamay ang lalaki na nakapatong sa kahon—lalakas ang tunog ng lagari, tila masisilawan sa mata ang mga sakada, dahan-dahang uurong, tinatakpan ang kanilang mga tainga.
Hindi na tayo natuto.
Noong naubos na ang kahoy at tumigil ang lagaslas ng mga ilog, ginawang museo ang alaala ng kagubatan. Nag-apply sila sa UNESCO upang gawing matamis ang kanilang kuwento—ang industriya ng asukal bilang “heritage,” hindi bilang krimen. Sa bawat pader ng mansyong inalay sa turismo, nakatago ang mga ugat ng punòng pinutol, ang pawis ng mga sakadang nilamon ng putik.
At ngayon, libo-libong ektaryang lupa muli ang inagaw, winasak, ginawang taniman ng langis. Sa Candoni, Negros Occidental, binuldozer ang mga palayan, ginawang latian ng palm oil. Wala silang sinunod na batas; walang binasang kasunduan. Ang mga katutubo ng Magahat at Bukidnon, at mga lokal na magsasaka, pinalalayas sa lupang pinagmulan nila. Ang mga pirma, ipinilit; ang mga pangako, iniwan sa daan.
Habang tinatawag ng alkalde na “biyaya mula sa langit” ang proyekto, ang langit naman ay binubutas ng usok ng makina. Ulan ang hinihintay ng mga tanim, ngunit langis ang bumabagsak. Ang mga bundok na dating tagapangalaga ng tubig, ngayon ay nagiging imburnal ng kapital.
Hindi ito bagyo, kundi pagbabalik ng mga kasalanang hindi tinapos.
Hindi ulan ang bumabagsak, kundi mga resibo ng kasaysayan.
At sa bawat unos, sila pa rin ang nakasakay sa arko.
Iilaw ang kahon sa itaas. Mula rito, lilitaw ang anino ng chandelier, kumikislap habang malakas ang ingay ng bagyo. Sa ibaba, ang mga sakada ay nakaluhod, may hawak na rosaryo, tila nag-aantay ng basbas.
Kung kay Noah, pananampalataya ang sandigan; sa kanila, pamana.
Sa bawat unos, laging may altar na nakahanda, laging may dasal na nakasulat sa resibo. Sa bawat chandelier na nakasabit sa kisame ng kanilang mga mansyon, may kasamang anino ng punòng pinutol. Ngunit sila rin ang unang nag-aalay sa simbahan—mga donor, patron, benefactor. Ang perang mula sa tubo at troso, nagiging krus at imahe ng santo; ang dambana ng kasalanan, ginagawang dambana ng kaligtasan.
Tuwing may kalamidad, sila ang unang tinatawag na tagapagligtas—nagbibigay ng relief goods, nagpapadala ng trak ng tubig, nagpapamudmod ng dasal sa social media. Ngunit sa bawat dasal na iyon, may nakatagong utang: mga lupang hindi pa rin ibinabalik, mga pangakong nakabaon sa kontrata. Ang kanilang arko ay gawa sa papel ng titulo, pinalakas ng lagda ng mga abogado, at pinabanal ng kumpil at misa mayor.
Ang simbahan, sa katahimikan nito, naging bahagi na ng konstruksyon. Ang mga pader ng kapilya, ginastusan ng mga kamay na parehong nagtaboy sa mga magsasaka. Kaya nga siguro, hindi lumulubog ang kanilang mga arko—sapagkat pinatibay ng dasal, hindi ng pananagutan.
At kapag bumubuhos ang ulan, laging may homiliya tungkol sa pag-asa, tungkol sa biyaya, tungkol sa pagtanggap. Ngunit bihira nating marinig ang sermon tungkol sa kung sino ang dahilan ng pagbaha.
Baka kasi nakaupo rin sila sa unang bangko ng simbahan.
Baka kasi sila rin ang bumili ng bagong bubong ng kumbento.
Baka kasi ang mga dasal ay may presyo rin.
Indulhensya.
Lumalakas ang bagyo. Dumidilim ang entablado. Ang tunog ng ulan ay parang dasal na hindi natatapos. Ang lalaking nakapatong sa kahon ay nagdarasal—paulit-ulit, halos hindi na marinig sa lakas ng hangin. Sa ibaba, ang mga sakada ay gumagapang papalapit, basang-basa, unti-unting nalulunod habang inaabot ang kahon. Hindi sila umaakyat. Wala nang maririnig kundi pag-ulan, at ang mahinang bulong ng lalaki:
Totoo nga ang sinasabi nila: nasa kasaysayan ang sagot sa pagbaha. Ang mga dating daluyan ng tubig ay sinisemento, nilihis, pinaiiksi—kaya wala nang daan ang ulan. Sinasabi na kailangan na nating gumawa ng arko. Ngunit kailangan ba talaga?
O dapat ba nating gibain ang kanilang arko? O baka hindi—sayang naman ang gawang pang-mansiyon. O baka mas mainam: agawin natin ang arko. Hayaan natin silang manalangin, humingi ng awa sa Diyos na iligtas sila sa kapahamakan—at sabihing iligtas sila mula sa atin.
May sandaling nagtataka ang puso: kung gagamitin ang lakas, kung sasaktan o papatayin man, ano ang kapalit? Malamang, mapapatawad din tayo—sapagkat mahabagin ang Diyos; mawawala rin ang galit sa harap ng panalangin. Pero sana, huwag nating dalhin ang pakikipagtalo sa landas ng dahas. Hindi ito simpleng moralismo; ito ay praktikal: pagkalat ng dugo ay hindi magbabalik ng gubat, hindi magbubuo ng ilog.
Mas mabuti siguro—mag-isip tayo ng ibang arko. Hindi arkong itinatayo ng iilan upang iligtas ang iilan. Ang bagong arko ay gawa ng sama-samang pag-aari: panumbalik ng gubat, kolektibong titulo na hindi ipinagbibili, tubig na pinamamahalaan ng sambayanan. Kung hindi man mabuo agad ang ganitong arko, magsimula tayo sa maliit: lupang kolektibo, kooperatiba, at mga pusong handang ipaglaban ang karapatan sa lupa nang hindi humahantong sa dugo.
Ngayon ninyo sabihin—
natural lang ang pagbaha.
Ngayon ninyo sabihin—
gawa lang ito ng langit, hindi ng tao.
Ngayon ninyo sabihin,
na hindi kailangan ng yaman para ika’y mailigtas—
sapagkat sa ilalim ng tubig,
pantay ang bigat ng katawan,
pantay ang takot,
pantay ang katahimikan.
At sa sandaling iyon,
ang arko ay hindi na kahon kundi dambana ng kasalanan.
At ang mga sakada, na noo’y gumagapang,
ay unti-unting nagiging ilog—
ang ilog na babalik, maghihiganti,
at huhugasan ang lahat ng hindi natuto.
Blackout.
Tunog ng ulan.
Matagal na katahimikan.

Ateng
Jason A. Sebastian
Wala pa akong napagkwentuhan kahit na sino ng isang bahagi ng pakikipaglaban ni Ateng Mercy, panganay naming kapatid sa kaniyang karamdaman. Pero sa tuwing naririnig ko ang mga kanta ng Aegis, Asin, J Brothers at Carpenters ay iniluluwal ng aking gunita kung paano ko siya pinagdamutan ng pulang cellphone na tatak Cherry Mobile.
Morena at maliit na tao si Ateng. Kahit hindi nagpapa-rebond ay maganda at tuwid ang itim na buhok niyang umaabot hanggang sa baywang. Sabi ni Tatay ay namana nito ang katangian ni Nanay hindi lang sa pisikal kundi maging sa kasipagan at kabutihan. Likas kasing mapagbigay si Ateng hindi lang sa ‘ming pito niyang kapatid niya kundi maging sa ibang tao. Madalas nga kaming binibiro ni Nanay noon na si Ateng lang daw ang mabait sa ‘ming magkakapatid.
Sa kabila ng kabaitang taglay, hindi naman naging mabait ang buhay kay Ateng. Sa katunayan, tatlumpu’t apat na taong gulang lamang siya nang magkasakit dahil sa impeksyon sa panganganak. Komadrona sa barangay ang nagpaanak sa kaniya, at lilipas ang wala pang isang linggo ay bigla na lang siyang nilagnat. Noong una, akala namin ay nasubhan dahil ayon sa isang kapitbahay ay naambunan ito nang manghiram ng bigas isang hapon. May paniniwala ang mga tagasa ‘min sa isang barrio sa Nueva Ecija, na kapag naulanan o naambunan ang kapapanganak ay masusubhan ito. Kapag hindi naagapan, ang lagnat ay magiging sanhi ng pagkawala sa sarili. Marami na raw ang nawala sa katinuan sa lugar namin dahil dito.
Dahil tatlong barangay ang layo nila Ateng sa ‘min kaya hindi rin siya mabantayan ni Nanay o ng iba ko pang kapatid. Ang kanilang barangay ay sakop na ng San Antonio, Nueva Ecija samantalang sakop naman ng Zaragoza ang sa’min. Isa pa, taniman ng palay noon kaya abala kami sa bukid kung saan porsyentuhan si Tatay. Nang alukin naman naming sa’min na muna siya mamalagi para maasikaso siya habang nakadimon pa ay mariin siyang tumanggi. Doon na lang daw muna siya sa bahay nila.
Hindi kaliitan ang bahay nila Ateng bagamat hindi maitatangging niluma na ito ng panahon. Mapapansin ito sa nabubulok ng dingding na sawali, at mga posteng bayog at kawayan. Sa mabilis na pagbabago kung kailan hollowblocks na ang karaniwang bahay sa lugar namin, mababakas ang estado ng buhay nila Ateng sa sahig na hindi pa na-flooring. Ang bintana at ang pinto nila ay gawa rin sa kawayan at sawali, samantalang ang bubong sa kabahayan ay yero, at goma naman sa gawing kusina. Dalawa lang ang kwarto sa bahay nila Ateng, pagpasok ay ang sala tapos sa gawing kaliwa ay dalawang kwartong nasasarhan ng kurtina. Mapapansin ring walang kahit anong appliances bukod sa baterya at stick na ginagamit ng kaniyang asawa sa pangunguryente ng isda.
Nang hindi nadaan sa hilot at banyos ni Nanay ang lagnat ni Ateng ay ipinatawas namin siya. Kaugalian na rin kasi sa ‘min na bago pa pumunta sa doktor ay kailangan munang dumaan sa albularyo. Tinawas si Ateng gamit ang tubig at itlog. Ayon sa tawas, nabati raw si Ateng sa likod-bahay at kailangang mag-atang ng dinasalang tubig. Ang ganitong ritwal ang nagiging paunang lunas namin sa hindi pa tiyak na karamdaman. Pero lilipas ang ilang araw ay mananatili ang lagnat ni Ateng hanggang sa hindi na niya magawa pang bumangon sa papag kung saan katabi niya si Toper, ang sanggol na isinilang niya ilang araw pa lang ang nakararaan.
***
Tulad ng karamihan sa’min, trabahador sa bukid ang napangasawa ni Ateng. Ibig sabihin, nakikipagtanim siya tuwing Hunyo hanggang Hulyo kapalit ang kita na sitenta hanggang otsenta pesos kada luwang. Ang nataniman niya ang siya rin niyang gagapasin, ibabaylita, ikakamada, at isusubo sa tresher pagdating ng anihan. Kapalit nito ang hunos, o ang kaban ng palay na nagsisilbing kabayaran tuwing anihan. Sa ‘min noon, ikasampu ang hunusan. Nangangahulugang sa bawat sampung kaban ng palay ay bibigyan ng isang kaban ang manggagawa.
Pagdating ng Disyembre, panahon naman para sa second cropping o tinatawag naming dayatan. Kapag naroto na, naararo at nalinang ang bawat pitak, parehas lang din naman ang magiging proseso mula sa pagbubunot ng punla hanggang pagtatanim. Ang pag-aani naman ay depende sa naging aga ng paggawa. May umaani ng unang linggo pa lang ng Marso, pero karaniwan ay nagsisimula ng huling linggo ng Marso hanggang ikalawang linggo ng Abril. Kapag kasi naabutan ng rurok ng tag-init at hindi pa nakakapag-ani ay natutukol na ang palay. Sa obserbasyon ko, palaging mas malaki ang ani tuwing dayatan kaysa tag-ulan.
Sa pagitan ng paghihintay ng pamumunga ng palay ay ang tinatawag naming gawat. Panahon ito ng taghirap. Mapalad ang taong may imbak na palay na magsasalba sa kaniya hanggang sumapit ang anihan. Pero karaniwan na ring kinakapos ang mga manggagawa sa bukid dahil ang nahuhunos, sa kaso namin ang napoporsyento, ay ipinambabayad sa naging utang noong nakaraang gawat. Kung halimbawa ay umani ng 300 kaban, 30 kaban lang ang sa ‘min. Ipambabayad sa utang ang kalahati, ipabibigas ang ilang kaban, at iiimbak ang natitira pa para kung sakaling mangailangan ay may tiyak na dudukutin.
Ibang hirap ang dinaranas namin tuwing gawat dahil bukid ang pangunahing ikinabubuhay namin. Sa ganitong panahon ay kaniya-kaniyang diskarte muna para makaraos. Sa kaso namin, nagtatanim ng gulay si Tatay kahit sa tarundon lang dahil wala naman kaming sariling lupa. Ang asawa naman ni Ateng ay nangunguryente ng isda, namumugo, at nangingilaw kapag walang taniman o gapasan. Halos linggo-linggo noon kung pumunta sa ‘min si Ateng para magdala ng gurame, buleg, liwalo, o kaya naman ibon para ibenta o ipalit ng bigas. May pagkakataon ding pumupunta siya sa gawi namin para maglabada.
***
Nang mabalitaan namin na nang minsang mapatae si Ateng ay binuhusan siya ng malamig na tubig ng kaniyang asawa sa halip na hugasan nang maayos gamit ang maligamgam na tubig, parang bulkang sumabog si Nanay at Tatay. Maski ako, hanggang sa araw na ito ay ramdam ko pa ang lamig at galit kapag naaalala ko ang pangyayaring iyon. Dahil dito, kahit na umuulan ay sinundo nila Nanay si Ateng para sa ‘min na muna manatili. December 21, 2012 nang manganak si Ateng. Sa paglilipat ng taon ay tuluyan na siyang nanatili sa bahay namin para na rin mabantayan at maalagaan.
Nang dalhin sa Paulino J. Garcia Hospital Memorial Research and Medical Center si Ateng, dito napag-alamang nagkaroon ng impeksyon mula sa kaniyang panganganak. May naiwang kung ano sa kaniyang matris na kailangang alisin. Dahil halos dalawang linggo na ang lumipas buhat nang lagnatin si Ateng ay mabilis daw na kumalat ang impeksyon at tinamaan ang iba pa niyang organs. Ikawalo ng Enero ay na-comatose si Ateng na nagkamalay lamang pagkalipas ng apat na araw. Maayos-ayos na ang lagay niya nang iuwi sa ‘min pagkatapos ng gamutan. Gustuhin man naming manatili muna siya sa PJG ay wala naman kaming sapat na budget para matustusan ang pananatili niya rito. Iniasa na lang din namin sa gamot at dasal na sana ay magtuloy-tuloy na ang kaniyang recovery.
Pagkalipas ng isang buwan, unti-unting naka-recover si Ateng. Kaya naman buo na ang paniniwala naming tuluyan na siyang gumaling kahit pansing hirap pa rin siyang maglakad. Kapag naglalakad, masinsin niyang inuusad ang kaniyang mga paa. Lumilikha ito ng tunog na parang may kung anong ikinakaskas sa sahig. May mga pagkakataong inaakay ko siya kapag gusto niyang pumunta sa harap-bahay para magpaaraw o para mahiga sa tumba-tumbang gawa ni Tatay. Ang paghiga sa tumba-tumba, paglalakad nang nakayapak sa kalsadang nasa tapat lang mismo ng bahay namin sa looban, at paghiga katabi ni Toper, na mula pa sa umpisa ay sa bote na dumedede, ang naging pampalipas ng oras ni Ateng habang nagpapagaling.
Dahil nga hindi pa rin nagiging maayos ang paglakad at pagsasalita ni Ateng ay muli naman siyang dinala sa isa pang kilalang albularyo na nagtatawas gamit naman ang kandila at tubig sa palanggana. Ayon sa tawas, pinaglalaruan si Ateng batay na rin sa nabuong imahe ng babae mula sa nagdikit-dikit na patak ng kandila sa tubig. Siguro daw ay may nakagalit siya at ngayon ay isinasabay sa karamdaman niya ang pagpapalipad-hangin. Bilang pangontra ay binigyan ng albularyo ng bala ng baril na nakabalot sa pulang tela si Ateng.
Sa kabila ng taimtim na paniniwala, hindi nakontra ng bala ng baril ang nararanasang hirap sa paglalakad ni Ateng. Hindi rin nito nakontra ang pagkabunyag ng mga lihim na hirap ni Ateng bago pa man siya manganak at magkasakit. Tanging pagtataka na lamang ang reaksyon namin nang may mga pumupuntang kolektor ng lending sa bahay. Lumilitaw na marami pa lang hulugan si Ateng dahil nangutang ito sa mga lending company para matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan tuwing panahon ng gawat.
***
Lahat ng miyembro ng pamilya namin hanggang sa mga binayaw ay nasa bukid kapag panahon na ng pag-aani. Ako, si Ateng, si Ate Medy, at iba pang tagasa’min ang halinhinang humahawak sa sako na lalagyan ng butil ng palay. Si Kuya Mong ang nagbabalde ng iniluluwang butil ng palay ng thresher, nananahi naman si Kuyang ng mga sakong puno na ng palay. Dahil si Tatay ang porsyentohan ay si Nanay ang namamahala sa pagbibigay ng hunos sa mga manggagawa. Ganito kami noon tuwing anihan, pero matulin ang mga pagbabago sa maliit naming mundo. Nagsimula ito ng ipakilala ang multi-harvester o halimaw at sa isang iglap lang, hindi na katulad ng dati ang lahat.
Dahil sa halimaw, hindi na dumadaan sa paggapas, pagbaylita, at pagkamada ang aanihing palay. Nakatayo pa ang mga puno ng gintong butil ng buhay ay sasagasaan at gigilingin na ito ng halimaw na dahilan ng unti-unting pagkawala ng mga tao sa bukid. Kung dati ay maraming tao sa bukid kapag anihan, ngayon ay lima hanggang anim na lang. Iyong nagmamaneho ng halimaw, ang mga nananahi ng sako, at ang tatanaw-tanaw na may-ari ng bukid. Tatanaw-tanaw na lang din ang mga manananim habang ginigiling ng halimaw ang kanilang kalooban, at kaunting pag-asang makatikim ng bagong aning sinaing. Masaklap ang katotohanang solong-solong kinokobra ng may-ari ng mga halimaw ang hunos na dati ay inaasahang maiuuwi ng mga manggagawa sa kanilang mga tahanan.
Siyempre, bilang konsiderasyon daw sa pagsulpot ng mga halimaw, tumaas ang bayad sa mga manananim. Ang kabayaran sa mga manananim ay umabot ng dalawandaan at limampung piso kada luwang. Ito ay dahil nga sa wala nang aasahang gapasin at hunos ang mga manggagawa pagdating ng anihan. Malaki ang itinaas pero mas malaki ang naging kapalit kung tutuusin. Maliban sa mga namomorsyento, may-ari ng mga bukid, at mamimili ng palay, wala nang nakapag-iimbak ng palay sa lugar namin. Sa panahon ng kagipitan ay wala na ring tiyak na dudukutin.
Dahil dito, marami ang tuluyan nang iniwan ang bukid para makipagsapalaran sa Maynila o kung saan mang lugar na may mapapasukang trabaho. Ang mga naiwan naman tulad ng asawa ni Ateng ay dumadayo pa sa ibang lugar para makipagtanim nang kahit paano ay madagdagan ang kita at makapag-ipon kahit paano. Pero hindi ito ang mangyayari. Lalong humirap ang buhay dahil gawat pa rin kahit anihan. At sa patuloy na kalakarang ito, mas dumami na rin ang mga kumakapit sa lending.
***
Huling linggo ng Pebrero nang bumalik ang matinding pagkakasakit ni Ateng. Kung dati ay hirap lang siya maglakad at magsalita, nuling siyang naratay. Sa pagkakataong ito, lahat ay ginawa nila Nanay para maisalba si Ateng. Pumunta sa mga albularyo, sa manggagamot sa Gapan, sa pagamutan sa San Antonio, Nueva Ecija, at sa mga ospital sa Tarlac. Nagdasal at nag-atang, bumili ng gamot, at naglaga ng kung ano-anong dahon pero walang nangyari. Noon ko nakita ang desperasyon nila Nanay na maisalba si Ateng, ang katotohanang kakapitan ng magulang maski na ang mga sinauna at kakatwang paniniwala gumaling lang ang nag-aagaw buhay na anak.
Sa pagitan ng pagpunta sa ganito at ganyan, at bago pa muling ma-admit si Ateng ay naging madalas ang paghiram niya ng cellphone sa ‘kin para makinig ng mga kanta ng Aegis, Asin, J Brothers at Carpenters. Kahit uso na ang fb ay panahon pa rin ito ng “quotes”, “gm”, “txt us?” at “chain messages”, kaya lagi kong hawak ang cp para makipag-text sa kung sino-sino. Noong una ay pinahihiram ko naman si Ateng na walang sawang nakikinig ng kanta kahit na pagak ang malakas na speaker ng Cherry Mobile. Pero dumalang nang dumalang ang pagpapahiram ko kay Ateng hanggang sa nagbibingi-bingihan at nagtatago na ako para hindi niya ito mahiram. Walang kamalay-malay ang labinlimang taong gulang na ako na hindi na pala mauulit ang paghiram niya sa ‘kin ng cell phone para makinig ng mga paborito niyang awit.
Ikadalawampu ng Marso nang pumanaw si Ateng sa bahay namin. Sa Lacson sa Tarlac siya naka-confine nang magdesisyon sila Nanay na iuwi na siya. Alam kong mabigat sa loob ang gayong desisyon, pero matinding laban na ang pinagdaanan ni Ateng. Sa bahagi ng pakikipaglaban nila Nanay, ngayon ay lubos ko nang nauunawaang hindi totoong hindi sumusuko, o nagpaparaya, ang isang nagmamahal. Kaya matapos humingi ng tawad ang kaniyang asawa, at siguro ay matiyak ni Ateng na kumpleto na ang apat niyang anak, at kaming magkakapatid na nakapalibot sa kaniya sa papag, ay binitawan na niya ang huling hininga habang kakawag-kawag sa kaniyang tabi ang wala pang kamuwang-muwang na si Toper. Nakapagtatakang Marso ng umagang pumanaw si Ateng pero may manaka-nakang pagpatak ng ulan, naiisip ko ngayong ganoon yata talaga minsan ang lumilisan nang wala ng pangako ng pagbabalik, sinusundo ng ulan.
***
Ilang araw bago pumanaw si Ateng ay naglakbay-diwa siya. Ito ay ang pagtakas ng kaluluwa, o siguro ng isip sa pisikal na katawan, para dalawin ang mga minamahal, o para gawin ang isang bagay na gustong-gustong ginagawa. Nang magising siya, kahit hirap sa pagsasalita ay ikinuwento niya kung paanong kumain siya kala Ante ng nilagang baboy. Ang dami raw niyang nakain doon. Tapos kumanta pa siya sa videoke ng paborito niyang Pusong Bato. Maganda naman daw ang pagkakanta niya. Kaya lang daw ay nakakapagod ang maglibot. Ngayon, may mga pagkakataong naiisip ko kung totoo nga ba ang lakbay-diwa. Sakali man, p’wede kaya itong mangyari kahit sa hindi nag-aagaw-buhay? Kung p’wede kasi ay nais kong tawirin ng kaluluwa o isip man lang ang pagitan ng buhay at kamatayan para dalawin at kumustahin si Ateng na tiyak kong hindi na muling nakararanas ng gawat, at s’yempre para pahiramin ng cellphone ko kahit na hindi na ito ang Cherry Mobile na pula na lagi niyang hinihiram dati. Kung p’wede lang sana, maglalakbay ako kahit pa nakakapagod ang uri ng paglalakbay na ito.

Patuloy na Mangungulila
John Lawrence R. Capagalan
Napako ang tingin ko sa mga nakasampay na damit. Nandoon ang sandong pambasketbol, damit pantrabaho, at cargo shorts na palaging suot ni papa. Nangungulila rin siguro ang damit sa kaniyang may-ari dahil kahit mainit at mahangin hindi nakikisayaw ang mga nakasampay. Walang gumalaw sa sampay hanggang noong mga araw bago ilibing si papa.
—Pasado alas-dos y medya nang madaling araw, Marso 31, 2015, ginising ako ng iyak at pagtawag ni mama sa pangalan ni papa nang paulit-ulit: Joseph. Maya-maya, marami nang pumasok sa bahay para tumulong sa pagsugod kay papa sa ospital. Sinisikap sagipin ang natitirang buhay sa katawang nahihimbing.— Nakakatawa bang ibahagi na ang una kong ginawa noong dalhin nina mama si papa sa ospital ay pumikit at bumalik sa pagtulog?—
Semana santa pa rin nang magising ako noong huling umaga ng Marso.
Malamig sa Samson. Pagpasok, ang kuwartong kinahihimlayan ni papa ang makikita sa kaliwa. Nakalagay sa gilid ng pinto ang mga detalye: pangalan, petsa ng kaarawan at kamatayan, at edad. 42 anyos nang pumanaw si papa.
—Hindi tiyak kailan talaga isinilang si papa. Hanggang ngayon, debate pa rin ito sa amin at sa kanilang magkakapatid. 1972 ang nasa lapida. Ang mga detalye ng kaniyang pagkabata at pagsilang ay tulad ng alaalang itinatala ko: mga pragmentasyon. Ang tiyak sa aming nakakikilala kay papa, pinili niyang mabuhay para sa amin. Nabuhay siya sa pag-ibig sa amin.—
Walang nadaluhan si papa na recognition o graduation sa aming magkakapatid. Nagbiro pa nga si mama kay papa, isang gabi, na baka maaaring siya naman ang dumalo sa recognition ng bunsong kapatid, pero hindi na rin ito nadaluhan ni papa. Tumatak sa akin ang kuwentong ito ni mama dahil hindi lang isa, dalawa, o tatlong beses mayroong nagtanong sa dahilan, mga huling napag-usapan, o mga bagay-bagay ukol sa kamatayan ni papa. Hindi ko mabatid saan hinuhugot ni mama ang lakas at tatag na ikuwento nang ikuwento sa pare-parehong antas ng damdamin ang lahat ng kaniyang pangungulila. Sa kaniya, ang bawat pagtatanong ay pakikiramay; at ang bawat niyang pagkukuwento ay pagpapanatili sa natitirang ugnayan nila sa pumanaw— mga pag-alala.
Wala akong pinagsabihan o pinagkuwentuhan ng mga pangyayari noon. Tadhana siguro o wisik ng uniberso nang magkasabay sa jeep ang aking kapatid at ilang matalik na kaibigan. Nagkakumustahan sila at kapatid ko na ang nagkuwento sa pagluluksa ng pamilya. Dumalaw at nakiramay sila nang gabi ring iyon. Kompleto. Marami at parami nang parami ang nakikiramay. Lalong lumalamig sa Samson.
—Pagkauwi galing sa pamimili ng gulay, aasikasuhin ni papa ang sukli at pera. Kokompyutin at ililista niyang lahat ito. Ang totoo: hindi sa amin ang puwestong binibilhan ni papa ng gulay, isa lang ito sa mga trabaho niya para itaguyod kami sa araw-araw. Kung maabutan akong gising pa rin mula sa magdamag, tatanungin niya ako sa ispeling ng salitang “change” na sasagutin ko nang letra-sa-letra. Magpapasalamat si papa at tutuloy sa pag-aasikaso. Matutulog ako nang mahimbing.—
Matalinong tao si papa. Sa tingin ko, alam niya paanong lakbayin ang realidad at pangarap. Marami siyang gustong gawin at marating. Kaya nang pumanaw siya, hindi lang pag-ibig ang naiwan niya sa amin kundi ang kaniyang mga pangarap at alaala. Nitong mga nakalipas na buwan, sinubukan kong hagilapin si papa sa iba’t ibang espasyo at kalsada. Pamilyar pa rin ang daan, ngunit wala na ang minsang dumaraan. Bago na ang mga nakaparadang trak malapit sa amin, wala na ang puwesto ng gulayan, tumataas na ang kalsada kakapatong-wasak-ayos ng kung ano-anong materyal, ngunit nananatili pa rin ang gunita ng pagtahak sa mga lansangan ng lungsod.
Araw-araw kong nadaraanan ang Samson tuwing papasok sa trabaho. Nandoon pa rin ang punerarya at malinaw pa rin sa akin saang bahagi nito inilagak at nanatili nang ilang araw si papa.
—Inutusan ako ni papa noong gabi, ilang oras bago ang kaniyang paglisan: painumin ko raw ang aso. Huli na ito. Sa gunita ko: unti-unting pinatay ang mga ilaw noong gabing iyon, naiwan sa aking paningin ang malapad na likod ni papa na naglalakad papunta sa kuwarto nila ni mama. Palayo siya sa akin. Lumalalim ang gabi at ang aso ay tahol pa rin nang tahol.—
Linggo ng Pagkabuhay nang ilibing si papa. Tahimik kaming umuwi noong hapon ding iyon. Nilibot ko ang tingin sa espasyo ng sariling tahanan: mabigat pa rin ang atmospera, ngunit higit nang nararamdaman ang ihip ng hangin. Patuloy na mangungulila sa paraan ng paggunita at patuloy na pag-ibig.

Leave a comment