Tag-araw (Isang Pagninilay sa Pandama at Paglikha)

Nitong mga nakaraang buwan, naging malaking pasakit ang init ng panahon. Ganito naman talaga ang inaasahan kapag sumasapit ang tag-init sa Pilipinas. Matindi ang sikat ng araw; nakapapaso ang bawat masinagan nito, at maalinsangan ang paligid. Ang karanasang ito ay isang papatinding siklong pinagsasaluhan ng mga Pilipino at maging sa ibayong-dagat na kapansin-pansing pagtaas ng temperatura. Wala naman talagang tag-araw sa Pilipinas dahil dalawa lang ang panahon natin: ang tagtuyot (dry season) at tag-ulan (wet season). Subalit bigyan ninyo ako ng laya para gamitin ang tagtuyot, tag-init, at tag-araw bilang representasyon at paglalarawan ng panahon at danas nating mga Pilipino. Kaugnay nito, may ilang gunita at nilay ako ukol sa init at tag-init.

A. Ang aming Bakuran

Bago pa man ako nakapag-aral, naging palaruan ko na ang aming bakuran.  May humigit-kumulang na 1,400 metro-kuwadrado ang sukat na puno ng mga punongkahoy at sari-saring halaman. Natatandaan ko pa ang puno ng kawayan, mangga, aratilis, sampalok, bignay, ipil-ipil, acacia, niyog, duhat, talisay, at kakawati sa aming bakuran. Iba ang samyo ng hanging dumaraan sa mga sanga at dahon ng mga puno sa panahon ng tag-init. Dito nakatirik ang aming bahay. Nasa likod bahay namin ang isang malawak na bukirin na tinatamnan ng palay, pakwan, mais at iba pang gulay depende sa panahon. Ang bukirin ang madalas kong ruta kapag uuwi na sa hapon matapos ang klase, kung saan o nadaraanan ang mga pananim at punong-kahoy at nakapapamitas (o tamang sabihin na makadelihensya) ng mga nasabing pananim.  Tag-init kaya naman madalas na nagpapalipas ako ng oras sa lilim ng punong mangga at duhat, at kung pinapalad ay makapambabato pa ng ilang bunga ng piko o mapipintog na duhat.  At sa mga sandaling iyon, nakapag-iisip ako ng mga bagay na nais kong gawin sa pinakamalapit na panahon o mga pangarap na nais kong makamit. Doon ako nagbubulay-bulay ng mga pangarap, gaya ng mahiga ako sa damuhang malapit sa pilapil at matanawan ang padaang eroplano sa bughaw na kalawakan. Doon ko inasam ang makasakay rito at makarating sa mga pook na makapagpapatotoo sa mga larawang nakita ko sa mga aklat. Sa panahon ng tag-tuyot, pinamasdan ko ang  bukirin na madalas kong daanan na puno ng mga mandalang palatandaan ng anihan habang nag-iisip kung magkakaroon ako ng ganitong kalawak na lupain.

Sa aming bakuran ako madalas na nagpapalipas ng umaga at hapon. Inaakyat ko ang aming malaking puno ng manggang kalabaw, ang duhat sa gilid ng bukirin, ang matikas na punong kalyos, bignay, at aratilis na namumunga tuwing tag-araw.  Mataba ang lupa ng aming bakuran na madalas na tamnan ng kamoteng-kahoy, kamatis, sigarilyas, alugbati, at pati na ang kundol at upo na tinayuan pa ng balag ng aking ama. Marami ang nakikinabang kapag umaani ng pananim lalo na kapag tag-araw.  Bagaman marami ang nasisira rito kapag sumapit ang tag-ulan. Nabababad kasi sa labis na tubig ang ugat ng mga pananim. 

Nasaksihan ko ang kabalintunaan kung paano ang mga puno’t halaman ay naging mas malago sa panahon ng tag-araw. Isang dahilan ay ang matabang lupa, mababaw na tubig sa ilalim ng lupa, at ang mga patubig sa bukirin na dumaraan din sa aming bakuran.  Sa tag-init na madalas ay nakalalanta, nakatutuyot, at nakasusunog ng pananim, mas may kapakinabangan at posibilidad ng aanihin. Isang talinghaga ito sa ating buhay at pamumuhay.

Sa aming likod-bahay, may dalawang puno ng aratilis. Natunghayan ko kung papaano ang ligaw na punong ito ay sumibol at lumaki makalipas lamang ang ilang taon. Malapit ito sa hangganan ng aming bakuran at bukirin, at katabi ng punong kalyos, mangga, at kawayan.  Nakipagpaligsahan ito sa tayog at madalas itong magwagi sa paramihan ng bungang walang kapantay ang katamisan.  Madalas kong akyatin ang dalawang punong ito.  Natatandaan ko pa na tanaw ko ang kabilang barangay, ang Pasolo, kung saan ako nag-aral ng elementarya. Bagaman ang isa rito ay mas naging mayabong, mabunga, at mataas.  Ito ay may pangunahing sanga na nakapang-aakit dahil sa hitik na bunga. Kaya naman minsan ko itong inakyat, agad na ginapang ang sanga patungo sa mga namumulang aratilis, hawak ang isang plastik na lalagyan ng mga pinitas na bunga.  Napakaraming bunga kaya’t salit-salit ang aking pagkain at paglalagay sa plastik habang patuloy na gumagapang matungo sa dulo nito. Ayokong tumigil hangga’t naaabot ko ang napakaraming bunga, hinihila ang mga ikalawang sanga para mapalapit at makapitas pa at saka gagapang pa muli.  Hanggang sa unti-unting umiyak ang sanga, lumaylay ako at tila dahan-dahan akong inihapag ng nabaling sanga sa lupa.  Parang eksena sa pelikula na naka-slow motion.   Doon ako nakita ng aming matandang babaeng kapitbahay na napasigaw sa takot, pero nang malaman niyang putik lamang ang nasa tuhod at braso ko ay kinuha na ang plastik at saka kinain ang mga bungang inipon ko habang nagbibigay ng paalala sa pag-iingat.

May ilang aral ang tag-init sa akin. Tag-init din noong may mga pagkakataong naglalaro kami sa bakuran kasama ang mga anak ng mga nangungupahan sa amin. Madalas kaming maglaro sa hapon at sa bakasyon.  May tanim noon ang aking ama ng tubo na hingi ko batid na may pinong tinik sa dahon (mas kilala bilang bulo) nang hilahin ko ito at gawing panali sa kalaro.  Pero bago ko pa maipanali sa kalaro ay naramdaman ko na ang mga pinong tinik sa aking palad. Masakit ito lalo kung nahahawakan at naididiin. Inisa-isa itong kunin gamit ang tiyani ng aming kapitbahay. Ganun din ang nangyari nang paglaruan ko ang mga mapupulang labuyo ng aking ama. Nakatutuwa ang mapupula at makikinis na sili. Alam kong maanghang ito kaya’t di ko na tinangka pang kanin. Kaya naman may ilang itinatapon ko na lamang matapos pitasin, ngunit kumati ang aking mata kaya’t naikusot ko ang mga daliri. Doon nag-apoy at nahilam ako sa anghang ng sili. Umiiyak ako nang walang anumang kahirap-hirap sa pagluha. Tuloy-tuloy na umagos ang luha ko sa anghang at tanging sa malamig na tubig naibsan ang kirot dulot ng labuyo.

Sa loob ng aming bakuran din matatagpuan ang ilang punso. Ang punso ay isang tumpok ng lupa na pinaniniwalaang tirahan ng mga nuno at duwende.  Maraming nagsasabi (kasama na ang aking opisyal na manghihilot na si Mang Ipe) na may mga naninirahan sa aming bakuran na hindi namin nakikita bagaman naroroon at nakikipamuhay nang tahimik.  Malikot ako at palaging nasa likod-bahay sa umaga at hapon kapag tag-araw kung nasaan ang puno ng mangga na mayroong gulong na duyan (gaya sa paborito kong Sesame Street) na aking sinasakyan at ipinaduduyan sa pagtadyak sa lupa. Kung minsan, bumibitiw ako rito at lumulundag patungo sa kabilang dako na mas maraming tuyong dahon at mas malapit sa punso. Hindi ko alam kung natapakan ko o nasagi ko ito. Kinagabihan, nilagnat na ako. Kinabukasan, hindi na ako makalakad.  Ikatlong araw, napakasakit na ng aking hita, kaya’t dinala ako sa manghihilot.  Doon nakumpirma na may nagalit na nuno sa akin nang aking matapakan ang punso at pinaikli nito ang aking kanang hita. Nagbilin si Mang Ipe na punasan ng langis ng niyog ang idinarang sa apoy na dahong tuba-tuba at saka itapal ito sa aking hita at mag-alay ng inihaw na manok tuwing alas-sais ng hapon sa susunod na tatlong araw. Hindi naman ako mapaniwalain, pero sa ikaapat at ikalimang araw ay bumuti na ang aking karamdaman at unti-unting nakalakad bago pa ang matapos ang linggo. At dahil dito, ayon kay Mang Ipe, mas may kakayahan na akong makipag-usap o makadama sa mga nilalang na di-nakikita. Isang tag-init na di ko malilimutan.

B. Para-paraan sa Libangan

Noong nasa elementarya pa ako, puno ng mga kinagisnang laro o libangan at nagiging masaya ang pagtatapos ng taóng pampaaralan. Matapos ang tag-ulan, sa mga buwan ng Setyembre hanggang sa Marso ng sumunod na taon, madalas na nagsisimula ang aming araw sa maagang pagkikita-kita ng mga kaklaseng makakalaro bago ang flag ceremony. Palibhasa’y malamig pa ang simoy ng hangin sa umaga, kaya’t nakapaglalaro kami ng habulang pulis. Hindi ko na matandaan kung bakit ito ang nauso sa aming laro sa dami ng uri ng habulan gaya ng mataya-taya, monkey-monkey, estatwa at iba pa. Ito ang laro kung saan may pangkatan na nanghuhuli ng mga nagtatakbuhang kasapi ng kalabang pangkat at gagawing bihag ang mga ito hanggang sa maubos ang mga kasapi ng kalabang pangkat. Maliban na lamang kung mahihipo ng sinuman ang kanyang kakampi na magkakalag at magpapalaya sa lahat. Resulta, matagal ang habulan at habang tumatagal ay tumataas ang sikat ng araw, kaya’t pawisan na kami bago pa man magsimula ang pagtataas ng watawat, ang pagbigkas ng Panatang Makabayan, at pag-eehersisyo nang sabay-sabay. Napansin din nila na pagod at hindi gaanong nakikibahagi ang mga mag-aaral. At sa pagpasok sa silid at nanggigitata na ang mga mag-aaral kung kaya naman napagpasyahan ng mga guro na ipagbawal na ang paglalaro nito bago ang klase. Kaya nang sumunod pang mga araw ay naging aktibo na kami sa aming mga klase.

Pero sadyang hinahanap namin ang paglalaro. Lingid sa mga kaguruan, ang habulang pulis ay nagaganap na matapos ang pagbababa ng watawat sa hapon, bago ang paglubog ng araw sa katapat na bakuran na may malawak na espasyong may tambak ng kusot na tila mga burol.  Natatandaan ko, nagyayapak pa kami noon habang nagpapanakbo at humuhukay pa nga ng mga patibong na tinatakpan ng dyaryo para mas challenging ang habulan. 

At hindi lang habulang pulis ang aming naisasagawa sa tambakan ng kusot. Nakapaglalaro rin kami ng luksong tinik at luksong baka. Mas ligtas itong laruin sa tambak ng kusot dahil malambot ang babagsakan ng mga manlalaro. Gayun din naman, payat at may kaliitan ako, kaya’t madali kong nalulundag ang tinik at mataas akong nakatatalon sa nakayukong kalaro sa luksong baka. May ilang nawili rin sa paglalaro ng chinese at japanese garter, tumbang preso, siyato, at patintero.

Manapa’y mas maraming mag-aaral ang napasama sa paglalaro, dahil nagkikita na ang pang-umaga at pang-hapong mag-aaral. Bumabalik at naghihintay ang mga pang-umaga para sa paglalaro namin sa hapon.  Paibhasa’y tag-araw kaya’t mas matagal ang paglubog ng araw at mas mahaba ang oras sa paglalaro. Umuuwi kaming nanlilimahid sa pawis, alikabok, at lagkit ng hangin. Dito naging malapit sa akin sina Aris, Menandro, at Virgilio na aking naikuwento sa aking sanaysay na nalathala sa isang antolohiya. Hindi namin alintana ang init, bagkus mas naging mainit ang pagkakaibigan.

C. Ang mga Araw sa Ospital noong Tag-araw

Naranasan ko rin ang maging suki ng ospital tuwing sumasapit ang tag-araw. Kadalasang natatapat ang aking pagkakasakit sa panahong ito. Naranasan ko ang paulit-ulit na pamamaga ng lalamunan, trangkaso, tigdas, at mga problema sa sistema ng panunaw sa tuwing tag-araw.  Kung ang marami ay nagbabakasyon sa lalawigan, mas madalas akong nagbabakasyon sa ospital.

Masasakitin ako noon at naging malubha dahil sa German Measles o Rubella na noon ay hindi namin maintindihan kung paano ako nagkaroon nito. Naging seryoso rin ang aking kalagayan nang nagkamali ng diagnosis ang doktor sa paanakang klinika na malapit sa aming bahay. Ginagamot nila ang impeksyon sa atay, samantalang ayon sa ospital kung saan ako inilipat, impeksyon sa bituka dulot ng mga pagkaing kadalasan kong kinakain sa labas ng paaralan. Ilang tag-araw at bakasyon nang ako ay naging suki ng ospital.  Madalas kasi akong nakabibili at kumakain ng mga pagkaing nakalantad, lalo’t mabilis ang pagkasira dahil sa marumi at maling paghahanda o panisin ang mga ito dahil sa labis na init. Namilapil pa nga ako sa kamatayan dahil dito. Natatandaan ko pa nang kumuha ang nurse ng aking blood pressure nang ilang ulit at saka siya natarantang tumawag ng mga doktor. Pinilit akong manatiling gising ng aking ina, kahit na hinihila ako ng matinding antok na maaaring humantong sa pagpanaw. Ito pala ang pakiramdam ng tahimik na pagpanaw at pagkatok sa pintuan ng kamatayan.

Pero bakit kailangan ko itong ibahagi?  Sa maagang edad, natutunan ko ang kirot ng karayom, ang ilang ulit na mapagkaitan ng masayang bakasyon, at ang manipis na linyang naghahati sa buhay at kamatayan.  

Takot ako sa karayom, marahil ay hindi ako nagkaroon ng kahandaan para sa araw-araw ng iniksyon ng malalapot na gamot na may kirot habang pumapasok sa katawan, sa ilang ulit na tusok ng suwero at papalit-palit na pagputok ng ugat sa kamay, at sa pagkuha ng dugo gamit ang mahahabang karayom. Madalas na sabihin sa akin ng aking ina na parang kagat lang ng langgam ito, pilit kong pinaniwalaan pero hindi ganoon ang pakiramdam ko. At sa makailang tag-araw, palagi kong hinaharap ang kirot ng mga karayom. At sa kirot na ito ko palaging naihahambing ang mas masidhing kirot na aking naramdaman noong nagkaroon ako ng karamdaman sa bato (kidney) at sumailalim ako sa Extracorporeal Shock Wave Lithotripsy (ESWL) na isang proseso na gumagamit ng high-energy pressure waves para basagin at pulbusin ang mga kidney stone. Isinasagawa ito habang tulog ang pasyente at may anesthesia, subalit ang totoong kirot ay matapos ang procedure. Ganoon din ang naramdaman ko nang muli kong harapin ang mga karayom nang isinugod ko ang aking sarili sa ospital dahil sa kirot na nararamdaman sa tagiliran sanhi ng apendiks. Kinailangang agapan ito at tanggalin, kaya’t sumailalim ako sa operasyon na may anaesthesia na pinadaan sa aking gulugod sa pamamagitan ng halos apat na pulgadang karayom. Ito ang pinakamasakit na karayom na aking hinarap, ngunit ilang minuto lang ay nawala na ang aking ulirat at naisagawa na ang operasyon. Nagising na lamang ako nang marinig kong nagkukuwentuhan ang mga nagtatahi ng aking hiwa at madama kong umuuga ang aking katawan dahil sa paghila nila sa sinulid. At ang danas ng kirot ay lalo pang naging matindi matapos na mawala na ang pampamanhid na parang kinakayod ng karit ang aking tiyan. 

Ito ang ilang aral ng karayom na nagmula sa makailang pamamalagi ko sa ospital tuwing tag-araw. Naisip ko kamakailan, ang pisikal na sakit na aking naranasan ay maaaring paghahanda lamang sa akin para sa higit na katatagan. Iniisip ko na lamang na ang mga tag-araw na iyon na nagpakilala sa akin ng kirot at takot sa karayom ay ekstensyon ng pagsasanay para kaharapin ang mas maraming pagsubok, manapa’y mga taong sa kalaunan ay ituturing kong mga karayom. Sa mga tag-araw na iyon ko napagtanto kung gaano karupok ang buhay.  Na tila hamog lamang ito na kay bilis matuyo sa ilalim ng init ng araw. Sa ngayon, unti-unti kong nakakasanayan ang kirot ng karayom. Napapapikit na lamang kasabay ng buntong-hininga, gaya ng pakikitungo sa mga itinuturing kong karayom lang. 

D. Ang Paliligo

Sa tuwing tag-init, mas madalas ang paliligo. Isang paraan para maibsan ang init at matanggal ang lagkit. Napapansin pa nga na sa panahong ito tumataas ang bayarin sa tubig at mas malakas ang paggamit ng shampoo at sabon.

Sa Pilipinas, marami ang nagsisipaligo sa mga ilog, beach, mga kalyeng may portable swimming pool, at kahit sa kalyeng may bukas na tubo ng tubig. Para-paraan lang ito. Sa isang bansa na napalilibutan ng karagatan at may mayamang pinagkukunan ng malinis na tubig, kakatwang mahal ang halaga ng tubig. Lalo pang nagiging mahalaga ang tubig sa pagsapit ng tag-araw at pag-iral ng tagtuyot. Nagiging usapin ang suplay ng tubig sa tuwing bumababa ang level ng imbak na tubig, lalo na sa tag-init. Kaya may ugnayan ang tag-init, tag-tuyot, at ang pangangailangan sa tubig.

Isang ritwal ang paliligo.  Isinasagawa ito nang may pagpapahalaga sa korporeyal  na aspekto ng lahat ng nilalang. Ang katawan bilang materyal na katambal ng eteryal o ispritual, pangkasarian, at mental na kakanyahan.  Nililinis at iniibsan natin ang init sa katawan. Ayon sa artikulong “The surprising power of daily rituals” ni Karan Johnson ng BBC,

A ritual is defined by psychologists as “a predefined sequence of symbolic actions often characterised by formality and repetition that lacks direct instrumental purpose”.

Research identifies three elements of a ritual.  (https://www.bbc.com/future/article/20210914-how-rituals-help-us-to-deal-with-uncertainty-and-stress)

Masasabing ang paliligo ay araw-araw (o paulit-ulit) na pakikipagtagpo at pagkakataon upang maging pamilyar sa sariling katawan at isang paraan ng paglilinis at pagpapagaling o pinakamabilis na paraan sa pagbibigay-lunas. Isang gawain ito na kinamulatan at ginagawang pamantayan para sa pinakapayak na paraan ng literal na paglilinis ng sarili. Bagaman ang pagbabasa ng tubig, ang pagsasabon, paghihilod, paghagod sa bawat singit ng katawan, at ang pagpapaagos ng tubig sa pagbabanlaw ay ang kalimitang pagkakasunod-sunod. May ilan na hindi sumusunod sa prosesong ito. Maaaring ang paliligo ay isagawa nang may tuon lamang sa isang bahagi ng katawan, may ilang gumagamit ng labakara at tabo, at may ilan namang para ibsan lamang ang init na nadarama.

Natatandaan ko noong aking kabataan na kapag may kainitan ang panahon, pinapaligo kami ng aming magulang. Takot ako noon sa tubig sanhi ng trauma nang ihagis ako sa dagat ng sarili kong ama, at ngayon ko lang ito nabanggit sa aking mga sulatin. Subalit unti-unti kong ginapi ang takot dahil may mga kapitbahay kaming nagsisipaligo sa aming poso na nagiging isang uri ng paglalaro sa gitna ng mainit na tag-araw. At naging mas komportable ako sa tubig dahil sa pagdating ng ulan sa tag-araw na palaging sinasalubong ng mga kabataang tulad ko, lalo na ang mga may bungang-araw. Malimit itong nagaganap sa pagpasok ng Mayo, ang buwan ng pamumukadkad at mga kapistahan, kaya nga’t may paniniwalang nakagagaling ang unang ulan ng Mayo.

At sa tag-init, madalas gamitin ang salitang pasma, maaaring walang direktang salin sa patolohikal na kalikasan nito. Madalas kong marinig ang nanay ko na nagsasabi sa aming kasambahay na huwag maligo kung katatapos lamang maglaba o mamalantsa dahil magdudulot ito ng pasma. Gayon din, noong nag-aaral ako ng pagtugtog ng piyano o matapos ang matagal na pagsusulat, palagi rin akong pinapaalalahanan ng aking ina at mga tiyahin na huwag maghugas ng kamay at lalo na ang maligo. Sinasabi nilang pagod ang mga ugat ng katawan at nababad ito sa init. Malamang na nakararanas nga ng tinatawag na thermal shock ang ating katawan. Malimit na naglilitawan ang mga ugat, at nanginginig o nagpapawis o namamanhid ang mga kamay o anumang bahagi ng katawan ang sintomas ng pasma. Taliwas naman ito sa mga manggagawa o mga atleta na pisikal ang kahingian sa trabaho o paglalaro, kung saan sanay na sila sa paliligo matapos ang kanilang maghapong gawain o training.

Sa tag-init din natin nararanasan ang pamahiin sa Semana Santa. Pinaniniwalaan ng mga matatanda na malas o magdadala ng sakit ang paliligo kapag sumapit na Biyernes Santo o ang araw ng pagkamatay ni Hesus dahil “patay ang tubig” at magkukulay-dugo ito. Kaya naman, kahit pa napakainit ay isinasagawa ng mga naniniwala sa pamahiin ang paliligo bago ang pagkamatay o sa Linggo ng Pagkabuhay ni Hesu Kristo. Bagaman, kung sinusubaybayan natin ang mga namamanatang penitente o yaong mga nagsasalibatbat na nakadapa at gumagapang sa mainit na kalsada habang hinahampas ng mga kasama at sinusugatan ang likuran, madalas itong natatapos sa pamamagitan ng pagtalon sa ilog at paliligo upang maghilom at ganap na mahugasan ang kanilang mga pagkakasala. Walang anumang banta ng pasma sa kanila.

May manipestasyon ang tag-araw sa ating mga katawan at bahagi ito ng ating kolektibo at indibidwal na gunita. Ang tag-araw ay hindi lamang isang simpleng panahon; ito ay isang pisikal at kultural na kaganapan. Ikinikintal nito sa ating balat sa pamamagitan ng pagiging kayumanggi. Higit pa sa aspektong pisikal, ito ay nagsisilbing isang kolektibong danas sa init, liwanag, at kabataan. Binibigyang-kahulugan nito ang ating katayuan sa lipunan, ang uri ng pamumuhay, ang ating kalagayan sa pamayanan, at ang mga paniniwala. Dagdag pa, hinuhubog ng tag-araw ang ating mga espirituwal na pundasyon gaya na lamang ng Mahal na Araw at mga kapistahang nagaganap sa panahong ito. Ang liwanag at init ay matagal nang nakatali sa pag-unawa ng sangkatauhan sa ugnayan, kalikasan, at paglilinis, kapuwa sa literal at matalinghagang kahulugan.

May mga dapat pa akong idagdag sa akdang ito, ngunit limitado ang espasyo. Isusulat ko pa ang dagdag na pagninilay at gunita sa tag-init.

Leave a comment

Tungkol sa Luntian Journal

Tuloy po kayo sa Luntian Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (inilalathala ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino/PSLLF).

Basahin ang latest na isyu.

Latest posts