
Dikaraya gid man (Dito naman talaga)
Larry Boy Sabangan
Isang dramatikong monologo
(Tsant)
Eeee… Yooo… Eeee…. Laaaa… Weee…
Pamati-i-eee…a-a-aaaang, amo-o-ong pag-ampo-o-o…
Hmmmmm Hmmmm Hmmmm
Kami-i-iii Kaluoya-a-annn
I-i-imong mga-a-a-a ino-o-onga-a-a-a
(Katahimikan)
Oo,
Tuod!
Oo, isa akong Ati.
(Katahimikan)
Bakit? Isa akong Ati, at nandito ako sa paraisong isla ng Boracay.
Oo! Bakit hindi! Bakit hindi?
Balay namin ito nina Nawo at Tata
Palaruan namin ito nina Ingko at Angko
Pinangalanan ako sa islang ito bilang si Banggi. Banggi, Oo, Banggi!
(Lalakad paharap nang marahan)
Dikaraya…
Dito ako nanghuhuli ng dikyà
Dito ako banda kumukuha ng tubâ
Dito ako banda lumilikha ng kuwintas na tulya
Dikaraya man ako banda nadapâ
Dikaraya man ako banda walang nasambitla
At dikaraya man ako banda natulala
(Aatras nang marahan at titingin sa paligid)
Ang dami ng nag-iba…
Nasaan na ang aming bahay-bahayan?
Bakit ngayon ay isa ng magagarang bahay-batong pasyalan
Nasaan na ang aming dating palaruan?
Bakit ngayo’y puno ng paglalaro ng apoy sa karagatan
Nasaan na ang aming mga katribo at kaibigan?
Bakit ngayon ay puro puti, intsik at, at, at sino ba mga iyan!
Ah!
(Saglit na Katahimikan)
Oo nga pala,
Ang iba sa amin, hayun sa bundok tila nakatanikala.
Ginapos sa salapi ng mga kaibigang dayuhan. Ay! Parikala!
Mali pala ang aming akala.
Pero tinitingnan ko itong mga bisita, mga kaluluwa lamang sila walang katawan, walang mukha
Ngunit gutom sa kalayawan ng katawang lupa
Oo nga pala,
Kami na ngayon ang dayuhan sa aming sariling tahanan.
Para daw sa aming kinabukasan,
Ngunit kahit sikat ng araw ng búkas ay wala kaming matanaw.
Oo nga pala,
Wala daw kaming titulo, pangalan, at pinag-aralan.
Sila na lang daw ang bahala sa islang pinangakuan.
Ahay!
Yawa!
Peste!
Animal!
Oo, ito ang aking alam na mga salita!
Dahil ito ang laman ng aking nagpupuyos na damdamin at gunita.
Animal!
Peste!
Yawa!
Ngani, wala ng ibang salitang pagpapanggap para sa tunay na adhika
Mas masama pa sa tungayaw ang mang-angkin ng lupa.
Mas masahol pa sa pagmumura ang pag-agaw sa tahanan at pamilya.
Mas sukdulang poot ang hindi mailibing sa lupang pinagluwalan ng lahi.
Ah! Ah!
Ahahaha!
(Katahimikan)
‘Wag mag-alala?
‘Wag mangamba?
‘Wag ng magdaawang isip pa?
Kapalit ay paraiso, pangakong pagiging bantog sa mundo?
Hmmm,
Ano ba ang totoong paraiso?
Sabi ng isang latina sa wikang aking naunawa,
Paraiso ang puting pulbong buhanging pinong-pino, tanaw na tanaw!
Kristal na tubig na kay linaw-linaw!
Gintong imahen ng papalubog na araw! Ambot!
Totoo, Tuod!
Ngunit iba ang ibinubulong ng lamig ng hangin
Ngunit iba rin isasaysay ng mga puting buhangin
Ngunit iba rin ang isinisiwalat ng mga korales sa karagatan
At ibang-iba rin ang tinatangis ng dugong silahis ng papalubog na araw
Ang paraiso ay kami!
Ako!
Si Nawo!
Si Tata!
Si Ingko!
Si Angko!
Ako! Si Banggi!
(Titingnan ang mga nasa harapang tao)
Maitim? Kulay ng mga balat naming saksi sa paglitaw at paglubog ng buwan at araw!
Kulot? Kinking buhok na inunat ng kasipagan at pagsisiskap sa isla
Malabì? Makakapal na labi na sambitla ang saya at pagdiriwang ng daan-daang lahi
Pandak? Kasintayog at taas ang pag-asang naipundar sa paraisong isla
Ito ang aming tahanan.
Kunin niyo man ito, dito banda na nakabaon ang aming alaala
Ito ang aming lupa.
Agawin niyo man, ngunit dito banda nakahimlay ang aming kaluluwa
Ito ang aming buhay.
Kaladkarin man kami, ngunit dito banda, susundan kami ng puso ng isla.
(Igagala ang paningin sa paligid)
Oo,
Dikaraya banda ang aming banggerahan…noon!
Dikaraya banda ang lagayan ng antepara ni Tata…noon!
Dikaraya banda naglalaro ng alibangbang kami nina Ingko at Angko…noon!
Oo,
Dito na banda ang otel…ngayon!
Dito na banda ang restawran…ngayon!
Dito na banda ang disco…ngayon!
At si Ikang at Akang…di ko na alam kung saan na ngayon.
Si Amang? Kasama na ng mga Taglugar ngayon. Nasa paligid, nagbabantay, nagmamasid.
Umaasa na makabalik kami…dito…
Dikaraya gid man banda…
(Katahimikan)
(Tsant)
Eeee… Yooo… Eeee…. Laaaa… Weee…
Pamati-i-eee…a-a-aaaang, amo-o-ong pag-ampo-o-o…
Hmmmmm Hmmmm Hmmmm
Kami-i-iii Kaluoya-a-annn
I-i-imong mga-a-a-a ino-o-onga-a-a-a

Leave a comment