Eroplano

Mark Anthony S. Salvador

Kay bilis at kay tagal nang pagkakayakap
nila ng kanyang mga magulang.
Kay tulin nang tatlong linggo,
parang mga paglipad ng eroplano,
hindi namamalayan,
palapag na silá sa patutunguhan.
Kasinglamig marahil ng kanyang dibdib
ang babalikang nagyeyelo
na kabilang mukha ng daigdig.

Kay bigat ng kanyang maleta
dahil sa laksang pagkaing
hinahanap-hanap ng kanilang panlasa:
longganisa, delata, tinapa,
itlog na maalat, mangga.
Subalit ilang ulit
na mas mabigat ang kanyang dibdib.

Hindi pa man nakakarating,
nasasabik na siyang muling bumalik.
Dinungaw niya ang kay liit nang paliparan.
Ilan kayâ silá sa eroplano
na naghahanapbuhay sa ibang bayan?

Papaano kayâ nagagawa
ng eroplano na umangat
gayong ang dibdib
ng mga pasahero ay kay bigat?

sa pahina

Mark Joseph N. Rafal

ano ang nasa isip ng makata
bago siya maging alaala?
salita?
talinghaga? ang pantig
ng umiimpis na tibok
sa kanyang dibdib?
mukha ng mahal at
iniibig? langit lupa
impiyerno? alak sa baso?
kalawakan?
kawalan? ang walang
hanggang pagitan ng buhay
at kamatayan? ano
ang nasa isip ng makata
bago siya maging alaala?
posibleng tula,
imposibleng tula.
nauna na siyang humiga
sa pahina bago sa kabaong.
nag-iwan ng mga mumong salita,
pagkit ng unat na anino
sa mga pahina. naroon
ang iniisip ng makata
bago siya maging alaala.

ang salita kapag walang salita

Mark Joseph N. Rafal

sa ganitong 
pagkakataon
mas ramdam ko
ang salita
kapag walang salita
kapag hindi ko
kailangan ng salita
hindi ko kailangang
pangalananan
ang mga bagay
na hawak-haplos
ng aking mga kamay
hindi ko kailangang tatakan
ang mga damdamin
na dama-dama
ng aking kalooban
ang titigan
ang tinititigan
ang yakapin
ang yakap-yakap
ngayon
kung sino o anuman
ito na hindi ko mapangalanan
hindi na kailangan
ng kahulugan ng kahulugan

wala nang halaga ang mga salita

Mark Joseph N. Rafal

isang araw
mula ngayon
ang mga walang pakialam
ang naghahanap ng konteksto
ang naghahanap ng dokumento
ang nagmamaangmaangan
ang nagbubulagbulagan
ang tahimik
ang piniling manahimik
ang naninimbang
ang nag-aabang
ang ayaw pumili
ang ayaw tumindig
ang naghihintay ng buwelo
ang sumisino, kanino, paano
habang nasa harapan ng mundo
ang henosidyo, ang delubyo
ay makikiisa, mag-uusisa
magsasalita
makikibaka
ngunit huli na
isang araw
mula ngayon
pamunas na lamang ng dugo
ang keffiyeh
ubos na ang mga shamouti
okupado na ang lupa
wala nang mga bata at oliba
wala nang halaga
ang mga salita

Si San Rafael sa Baticulin

Mark Vincent E. Dela Cruz

Naghihintay ito nang walang bakas.
Ang mga mata, nakatitig sa mapupungaw na mga kaluluwa.
May panghihikayat ang kanyang pagkakatayo,
habang dinadala ng kanang kamay ang dalawang isdang magkatali.
Maaaring maging Bangus o kaya ay Tilapia.
Hindi natin alam, ngunit may ngiti ito sa labi na tila bang nanunubok–
na huwag nang pag-awayan pa ang natatanging biyaya.

Hinahalina nito ang imahen ng kalangitan,
sa munting silong niya na balot ng mga dahon at bulaklak.
At kasabay ng mabagal na paggapang ng mga tukod na nakaukit,
siya naman dahan-dahang pagdungaw ng kanyang mga pakpak.

Naglabas ng samyo ang kapang baluti sa katawang may kabanalan,
sanhi ng mga bendisyong inialay sa kanya.
Nang dumampi ang mga paang may suot na sandalyas,
ang ulap na kanyang kinalalagyan, nabitak.
Mistulang mabilis ang kanyang pagkakalipad sa kahoy na kanyang idinuyan.

Subalit hindi pa rito natatapos,
ang kanyang misyon, patuloy na iinog.
Ang mga sulyap at pakikidigma,
hindi upang patayin ang mapanuksong demonyo,
kundi galugarin ang kanyang nawawalang kaliwang kamay.

Padagos / Padayon

Jake Ronald M. Marbida

PADAGOS
(Bikol)

“Manoy, wara na gasul,”
“Ate, wara pa ulam,”
“Noy, pasubli daw 500,”
“Kuya wara na palan bugas.”
Makaibi kin wara ka itatao,
Dae pwedeng wara, bread winner ka baya.
Apod saklolo ki tugang, “be, pasublia daw ako.”

Makarigos na ta an buhay para pa sa mga eskwela.
Pigtaktak wara log Personal Collection na shampoo.
Piglaagan tubig ta pwede pa man ang subo.
“Tao po, tao po,” sa luwas may naga apod na tawo.
Pigsitsitan su tugang na instruksyonado,
“Naka-ali na nantig si tugang nindo,”
Nagpadagos na pasiring sa trabaho.

Late na kita, diin na daw ang jeep?
Segurado purunuan kin bukon kabit, sa toplod duman ma pwesto.
Pagbaba sa crossing, sa habal-habal nagsangkay.
Salamat wara ansod na nanglimpwag na makadurodismayo.
Maruab dawa raproad ta ma-late na baya kita.
Sige kuya padagos sana ta dapat 7:30 naka time-in na.

Ang mga estudyante talagang ma konswelo.
Nagralampaso man dawa puropawno, mga tinanom pigbararibi na.
Talagang maturo kana sana ta sinda daw ready na magdongog simo.
Ungaon mo ngane kin nasabutan, an simbag amo man.
Although an iba, girom-girom wara sana.
Sabi san mga gurang, daeng girom an tubig na ararom.
Tibad barang, sinda amo man. Hala padagos kita sa klase ta may masunod pa –
ARAL Program hanggang alas kwatro y media baga.
Uno man daw kaya yading mga akos ta indi tarataw magbasa.

Salamat sa Diyos an aldaw na survived na.
Nasa isip naman panggabiyan san pamilya.
Uno naman daw ang maray na panira jurojanjan.
A baynteng fried chicken, amo na sana ta pwedeng utangon
Ka Mikael na para tinda. Bata ang kwarta ko, pamurupamasahe na sana.
Pagnawbusan – makapdagos imposible na.

“God provides,” tiwala lang. Tibad kidamlag su loan ma-verified.
Kin wara pa, sa online lending mautang kita.
Pagbayad sadi talagang mapagal,
Pero makapadagos kaypwan indi sana masupgan.
Anyway, ang bonus madali naman. Pag na-reclass ayo naman sisibugan.

Sa kaisip-isip nagkaturog na matanga.
Su ituturo, su due date, su bills, uno pa baya?
Pati sex llife grabe na kamamara. Hayst.
Kidamlag ipadagos ta naman.
Ang buway arog talaga gayod sadi mapagal, minsan indi maytindiyan.
An kaogman diin na daw? Sa kakaysip bua ang kaluwasan.
Sa kagurangnan ako maalabar tibaad barang sa lotto ako manggana.
Kun dae, di sa urutangan…kita makapadagos sana.

PADAYON
(Tagalog)

“Kuya, wala ng gasul,”
“Ate, wala pang ulam,”
“Noy, pahiram ‘ket 500,”
“Kuya wala na din palang bigas,”
Nakakaiyak lalo na’t bulsa ay butas,
‘Di pwedeng wala, ikaw ay bread winner ng pamilya.
Sa kapatid pasaklolo, “be, baka mero’n ka ‘ket magkano.”

Maliligo na dahil ang buhay ay para pa sa mga eskwela.
Ita-taktak walang laman Personal Collection na shampoo.
Nilagyan ng tubig para sa kaunting bula na ipapahid sa ulo.
“Tao po, tao po,” tawag sa labas ng ekstranghero.
Palihim na tinawag at pabulong na sambit sa kapatid,
“Nakaalis na ika mo,”
Pumasok na sa trabaho.

Saan na kaya ang jeep? Late na tayo.
Punuan segurado kaya kabit nalang o sa top load ang pwesto.
Pagbaba sa crossing, nagmamadaling sumakay sa haba-habal.
Salamat walang putok na pamatay ng tao.
Mabilis ang takbo sa rough road na kalsada ‘di pwedeng mahuli sa trabaho.
Dapat 7:30 naka time-in na, kaya kuya pakibilisan ang pagmamaneho.

Ang mga estudyante ‘ket pa’no nakakatuwa.
Sahig nilampaso na nila, pati mga pananim nadilig na din.
Ready na daw silang makinig sa’kin.
Tanungin mo kung sa klase may naintindihan, oo ang laging kasagutan.
Although ang iba, walang imik-imik.
Sabi ng mga matatanda, ang ilog na malalim ay tahimik.
Sana itong mga estudyante ay gayo’n din. Patuloy tayo, klase ‘di pa tapos.
ARAL Program hanggang alas kwatro y media pa ng hapon.
Ano naman daw kasi ‘tong mga bata, sa pagbabasa ang hihina.

Salamat sa Diyos ang araw ay na-survived na.
Nasa isip naman kakainin sa dinner ng buong pamilya.
Ano naman kaya masarap i-ulam maya-maya.
‘Yong tig-twenteng fried chicken, ‘yon na lang kaya,
Pwede pang utangin kina kuya Michael. Pera ko rito, pamasahe nalang.
Pag-naubusan…bukas sick leave ang kalalabasan.

“God provides,” kapit lang. Baka bukas, loan ma-verified.
Kapag wala pa talaga, online lending patulan na.
Mahirap magbayad nito,
Pero kailangan para makapagpatuloy sa sinumpaan,
Anyway, ang bonus malapit na rin naman. Sahod tataas segurado pag na-reclass.

Hating gabi na nakatulog sa kaka-isip,
‘Yong ituturo, due date, bills, at kung ano-ano pa.
Sex life tigang na tigang na. Hayst.
Kinabukasan kailangan magpatuloy.
Ang buhay nga talaga seguro ay gan’to, mahirap at minsan ‘di maintindihan.
Nasaan na kaya ang kaligayahan? Nakakabaliw kung iyong iisipin.
Kay Bathala isuko ang lahat baka bukas sa lotto ay manalo.
Kung hindi, sa lending…makapagpatuloy lang.


Dapithapon sa Quiapo

Shaira Mae D. Villar

Sa Quiapo,
Ang araw ay laging dapithapon,
nag-aagawan ang sindi ng pag-asa
at anino ng pagkabusabos.

Sa ilalim ng tulay nito,
matatagpuan ang batang naglalako ng milagro,
limang pisong kandila kapalit ng hiling,
para sa pangarap na nauupos na rin.

“Pampaswerte, pampagaling,”
“Para sa pag-ibig at kaligtasan”
tila ritwal na paulit-ulit,
kahit nang sariling dasal niya’y di pa rin naririnig.

Sa gilid ng simbahan,
matatanaw ang matanda,
may kamay na nanginginig, nanlilimos,
umaasa sa katiting na biyaya.

Sa harap ng altar,
humihingi ng awa ang ina,
baka sakaling may milagro
ang rosaryong nakasabit sa anak na may sakit.

Sa kahabaan ng simbahan,
nakaluhod ang mga tao,
Nagnanaknak ang mga sugat
na tila wala nang kagalingan.

Dahil sa huli ay naroon ang Nazareno,
pasan-pasan ang kanilang krus,
tahimik na nakikinig
sa mga kaluluwang pinabayaan.

Dito sila pumupunta—
silang mga kinalimutan,
na pilit kumakapit
sa katiting na liwanag.

Sapagkat sa Quiapo,

kahit laging dapithapon,
matatagpuan ang tahanan
ng bayang napapagal,
ng bayang humihinga sa pag-asa.

Tahimik na Bantay ng Dapithapon

Lianne Kyla P. Canlas

Sa dalampasigang ginintuan ng araw,
Isang nilikhang tapat, payapa’t marangal,
Nakatanaw lamang, tila may sinasambit,
Sa wikang hangin, lihim niyang iniipit.

Tahimik ang dagat, kumikislap ang ulap,
Parang salamin ng pusong walang balakid;
Ang alon ay awit ng oras na lumipas,
Haplos ng pag-asang muling lumalapat.

Ang kanyang mga mata—tila ilog ng gabi,
Naglalaman ng lungkot, ng hiwagang may ngiti,
Sa bawat buntong-hininga ng hangin,
Parang panata ng pusong nananalangin.

O aso ng baybay, saksi ng paglubog,
Tagapangalaga ng pusong nagtatagpo;
Ang iyong anyo’y tula ng kalikasan,
Na walang tinig, ngunit puspos ng damdamin.

Sa buhangin, ika’y tulad ng gunita,
Tahimik na bantay ng panahong lumipas;
Ang bawat yapak mong tinatabunan,
Nag-iiwan pa rin ng bakas ng dangal.

Marahil sa puso mo’y may lihim na awit,
Na sinasayaw ng alon sa bawat dampi;
Ang huni ng dagat ay iyong kasabay,
Habang sumasayaw ang araw sa paglisan.

Sa iyong titig, tila may kabatirang taglay,
Na ang mundong ito’y sadyang lumilipas;
Ngunit ang katapatan ng isang nilalang,
Ay di natitinag ng oras o bagyong mapanlinlang.

Kung ikaw ay tao, marahil ay makata,
Na sa katahimikan ay nagkukubli ng tula;
Ang bawat buntong-hininga mong banayad,
Ay saknong ng pusong marunong magmahal.

At habang ang langit ay nagiging abo,
Ang dagat ay kumakandili ng liwanag mo;
Parang bituing naligaw sa pampang,
Na patuloy pa ring nagbibigay ng ningning.

Dito sa dulo ng araw at hangin,
Ikaw ang guniguning ‘di lumilisan;
Tahimik mong tingin ay paalala’t aral—
Na sa katahimikan, may pusong marangal.

Hindi ka humihingi, ni naghahangad,
Ng gantimpala, ni ng palad ng tao;
Ngunit sa iyong anyo, ako’y napayuko—
Sapagkat nakita ko ang anyo ng tapat na puso.

Sa huling sandali ng dapithapon,
Ang araw ay yumuko sa dagat ng panahon;
Ngunit ikaw, o bantay, nananatiling gising,
Tagapangalaga ng mundong tahimik.

Kaya’t sa bawat pagdampi ng gabi,
Sa bawat pagsiklab ng umaga muli,
Ang iyong anino’y di mawawala—
Sapagkat tula ka ng likas na ligaya.

O aso ng dagat, simbolo ng pag-asa,
Na kahit ang araw ay may pagtatakda,
Ang katapatan mo’y di nauupos—
Kahit ang alon ay maglaho’t maglaho.

At nang tuluyang lumubog ang araw,
Ang dagat ay kumintab, tila salamin ng langit;
Doon sa gitna ng katahimikan,
Ang iyong tinig—ang tula ng kalikasan.

Luwa

Danielle Z. Regalado

Luwa

Bago maghalin sa amon,
Si Nanay hay nagpabaeon.
Akong bag, gapaeanobra it pagkaon,
Akong eawas, gapueono it pangadion.

Luwa (Salin)

Bago ako lumuwas sa amin,
Si Nanay ay nagpabaon.
Aking bag, siksik sa pagkain,
Aking katawan, puno ng dasal.

Ang luwa ay isang uri ng tradisyonal na pagtutula na ginagamit sa Kanlurang Visayas (partikular sa Iloilo at Aklan). Ito ay binubuo ng apat na linya, kadalasang may tugma at walang pamagat. Kilala ito noon bilang panalitang panitikan na binibigkas sa mga lamay.

Kamingaw

Danielle Z. Regalado

Kamíngaw

Sa gabii pa gid-a gapangkablit ro kamíngawon,
kon siin owa eon it byahe pauli sa Kalibo.

Sa makaron, baktason ko
eang anay ro daean pabalik sa simbahan
kon siin mapan-ohan
ro mga kuyapnit sa kahoy it Bubog
gaistar, gabantay, gabúhay.

Ibhan ko sanda
sa anda nga vigil
sa gakatueog nga Miag-ao.

Kamíngaw (Salin)

Sa gabi pa talaga nangangalabit ang kamíngawon,
kung kailan wala nang biyahe pauwi ng Kalibo.

Sa ngayon, lalakarin ko
na lang muna ang daan pabalik sa simbahan
kung saan mapapansin
ang mga paniki sa puno ng Bubog
naninirahan, nagbabantay, nanatili.

Sasamahan ko sila
sa kanilang vigil
para sa natutulog na Miag-ao.

Ang Kamíngaw ay salitang Bisaya na nagpapahayag ng pag-iisa, kalungkutan, o kaya’y pangungulila. Ginagamit din sa Akeanon at Hiligaynon.

Paglipat ng Silid

Nicolas C. Gaba Jr.

Gabi itong pinapatay ko ang pagkainip,
tinanggal ko ang mga larawan
sa dingding ng silid na minsang iyo.
Mga pako at pinagpakuan ang naiwan,
tulad ng tanong na hindi ko masagot
gaya ng paano nabubuo ang tao?
o ano ang mukha ng langit?
habang maingat na sinisinop ang mga alaala.

Inilipat sa kabilang kuwarto
ang kamang pinaglakhan mong
nababalutan ng kobre-kamang
may pinta ni Monkey D. Luffy.

Pinalitan ang kurtina
ng mas mahaba’t makapal,
hindi para itago ang suwail na liwanag,
kundi upang hindi makita
ang anino mong dumaraan sa hagdan.

Naibulong ko sa aking sarili,
Hindi ko alam kung kailan ka huling humingi ng payo.
Ngayon, ikaw na ang nagbibigay,
sa pagitan ng mga video call na maikli,
na laging may paalam bago pa man magsimula.

Ang pagiging magulang pala’y
hindi lamang pagtuturo,
kundi pagkatuto rin
kung paano tanggapin
ang katahimikan ng silid
na minsang puno ng nakabibingi
mong ingay ng paglaki.

Sa Seminaryo

Norman Vincent A. Paderes

Ang iba pang palayaw ng salitang 
pagpapari
ay pagtugon.

Tulad ng utos mo, tatay,
huwag kong suwayin
ang bilin ni nanay noong nagbuhat ka
ng kamay mong kuyom.
Lumatay sa akin
ang sumaltik na tinik ng tingin.
Tila napapatda ang mga paa ko
sa gilid ng bangin
tuwing nasusukol
ang dati kong daing – hayaang lumingon
ang sinumang anak

sa bahay na nabubukbok
nang may panalangin.

At iuusal ko yaong
Ama Namin
bilang isang tugon.

Nakapangyayari
ang mga kamay mong laging nakukuyom.
Ito ang bersiyon ko
ng ninasang laya bilang iyong supling:
muling mapag-isa
ang dating iisa
nang hindi na humantong
sa napakatinding pagsalat
sa pilat – ayaw kong salingin
nang salingin.

Traysikel

Norman Vincent A. Paderes

Ang pawis ni ama ay may grasa 
ng takot – ang bayad sa hirap.
Bulok na traysikel
ang sulit sa amin; siya’y nakalulan:
nagsisikap siya pantawid sa dagok.
Namutlang lingap
ang udyok na bagot, preno’t silinyador
ang sugal na layaw.
Kadena ng hapis
ang bawat sirkulo
sa kalyeng nagpilat.
Sa lagkit ng init, nagtiis sa usok
ang amang may uhaw
kahit alila siya ng molyeng kakabit.
Siya ay nagmumulat.
Walang katiyakang rayos
ng kalamnan sa balat na pusyaw.
Kaya’t ang mga pasahero
sa amin ay tila sulyap ng hirap:
naiwang sandalyas,
bisikleta sa pundidong araw;
dadamping panahon
ang lipas kong ganti
at wari’y nababakbak na tapaludo
ang aking pagkaligtas –
Salvacion!

Paglalatag

Norman Vincent A. Paderes

Tatay, 
sa gabi, nilalatag mo sa higaan
ang iyong pagod at pira-pirasong sarili.

Bago ka makipagkasundo sa panaginip,
binubuo mo sa isang dasal
habang inuusal sa Maykapal
ang iyong mga agam-agam.

Upang sa umaga, sa iyong higaan
may matitiklop kang pag-asa
na malalatag muli kapag napagal
ang iyong pag-iral.

Tumbang Preso

Jiellian Anne Enano

Sa pag-apak sa Maynila kung saan naroon daw ang ginhawa, ay iniasa ang pag-asang mabuhay sa sapin sa paa, sa pares ng tsinelas na noon ay hinuhubad, ibinabato, o isinusukbit sa siko para sa mas mabilis na pagtakbo. Ngayon ay mas’werte pa kung makatayo at makahabol sa mabilis na pagdidikit ng mga goma na korteng paa. Dikit-dikit ang siko habang nagtatrabaho sa masikip na espasyo ng lugar na mabaho. Sa quota ng paggawa, kapalit ay tatlong daan. Sa ikalawang palapag ay matatagpuan mga kaibigang sinusubukang itapon ang kanilang mga katawan. Pababa. Palabas. Sa bintana. Sa hagdan. Nang ang mga tsinelas na ginagawa ay tupukin ng apoy. Walang nakasalisi sa mga humahabol na liyab na nakakasunog ng balat. Ng laman. Ng buto. Sa mukha, sa dibdib, pababa. Ang tibay ng loob ay ikinulong ng tibay ng mga rehas sa bintana na sinusubukang yugyugin, sirain, tanggalin. Habang sumisigaw. Unti-unting naglaho ang mga umaasinta. Sa kalayaan at sa pagtakas sa lugar na kanilang pinasukan ngunit hindi na malabasan. Handang bitawan ang mga tsinelas na dati ay pamato sa laro ngunit hindi na uubra sa paglalaro ng apoy sa kanilang nalalapnos na mga mukha. Mga tao’y mistulang mga preso nang nalaman ang mga pinto’y ikinandado sa takot ng may-ari na siya’y malugi, maloko, at matalo. Mga katawa’y di na makilala. Pumapalahaw sa paligid ng Kentex ang iyak ng mga nanay, tatay, at anak. Naghahanap ng hustisya—sa may-ari, sa Mayor, sa pulis. Ngunit walang gustong makinig. Walang gustong maging taya laban sa 74 na taong natalo sa laro para sa karampot na pera. Sa loob ng bilog, tumumba ang mga tao, ngunit walang naging preso.

The poem “Tumbang Preso” was inspired by the tragic factory blaze featured in the article ‘The Inside Story of the Kentex Disaster: 74 Workers Died but No One Is in Prison’ by Kate Hodal, published in The Guardian on July 20, 2015. https://www.theguardian.com/global-development-professionals-network/2015/jul/20/the-inside-story-of-the-kentex-disaster-74-workers-died-but-no-one-is-in-prison.

Sikret Resipi

Jiellian Anne Enano

Ito ay resipi sa Masarap, Masaya na pang-aabuso sa mga manggagawa.

Paghahanda: 1 kompanya  Pagluluto: 12 araw na strike  Kabuoan: 300 empleyado

Nutrisyon: 10 pors’yentong regularisasyon

  1. Bumili ng mga sangkap.
    Kumuha ng maraming manggagawa.
    Piliin ang mga mahihirap.
    Siguraduhing malakas at bata.
  2. Ilatag lahat ng napamili.
    Tingnan kung sapat na ang mga sukat.
    Tantsahin ang init ng kawali.
    Ihanda sa liyab ang mga balat.
  3. Pagkatapos, isangkutsa sa mga sariling mantika.
    Sa init ng pagawaan, ng ibinobote, at ipinapakete,
    Sa sariling pawis ay nanggigitata,
    Tanggali’t itapon kung napaso o naaksidente.
  4. Pakuluan sa loob ng 12-16 na oras.
    Palambutin hanggang sa ‘di na kailangan pang hiwain.
    Sa mga unyon at samaha’y ‘wag pasalihin.
    Timplahan ng dahas para mas maging malasa, haluin.
  5. Para maihain ay ilagay sa plato.
    Iayos at lagyan ng mga dagdag na disenyo.
    Pumuhunan sa halagang tatlong daan
    at walumpung piso.
    Kumita ng 27 milyon araw-araw sa bawat linya ng produkto.
  6. Ulitin hanggang sa maperpekto
    ang proseso.
    Kung pumalya’y
    ibahin lang nang kaunti ang putahe.
    Tiyak naman
    Ang toyo’y maalat pa rin.
    Ang suka’y mananatiling malabo.
    Ang ketchup ay mapulang tila dugo.

The poem “Sikret Resipi” is based on the experience of factory workers in NutriAsia who went on strike, which can be read in the article ‘The Reason NutriAsia Workers Are on Strike,’ published by Rappler on June 7, 2018. https://www.rappler.com/philippines/205166-reason-nutriasia-workers-on-strike/

Tawi-Tawi, Sa Pagitan ng Dasal at Dagat

Noel Galon de Leon

Parang kasagutan sa matagal nang panalangin
ang kapayapaang ito,
isang kalmadong dumantay sa balikat ng hangin
habang nakikinig ako sa himig ng mga badjao,
sa tawa ng mga sama dilaut na parang alon
na marunong bumalik kahit ilang ulit silang mawala.

Sa di-kalayuan, marahang gumagalaw ang mga tausog
bitbit ang araw sa kanilang mga palad.
Dito, natutuhan kong may sariling ritmo
ang katahimikan,
isang wikang hindi kailangang isalin
dahil naririnig ng kasingkasing bago pa man ng tainga.

Kanina, pagkagising ko,
bumungad ang umagang makulimlim,
tila lambong ng Diyos sa mukha ng lupa.
Sa harap ko
isang bukid na matikas,
puno ng mga sugilanon,
mga sugilanon na dapat nating paniwalaan
kahit hindi natin lubos nauunawaan.

At sa pagitan ng paghinga at paglimot
may pumipintig
ang tiyak na pagdating ng liwanag,
ang sagot sa lahat ng tanong
na matagal ko nang iniwan sa dagat.

Oratio Imperata para sa mga Nasalanta ng Baha

Jenno Roquero

Sa ngalan ng baha,
kurakot, at flood control projects
Hustisya’y ipagkaloob
Sa amin.

Aba, Ginoong Discaya
Napupuno ka ng disgrasya
Bilyon-bilyon ay sumasaiyo
Bukod kang pinagpalà sa buwayang lahat
At pinagpala naman
ang mga politiko at opisyal mong kasabwat.

Santa Cezarah, putang inang walang awa
Malunod sana kayong makasalanan
Ngayon at magpakailanman.

Litanya sa mga Santo,
ang tugon,
I invoke my rights against self-incrimination.

St. Gerard Construction General Contractor and Development Corp...
St. Timothy Construction Corp...
St. Matthew General Contractor and Development Corp…
Alpha and Omega, Wawao Builders, Syms Construction…
Elite, Amethyst, Great Pacific…
Way Maker at YPR…

Manalangin tayo,

Aba, Pilipinong dukha
Nalulubog ka sa utang
Bukod kang pinagpapála
Buwis mo ang kanilang hanapbuhay
Habang ikaw ay nagbubuwis-buhay

Hindi ka Santa, huwag kang maawa
Sapagkat di nalulunod ang buwaya sa baha
Hanggang kailan
Lulusungin, lalanguyin
Ang kalsadang biglang naging lawa?
Sa Taft, Sa Sucat, Sa Espanya
Sa Bulacan, Cavite, at marami pang probinsiya
Habang ang Poon mong sinasamba
Ay nagpapakasasa

Sa loob ng Rolls Royce, Mercedes, at Bentley na magara
At mahimbing ang tulog
Sa penthouse ng Shangri-La.

Litanya ng Walang Sinasantong Hustisya:
Ang tugon,
Bahain ang Luneta,
Mendiola, EDSA
at sa iba’t ibang panig ng bansa:

Ang Tao, Ang Bayan,
Ngayon ay Lumalaban!

Serbisyo sa Tao,
H’wag Gawing Negosyo!

D-P-W-H,
Korap, Korap, Korap!

Korap na Kongresista,
Ikulong! Ikulong!

Korap na Senador,
Ikulong! Ikulong!

Marcos-Duterte Walang Pinag-iba
Parehong Tuta, Diktador, Pasista!

Luwalhati sa mga mulat,
para sa iyong kapwa't mga anak,
Pati na rin sa mga espiritung di makatawid
Kapara noong una,
ngayon,
at magpakailanman.
Amen.

Tungkulin ng gabing palaganapin ang dilim

Maria Katrina Bacani Florencio

Hindi manghihingi ang gabi ng tawad 
Sa mga nadadapa o mangangapa. 
Hindi ito magbabawas ng oras 
Para tupdin ang panalangin para sa liwanag.
Mananatiling madilim, 
habang may banayad.

Hindi nga lang nakapagsulat noon
Tungkol sa kadiliman
Dahil may hiya 
Mula sa pagtanggap ng kapahamakan. 
Kaya’t natutong maglista ng mga pagkakataon
Kung kailan nailigtas ako ng pangamba:

Una, litrato ng lumobong panganay na anak 
Mula sa sampung araw ng pagkakaswero.
Ikalawa, bunso na nakahawak ang linggit na kamay 
Sa plastik na kuna at naninilaw pa ang mga mata.
Ikatlo, ang litratong hindi alam na kinuha
Sa mataong lugar, habang mag-isa’t sinasarado ang librong natapos na.
Ikaapat, ang alaala ng bigat ng nakapatong katawan 
Lapat mula ulo hanggang talampakan upang pumaloob ang pananaklolo.
Ikalima’t, panghuli 
Ang ginhawa ng malamig na tubig sa duguang labi.

Ngayon, kung babasagin at dadakutin ang sumasalaming liwanag ng gabi
Sa mga mata kong naghahanap ng handa nang mga sagot
Ang pagkapanatag ng dilim sa kapahamakan 
Ay hindi magdaramot. 

Dahil kahit tungkulin ng gabi na palaganapin ang kadiliman 
Handa ang listahan kong litisin 
Ang mga nangangapa-ngapa at nagdadapa-dapaan 
Lahat ay mananagot sa mga napapahamak.

Leave a comment

Tungkol sa Luntian Journal

Tuloy po kayo sa Luntian Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (inilalathala ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino/PSLLF).

Basahin ang latest na isyu.

Latest posts