
Gantimpala
Joseph Ryann J. Jalagat
Mabilis lumipas ang panahon. Inhinyero na si Leni, pero kasabay nito ang listahan ng kahilingan ng mga magulang: washing machine, aircon, sabong, kotse, ice cream, bakasyon, masahe—tila wala nang katapusan.
Isang umaga, galit na galit ang ina. “Leni, gumising ka riyan! Mas mahalaga ang trabaho mo!”
Ngunit walang sumagot.
Pinilit buksan ng mag-asawa ang pinto ng kuwarto. Sumambulat sa kanila ang katawan ni Leni. Nakahiga. At kapansin-pansing nagbago ang anyo. Nawala ang mukha. Nawala ang pusod, dibdib, mga daliri, buhok, at miski ang ari. Napalitan ang mga bahagi ni Leni ng mga salitang pumaimbabaw na nakaimprenta sa kaniyang balat. “Aircon, house and lot, pera…” Mga hiling nila kay Leni ang nakasulat!
Hindi alam ng mag-asawa ang gagawin. Di nila mawari kung buhay o patay ang anak. Walang kasing kibo ang katawan nito.
Hanggang sa dumating ang katapusan, bayaran na ng kuryente. Tahimik na nakadungaw ang mag-asawa sa kuwarto ni Leni, parehas hindi alam ang gagawin. Ayaw nilang maputulan ng kuryente. Nakakahiya sa mga kapit-bahay.
Kinahapunan, naisipan ng ina ang perang nakasulat sa bibig ni Leni. Sinubukan niya itong burahin, pero walang nangyari. Nagkataong dumaan ang ama ni Leni mula sa sabong, bitbit ang namatay na talisaying derby. Kinuha ng ina ang tari sa paanan ng talisayin. Binakas niya ang bawat titik ng salita. Dumaloy ang naglalawang dugo, ngunit patuloy lamang ang ina. Nang matapos ang letrang ‘a’, biglang nanumbalik ang bibig ni Leni. Parang isang kaha ng pera, lumabas ang napakaraming salapi sa ngayo’y wasak na bibig niya. Tuwang-tuwa ang mag-asawa.
“Hulog ka talaga ng langit, Leni!” bulyaw ng mag-asawa.
Simula noon, tuwing may kailangan sila, hindi na nila tinatawag si Leni. Gamit ang tari, inuukit nila ang bawat hiling—hanggang wala nang natira kundi ang duguang katawan na lamang ng anak.

Huling Tren sa Cubao
Justin Benedict Lim
“Sakay na po, huling biyahe papuntang Cubao!”
Paulit-ulit bumungad sa tenga ni Salome ang tahol ng konduktor na tumagos sa dagat ng pasaherong sasakay ng tren mula Recto. Madali niyang nilampasan ang mga pasaherong paakyat pa lamang sa hagdan na halos okyupado sa kanilang mga selpon upang makibalita sa hagupit ng paparating na bagyo. Hindi naman ganito noon, ika niya sa sarili. Ano ang nangyayari sa Maynila? Tuluyan na ba tayong lulubog sa Look ng Maynila? Kitang-kita ang marka ng pawis sa kanyang asul na kamisa. Parang tintang itim na mas mabilis pang kumalat sa pekeng balita. Halos hingalin si Salome nang abutin ang makina ng LRT tiket sa ikatlong palapag ng Recto. Dalawang sampung piso at isang limang pisong barya lamang ang nakabalot sa kanyang kamay na puno ng kalyo.
“Magkasya kaya ito?” Tanong ni Salome sa sarili. Sa halip ng echo ng konduktor na sumabay sa sutsut ng ilang lalaki sa likod ni Salome—kanta ni Jose Mari Chan ngunit wala sa tono— at mabilisang paglakad ng mga tao na parang kamay ng relo, malinaw ang pandinig ni Salome sa kanyang boses. Nang umabot si Salome, naka-ekis ang makina sa taranta at lito ng pasahero. Lumipat ito sa bintana ng kahera na tilang mas mahaba pa ang pila sa Ilog Pasig. Unti-unti nang nararamdaman ng inip na Salome ang pulso ng kanyang puso. Tinatapik nito ang kanyang paa habang ang pasahero sa likod niya’y nagmumuni-muni sa gusali ng Isetann.
“Aabot kaya ako?” Ani ni Salome ang mga humihiging tanong imbis na pakalmahin ang sarili. Hindi rin ito makahinga sapagkat anghit lamang ang kanyang matatamo sa palapag. Matapos ang ilang minuto, nakasakay na si Salome sa tren. Dahan-dahang lumapit ang gwardya. Babae ito, ngunit walang dalang mumurahing salamin at ngiti ng pakikitungo. Tiningnan niya si Salome mula ulo hanggang paa.
“Sir, PWD po kayo?”
“Opo,” ika ni Salome at nilabas ang kanyang card.
Lumaki ang ilong ng babae habang binabasa ito, sabay ng pagkunot ng noo na parang nanay na nakitang bagsak ang pagsusulit ng anak. “Sir, peke ata ito. Lumipat na lang po kayo sa kabilang seksyon. PWD lamang ang puwede rito.”
Nautal si Salome. Hindi alam kung paanong papatunayan na epileptic ito. “Epileptic ako,” bulong niya sa sarili nang makita ang koleksyon ng masasamang tingin mula sa matatandang pasahero. Nang bumaba si Salome at hindi na nakasiksik sa kabilang seksyon na tila sardinas ang pasahero. Matapos ang isang oras, nakarating na ito sa Cubao—ang sentro ng Maynila. Pumara ng rumaragasang traysikel at tumungo sa Medical City upang hagilapin ang kanyang asawa na si Esperanza. Ngunit natagpuan niyang nakadapa ito sa upuan, burado ang ngiting nasa ala-ala lamang ni Salome noong sila’y unang nagkita.
“Nasaan ka, Salome?” Iyak na lamang ni Esperanza ang bumungad sa tenga ni Salome sa gitna ng nakakabinging katahimikan, hindi ang tunog ng sanggol.

Nakauwi na si Tatay
Nerlissa F. Albia
Sa bawat pagkabig ng manibela, pagtapak ng preno, at pagpihit ng kambiyo sinisimulan ni Tatay ang kaniyang trabaho. Mahabang lakbayin sa araw-araw ang kaniyang tinatahak upang ang mga nangangailangan ng kaniyang serbisyo ay mahusay na mapaglingkuran. Nalibot na niya ang halos buong Metro Manila lalo na sa bahagi ng CaMaNaVa gayundin ang ilang bahagi ng Bulacan kung saan kami kasalukuyang naninirahan. Hindi lang sa pagmamaneho natatapos ang kaniyang trabaho. Kapag nakarating na siya at ang kaniyang kasamahan sa kanilang seserbisyuhan ay bubuhatin niya ang mga kagamitang kinakailangan upang simulan ang pagkukumpuni o paglilinis ng airconditioning unit. Aakyatin niya ang matataas na bahagi ng bahay o gusali kung saan ito nakakabit upang baklasin nang matiyak na magiging maayos at malinis ito bago muling gamitin. Sa trabahong ito umikot ang halos apatnapung (40) taon ng kaniyang buhay. Ngunit hindi pa natatapos diyan ang lahat. Sa personal na mga lakad ng kaniyang mga amo tulad ng lakad pampamilya siya rin ang nagmamaneho. Minsan na rin na nalagay sa kapahamakan ang buhay ni Tatay. Habang siya ay nasa trabaho, natatandaan ko pa noong gabi na umuwi siya, lapnos ang magkabilang palad niya bakas ang pagkakuryente nito dahil sa inaayos niyang electrical box sa kanilang opisina. Mabuti na nga lang at nasagip siya ng kaniyang amo ayon sa kaniya. Elementarya pa lamang ako noon nang mangyari ito ngunit hanggang ngayon ay sariwa pa sa akin ang lahat.
Noong 2017 at 2019, umuwi kami sa probinsya ni Tatay kung saan siya lumaki bago pa man makipagsapalaran sa Metro Manila. Halos isang linggo rin kaming namalagi rito sa parehong taon dahil summer vacation ko naman sa trabaho at si Tatay ay nagpaalam muna sa kaniyang amo. Alam ko na sa aming lahat, si Tatay ang pinakamasaya sa aming pag-uwi dahil muli niyang nakapiling ang kaniyang mga kapatid at nadalaw ang puntod ng kaniyang ina. Ang tagal na rin kasi ng huli niyang pag-uwi at sa tuwing uuwi pa siya ay dahil sa may pumanaw na miyembro ng kanilang pamilya.
Noong nakaraang taon, sumapit ang ika-60 taong kaarawan niya. Bilang regalo ay binilhan ko siya ng smartphone dahil luma na rin kasi ang gamit niyang de-keypad at madalas ay nagkakaproblema na ito sa mga pindutan. Bakas sa kaniyang mukha ang kasiyahan at kagustuhang matuto sa paggamit nito kaya naman ay nagpaturo siya sa aking nanay. Noong natuto na siya ay ginawan ko siya ng sarili niyang Facebook account at palagi na siyang nakikipag-video call sa mga kapatid at kaibigan niyang nasa probinsya. Lagi niyang bukambibig na uuwi siya sa pista ng kanilang bayan sa Camarines Sur sa Pebrero 2025. Marahil ganoon na lamang talaga ang kagustuhan niyang makauwing muli.
Habang nasa probinsya, walang humpay ang pagkain niya ng buko at pag-inom ng sabaw nito. Nilalantakan din niya ang Pili nuts na paborito niyang kainin pagkabalat pa lamang nito. Iba raw kasi ang linamnam nito kaysa sa niluto sa asukal at ginawang kendi. Abot-tainga ang kaniyang ngiti sa pagtaga ng mga buwig ng saging na saba na ipaluluto niyang sinapot (saging na binalot ng harina at prinito). Sa pamilihang bayan ng Iriga City, masaya siyang namimili ng matamis na longganisang paborito namin, mga pinatuyong laman-dagat tulad ng sapsap at dilis, pinatuyong dahon ng laing na sa pagluluto’y sasahugan ng prinitong liyempo, at malalaking tulingan na lalahukan ng gata.
Pagsapit ng hapon, tutungo siya sa ilog at magtatampisaw roon. Habang lumalangoy, tila ba muling nanunumbalik ang mga oras ng kaniyang kabataan kung saan silang magkakapatid at magkakaibigan ay nagpapaligsahang sumisid. Kasabay nito ay ang pagkuha ng tulyang iuulam para sa hapunan.
Hindi na itim na usok mula sa mga sasakyan ang sa umaga’y malalanghap niya. Malamig na simoy ng hangin na ang mananamnam niya. Hindi na modernong mga sasakyan ang imamaneho niya sa halip ay kalabaw nang may hilang karitela lulan ang mga pinitas na buko na paborito niya.
Nakikita ko sa aking gunita ang kaniyang mga ngiti. Nararamdaman kong wala na ang pagdurusang tiniis. Magaan na ang kaniyang pakiramdam, wala na ang sakit ng nakaraan. Mahimbing na rin ang kaniyang tulog. Wala nang mga suliraning babagabag sa maghapon.
Sa kaniyang pag-uwi, bitbit ang mga alaala ng kahapon, ika-16 ng Pebrero 2025 sakto sa ika-40 na araw ng kaniyang paglisan.

Si Samra sa Panahon ng Tagtuyot
Mubarak M. Tahir
Tirik na tirik ang araw sa bayan ng Maganoy na isa sa mga baryo sa Maguindanao. Umaalon ang paligid dahil sa matinding init ng panahon. Tinakasan na rin nang pag-ihip ng hangin ang buong paligid at napalitan ng makapal na alikabok. Pinagkaitan ng ni isang anino ng tao ang lahat ng daan maging ng abalang padiyan o palengke noon. Walang nais na maglakas loob na lumabas. Sa labas ng isang bahay ay malayang kinakapitan ng alikabok ang mga hibla ng ginupit na puting tela: may nakatali sa bintana, sa pader, sa hagdan, at maging ng sa puno ng mangga na nasa bakuran nito. Nakatiwangwang ang ilang lumang galon at timba sa harap ng isang ngumangawang balon. Sandali pa ay may isang babae na nakasuot ng mahabang damit at hijab. Tinungo niya ang balon at sinilip. Kinuha niya ang mahabang pananlok na plastik at ibinagsak ito sa bunganga ng balon. Mabilis niya itong iniangat ngunit bumulaga sa kanya ang putik na nakudkod ng plastik. Kumawala ang imahen ng pag-asa mula sa kanyang mukha. Binitawan niya ang pananlok. Gumulong ang ilang galon na malayang nasasagi ng kanyang mga paa sa pagmamadali niyang bumalik sa loob ng bahay.
Katatapos lamang ni Samra na magsagawa ng salatul duh’r⎯isang pagdarasal sa tanghali. Tinungo niya ang kusina. Isa-isa niyang kinapa at niyugyog ang nakahilerang mga galon sa ilalim ng lababo: walang ni isang galon na nagparamdam ng bahid ng patak ng tubig. Naalala niya ang natirang tubig sa timba. Marahan niya itong binuksan. Bumungad sa kanya ang tabo sa loob na halos sumadsad na sa ilalim ng timba. Naaaninag na rin ang mga nanahimik na buhangin sa ilalim nito. Kinuha at inilapag niya ang tabo. Iniangat naman niya ang timba at maingat na ibinuhos sa tabo ang natirang tubig. Siniguro niyang walang matatapon. Ang bawat patak ng tubig sa oras na iyon ay higit pa sa isang buong araw na pag-ulan. Napanatag siya kahit hindi napuno ang tabo nang maibuhos niya ang tubig mula sa timba. Pinagmasdan niya ang tubig. Nakita niya ang kanyang imahen na tumagataktak ang pawis na halos mabasa na ang kanyang suot na hijab dahil sa matinding init ng panahon. Dahan-dahan niyang iniangat ang tabong may tubig. Kasabay nang kanyang paghinga ay siya ring paghakbang ng kanyang mga paa patungo sa isang silid kung saan si Jehan.
Jehan, nandito na ang ate. Pasensya ka na at ito lang ang tubig na mayroon tayo. Mauunawaan naman tayo ng Allah, di ba? sabi pa ni Samra habang inilalapag ang tabo sa tabi ng kanyang kapatid.
Pitong taong gulang na batang lalaki si Jehan. Maaga silang nawalay ng kanyang kapatid na si Samra sa mga magulang nila na parehong nasawi sa isang bakbakan. Nagkataon noon na nasa palayan sila nang magkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga armadong kalalakihan at mga sundalo ng pamahalaan na SAF na dahilan ng kanilang kasawian. Simula noon ay sila na lamang ni Samra ang magkasama sa buhay.
Buwan ng Abril nang simulang dalawin nang matinding tagtuyot ang bayan ng Maganoy. Ang mga ilog ng Pulangi ay mabilis na bumaba ang tubig nito maging ng mga kalapit na mga ilog sa bayan sanhi nang mabilis na pagkatuyo ng mga sakahan. Ang dating dinadaluyan ng tubig sa gitna ng mga pilapipil ay napalitan ng putik na nagsisimula na ring matuyo. Nagmistulang yungib ang mga balon ng bawat kabahayan. Ilan sa mga bata ay nagsisimula na ring magkasakit dulot nang matinding pagtatae at dehydration. Isa lamang ang panalangin ng mga mamamayan sa bayan: ang umulan kahit panandalian lamang nang magkalaman ang mga balon.
Nakalatag ang isang malinis na tuwalya, malong, nakatupi na puting tela sa sahig, at isang maliit na botelya ng pabango na paborito ni Jehan. Hinawi ni Samra ang malong na suot ng kanyang kapatid. Kinuha niya ang tuwalya at marahan na inilublob sa tabo na may tubig at piniga niya ito.
Kung nakapag-imbak lamang tayo ng tubig mas mapapaliguan kita nang maayos. Hindi lang pagpunas ang gagawin ko sa’yo, malambing pang sabi ni Samra habang maingat niyang iniaangat ang kanang braso ng kapatid na si Jehan.
Tiningnan ni Samra ang lumang orasan na nakasabit sa pader: tatlong oras na lamang ay magdadalawampu’t apat na oras na ang nakalilipas mula nang bawian ng buhay ang kanyang kapatid na si Jehan. Hindi ito dapat maabutan ng isang araw dahil higit itong ipinagbabawal sa kanilang pananampalatayang Islam. Huli niyang pinunasan ang mukha ng kapatid na tila mahimbing lamang na natutulog habang may namumutawing ngiti sa kanyang maninipis na labi. Nang masiguro na malinis na ang buong katawan ni Jehan ay kinuha niya ang puting tela. Bago pa man niya ito balutin ay mahigpit niya itong niyakap. Wala nang tumatakas na mga luha sa kanyang mga mata. Natuyo na rin ito gaya nang pagkatuyo ng kanilang bayan. Wala na ring kumakawalang tinig sa kanyang bibig maliban na lamang sa hangin na bumubuhay sa kanya sa mga oras na iyon. Pinatakan niya ng pabango ang puting tela na nakabalot sa katawan ni Jehan. Pagkatapos ay marahan niyang itinali ang magkabilang dulo ng puting tela sa bandang ulo at paa ng kanyang kapatid. Huminga nang malalim si Samra habang nakayakap sa panaan ng kanyang kapatid. Nabalot ng katahimikan ang buong silid.
Bago pa man lumubog ang sikat ng araw ay dumating ang ilang kapitbahay ni Samra upang tumulong sa paglilibing sa kanyang kapatid. May sumama na rin na ibang kalalakihan na siyang magbubuhat at maghahatid sa hantungan kay Jehan. Gustuhin man ni Samra na sumama sa paghahatid sa kanyang kapatid ay hindi maaari iyon lalo’t labag ito sa kanilang paniniwala. Hindi pinapahintulutan na makilibing ang babae lalo’t nasa kalagayan siya ng pagdadalamhati.
Patawad Jehan, hindi kita maihahatid pero naiintindihan mo na man ‘yon di ba? pagaralgal na sabi ni Samra habang nakalapat ang mga kamay niya sa kamay ni Jehan. Magkikita pa rin naman tayo. Makikipaglaro si ate sa’yo, Allahumma Ameen. Saka kahit wala ka pang kasalanan dahil bata ka pa, ipapanalangin pa rin kita araw-araw.
Nang dumating ang kalalakihan na maghahatid kay Jehan ay nag-alay muna sila ng isang pagdarasal para sa isang namayapa na salatul janazah. Pagkatapos nilang magdasal ay inayos na nila ang pagkakalatag ng malong na may kawayan sa loob nito na paglalagyan sa katawan ni Jehan. Nang masiguro nilang maayos at matibay ang pagkakalagay ng malong ay inilipat na nila ang katawan ni Jehan dito at maayos na pinahiga.
Aalis na kami Samra, sabi pa ni Bapa Dima, isa sa mga lalaki na dumalaw at nagboluntaryong maglibing kay Jehan.
Naiwan si Samra sa silid habang mahigpit na yakap-yakap ang huling damit na isinuot ng kanyang kapatid. Paulit-ulit niya itong hinahagkan. Saglit pa ay tumayo siya upang dumungaw sa bintana at sulyapan ang paghahatid sa kanyang kapatid. Hindi siya umiyak. Hindi rin siya sumigaw at mas lalong hindi nanumbat. Nabuwal lamang siya sa kanyang pagkakatayo nang wala ng mga imahen ng mga lalaki. Wala ng pagyabag ng mga paa sa daan. Tila tinakasan ng buhay ang paligid. Doon lamang niya napagtanto ang kahulugan ng pagdadalamhati at pangungulila.
Naiwang tahimik ang buong bahay na tila ilang taon nang inabandona sa mga oras na iyon. Tuluyang isinara ni Samra ang bintana, isang pagtanggap sa katotohanan na dahil babae siya, hindi siya maaaring sumama sa huling hantungan ng kanyang kapatid bilang pagtalima sa kautusan ng nasa itaas⎯isang ganap na paniniwala at pagsamba sa Kanya. Matagal na niya itong napaghandaan ngunit hindi ng pagdadalamhati sa mga oras na iyon. Maaaring hindi ito malinaw at mauunawaan ng iba, subalit tanging si Samra at ang nasa itaas ang tunay na nakauunawa sa lahat.
Bago pa man lamunin ng dilim ang paligid ay biglang bumagsak ang malakas na ulan sa buong bayan ng Maganoy. Buong gabi rin nadiligan ang tigang na kalupaan sa bayan. Malayang pumatak at dumaloy sa mga bunganga ng mga balon ang tubig sa kabahayan. Nagsimula na ring umangat ang tubig ng Pulangi sanhi nang pagdaloy nito sa tigang na kalupaan ng sakahan.
Kinaumagahan ay tila pinaliguan ang buong paligid. Dahan-dahang nabuhay ang mga nalantang mga halaman habang ang malawak na sakahan ay tila inilatag na karagatan dahil sa tubig. May ilang natatanaw na rin na mga kalabaw na nagtatampisaw. Nagsimula na ring magsiliparan ang mga ibon sa kaparangan. Masaya na rin na nagsilabasan ang mga tao sa kani-kanilang bahay.
Assalamu alaykum! Samra? panawagan ng isang babae sa harap ng bahay ni Samra. Samra, kumusta ka na diyan? Samahan mo ako mamalengke, dugtong pa niya ngunit wala siyang natanggap na tugon.
Ay! Wala na si Samra diyan. Bago pa man bumagsak ang ulan kagabi ay may nakakita sa kanya na umalis. Ang sabi-sabi ay lilisanin na niya ang bayan na ito, kuwento pa ng isang matandang babae na dumaan.
Maaaring muling nabuhay at bumalik sa masigla ang bayan na kinagisnan ni Samra ngunit hindi ng kanyang mga karanasan dito. Ang kanyang pagdadalamhati at pangungulila ay higit pa sa pagkatuyo ng lupa ng kanilang bayan noon na hindi basta-basta magagamot lamang ng buong gabing pag-ulan. Gaya ng kanyang paniniwala, tanging nasa itaas lamang ang nakakaalam at nakauunawa.

Jak En Poy
Mark Jhonsen M. Bognot
Naninigas ang mga daliri ko sa kanan na parang may malamig na kamay na mahigpit na humahawak dito mula sa ilalim ng balat.
Hindi ko mawari kung dahil lang ba ito sa pagod ko kanina sa trabaho? Dahil ba sa puyat na naman ako at walang tulog dahil diretso ang pasok sa eskwelahan at shift? Isa na ba ‘to sa mga sintomas na bumibigay ang aking katawan sa pagod?
Kailangan ko nang magpahinga, kailangan ko nang matulog, kailangan ko nang umuwi.
Teka, anong oras na ba?
Dahan-dahan kong hinugot ang cellphone ko sa bulsa na parang may malamig na kamay na nakahawak ang kumokontrol sa pulso ko.
1:32 AM.
Shit! Anong oras na pala? Madaling araw na kasi nang matapos na naman ako mag turn- over sa trabaho. Palagi na lang akong kamote sa mga gawain. No choice ako, anong oras na, kailangan kong mag Drive It.
Ting!
Driver has arrived.
Itong Drive It. Itong application ang nagsasagip sa akin sa tuwing madaling-araw na ako umuuwi. Malayo kasi ang bahay ko at hirap na makahanap ng masasakyan, lalo na’t delikado na rin dahil gabi na. Kahit mahal, napipilitan akong gumamit ng motor app para lang makauwi nang mabilis at ligtas.
“Chief, out na po ako,” sabi ko matapos kong magsulat ng time-out sa kaniyang record
book.
“Mag DaDrive it ka na naman?” tanong sa aking ng guard namin.
“Opo, Chief eh, no choice talaga ako kasi wala na talaga akong masasakyan eh,” sagot ko. “Oh, sige, mag-ingat ka. Mukhang papatak na ‘yung malakas na ulan oh,” sabi ng guard
habang chine-check niya ang aking bag.
Napatingin naman ako sa kalangitan sa labas. Oo, madilim ang kalingitan dahil patay na ang araw. Pero makikita mo ang makakapal na itim na ulap na tila sumisigaw at umiiyak sa tuwing kumukulog at kumikidlat.
“Sige, Chief. Kita-kits ulit bukas,” sabi ko paglabas ng pinto.
“Sige, palagi lang naman tayong nandito,” malamig ang boses ng guard sa seryoso niyang
mukha. Biglang nagbago ang atmospera ng itsura niya—parang namutla. Nagmukha siyang patay.
“Ah, uhm, sige po, hehe.” Alis ko.
Nasa ilalim ako ngayon ng isang poste ng Meralco, ito na lang kasi ang nag-iisang street light na nakabukas ngayon sa tabi ng kalsada. Hinihintay ko ang driver sa aking application. Bakit ganoon, nakalagay naman dito sa selpon ko na dumating na siya. Bakit wala naman akong makita sa paligid ko na motor. Ni wala nga halos ang narito sa kalsada. Madilim at tahimik. Wala ng mga taong naglalakad at mga sasakyan. Malamig na hangin lamang ng paligid ang umiihip sa likod ng aking tainga, na nagsasabing paparating na ang ulan.
Poyoru Sanchez.
Iyon ang nakasulat na pangalan niya sa Drive It app. Wala siyang picture na naroon.
Motor number 363TPA. Yamaha Mio.
Napangiti ako nang mabasa ko ang pangalan niya. Sinong magulang ang magpapangalan ng ganito sa kaniyang anak? Poyoru, poyoru, parang pamilyar.
Nang bigla akong nagulat nang may isang motor ang huminto sa harap ko. “Ms. Jacklyn Maquiling, ma’am?” tanong nito sa akin habang tinitingnan ang nakakabit na selpon sa kaniyang motor.
“Opo.”
“Shower cap po ba, ma’am?” “Ah, opo, kuya.”
“Eh, kapote, ma’am? Baka po kasi biglang bumagsak ‘yung ulan habang nasa byahe pa po tayo. Medyo malayo-layo pa po ‘yung pin na pupuntahan natin kasi…” Hindi ko masyadong maintindihan ang kaniyang sinabi dahil nakahelmet pa siya at naka-facemask. Kaya tumango na lang ako.
Binigyan niya ako ng kapote at tinulungan sa pagsuot. Medyo may-amoy na parang kulob na hindi mo maipaliwanag ang halimuyak ng plastic na kapoteng ito. Inabot niya sa akin ang helmet at agaran ko naman itong sinuot.
“Okay na po kayo, ma’am?” tanong niya sa akin pagkasampa ko sa kaniyang motor. “Okay na po ako, sir.”
Nagsimula na kaming umandar.
Masyadong talagang tahimik ang paligid. Itong-ito ang palagi kong nakikita sa oras na umuuwi ako ng madaling-araw. Parehas na paligid, parehas na senaryo na para bang umiikot lang ako sa limbo na mundo.
“Ma’am, ano po ‘yan, galing po kayo trabaho?” pagsimulang tanong ng driver sa akin.
“Ah, opo, nakakapagod,” sagot ko habang nakahawak ako nang mahigpit sa motor. Medyo
mabilis kasi ang kaniyang pagtakbo.
“Grabe, madaling-araw out ninyo, ma’am. Saan po ba kayo nagtatrabaho?” “Sa ano po…”
“Saan ma’am?”
“Sa…” Hindi ko alam kung bakit hindi ko masabi kung saan ako nagtatrabaho. Teka, saan nga ba ako nagtatrabaho? Parang bigla na lang nawala sa isipan ko na para bang nagkaroon ako ng amnesia? Ay baka sa pagod lang ‘to.
“Saan ma’am?” tanong muli ng driver.
Hindi ko na lang siya sinagot at tinanong ng, “kayo po ba, Kuya. Aside sa Drive It, may iba pa po ba kayong trabaho?”
“Ay wala na po, ma’am. Eto lang po pinagkakakitaan ko po. Medyo malaki-laki na rin
kase ‘yung nakukuha ko rito.”
May mga sunod pa siyang kinukwento sa akin kaso hindi ko na masyadong maintindihan dahil nga sa naka facemask siya at nasa harap. Kahit ipihit ko nang kaunti ang aking tainga ay hindi ko pa rin talaga maintindihan ang kaniyang sinasabi. “Opo” na lang ako nang “opo, hehe, na para bang sumasang-ayon ako sa lahat ng sinasabi niya.
Nagkaroon na ng ilang minutong katahimikan. Tila nahinto na siya sa pagkukuwento niya. Hindi ko na alam kung susundan ko pa ang pag-uusap naming dalawa. Napatingin ako sa kalangitan. Kumukulog at nakikita mo na ang gumuguhit na kidlat dito.
Masyado talagang tahimik ang kalsada. Nasa lugar na kami na kung saan ang mga kabahayan ay wala ng mga kaluluwa. Patay na ang mga ilaw at mga asong tulog na lamang sa bangketa ang iyong makikita. Sa harap naman ay ang malabong paligid. Kita ko sa dilaw na ilaw ng motor sa harap ang maliliit na karayom na ambong unti-unting bumabagsak.
Anong oras kaya ako makakauwi nito? Baka pag-uwi ko ay baka bumagsak agad ako sa kama. Inisip ko kung may mga assignment pa ba akong gagawin sa bahay, teka, may pasok ba ako bukas? Wait lang, nag-aaral pa ba ako? Biglang tanong sa mga utak ko na para bang bigla ko na lang hindi makilala ang aking sarili. Ang pagkakaalam ko ay nag-aaral pa ako. Kung nag-aaral pa ako, anong year na ako? Anong course ko? Bakit ganon? Hindi ko maalala na parang malabo lang sa aking isipan ang mga bagay-bagay. Parang hindi ko na makilala ang aking sarili.
“Ma’am Jacklyn Maquiling.” Pagtawag sa akin ng Driver. “Po, Kuya?” tanong ko.
“Alam ninyo po ba, may kaibigan ako dati na halos parehas ng name ninyo ma’am,” sabi ng
driver. Hirap ko siyang intindihin.
“Ah, talaga po ba, hehe, marami rin naman pong gumagamit ng name na Jacklyn, hindi naman
po siya kasing unique ng sa inyo,” sabi ko.
Natawa ang driver. “Haha, basta ma’am pati apilyedo mo, parang pamilyar siya na parang
may kakilala akong mga Maquiling na apilyedo. Saan po ba probinsya kayo galing?
“Sa may…”
“Ma’am?”
“Sa…”
Hindi ko alam. Hindi ko alam kung may probinsya ba ako. Bakit hindi ko alam? Sa side ng mama ko? Hindi ko alam. Eh sa papa ko? Hindi ko rin maalala. Teka, ni hindi ko maisip na may mga magulang ako. May mga magulang pa ba ako?
“Ma’am?”
“Uhm… Abra,” iyan na lamang ang aking nasabi kasi ‘yan ‘yung unang sumagi sa isip ko. “Ah, talaga po ba, ma’am? Taga Abra din po ako. Probinsya ko rin po ‘yun,” sabi ng driver
na si Poyoru.
Hindi ko alam kung aarte ba ako na taga roon ba talaga ako o baka iwasan ko na lang ulit ang usapan. Sumasampal na sa mukha ko ang ambon ng ulan.
“Kaso, ayoko na po bumalik don, ma’am,” biglang sabi ng driver.
Tumahimik na lang ako at pinakinggan ang kaniyang kwento.
“Ayoko na po bumalik doon ma’am. May bangungot po kasi ako. Noong bata pa ako roon, ma’am, may kalaro ako. Tapos malakas ulan no’ng naghahabulan kami tapos nag-aasaran kami na kung sinong matalo siyang unggoy. Sa sobrang kulit namin, nahulog kami sa ilog. Ayon, namatay siya,” pagkwento ng driver. “Tapos ma—”
“Ay gago!” bigla niyang sigaw. Ako naman ay napatili nang bigla na lamang kaming huminto sa gitna ng daan. May dalawang bata kasing magkahawak ang kamay ang bigla na lamang sumulpot sa kalsada.
Napalinga ako sa paligid, tiningnan ko kung saan papunta ang mga bata. Bigla na lamang silang nawala ng parang mga bula.
“Gago ‘yung mga batang ‘yon ah, anong oras na, nasa labas pa rin,” sabi ng driver na binubuksan na muli ang makina ng sasakyan. Inanggulo ng driver ang kaniyang side mirror, dahil mukhang nagalaw ito.
Agad naman akong napatingin sa ginawa niya. Teka, wait, bakit parang may kakaiba akong nakita sa mukha ng lalaki? Napatayo na lamang bigla ang aking mga balahibo. Sinubukan ko ulit na silipin ang anggulo ng kaniyang repleksiyon sa salamin.
Putangina!
“Ayos lamang po ba kayo ma’am?” tanong ng driver. Bumibilis na ang kabog ng aking dibdib.
Muli nang umandar ang aming kinasasakyan. Paano ako makakababa at makakaalis dito?
“Ma’am, ba’t parang nanahimik kayo, ma’am?” tanong muli ng lalaki.
Hindi na talaga ako makasagot dahil tila natuyo ang aking laway. Mga pawis na malalamig na namamawis at namumutil sa aking noo. Putangina talaga. Sinong hindi kakabahan at matatakot kung malalaman mong ‘yung driver mo ay walang mga mata?
Hindi ko na pinapakinggan ang kwento ng lalaki. Tangina, wait, sino ba siya? Patay na ba siya? So sumakay ako sa isang multo o kaluluwa? Papatayin niya na ba ako? Kita ko pa rin ang kaniyang repleksyon sa side mirror. Wala talaga siyang mga mata, tangina. Tapos tinanggal niya pa agad ‘yung mask niya. Bumalandra ang kaniyang maugat na mukha na parang lumolobong katawan ng tao na nalunod na lumulutang.
Paano ko ipaparating sa kaniya na hindi ako natatakot? Kapag sinabi ko bang natatakot na ako ay papatayin niya na ba ako agad? Bakit ganito? Sumakay ba ako sa isang ghost rider na nagmumulto? Tangina. Baka patayin ako nito.
Patuloy lang sa pagkwento ang driver na may pangalang Poyoru. “… tapos ayon, ma’am, kailangan ko na siyang ihatid sa kabilang mundo. Ay ma’am, okay lang po ba saglit, CR lang po ako naiihi na po kasi ako eh.”
“Ay sige lang po,” sabi ko nang hindi pinaparamdam ang takot. Kasi pagkakataon ko na ito para tumakas.
Huminto kami sa isang gasoline station. Walang tao ang naroon. Tahimik ang paligid. Parang hindi humihinga ang hangin. Rinig mo ang rumaragasang ilog sa tabi nito. Gubat kasi ang tabi ng gasoline station at may malapit na ilog ang naroon. Ipinarada niya na muna ang motor sa gilid. Agad din akong bumaba at tinanggal ang helmet.
Dumeretso siya sa madilim na cubicle nang hindi humaharap sa akin. Tumatayo na ang mga balahibo ko. Aalis na ba ako? Multo ba talaga nasakyan ko? Nasaang lugar na ba ako? Hindi ako pamilyar sa lugar na ‘to. Sinubukan kong buksan ang aking selpon para gumamit ng Mapa. Pero hindi ko ito mabuksan at wala ng battery. Puta!
Bumuhos na rin ang malakas na ulan. Saan na ako pupunta nito? Sasama pa ba ako? Napatingin ako nang may kilabot sa nakatalikod na rider na suot pa rin ang helmet hanggang ngayon. Umiihi pa rin siya.
Anong gagawin ko? Walang ibang tao ang narito. Walang sasakyan ang dumadaan. Para akong nasa malabo at ibang mundo. Kada tingin ko sa lalaking umiihi ay kilabot ang gumuguhit sa aking gulugod.
Nang bigla akong makaaninag ng dalawang batang nagtatakbuhan sa gitna ng malakas na ulan. Naghahagikhikan na para bang walang tigil sa kasiyahan.
“Bilisan mo, Jak! Napakabagal mo.”
“Basta sinong matalo siyang unggoy ah! Madaya, hintayin mo ‘ko, Poy!”
Bakit ganoon? Parang pamilyar sa akin ang mga boses na iyon. Sinundan ko ito nang may nanginginig na mga tuhod. Nababasa na ako ng ulan. Pero wala na akong pakielam dahil nakasuot naman ako ng kapote.
Napunta kami sa liblib na gubat. Maputik ang sahig at mas lumakas ang ihip ng hangin.
Patuloy ko pa ring sinusundan ang dalawang bata.
“Tara, laro tayo sa ilog,” sabi ng lalaking bata. “Huwag na, delikado kaya,” sabi naman ng babae.
Napatingin ako sa rumaragasang ilog. Kung lalangoy ka rito ay siguradong aagusin at tatangayin ka nito palayo.
Nagsimulang maglaro ang dalawang bata sa ilog. Sa una ay nakokontrol pa nila ang tampisaw sa tubig. Pero dumaan ang ilang mga minuto ay naagos ang dalawang bata nang magkahawak ang kamay.
Napatakip ako ng bunganga at bigla na lamang naluha ang mga mata. Ayokong isipin ang nasa isip ko, ayokong tanawin ang mga nangyari noon. Nang may humawak sa balikat ko. Agad akong napalingon.
Ang driver ng Drive It. Hinubad niya ang helmet niya. Tumambad sa akin ang kaniyang itim na mga mata at mga balat na kulubot na basa ng tubig. “Jak, sumama ka na sa akin.” Naiiyak niyang sabi.
“Hindi.” Iyak ko. “Hindi, h-hindi, anong nangyayari?” “Kailangan mo nang tanggapin,” malungkot na sabi ng driver.
“Tanggapin ang alin?” tanong ko na nanginginig ang buong katawan. “Na patay na tayo.”
“Hindi, hindi pa ako patay, pinatay mo ‘ko! Sinama mo ‘ko sa kabilang buhay ng motor mong ‘yan, tangina mo!”
“Jak, hindi, matagal nang pagala-gala ang kaluluwa mo. Kung ano-ano na iniisip ng kaluluwa mo. Matagal nang paikot-ikot at lumilikha ng senaryo sa paligid. Wala kang trabaho, wala kang buhay, hindi ka tumatanda. Kasi hindi mo pa matanggap na patay ka na,” sabi ng lalaki.
“Putangina mo! Hindi totoo ‘yan,” pag-iyak ko sa pagkagulo sa aking isipan.
Kinuha niya ang kanang kamay ko at pinasok ang kaniyang kulubot at malamig na daliri sa pagitan ng sa akin. Nanigas ang mga daliri ko sa kanang kamay. Walang magawa.
“Kailangan mo nang tanggapin, Jak. Matagal nang naliligaw ang kaluluwa mo, hindi pa ako tumatawid para ihatid kita sa kabilang…”
“Hindi!” i
“’Di ba nangako tayo sa isa’t isa, ikaw at ako. Si Jak at si—” “Tama na!” Iyak ko sabay takbo.
Hindi ko na alam kung saan ako papunta. Nasa masukal na gubat ako na may malakas na hangin at ulan. Naiiyak at bumabalik sa akin ang mga huling sandali na naglalaro kami noong bata pa ako sa tabi ng ilog. Magkahawak ang mga kamay namin ni Poy na tinatangay nang malakas na tubig. Umiiyak na mga batang walang magawa. Nakakainom ng tubig hanggang sa hindi na makahinga. Nalunod na. Patay na. Lumutang na ang aming katawan na magkabigkis pa rin ang aming mga kamay.
Bigla ko nang naalala ang lahat, nangako ang dalawa na hanggang dulo ay magkasama pa rin sila hanggang sa kabilang buhay. Pati ang kanilang mga kaluluwa. Sabay na tatawid sa kabila ang mga kaluluwa na sina Jak at Poy.
WAKAS.

Pinatay mo ako ng Alas Tres
Larry Boy Sabangan
Hunyo 13, 2016. Alas dos y medya ng hapon.
Hot Choco. Gaya nang dati, ito ang inorder ko. Kaunting asukal na pula, katamtamang gatas at hindi aapaw na mainit na tubig sa paborito naming tasang puti na may ibong mayang nakaguhit. Nanunuot ang mabangong amoy nito mula sa aking ilong hanggang buong kalamnan. Pilit na dinadama naman ng kumukuyukot sa lamig kong kamay ang init ng tablea, habang nagpapapansin mula sa labas na tumatagos sa salamin ang hindi maawat na galit ng langit sa malakas nitong pagbuhos. Ang yakap ng makapal kong itim na dyaket ang pansamantalang pumapawi ng aking pangangatog. Tag-ulan kasi kaya hindi na palaisipan sa sinoman ang takbo ng panahon. Malamig.
Matiyaga akong naghihintay na nakaupo sa may sulok sa bandang kanan ng kahera sa paborito naming spot sa loob ng paborito nating “Kapehan Tayo sa Roxas Avenue” na matanda pa sa mga magulang namin ang inilagi. May forever. Sakto ang puwesto ng lugar sa kahabaan ng kalsada. Tabi lang ng isang di-kilalang panaderia habang ang ibang tindaha’y daang metro na ang layo. Napili namin ang lugar na ito dahil sa pagiging makabagong-luma. Antigo kasi ang mga disenyo at palamuti subalit ang mga inihahain ay puro makabago at kakaibang meryenda na gaya na lamang ng malagkit na latik na may leche flan sa ibabaw at ang siling sorbetes na hindi naman maanghang pero matamis.
May bahagyang pagbabago naman akong napansin tulad na lamang ng disenyo ng dingding, ang dating parang tablang kahoy na haligi ay naging parang mga pinatong-patong na bricks na. Nabago na rin ang mga larawang nakasabit. Tinanggal na ang Spoliarium at The Parisian Life na marahil ay inabot ng baha noong bagyong Yolanda. Ang agaw pansin na Mona Lisang nagseselfie at Jose Rizal na naka-headset na ang umangkin ng lahat ng mata.
Sa paggala ng aking paningin sa buong paligid, gumuhit sa aking gunita ang hinihintay kong kapareha. Siguradong matutuwa iyon dahil tatlumpong minuto ang aking iniaga sa takdang oras na alas tres naming pagkikita. Masosorpresa siya.
Hunyo 13, 2013. Alas tres ng hapon. Sinagot niya ako.
Kagyat kong sinariwa muna ang masasaya naming sandali sa lugar na ito bilang paglilibang sa sarili.
Walang mapagsidlan ang aking tuwa sa petsa at oras na iyan. Binuhay niya ang mundo ko. Ang buong buhay ko kung tutuusin. Patapon na nga ako sabi ni Papa. Wala ng babalikan at sira na rin ang kinabukasan pero nang dumating siya, binangon niya ako mula sa aking sariling libingan. Mula sa aking inihandang puntod. Siya ang naniwala sa oras na puro kasinungalingan ang naririnig ko. Siya ang nanatili nang tinalikuran na ako kahit ng aking sarili. Wala ng ibang mundo Kundi siya lang.
Makapal ang hamog noon at nanunuot ang lamig sa buong kasu-kasuan ko. Lumabas ako nang madaling araw. Mga ganap na alas kuwatro ng madaling araw taong 2010. Naglayas ako sa bahay at nag-iwan ng mensahe ng pagpapaalam sa aking mga magulang. Akala ng lahat, ganap na ang aking kalusugan. Walang sakit, walang karamdaman. Subalit hindi nila alam na masahol pa sa nabulag o di kaya’y naputulan ng paa ang aking nararanasan. Sobrang depresyon ang lumamon sa akin sa mga lumipas na buwan. Agahan, tanghalian maging hanggang hapunan ay bangayan nila Mama at Papa ang kinakain ko sa bahay at buhay. Simula ng malugi ang negosyong talyer, ganito na ang naging senaryo. Dagdag pa ang mga nagmamagaling at nagpapakabanal kong mga kaklase at kaibigan kuno. Nanliliit ako nang sobra sa aking sarili at niyakap ko ang pag-iisip na wala talaga akong silbi, walang kakampi, malas at ang may kasalanan ng lahat-lahat.
Parehong panahon, maulan din at may dalang malakas na ihip ng hangin. Buo na ang aking loob na magpatiwakal sa isang tulay na mga ilang metro ang layo mula sa kapehan. Walang masyadong gumagalang mga sasakyan kaya saktong pagkakataon para sa akin. Subalit sa akma kong pagtalon ay isang nag-aalalang boses ang nagpalingon sa akin at tuluyang pumigil sa aking plano. Niyakap niya lang ako at sinabing magkape muna tayo. Napalitan ang labis na kaba ko noon ng dagling ginhawa. Parang eksena nga sa pelikula kung iisipan. Nakakapagtaka.
Hindi ko siya kilala at ganoon din siya sa akin. Hindi nanlaban ang buo kong katawan sa mga sandaling iyon at sa halip, naging animo’y bata akong sumunod sa ina na may bitbit na sorbetes upang patahanin ang namumugtong mata. Itinuro niya sa akin ang mga paraan kung paano makabangon. Nagkuwentuhan kami. Inilapit niya ako sa mga bagay na hilig ko, mga bagay na akala ko’y hindi makapagpapasaya sa akin. Kung paano magtiwala at hindi matakot magsalita.
Sa “Kapehan Tayo sa Roxas Avenue” kami dinala ng tadhana at ng pagkakataon. Sa may Iloilo City. Hindi gaya ng ibang siyudad, nasa dulong bahagi na ito ng matao at masalimuot na siyudad. Hindi maingay. Walang masyadong tao at mapuno pa. Nag-aagaw ang rural at urbanong imahen. Sa mga oras na iyon, labis na pagkailang ang naramdaman ko at gusto kong magpalamon sa lupa. Ngunit nang lumaon ay nag-usap kaming parang matagal na magkakilala. Pschology ang kurso niya at nasa 3rd year na noon. Maganda siya kahit naman ngayon. Maaliwalas ang mukha niya. Mestisa, maliit ang mukha, may nunal sa kaliwang pisngi at hanggang balikat ang itim na buhok. Mas lalong dumagdag sa kaniyang maayang mukha ang singkit na mata at maliit na labi. Ang labis kong ikinatuwa noon ay ang hot choco, sapagkat akala ko noo’y kape ang aming iinumin gaya ng pag-aalok niya sa akin sa tulay pero bawal pala ang kape sa kaniya at nagkataong hindi rin puwede sa akin. Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin namin napag-usapan ang dahilan kung bakit siya nasa tulay ng mga oras na iyon. Ang mahalaga naman sa’ki’y naging kami na pagkatapos ng dalawang taong suyuan kahit pa ma’y may masugid na siyang manliligaw. Dito niya ako sinagot sa paboritong lugar kung saan kami magkikita ngayon.
Agarang naputol ang aking gunita sa mga alaala namin ni Ynah dahil sa biglang paglakas pa ng bugso ng ulan. Dinig ang buhos ng ulan sa yerong bubong ng kapehan at maging sa mga upuang nasa labas. Labis ang tangis ng langit sa mga oras na iyon. Sinilip ko ang oras mula sa teleponong nasa bulsa saka ipinatong sa mesa sa pagbabakasakaling mag-text na malapit na. Dalawang minuto na lang ay alas tres na. Kailanman ay hindi siya nahuli sa anoman naming pagkikita, kaya buo ang loob kong parating na siya.
Walang tahan ang panangis ng langit. Wala ring hinto ang pagsilip ko sa labas, sa mismong loob at sa aking telepono.
Alas tres.
“Totot! Totot!” Agaw pansing tunog mula sa aking binabantayang telepono na animo’y ipinapaalam sa lahat na may nagtext dahil sa lakas nito. Nagtanong si Tita Susie na mama ni Ynah kung nasaan ako, at sinabi ko namang hinihintay ko ang anak nito sa kapehan. Subalit isang sagot muli ang aking natanggap na sinundan ng isa pa at ng isa pa. Natigilan ako. Nanigas ang buo kong katawan. Sa aking kaloob-looba’y damang-dama ko ang tusok ng karayom. Hindi, kutsilyo siguro. Dumaloy ang luha ko sa pisngi ng hindi ko namalayan. Walang lamig o lakas ng ulan ang tumagos sa katawan ko.
Wala na si Ynah. Nagpahinga na. Bagaman malamig ang buong paligid, napalitan ang ginaw ng tagaktak na pawis sa buo kong katawan. Hindi na ko na rin nagalaw ang malamig na hot choco.
“…sa isip na lang kita makakapiling…” bulong ng awiting naririnig mula sa ispiker ng café.
Hunyo 13, 2016. Alas tres ng hapon. Ikatatlong taon sana natin. Parehong lugar, parehong buwan at parehong petsa ng araw at parehong oras.
“Pinatay mo ako.”

Humanities
Jonathan Vergara Geronimo
Binuksan niya ang Zoom. Malabo siya sa screen.
Habang hinihintay ang pagpasok ng mga estudyante sa online, pinupunasan ni Teacher Eli ang may lamat na LCD ng kanyang laptop. Mukhang hindi na talaga mapapalitan, naibulong sa sarili.
Napabuntong-hininga siya. Marahil, sumagi rin sa kanya ang kulang na bente kuwatro oras para matapos ang bulto ng forms na kailangang sinupin.
Napalapit siya sa lente ng kamera. Dahan-dahang luminaw sa kanya ang mga detalye sa naging pakikipag-usap sa principal. Hindi pa rin niya mapaniwala ang sarili na magtuturo ng asignaturang estranghero sa kanya, TLE ang tinapos at itinuturo niya sa nagdaang limang taon. Napapailing pa rin siya kapag naiisip.
“Wala tayong magagawa Eli e, talagang kulang na kulang tayo sa magtuturo. Isa pa Humanities naman iyan, dagdag na pagbabasa lang ang kailangan,” paliwanag ng kanyang principal.
Mangangatwiran sana siya pero bahagyang nasindak.
“Sayang naman, one year to go for your tenure. Alam kong hindi ka naman gaya ng iba dyan na nakakuha lang ng teachers’ license, nagmamalaki’t umaalis na ng Sta. Ines.” limang taon nang paulit-ulit niyang naririnig ang ganitong pangakong tenure.
“Isa pa, kaunting utang na loob din sana sa mga nagpapakain sa ating pamilya di ba? Bread and butter natin ang pagtuturo” nakapusturang animal ang lumitaw sa kanyang harapan, may makapal na salaming singkapal ng pagmumukha nito sa isip-isip nya. Nanliliit siya sa mga naririnig.
Mangangahas siyang banggitin ang una sa maraming pero at pagtutol sa naririnig ngunit napigilan siya. Naalala niya ang patong-patong na bayarin sa bahay.
Napakuyom na lamang siya ng kamao. Nangibabaw ang pagyuyuko ng ulo gaya dati. Hindi niya maaninag ang sarili sa makintab na sahig.
Laging ganito, sa pagmumuni niya. Tumindig siya sa upuan at nakita ang kabuuang sarili sa babasaging sliding door ng opisina.
“Miss, miss, are you teaching Humanities next year?” kuryente ang boses ng isang estudyanteng gumising sa kanyang malay sa screen.
“Walang Humanities!” napangiti muna siya bago napahiyaw sa gigil. Madiin. Hindi tiyak kung gaano kalakas.
Luminaw ang mukha ng mga estudyante sa kanyang screen bago siya magsara ng kamera.
Parang hindi makilala ang sarili sa isang salamin sa malayo.

Trompe L’oeil
John Carlo S. Gloria
Bunga ng tagumpay ng agham at pagsasasalsal-utak ng teorista sa mundo, unti-unting natanggap ng tao ang kaniyang pagiging wala sa sentro ng daigdig. Kinilala nang lubos ng mga nasyon at estado ang karapatan ng sangkahayupan, ang bitalidad ng sangkabagayan, at ang iba’t ibang permutasyon ng pagiging “nilalang.”
Sa Pilipinas, sapagkat may bagong luklok na pangulo, kinakailangan ang pagtukoy sa bagong kamumuhian ng lipunan kaya’t itinambol sa bagong midya ang di-umano’y paglaganap ng bentahan ng lamang-loob ng tao sa mga ilegal na merkado. Mula kampanya hanggang sa mga unang linggo ng panunugkulan, iisa ang babala ng bagong pangulo: “Sumuko’t magbago o malagay sa kalaboso!”
Naging pangunahing puntirya ng rehimen ang mga aswang, kapre, sigbin, at tikbalang. Pinatungan ng presyo ang ulo ng kapwa tagatangkilik at mga nagbebenta ng lamang-loob ng tao sa ilegal na merkado. Tuwing gabi, umaalingasaw ang dugo sa mga kalsada at estero. Umalingawngaw muli ang alulong ng mga aso sa iba’t ibang kanto. Tahimik ang naging takot ng tao. Pagkaumid bilang pagsuporta. Aswang. Kapre. Sigbin. Tikbalang. Lahat ay kalaban na ng lipunan. Ang ilan sa kanila, nagsipagtago sa kanayunan; ang iba’y natutuhang muling gamitin ang kanilang kakayahang “magsabulag.”
Pusang ginulantang ang mga ahensiyang nagtatanggol sa karapatan ng mga tao at iba pang permutasyon ng pagiging “nilalang.” Napuno ng paksil ang kani-kanilang social media. Ang mga teorista’t akademiko, saglit lang na nasamid sa kanilang inumin. Nabuhayan sila nang maisip na magandang paksain ang pangyayari sa kanilang papel na pang-Scopus. Yaong mga nagprotesta sa kalsada, pinaratangan ng rehimen bilang hibang, kasabwat, o terorista. Nagkagirian ng mga ideolohiya, banggaan ng mga idea, lumapot ang mga pagsusuri. Lalong walang nagkaintindihan sa sabay-sabay na pagsasalita at naging malaking sabungan ang buong bayan.
Samantalang hilo ang mamamayan sa kaliwa’t kanang pagpaparatang, sa palasyo—masagana ang mga lamang-loob na nakahanda sa hapag ng pangulo. Dito at tanging dito, sa piling ng mga halimaw at maligno, niya lamang ibinubunyag ang kaniyang buwitreng ulo.

Dangal at Lakas
Ronnel V. Talusan
Huling araw niya ngayon sa trabaho.
Natanggap niya ang memo kamakalawa. Galing sa bagong upong Mayor ng kanilang bayan. Magkakaroon daw ng rigodon ng mga empleyado sa munisipyo. Gayon naman madalas sa kalahatang kalakaran ng mga trabaho sa Pilipinas. Kapag bago ang boss o ang pinuno, tiyak na mababago ang kalakaran. Damay lahat, pati mga empleyado, mulang pinakamataas hanggang sa mga janitor. Walang laban ang lahat, maliban sa ipinagtatanggol ng kanilang mga item at protektado ng Civil Service Commission sa trabaho. Kaya rin hindi na siya nagtataka. Pero hindi iyon. Ang pinakamalinaw na dahilan, hindi siya bumoto sa nanalong Mayor!
Inililigpit niya ang kanyang mga gamit, masinop na inilalagay sa mga kahon. Pangatlong kahon na itong nilalagyan niya. Marami-rami rin pala siyang nabitbit na kung ano-anong abubot sa kanyang trabaho. Kung bakit nga ba hindi niya naisip na anumang oras ay pwede siyang masipa, para sana mas mabilis ang ligpitan at alisan. Hindi gaya ngayon na kumakain ng oras. Pero ang higit na nakahihiya ay iyong pinagtitinginan siya ng kanyang mga kasamahan sa opisina! Kunsabagay, balita niya’y marami-rami ang matatanggal sa munisipyo. Pero dito sa kanilang department ay siya lang!
“Brad, pa’no sa’n ka na?” si Bert, kasamahan niya na naging malapit sa kanya.
“Wala pa e, hahanap pa ‘ko,” matamlay niyang sagot.
Tinapik-tapik siya nito sa balikat. Bago bumalik sa pwesto, bumulong ito. “Two bottles tayo mam’ya. Sagot ko. Do’n na lang sa Narra.”
Tumango siya. Pero alam niya sa sariling ayaw niya. Para bang ipagdiriwang pa ang kanyang pagkatanggal sa trabaho. Pero kunsabagay, naisip niya rin, okey lang. Dikit naman sila ni Bert. Saka baka matagalan na rin bago sila magkita pagkatapos ng araw na ito.
Huli niyang dinampot ang isang folder. Pinasadahan niya pa ang mga laman, bago isinaksak sa bag. Nakita niya ang photocopy ng ilang mahahalagang dokumento: diploma, CV, PDS, board rating, iba pa. Nakaramdam siya ng kung anong kakatwa sa sarili. Hindi na niya hinintay na magtanghalian bago siya magpaalam. Hindi niya matantya ang mga salita at ngiti ng mga naging kaopisina niya.
Ibinaba niya ang mga gamit sa sahig. Matamlay siyang naupo sa kanilang sofa. Saglit na nagmuni-muni saka kumilos upang mag-ayos ng sarili.
“O ba’t narito ka na?” bati ng kanyang ina.
Nagmano siya. “Ngayon na ho ‘yong nabanggit ko sa inyo no’ng nakaraan. Last day ko ho sa trabaho.”
Saglit na napatanga ang kanyang ina. Naiiling itong umupo sa isang bahagi ng sofa. “Kailan kaya matatapos ang ganitong sistema?”
Hindi siya nakaimik. Alam niyang mahirap tugunin iyon. Naalala niya ang tatay niyang kaaway din ng mga gayong balighong kalakaran. At hindi nawawala sa isip niya na may kinalaman iyon sa pinalabas na aksidenteng ikinamatay nito.
“Alam mo ‘yong tatay mo, mataas ang pagpapahalaga no’n sa kaniyang dangal.” Waring nagkakawing ang kanilang isip ng kanyang ina. “Hindi ‘yon tumatanggap ng kahit anong suhol para pagtakpan ang katotohanan!”
Malungkot na ginunita nito ang makabuluhang karera ng asawa bilang isang peryodista sa kanilang lalawigan. Maraming mamamayan na natutuwa at humahanga sa tapang at paninindigan nito upang ihatid ang katotohanan sa ngalan ng tunay na paglilingkod sa sambayanan. Ngunit laging mayroong magagalit dahil sa mga “nasasagasaan” ng panulat ng kaniyang tatay. Na sa isa, maaaring nagwakas ang kasaysayan ng pagiging isang tunay at palabang mamamahayag nito.
“Mahirap banggain ang pader sa bayang ito. Pero gaano man katibay na templo ay pababagsakin din ng panahon!” makabuluhang pahayag ng kanyang ina. Lumapit ito at tinabihan ang anak. Tinapik-tapik sa balikat. “’Wag kang mag-alala. Hindi ka mahihirapang maghanap ng trabaho. Alam natin ang kakayahan mo anak.”
“Salamat ho ‘Nay.”
Nananghalian sila. Pagkatapos ay nagpahinga siya sa kanyang silid. Pakiramdam niya’y pagod na pagod siya ngayong linggo. Lalo ngayong araw kahit wala naman siyang halos ginawa. Nagising lang siya sa tunog at vibrate ng kaniyang cellphone. Si Bert, pinapaalala ang pagyayaya nito. Nagdahilan siyang nasira ang kanyang motor kaya hindi siya makararating. Ayaw nitong maniwala. Susunduin daw siya. Huwag na, marami pa namang ibang araw, giit niya. May maingay na tunog na nasagap, saka bilang naputol ang linya.
Tinatawag siya ng kanyang nanay upang maghapunan. Ngunit paglabas niya ng silid, ginulat siya ni Bert. Nakaupo sa kanilang sofa! May bitbit na ilang supot ng hula niya’y beer at pulutan. Natawa siya.
“Kala mo ha! Wala kang lusot!”
“Alak na alak a, halatang-halata ka Brad!”
Nagtawanan sila. Inaya niya si Bert na maghapunan muna sila. Tumanggi ito, kumain na raw bago pumunta sa kanila. Kumain siya sandali saka sila nagharap. Doon na rin sa sofa na pinaghihintayan nito.
“Salamat Brad. Hindi ka na sana nag-abala.”
Korni raw siya sabi ni Bert. “Alam mo’ng balita sa opisina? ‘Yong papalit daw sa’yo, college undergrad!”
Nakikinig lang siya.
“Estudyante pala ni Misis no’ng hayskul ‘yon. Mahina raw ulo no’n at tamad!” tumagay ito. “Pero ang mabigat, pamangkin sa pinsan ni Mayor!”
Hindi na siya nagulat.
Binanggit pa ni Bert na hanggang mga janitor ay pinagpapalitan ng mga bagong kung saan-saan daw galing. Basta raw nahiwatigan na hindi kanila sa eleksyon, sibak!
“Hindi naman sa pangmamaliit sa iba ano,” pagpapatuloy ni Bert, “alam mo ‘yong isang bago sa MENRO? Literal na mangangangkong do’n sa Pinagsimbahanan at Pulong Guyabano!”
“Qualified ‘yon, part ng ecosystem ang kakangkungan at katalbusan!” banat niya.
Tawanan sila. Masama, masama ang nangyayari sabi ni Bert.
May inamin siya sa kaibigan. Pwede raw siyang hindi matanggal, kung marunong siyang makisama. Bibigyan siya ng ibang trabaho. Inofferan daw siya ng secretary ni Mayor. Dahil magaling daw siyang magsulat-sulat, kinukuha siyang ghost writer.
“Hindi kaya ng sikmura ko!”
“Hanga ako sa’yo Brad.”
“Hindi na natin susundan ‘to Bert,” tinutukoy ang mga beer na iniinom. “Kailangan ko ng pisi panghanap ng bagong raket!”
Nasakyan ng kaibigan ang biro niya. Habang nag-i-scroll ito sa sa cellphone, may tumawag ng pansin nito. Ipinakita sa kanya ang isang post sa Facebook. Isang babae ang nananawagan para sa hustisya. Binaril ang asawa at anak nito ng mga lalaking nakasasakyan. Gitgitan lang daw sa daan ang dahilan. Tinukoy sa alyas ang isang lalaking nakilala raw ng ilang nakasaksi sa krimen.
“Brad, kilala ko ‘yon. Bata ni Mayor ‘yon!” pakli ni Bert.
Nagkatinginan sila. Nag-uusap ang kanilang mga mata.
Napalingon siya litrato ng kanyang tatay na nakasabit sa dingding. “Mag-iingat tayo. Panahon na naman ‘ata ng lagim sa’ting bayan.”
Biglang sumulpot ang nanay niya. Binabanggit na tinawagan ito ng kanyang tiyahin. Ibinalita ang masaklap na sinapit ng asawa at anak ng kumare nilang taga-Pulanlupa.

Alegorya ng Paglalakbay
Roberto D. Ampil
Sa Sky Plaza, Natividad, Pangasinan, lumapit sa akin ang isang matanda. Tinanong niya,
“Ano ang naramdaman mo nang marating mo ang tuktok?”
Napatigil ako. Hindi ko agad alam ang isasagot. “Masaya po,” ang nasabi ko na lamang.
Ngumiti siya at tumingin sa malayo. “Hindi iyan ang tunay na tagumpay,” wika niya. “Ang
tagumpay ay hindi ang pagdating sa rurok, kundi ang bawat hakbang na dinaanan mo. Ang
bawat pagod, sugat, at pagpupunyagi—iyan ang tunay na saysay ng tagumpay. Ang pag-abot sa
tuktok ay simula pa lamang ng panibagong paglalakbay.”
Napatitig ako sa ibaba. Mula roon, tanaw ko ang daang aking nilakbay—ang mga batong
tinapakan, ang mga damong dinaanan, ang bawat hingal at pawis na aking iniwan.

Aswang Feels Like: Hanggang Sa Kawalan
Rose Ann Aler
Hindi ko na makita ang katiting na pag-asa sa kanyang mga mata. Marahil ay napagod na siya sa takbo ng kanyang buhay. Si Luisa, ang dating dalagang ubod ng sigla at napakaganda, ay ngayo’y tila nilamon ng katahimikan. Matagal siyang nawala at kung saan siya napadpad ay walang nakakaalam. Ayon sa mga bulong-bulungan sa baryo namin, isang gabi ay may liwanag sa may punong akasya, at mula roon ay bigla na lang siyang naglaho.
Pagkalipas ng maraming buwan, nakita na lamang siyang nakahandusay sa ilalim ng punong iyon, mahina, at tila walang malay. Nang siya ay maayos na, napansin ng lahat ang pagbabagong hindi nila maipaliwanag at higit sa lahat, ang kanyang&nbs&nbs p;p;pagdadalang-tao. Marami ang nagulat, ang iba nama’y nahintatakutan. “Kung tao nga bang maituturing ang nasa sinapupunan niya,” bulong ng ilan. Simula noon, hindi na maalis sa mga umpukan ang mga tanong tungkol sa kanyang pagkawala at mahiwagang pagbabalik mula sa kawalan.
Ako si Eduardo, ang lalaking matagal nang umibig kay Luisa. Bago siya nawala, siya ang araw sa bawat umaga ko. Lagi kong pinagmamasdan ang kanyang ngiti, ang paraan ng pagwalis niya sa harap ng bahay, at ang mga mata niyang tila kayang pawiin ang lahat ng lungkot. Ngunit hindi ko kailanman nasabi ang damdamin kong iyon. Takot akong baka mapahiya, o baka hindi niya ako pansinin. Ilang beses ko na ring binalak na umakyat ng ligaw sa kanya. Kaya’t nang siya ay biglang nawala, ang puso ko’y tila napako sa kawalan.
Nang siya ay bumalik, hindi na siya ang Luisa na kilala ko. Madalas siyang tulala, laging nakatingin sa malayo, at madalas maglakad sa gabi patungo sa punong akasya at umuusal ng wikang hindi kayang maintindihan ng isang normal na tao. Minsan ay narinig ko siyang bumubulong, “Babalikan niya ako…” Hindi ko alam kung sino ang tinutukoy niya, ngunit batid kong hindi iyon ako.
Pinagmamasdan ko siya araw-araw mula sa bintana ng aming bahay. Wala akong lakas ng loob na lapitan siya. Ang dating mga mata niyang may ningning ay ngayo’y tila dagat na walang alon. Habang lumalaki ang kanyang sinapupunan, lumalalim din ang lungkot sa kanyang mukha. Maraming gabi akong nagdarasal na sana ako na lang ang minahal niya at hindi ang nilalang na kumuha sa kanya.
Hanggang isang umaga, isang masamng balita ang gumising sa buong baryo. Nakita nila si Luisa, nakahandusay sa ilalim ng punong akasya: malamig, maputla, ngunit may kakaibang kapayapaan sa kanyang mukha. Habang ang sanggol sa kanyang sinapupunan ay tila naglaho rin at hindi malaman kung saan napunta. Ang iba ay nagsasabing anak ito ng isang engkanto, ang nilalang na nag-angkin kay Luisa sa panahong siya’y nawala.
Lumipas ang mga araw, ngunit hindi na nawala sa isip ko ang gabing iyon. Madalas kong puntahan ang punong akasya, umaasang muli kong maririnig ang kanyang tinig. Ngunit ang tanging naririnig ko ay ang ugong ng hangin at ang pagaspas ng mga dahon. Sa tuwing sisikat ang buwan, tila may aninong dumadaan—ang aninong iyon, sigurado akong si Luisa, yakap-yakap ang isang sanggol.
Ngayon, tuwing gabi, nauupo ako sa tabi ng punong iyon. Sa bawat dampi ng hangin, nararamdaman kong naroon siya, nanonood, nagmamasid at marahil ay kasama ang nilalang na minsan ay minahal niya gayundin ang anak nila. Sa ilalim ng malamlam na liwanag ng buwan, bulong ko sa hangin:
“Luisa… kahit sa kabilang mundo, ikaw pa rin ang aking minamahal.”

Pagas na Lupa
Ronnel V. Talusan
Aburido si Felipe. Inabot ng tagtuyot ang kanyang pananim. Ginahol ang pagpapatubig, hindi nakatubo nang maganda ang mga gulay. Kay tagal niyang inaalagaan, sa isang hagupit ng kalikasan, nabansot lang. Lalong bumibigat ang kanyang dibdib kapag naaalala ang mga utang sa mga taong nilapitan niya para makabili ng binhi at pataba, bukod sa iba pa.
“Hayaan mo’t me awa ang Diyos. Makakabawi ka rin,” pang-aalo ng kanyang asawa.
“Matanda na tayo, Miling. Kailan pa kaya darating ang awa ng langit?” Tumayo na siya’t naghugas sa lababo. Dumiretso sa sibi sa likod-bahay.
Tahimik na nagligpit ang kanyang asawa. Maya-maya’y may tumatawag mula sa labas. Sinilip ni Miling kung sino. Napailing ito nang makilala ang mga dumating. Mga kaibigan ni Felipe. Malamang na magyayaya na namang uminom, sa loob-loob nito.
“Mareng Miling, si Pareng Felipe?” bati ng isa. “Birthday kasi nitong si Bino,” itinuro ang kasama na may hawak na bote.
Napapalatak na lamang ito at itinuro ang kinaroroonan ang asawa.
“Ikot na lang kami sa likod Mare.”
Dinatnan ng mga itong nagsisibak ng kahoy si Felipe. Maigting ang bawat halipaw niya.
“Ano ba naman ‘yan at gabing-gabi na, nagsisibak ka pa pare!”
Napitlag siya sa pagkarinig sa boses ng kanyang kumpare. Nakita niyang lumapit ang mga ito sa munting mesita. Iniayos ang kanilang paghaharapan. Tumigil na rin siya sa ginagawa.
“Alam mo pareng Felipe, bata pala ni Berto ‘yong laging kasamang babae sa bukid.”
“Nagpapabata ang matanda,” sabat ng isa, na sinundan ng tawa. “Gusto sigurong makabuo dahil hindi magbunga ang misis niya.”
Lumalakas ang tawanan at biruan.
“Naisip ko lang, kapag babae ang me dipirensya, madaling iwan ng lalaki,” si Bino.
Tumango-tango ang magkakaharap.
“Kapag kabaligtaran, nananatili sila sa tabi natin. Hanga ako sa mga babae pare.”
Tumayo siya. Dinampot ang palakol at muling nagsibak ng kahoy.

Gulang
Evelyn P. Antonio
Hindi ako natanggap sa trabahong inaplayan ko dahil masyado pa raw akong bata para maging sales lady. Limang buwan pa bago ’ko magdise-otso kaya maghintay na lang daw muna ng mga limang buwan pa. Bakit kasi ang tagal kong tumanda, edi sana, malaki ang tiyansa ko.
Gusto ko sanang baguhin ang taon na nasa biodata ko kaya lang natakot akong baka mabisto at tuluyan ngang hindi makapagtrabaho. Katatapos ko lang ng hayskul at para makaipon at magtuloy sa kolehiyo, ito ang diskarteng naisip ko.
Naglakad-lakad na lang muna ’ko sa mall para kahit papa’no, gumaan ang pakiramdam ko sa lamig ng aircon. Kung lalabas kasi ako, mainit at baka kumatas na ang nagbabadyang init sa mga mata ko.
Nagpasa na rin ako sa mga fast food na nadaanan. Nagtanong-tanong sa mga guwardiya at crew kung sakaling kailangan nila. Nang magutom ay umuwi na rin ako para makatipid. Sa bahay na lang ako kakain.
“Anak, ’musta aplay mo?”
“Madami naman po akong pinagpasahan, baka sakaling tawagan. Eto nga ’Nay marami pa akong biodata dito.”
“Bakit po kayo nandito, ’Nay? Wala kayong pasok?”
“Hindi na daw nila kailangan ng ekstrang tagaluto sa kantin. Tsaka lagi na kasi akong nakakabasag. Kung hindi napapaso ay nahuhulog ko naman ang mga gamit. Medyo mahina na rin talaga ’tong mga kamay ko. Baka dala na rin ng edad, magsisisenta na rin.”
Binalikan ko ng tingin sa biodata na hawak ko.

Bubog
Evelyn P. Antonio
Miyerkules at Biyernes ang dating ng trak kaya maaga akong gumigising para isaayos ang mga itatapon. Marami pa naman ang kokolektahin dahil katatapos lang ng Pasko. Mga pinagbalutan ng regalo at mga kahon na natanggap. May mga baság kasing baso kaya inilagay ko muna sa papel. Sinulatan ko na rin ang balot ng “Babasagin” para makapag-ingat ang hahawak. Iaabot ko rin ang sobre na pamasko sa mga kuya, ’di kasi nila nakuha no’ng isang linggo.
At dumating na nga ang inaantay ko. Bumusina na ang trak. Hudyat na malapit na sila sa erya namin. Dulo kasi ito at baka punompuno na ang trak.
“Kuya, buti ay nakakolekta kayo ngayon hanggang dito sa ’min. No’ng nakaraan napuno ba ang trak? Hindi kayo nakarating dito.
“Opo Mam, nasira ang trak. Pati kulang kami ngayon Mam, namaalam na ang isa naming kasama.”
“Ha? Sino, Kuya?”
“Iyong may edad na sa ’min si Mang Jun. Nakaapak ng pako sa tambak ng mga basura. Sabi ko nga e laging magbota, nasanay masyadong tsinelas ang suot.”
Kilala ko iyon. Siya ’yong laging nakangiti at nag-abot ng sobre para sa pamasko nila.
“Eto lang ba ang basura n’yo Mam?”
“Oo, Kuya, Salamat.” Iniabot ko na rin ang sobre.
“Salamat po Mam. Meri Krismas, Hapi Nyu Yir din Mam!”
Sinundan ko siya ng tingin buhat ang malaking itim na plastik. Kay gaan ng kaniyang mga paa pabalik ng trak. Ako naman ang may mabigat na mga hakbang papasok sa aming bahay.

Mahal ng Diyos ang mga Isdang Lumalangoy
John Carlo Santos
Nobyembre 8, 2013 sinalanta ng Bagyong Yolanda ang Bayan ng Tacloban. Natutulog si Intoy noon, yakap siya ni Inang. Kinaumagahan, ginising siya ni Kuting.
Gabi-gabi, sa harap ng gasera, kinakanta namin ni Inang ang paborito kong awitin sa Sunday School. Kaysarap kasing pakinggan ang boses niya habang kinukumpas ang mga kamay saka sinasabing mahal ng Diyos ang mga ibon na lumilipad, asong kumakahol, pusang ngumingiyaw, at palakang kumokokak.
Lahat, sabi ni Inang, ay mahal na mahal ng Diyos at ito’y hindi kumukupas.
Pero, ang paborito ko, ay kapag inaawitan na ang araw-araw naming pagkain:
“Ang mga isda…
…na lumalangoy…
…ay mahal ng Diyos…
…di kumukupas…”
Kapag ito na kasi ang liriko ay sabay na kaming bumubungisngis! Paano ba naman, matapos isayaw ni Inang ang ulam ay ilalagay na niya agad sa plato ni Kuting! Lalantakan na ito ng aking alaga at mawawala na ang isdang kanina lamang ay kasabay naming umaawit!
“Inang,” bulong ko kasabay ng hihip ng malamig na hangin mula sa bintana.
“Puwede po bang bulanglang na lang ang ulam natin bukas? Masarap po naman ang dulong. Baka po kasi magalit ang Diyos kung lagi nating kakainin ang isdang mahal niya?”
“Hindi siya magagalit, anak, sapagkat nilikha talaga ang mga isda para magpalakas ng ating pangangatawan…para kainin at magbigay ng enerhiya,” paliwanag niya sabay kurot sa aking pisngi!
“Okay, Inang, sigurado po kayo riyan ha?” “Puwede ninyo po ba akong tabihan sa panalangin ngayong gabi bago matulog? Itatanong ko lang po sa Diyos kung talagang okay lang na kainin ang mga isda.”
Tumangô siya. Hinipan ni Inang ang gasera. Sinara niya muna ang mga bintana para hindi mag-ampiyás, saka siya mahigpit na yumakap sa akin.
“Panginoon, alam po naming mahal na mahal mo ang mga isda at maraming salamat po sa inyong biyaya. Sana lang po hindi kayo nagagalit kapag laging dulong ang ulam namin.”
Ngumiti lang si Inang.
Hinalikan ako sa noo.
Nagkumot na kami.
* * *
Kinaumagahan ay nagising ako sa kalmot ni Kuting.
“Intoy, madali! Bumangon ka na! Pinatatawag na tayo sa tahanan ni Kuya Gabriel,” hiyaw ni Kuting.
“Sandali, sandali. Kailan ka pa nagsimulang magsalita, Kuting?”
“Sino si Kuya Gabriel?”
“Hindi na mahalaga iyon. Halika na! Kanina pa nila tayo hinihintay!”
Nais kong magtanong, pero bigla akong binitbit ng aking alaga saka isinakay sa kaniyang likod. Lalabas na kami’t tutunguhin ang tahanan nina Kuya Gabriel.
“Intoy, habang naglalakbay, maaari mo ba akong awitan ng paborito nating kanta? Kagaya mo’y ito rin ang inaawit naming mag-ina hanggang sa makatulog.”
“May Inang ka rin, Kuting?”
“Oo naman! Iyon ay bago ninyo ako mapulot sa pantalan. Nakalulungkot dahil napalayo ako sa kaniya pero masaya na rin dahil lagi ninyo naman akong pinakakain ng paborito kong dulong,” sagot niya sabay ngiti.
“Ang mga isda…
…na lumalangoy…
…ay mahal ng Diyos…
…di kumukupas…”
Sa aming pagkanta’t paglalakad ay nakasalubong namin ang isang kayumangging aso.
“Aw-aw-aw! Maligayang pagdating, Intoy! Sa wakas ay makakasama ka na naming muli,” bati nito sa akin.
“Maraming salamat, aso, subalit wala akong maalalang nagkasama na tayo noon,” pagtataka ko.
“Hindi na mahalaga, iyon! Masaya akong naririto ka na,” sabay yakap nang mahigpit at nanggigigil na kurot sa aking pisngi…gaya ng pagsalubong sa akin ni Tatang Selo kapag bumibisita kami ni Inang sa kubo.
Lolo ko si Tatang Selo. Lagi siyang nakatambay sa pampang para manghuli ng mga alimasag. Gusto rin naman ni Tatang ang dulong pero iba raw ang alimasag…mas malutong kapag kinakagat!
Sa tuwing pinupuntahan namin siya ni Inang, kumakaripas agad ako ng takbo. Yayakapin ko si Tatang at siya rin naman sa akin. Kukurutin niya ako sa pisngi kahit na puro buhangin ang kamay niya! Bigla kong naalala ko si Tatang sa kurot ni aso. Sana sa susunod na araw mapuntahan uli namin siya!
* * *
Nagpatuloy kami sa paglakad hanggang sa umabot kami sa harding punong-puno ng aratilis. Napakaririkit! Napakatitingkad! At tiyak kong napakasasarap ng mga munting mansanas!
Pinahinto kong saglit si Kuting para kumuha ng mga aratilis. Sa bawat kagat naaalala ko ang kuwentuhan naming magpipinsan. Tuwing hapon, lalabas na kami nina Che at Belong mula sa kani-kaniyang tahanan at mag-uunahang tumakbo sa dampa. Doon pipitas ng mga prutas, kakain hanggang mabunsol.
Si Belong ang pinakamabilis sa takbuhan. Atleta siya sa iskul namin. Si Che naman, lampayatot! Mabilis tumakbo pero laging natatalisod sa trosong upuan ng mga tambay sa tindahan nina Ate Kat.
Kapag pagod na kami, doon sa likod ng tindahan, may puno ng aralitis. Grabe ang tamis. Uubusin namin iyon lahat hanggang sa mabusog kami. Minsan pa nga, habang kumakain, nagpupukulan din ng kami ng bunga! Nakakatawa, laging namumula si Che, siya kasi ang may pinakamaraming pukol sa mukha. Suwerte rin siya, sa kaniya napupunta ang dapat na kinakain namin ni Belong!
Ang saya-saya naming magpipinsan noon! Pero, ilang buwan na rin nang huli kaming naglaro. Sabi kasi ni Inang e kailangan na nila umalis dito sa Tacloban para manirahan sa Aklan. Doon nagtatrabaho ang kanilang tatay. Kaya mula noon e hindi ko na sila nakita. Hindi na rin ako muling nakalabas. Kailan kaya kami uli maghahabulan? May bunga na kaya uli ang aralitis?
* * *
“Ngiyaw! Ngiyaw! Halika na, Intoy! Iwan mo na ang mga munting mansanas. Baka tayo’y mahuli! Hinahanap na tayo ni Kuya Gabriel!”
Sumakay akong muli sa likod ni Kuting. Kumapit ako sa kaniyang kuwintas habang nagpapatuloy sa pag-awit ng paborito naming kanta.
“Ang mga isda…
…na lumalangoy…
…ay mahal ng Diyos…
…di kumukupas…”
Saglit pa’y malakas na pag-kokak ang aking narinig sa mga nag-uumpugang bato!
“Kokak! Kokak! Maligayang pagdating, Intoy! Sa wakas ay makakasama ka na naming muli,” bati ng palaka sa akin.
“Maraming salamat, palaka, subalit hindi ko maalalang nagkasama na tayo noon.”
Hinawi niya ang aking buhok saka sinabing “Hindi na mahalaga, iyon. Masaya akong naririto ka na!”
Ang paghawi niya sa aking buhok…tulad ng pangungumusta ni Ate Kat.
Iniiwan ako lagi ni Inang sa tindahan ni Ate Kat kapag walang magbabantay sa akin sa aming bahay. Kapag ganoon, talagang nananabik si ate sa pagbisita ko kahit halos araw-araw na nga. At kapag nasa tindahan na ako, hindi puwedeng hindi niya ako kukutuhan. Hinahawi lagi ni Ate Kat ang buhok ko bago niya suyuran. Ang kati-kati sa ulo ng suyod. Ayokong sinusuyuran.
Para pumayag ako, kasabay ng paghawi niya sa aking buhok ang pag-abot ng pakete ng Marie at dalawang Bazookang kulay asul. Siyempre, paborito ko ang Marie at Bazooka kaya kahit makati, titiisin ko ang suyod ni Ate Kat!
Umalis siya noong nakaraang buwan. Hindi siya nagpaalam sa akin. Sabi ni Inang, pupunta raw siya sa Maynila para magtrabaho. Mula noon, hindi na ako nakutuhan. Sarado na rin ang tindahan. Kapag wala si Inang, mag-isa na lang ako sa loob ng bahay.
Saan kaya ako makakabili ng Marie? Mayroon kayang ibang Bazooka dito sa amin? Miss ko na ang suyod. Miss ko na rin ang paghawi ni Ate Kat sa aking buhok, naalala ko siya kay palaka.
* * *
Habang kami’y nagkukuwentuhan nina palaka at Kuting, dumapo ang ibong lumilipad.
“Twit! Twit! Maligayang pagdating, Intoy! Masaya akong makakasama ka na naming muli. Halika na’t hinihintay ka na sa ating tahanan,” sambit niya sabay halik sa aking noo…tulad ng paghalik ni Amang bago siya pumalaot.
Mangingisda si Amang. Siya ang tatay ko. Laging sinasabi ni Inang na kamukhang-kamukha ko siya. Pareho kaming kayumanggi ang mga mata at katchupoy na mga buhok. Lagi kaming naglalaro ng boksingan. Sa kaliwa siya ng papag humihiga. Sa kanan si Inang. Ako sa gitna.
Idol ko si Amang. Siya ang pinakamalakas na lalaki sa Tacloban. Nabubuhat niya ang lambat. Natutulak niya ang bangka. Masarap din siyang magluto ng dulong lalo na kapag ginagawa niyang okoy! Lalagyan namin iyon ng ketchup bago isapaw sa mainit na kanin!
Pero hanggang ngayon, hindi pa siya umuuwi. Sabi ni Inang, nasa laot pa raw si Amang para hulihin ang pinakamalaking dulong sa buong mundo! Sobrang laki at sobrang bigat daw nito kaya medyo matatagalan pa!
Ano kaya ang hitsura ng kaniyang huli?
Kailan kaya siya uuwi?
Miss ko na si Amang.
* * *
Ibinaba ako ni Kuting at sinenyasang sumama kay ibon. Kagyat niya pinagaspas ang malalaking pakpak.
Sa aming paglipad nakita ko ang imahen ng buong bayan. Kayganda ng tanawin! Ang mga puno’y labis ang pagkaluntian! Ang karagata’y tila sumasayaw sabay sa paghampas ng bawat agos! Ang bubong ng mga tahanan ay bahaghari! Ang mga tao rin ay nag-aawitan–maliliit parang langgam pero masasaya ang mga huni habang nag-iindakan!
“Sa walong taon kong paglalaro ay ngayon ko lamang napagmasdan ang ganda nitong bayan,” sabi ko sa sarili.
Minsan pa’y ibinaba ako ni ibon sa tarangkahang puti. Dito na raw ang aming destinasyon.
Sa pagbukás ko ng pinto’y sinalubong ako ng mga nasa aming awitin–ang palaka, aso, at ibon. Naroon din si Kuting, bitbit ni Inang. Naroon din sina Tatang Selo, Che, Belong, at Ate Kat. Sa hindi kalayuan, nakita ko si Amang. Naroon si Amang! Lahat sila’y nakangiting umaawit.
Nakangiti rin si Kuya Gabriel. Siya pala si Kuya Gabriel. Umawit din siya.
“Ang mga isda…
…na lumalangoy…
…ay mahal ng Diyos…
…di kumukupas…
Pero hindi sana malimot…
…hindi sana malimot…
…na kami ay mga anak din…
…ng Diyos at kailangang may managot…

Mulang EDSA hanggang Katipunan: Mga Dagli ng Lansangan
Jan Henry M. Choa Jr.
1. MRT Sardines
Paputok pa lamang ang araw pero parang nagmamartsang mga langgam ang mga tao habang nakapila papasok sa MRT EDSA-Taft. Maaga akong umalis ng bahay para unahan ang nagbabadyang pagsikip ng mga lansangan dahil sa rally kontra-katiwalian pero bigo ako. Parang natunugan ng pagkakataon ang aking plano at tagumpay sa pagtatangkang sirain ang aking araw.
Gaya ng karaniwang situwasyon sa MRT, iba-ibang mukha ang sasalubong papasok sa ticket booth. Kaniya-kaniyang bitbit hindi lamang literal na bagahe higit ang pang-araw-araw na siphayo ng pagiging karaniwang Pilipino. Ang totoo ayokong pumasok dahil na rin problema sa akin ang pag-uwi. Kung ngayong pa nga lamang ay nagsisiksikan na parang mga sardinas ang tao sa loob ng bagon, tiyak mamaya makikipagbardagulan ako para lamang makasakay pauwi ng bahay.
Nakaupo ako subalit siksikan na sa loob. Pinatindi nito ang pagkabugnot ko ngayong araw. Nagrerebolusyon ang aking damdamin sapagkat parang hindi nararamdaman ng aking pinagtatrabahuhan ang hirap ng isang karaniwang mananakay. Palibasa karamihan sa kanila ay may sariling sasakya tulad ng mga estudyanteng pinaglilingkuran ko. Ramdam kong walang silang pake kahit na makasalubong ko si kamatayan sa daan dahil ang mahalaga makapasok ako sampu ng mga empleyadong hirap sa biyahe.
Ang hindi ko lang lubos maisip na kahit mag-onlayn ang klase ngayon, magta-trabaho at magta-trabaho ako dahil ayokong maiwan ang mga klase ko gawa ng sangkaterbang suspensiyon ng klase dahil sa bagyo, pista opisyal at kung ano-ano pang pagkaaberya ng klase. Feeling ba nila nagpipista lang ako sa bahay dahil hindi ako magtuturo? Feeling ba nila nalulugi sila kapag hindi pumasok ang kanilang mga empleyado?
May kabagalan pa ang paglalakbay ng tren dahil sinusuyod pa kada estasyon ang mga mananakay. Parang may second floof ang mga bago na kahit puno na sige pa rin ang pagpapapasok. Pasalamat sa Diyos at nakaupo ako dahil kung hindi tiyak wala nang pagsisidlan ang aking inis.
Pagdating ng Ortigas, pilit kong inaaninag ang Birhen ng EDSA para man lamang maidulog ko sa kaniya ang aking kalagayan at kahihinatnan ngayong araw. Pinapanatag ko ang kalooban dahil ayaw ko ring pumasok ng masama ang loob. Malamig ang buga ng aircon kahit marami ang tao. Tinuyo na nito ang basa kong t-shirt dahil sa pagpila kanina. Tiyak pagbaba ko ng Cubao hanggang makarating ako sa LRT, kakahol-kahol naman ako dahil sa natuyuan ang likod.
Biglang nag-vibrate ang phone ko. Hindi ko ugaling magbuklat ng telepono kapag nasa daan dahil takaw disgrasya kaya kung mayroon mang abiso sa akin hindi ko ito agad natutugunan. Nakatanggap lang ako ng mensahe mula sa kasamahan ko at nagsabing nasa Aurora na rin siya. Pumanaw na ang aking inis dahil naisip kong bumili muna ng makakain para hindi ako gumastos sa mamahalin naming cafeteria. Nasa Katipunan na ako nang muling nag-text ang aking mga kasamahan at nagsabing, “Jan wag ka nang tutuloy dahil asynch ngayong araw. Late lumabas ang memo.”
Nakasakay na ako ng tricycle papasok ng kapmus. Kinain na hindi lamang ng gutom ko ang inis ko ngayong araw. Parang sasabog sa dibdib ko ang isang rebolusyon hindi lang dahil sa mga nangyayari sa bansa kundi dahil biktima rin ako ng bulok na Sistema ng lipunan. Isa lang ang nasambit ko. “Pisti!”
2. Federal Taxi
Alas nuwebe na ng gabi at hindi pa rin ako nakababa ng mini bus dahil traffic sa kahabaan ng P. Tuason. Hindi ko alam kung anong meron ng panahong iyon dahil parang mahabang prosisyon ang kalagayan ng mga sasakyan. Sa loob-loob ko, ok na rin at nakapahinga ang paa kong kanina pa nananakit dahil sa pagkatapilok. Bitbit ko pa ang tote bag na puno ng mga chekables na nagpadagdag ng hirap ko sa pag-uwi.
Nakarating ang mini bus ng estasyon. Dahan-dahan kong bumaba at inaalalayan ang pang namamaga. Hindi ko kakayanin ang sumakay pa ng MRT kaya napilitan akong sumakay ng taxi. Parang ipinag-adya ng Panginoon dahil ilang saglit lamang may humintong taksi sa aking kinatatayuan. Sinabi ko sa drayber na Evangelista, Makati ako bababa.
Matanda ang drayber. Mga nasa edad singkuwenta. Medyo alangan akong magbigay ng direksiyon sa matatandang drayber dahil madaling mag-init ang tuktok kapag pinangungunahan sa daan. Badtrip parang hindi ako ang nagbabayad ng metro. Pero naiiba ang matanda tahimik. Bukod tanging maririnig sa loob ng taksi ang balita tungkol sa walang katapusang flood-control project. Sa loob-loob ko, wag lamang buksan ng drayber ang usapan tungkol sa ganito dahil gusto ko ng kapayapaan. Pansin ko ring may isterker siya ni BBM.
Sa gitna ng aking pananahimik, bilang nagtanong ang drayber hindi tungkol sa balita. Isang personal na tanong na hindi ko inaasahan. “Masama ba daw siyang asawa?” Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko dahil hindi ko naman siya kilala. Naramdaman kong may pinagdaraanan ang matandang drayber.
“Bakit niyo ho naman naitanong sa akin?” tanong ko.
At dito na siya nagsimulang maglitanya ng kaniyang mga bagahe. Hindi ko lubos maisip na kinaya ng matandang draybe na buksan ang mga personal na kuwento ng buhay sa akin. Siguro kailangan lang ni Manong huminga dahil sa bigat ng kaniyang dalahin sa buhay. Biruin ba naming magkuwento kung paano siya iniiputan sa ulo ng kaniyang asawang sumama sa drayber din, hindi nga lang ng taxi kundi ng trak.
“Siguro ng maliit si manoy ko kaya iniwan ako ng aking asawa”
Pinigilan ko ang aking sariling matawa dahil nahihiya akong mapahiya ang matanda sa kaniyang sinabi. Hinayaan ko lang siyang magpatuloy sa pagkukuwento dahil pakiramdam ko iyon ang kaniyang kailangan sa mga oras na iyon.
“Alam niyo Sir, naging Mabuti akong asawa sa kaniya. Hindi ako namababae. Lahat ng kinikita ko ibinibigay ko sa kaniya nang buo. Hindi ko laman pero nagkaanak kami ng tatlo. Hindi ba niya talaga ako mahal? Sa tuwing, mangangalabit ako sa kaniya, hampas at pananakit ang tinatanggap ko. Kahit ang mga anak ko alam ang problema naming mag-asawa. Pinagsabihan na ako ng panganay ko na iwan na si Magda. Pero wala mahal ko sir.”
Hindi ko napigilang magtanong sa matandang drayber. Parang inuusig din ako ng aking konsensiya na ibalik sa realidad ng matanda dahil hindi nakabubuti para sa kaniya at sa kaniyang mga anak ang pagiging martir.
“Kayo ho, masaya ba kayo sa inyong kalagayan? Hanggang kalian kayo nagtitiis? Hindi niyo pa pakikinggan ang iyong mga anak? Kayo lang din po ang magpapalaya sa sarili.”
Natahimik ang matandang drayber. Ilang saglit lang ako naman ang tinanong niya. Pakiwari ko natauhan siya sa aking sinabi kaya inilihis ang kaniyang kuwento sa akin.
“Kayo ba sir, pamilyado na?”
“Naku, hindi ho at wala ho akong balak.” Bukod tanging naitugon ko. Paraan din ito para matigil na ang kaniyang paglilitanya. Pero bigo ako.
“Alam niyo sir, bigla lang naman nagbago ang ugali ng asawa ko nang makilala niya ang isang babae na parang esperitista. Meron siyang suot-suot na ayaw niyang hinahawakan ko. Sa tingin ko nakulam siya.”
Hindi ko laman ang itutugon ko dahil may panibago na naman siyang kuwento. Hinayaan kong mamagitan ang mahabang katahimikan habang binabaybay naming ang kahabaan ng EDSA. Pinagtagi-tagi ko ang lahat ng kaniyang kuwento para naman pagbabago may closure ang kaniyang kuwento.
Paakyat na ng Magallanes fly-over ang taksi nang magsalita ako para mag-iwan ng ilang paalala sa matandang drayber. Naaawa ako sa kaniya dahil sa kabila ng kaniyang kabutihan, hindi siya nakadama o nasuklian ng kaniyang asawa ng pagmamahal. Batid kong mabuting tao si Manong dahil bakas sa kaniyang hitsura ang kapayakan at hindi gagawa ng kalokohan sa buhay. Parang doble pa ang problema ni Manong sa buhay. Una, paano igagapang ang sarili para mabuhay araw-araw dahil sa hirap ng pamamasada at ikalawa, paano mabuhay na patuloy siyang nakakulong sa tanikala ng kaniyang asawa. Bago ako bumaba, ibinigay ko ang October Medal ko sa kaniya, imahen ng Mahal na Ina”
“Manong, may ibibigay ako sa inyo, isuot ninyo ito lagi. Huwag ninyong aalisin o iwawala. Lagi ko kayong isasama sa aking mga panalangin. Nawa maging maayos ang lahat sa inyo”
Nakangit siyang nagpasalamat, “Salamat Sir! Anting-anting ba ito? Sana umipekto ito sa asawa kong napapariwara.”
Sa kabila ng personal na usapan, pakiwari ko naghiwalay kaning nakahinga ang matandang drayber. Bumaba akong mabigat ang dibdib sa narinig. Sa hinaba-haba ng araw, para akong humigop ng negatibong enerhiya. Iba-iba talaga ang laban natin sa buhay. Para ako, paa lang ang problema ang iba asawa.
3. M. Reyes, Jeepney
Sumakay ang jeep pauwi. Galling ako sa Pio del Pilar at nagsimba sa parokya ng San Ildefonso nang may sumakay na dalawang matandang babae. Kasabayan ko rin silang nagsimba sa katunayan mga lingkod sila ng simbahan. Maikli lang ang biyahe pero pagkakataon talaga ang nag-adya sa akin para makasagap ng tsismis.
Eleksyon noon at mainit ang laban ng mga Binay sa Makati. Matagal nang pinamumunuan ng iisang pamilya ang Makati sa kabila ng pagiging maunlad at progresibong lungsod nito. Sa katunayan, nabuhay ako na sa Makati, tatay ang alkalde at ngayong nagtatrabaho na ako, anak na ang nagpapatakbo ng pamahalang lungsod.
Nagkuwentuhan ang matatanda tungkol sa kanilang napupusuang iboboto sa darating na eleksiyon gayon din kung saang presinto sila nadestino. Panahon din ito na nagbago ang numero ng mga presinto sa Makati dahil kinuha na ng Taguig ang mga Barangay ng Embo.
“Mare, sino ba ang iyong iboboto? tanong ng isang matandang balidosa sa katawan at halatang maalwa ang buhay dahil sa kaniyang pananamit.
“Si Nancy. Dangan na natapos na ang termino ni Abby” kapatid naman niya ang pipiliin ko. Mas mainam na ito at nakikinabang ako sa mga programa ng mga Binay.” tugon ng isa pang matanda na sa kapayakan ng pananamit mahihimuhang karaniwan ang kaniya pamumuhay
“Naku ako rin! Ayokong iboto ung asawa ni Abby. Sukat ba naming nangampaya siya noon sa amin at tahasan niyang sinabi na siya na daw ang bagong Meyor ng Makati!. Iyan din ang sabi ko sa mga anak ko.”
“Pare-pareho naming silang politiko. Sa tingin mo hindi sila nagkakamal para sa personal na interes? Piliin na lamang natin kung sino ang kapaki-pakinabang sa kanila”
Nagpatuloy ang dalawa sa kanilang huntahan. Kesyo libre daw sila ng sine sa mga mall sa Makati. Kesyo may pa-keyk tuwing kanilang kaarawan, kesyo, may mga pamaskong handog tuwing Disyembre at blah, blah, blah marami pang iba.
Hindi ko sila masisisi dahil totoong nakinabang sila. Ayokong manghusga pero isa lang ang pumasok sa isip ko. Praktikal na ang pagboto ngayon at naisasantabi na ang pagiging sagrado ng pagpili nang tama at nararapan. Bumaba ako ng jeep at pinagmasdan ang niluma ng panahon na nasabingit ng pag-phase-out lulan ang dalawang matandang nag-isip ng mainam para sa sariling kapakinabangan.#

Natutunaw na Kisame
Aeron James De Leon
May kakaibang sigla sa unang tikatik. Parang musika ng pag-asa, kung iisipin mo. Pero sa bahay naming walang kisame, hindi lang ito tunog kundi tunay na bisita, walang paalam, walang pakundangan. Parang may libo-libong daliring kumakatok sa bubong, sabik na sabik makapasok, at tila ba sinisigaw ng bawat patak: “Naririto na ako, titira akong kasama ninyo.”
Wala na ring magagawa kundi tanggapin. Ang bubong na may higit labinlimang taon nang may mga sugat, tila balat na binutas ng panahon, hindi na kayang pigilan ang anumang mula sa itaas. Kaya sa bawat simula ng ulan, may kaniya-kaniya kaming tungkulin: kuha ng kaldero, palanggana, arinola, pati mga lumang lata ng biskuwit, lahat ng maaaring magsilbing sapot sa tumutulong tubig. Ang bahay ay nagiging tila sirang orkestra, iba-ibang tunog ng patak sa bawat sisidlan.
May patak na parang tiyaga, mabagal, sunod-sunod pero banayad. May patak namang parang galit, waldas, walang pasintabi, at sa ilang minuto lamang, punô na ang balde. Minsan, kahit ang mga mata ni Papa ay hindi na nanalo sa antok; nang minsang makatulog siya, ginising siya ng sariling higaan, basâ, malamig, parang yakap ng kawalan. Sa sahig lang kami natutulog kaya bawat patak na umaabot sa banig ay banta ng pagkalunod, hindi sa baha kundi sa kahirapan.
Pero kahit ganito, hindi kami galit sa ulan. Hindi kami nagtatanim ng hinanakit sa langit. Sa totoo lang, biyaya rin siya. May pandilig sa paso ni Lola, may panghugas sa pinagkainan, pambuhos sa inidoro. Higit sa lahat, may panligo kami, ako at ang anim kong kapatid. Kasi ang tubig mula sa gripo, matagal nang pinagkakait sa amin. Hindi namin kayang bayaran ang serbisyo ng NAWASA, pero ang ulan, hindi naniningil, hindi nangungutya, hindi nagtatanong kung may pambayad ba kami.
Kaya tuwing tag-ulan, lumalabas kami. Nilalakaran ang ulan nang buong tapang, hinahaplos ang bawat patak. Walang bawal. Walang bantay. Walang konsensiyang kumakatok sa dibdib para sabihing, “Hindi niyo ‘yan kayang bayaran.” Dahil sa harap ng langit, kahit kami, may karapatang maligo, maghugas, mabuhay. #

Lamang-loob
Juanito N. Anot Jr.
“Pabili nga ng dalawang isaw”.
Habang naghihintay ng order, nagulat ako nang biglang may nag-text sa akin na hindi pamilyar na cellphone number.
“Hi Sir Mark… Musta ka na? Si Ms. Jenny ‘to… Have a blessed day!”
“Ms. Jenny, kayo po ba ito? Bagong number ninyo?”, sagot ko.
“Iba ko pang number sir… Ito busy pa rin sa mga kaso…”, reply ni Ms. Jenny.
Sanay na ako sa mga ganitong text ni Ms. Jenny. Alam kong abala siya sa kanyang trabaho bilang case officer. Isang buwan na rin ang nakalipas nang huli kaming magkasama sa isang gawain.
Ilang segundo pa, nag-text ulit si Ms. Jenny.
“Alam mo ba sir hanggang ngayon ay hindi pa rin ako maka-move on dahil sa migranteng pinauwi namin… Kinuha ang iba’t ibang parte ng katawan niya…”
Bahagya akong natigilan sa natanggap na text nang muling tumunog ang cellphone ko.
“Sumakit ang ulo ko sir… Iniisip ko kasing maaaring buhay pa ang OFW habang kinukuha ang mata, dila at bituka niya… Ang pinalabas ng employer, namatay raw dahil sa COVID-19 pero ang totoo binenta ng amo ang parte ng katawan niya…”
Nakailang ulit akong basa sa text niya, halos di ko na namalayang tinatawag na pala ako ng tindera.
“Boss, boss, ito na po yung order ninyo”.
“DH siya mula sa Kuwait sir… Ngayon lang naiuwi ang katawan niya sa Pilipinas at wala na itong lamang-loob…”, kasunod pang text ni Ms. Jenny.
Inabot ko ang order kong isaw. Hindi ko na maramdaman kung gutom pa ba ako o naduduwal na lang.

Ang Mapa ng Sitio San Roque
Emmanuel G. Halabaso Jr.
Araw-araw, simple lang ang buhay sa Sitio San Roque. Ang maliit na komunidad ay tila hindi apektado sa kaabalahan ng malalaking gusaling tanaw sa likod ng sitio.
Natatanaw ang malalaking gusaling ito mula sa nag-iisang puno ng Aratiles ng Sitio San Roque na madalas naman pinagpapalipasan ng oras ng mga kaibigan ni Jam. May mga araw na gumuguhit lang sila nang kung ano-ano. Minsan naman dito nila kinakain ang binili nilang meryenda. Kay Jam, ito ang paborito niyang taguan kapag naglalaro sila ng taguan-pung.
Tuwing umaga, ang mga magulang ng mga bata sa sitio ay pupunta na sa kanya-kanyang trabaho o hanapbuhay. Kanya-kanyang gayak naman ang mga papasok sa mga paaralan. Ang mga hindi pa pumapasok na mga bata ay naiiwan sa looban kasama ng kanilang mga nakakatandang kaanak.
Isang araw, may kumalat na balita sa Sitio San Roque na pinapaalis na ang mga tagarito.
May pumunta daw na isang ahente sa barangay hall at sinabi na binibilangan na ng buwan ang mga taga-Sitio para makalipat.
Tinipon ng barangay kapitan ang mga matatanda at magulang ng Sitio San Roque. Ipinaliwanag ng kapitan sa kanyang mga kabarangay ang nahaharap na pagpapaalis sa sitio.
Habang kinakausap ng kapitan ang mga may edad na para magdesisyon, ang mga bata naman ay sama-samang nakinig sa mga gilid-gilid ng mga nakahilerang mga taga-sitio.
Nag-alala si Jam sa kanyang mga narinig mula sa tumpok ng mga nanay na nag-uusap. Si Aling Lita daw ay uuwi na lang sa kanyang kapatid sa probinsya. Si Ninang Tanya naman ni Jam ay makikitira na lang muna sa kamag-anak sa Maynila. Nagpaplano naman na maghanap ng murang malilipatan si Nanay Carmen.
“Nay, kapag natuloy ang pagpapaalis sa atin dito sa San Roque, makakapaglaro ba kami ng taguan sa lilipatan natin?” usisa ni Jam. “Makakasama ko ba sina Dodong doon?”
Ginusot lamang ng nanay ni Jam ang buhok ng bata.
Kinabukasan, tinipon ni Jam ang kanyang mga kaibigan sa paborito nilang tambayan, sa puno ng Aratiles sa likod ng sitio.
“May naisip ako, mga bro, gagawa tayo ng mga mapa!” pabulong na sinabi ni Jam.
“Mapa ng kayamanan?” singit ng kaibigan ni Jam na si Dodong.
“Hindi, mapa ng Sitio San Roque.”
Sabay-sabay na namangha ang limang kaibigan ni Jam at napangiti.
Tahimik nilang pinag-usapan ang mga dapat nilang ihanda.
May kumuha ng mga lumang papel.
May kumuha ng mga putol-putol na krayola.
May kumuha ng maikling ruler.
May kumuha ng pandikit.
May kumuha ng mga balot ng kendi at sitsirya na nagkalat sa daan.
Handa na sila sa gagawin nilang mapa.
Yari sa pinagsama-sama na lumang papel ang mapa.
Sa mapa, una nilang ginawa ang daanan. Makapal na linya kung daanan ng mga traysikel o dyip ng mga taga-Sitio San Roque. Manipis na linya naman kung para lamang sa naglalakad na taga-looban.
Sinunod naman nilang nilagay ang kanya-kanyang bahay. Kinulayan nila ito ng bughaw.
Ang bahay naman ng ibang bata sa sitio ay naisipan nilang kulayan ng berde.
Ang sinunod naman nilang ginuhit ang mahahalagang lugar sa kanilang komunidad.
Parihaba na kulay pink ang ginawa nilang palatandaan sa Day Care Center na naging paaralan pa ng mga magulang nilang isinilang na noon pa sa Sitio San Roque.
Mga parisukat na kulay dilaw naman ang naging marka sa mapa ng lahat ng tindahan na matatagpuan sa sitio. Dito nagamit ng mga batang San Roque ang natutunan nila sa matematika kapag inuutusan sila ng kanilang mga nanay.
Espesyal na bilog na may palamuti naman ang disenyo ng maliit na pancitan ni Aling Marta sa mapa. Bahagi ng lahat ng kaarawan ng bata’t matanda ng Siitio San Roque ang pansit canton special ni Aling Marta.
Baliktad na tatsulok naman ang ginawa nilang simbolo sa bahay ng isang matanda na tinatawag ng mga bata na “Lolo Ben”. Si Lolo Ben ang pinakamahusay na magkuwento ng kababalaghan at pantasya kaya laging dinadayo ng mga bata ang kanilang bahay. Alam din niya ang Alamat na may kinalaman sa Sitio San Roque.
Kasunod naman ang hilera ng kulay lila na mga parisukat para sa mga karinderyang may masasarap at murang ulam na dinadayo din ng mga taxi driver.
Nakamarka din sa ginagawa nilang mapa ang mahahalagang tao ng sitio nila. Nilalagay nila sa parihaba na may mga pangalan sa loob nito.
Si Aling Mina, ang mananahi ng lahat ng uniporme ng buong Sitio San Roque.
Si Kuya Sonny, isang iskolar na sikat na unibersidad sa Kamaynilaan.
Si Kuya Berto, mag-eengineer.
Si Ate Cynthia, ang unang magiging titser ng Sitio San Roque.
Ang mapagbigay na si Manong Kadyo, ang taxi driver na laging may inaabot na kendi sa bata na makakasalubong sa daan.
Ang matandang musikero na si Manong Jun.
At marami pang kapitbahay na naging bahagi ng kanilang pang-araw-araw.
Sa gitna ng mapa, ginuhit nila ang poso. Ito ang unang naging proyekto ng mga taga-Sitio San Roque mula nang itinayo nila ang maliliit na barong-barong sa loob ng tiwangwang na lupa sa lungsod dalawampung taon na’t mahigit ang nakalipas.
Ang huling ginuhit nila sa mapa ay ang kanilang tambayan, ang puno ng Aratiles. Tatlong taon na ang nakalipas, nasa grade 1 sila noon, sinulat ng limang magkakaibigan ang pangalan nila sa puno.
Pinagmasdan ng magkakaibigan ang natapos na mapa ng Sitio San Roque.
“Ang galing natin!”
Dali-dali ang mga kaibigan ni Jam na ipakita ang mapa sa iba pang mga bata sa sitio at kinumbinsi ang mga ito na samahan sila na magbahay-bahay.
Marami ang sumama sa kanila sa pagbabahay-bahay.
Sa bahay na napupuntahan nila, nagpapakilala silang mga bata na naninirahan sa Sitio San Roque at pinapakita nila ang mapa.
“Gumawa kami ng mapa para makita ninyo na maraming kayamanan na matatagpuan sa sitio natin. Narito sa mapang ito ang lahat ng yaman ng Sitio San Roque. Kapag inilayo ninyo ito sa amin, marami ang mawawala sa amin.”
Pursigido silang nagbahay-bahay magkakasama. Lumalabas at pasok sila sa mga eskinita. Paikot-ikot. Pasikot-sikot. Tumatakbo-takbo. Palundag-lundag. Hindi nila namalayan na inabot na pala sila ng gabi sa pag-iikot sa Sitio San Roque.
Nagpasya silang ipagpabukas muli ang pagbabahay-bahay.
Pagdating ni Jam sa kanilang bahay. Naabutan niya ang kanyang nanay na nagluluto na ng hapunan.
“Nak, nandito ka na pala,” bati ng Nanay.
Napansin ng nanay na nanggigitata sa pawis ang kanyang anak kaya sinabihan nito na magpalit na.
“Nak, pagtapos mo makapagpalit, lika dito at may sasabihin ako,” dagdag ng nanay ni Jam.
Dumiretso sa kusina si Jam pagkatapos maligo.
“Nakuwento sa akin ni Ninang Tanya mo na nag-ikot-ikot daw kayo kanina kasama ng mga kaibigan mo,” pauna ng nanay ni Jam. “Alam mo ba, natuwa kami ng ninang mo sa ginawa ninyo? Hayaan mo, bukas, tutulong kami sa pag-iikot. Plano din namin na lapitan ang iba pang nanay dito sa sitio.”
Ngumiti si Jam, at niyakap ang nanay.
“Ayaw ko pong umalis dito sa San Roque.”
Kinabukasan, kumalat ang balita tungkol sa mapa na ginawa nila Jam. Kumalat ang kuwento sa pag-iikot ng mga bata sa sitio.
Tinipon ng mga nanay ng mga batang kasama ni Jam ang mga taga-sitio para iharap ang mapa na gawa ng magkakabarkada. Nagkaroon ng diyalogo ang mga bata at nanay kung gaano kayaman ang Sitio San Roque.
Mula nang umagang iyon, nakamapa na sa dibdib ng mga taga-San Roque ang pasyang mananatili sila sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay, ng tindahan pinagbibilhan ng tingi-tinging paninda , ng pancitan ni Aling Marta, ng day care center, ng mga karinderia at ng nag-iisang poso ng sitio.
Hindi lang nagmarka sa puno ng aratiles ang mga pangalan nila Jam. Nakamapa na ito sa kasaysayan ng Sitio San Roque.
Sa punong aratiles na tambayan nila Jam, magsisimula ang unang barikada.

Matandang Dalaga
U Z. Eliserio
Sinasabi na nga ba ni Thea, problema lang ang mga tuta. Nagsimula na silang maglakad, at tumae sa kung saan-saan.
Mas gusto pa rin niya ang mga tuta kaysa sa mga bata. Ang iingay ng mga iyon.
Natawa siya sa kanyang sarili. Kaya nga raw siya tumandang dalaga, dahil ayaw niya sa mga bata. O, baka mas mabuting sabihin, ayaw niya sa lahat.
Hindi siya dapat magsungit, alam niya. Lalo na sa araw na ito. Apat na taon na ang nakalilipas, at sa wakas matutuklasan na niya kung nasaan ang puntod ng kanyang ama.
Parang isang siglo na rin ang lumipas. Nasa abroad siya nang mamatay ang kanyang ama. Nag-violate ito ng lockdown protocols at nahawa ng, sa lahat ng bagay naman sa mundo, HIV. Natokhang ito isang taon pagkatapos. Ang punto lang naman ni Thea sa kanyang ate, kung pusher ang kanilang ama, wag na silang magreklamo. Ang punto ng kanyang ate, hindi dapat sila nagpapaapi. Wag na daw siyang tatawag ulit.
Taong 2022 siya umuwi nang permanente sa Pilipinas. Ang totoo, nasisante siya. Isang taon na silang hindi nag-uusap magkapatid. Nagbati sila, pero masama pa rin ang loob ng ate niya sa kanya. Ayaw nitong sabihin kung saan inilibig ang ama nila. Wala namang ibang magkapagsabi kay Thea. Naubos ng COVID ang mga kapatid ng ama nila, pati ang natitirang kapatid ng kanilang ina. Wala pa namang muwang ang kanyang pamangkin, mas gugustuhin pang maputulan ng uten ng bayaw niya kaysa pagtakisalan ang asawa.
Malaki-laki din ang separation pay ni Thea, kaya imbes na maghanap ng trabaho, ibinuhos niya ang kanyang oras sa paghahanap sa puntod ng kanyang ama. Naging parang laro din ito sa kanya. Ground rules: bawal idamay ang kanyang ate, at ang pamilya nito. Wala nga namang silbi ang kanyang bayaw, pero ayaw din niyang ma-tempt na lokohin ang kanyang pamangkin para lang maisahan ang kanyang kapatid. Bawal din siyang gumamit ng private investigator. Kailangan siya mismo ang makatuklas ng katotohanan.
Tiniktikan niya ang bahay ng kanyang ate. Puro lang naman away ng mag-asawa ang narinig niya. Hindi nga nagtataksil ang kanyang bayaw, pero batugan naman ito. Lagi tuloy nahihiritan ng kanyang ate na nagpapalaki lang ng bayag. Ma-pride ang lalake. Ma-pride kahit walang trabaho! Ilang araw din ng buhay ni Thea ang napunta sa pakikinig sa sumbatan, hinanakit, kunwaring pakikipagbati, at make up love making. Kahit itong huli, nga lang, ay di niya pwedeng iskipan, dahil baka mabanggit ng isa sa mag-asawa ang detalye ng puntod post-coitus.
Aaminin niyang may saya din sa pagiging espiya. Pag order pa lang ng bug sa AliBaba, exciting na. Mas lalo pa ang pagtago nito sa sala at iba pang kwarto ng bahay ng ate niya. Ipinagmamalaki niya sa kanyang sarili na perpekto ang pinagtaguan niya nito sa masters bedroom: sa lampshade na hindi naman kahit kailan ginagamit dahil, anoman ang press release ng kanyang ate, hindi naman ito kahit kailan nagbabasa sa kama. Panay lang cellphone ito.
Isang beses naubusan ng baterya ang kanyang bug. Akala niya’y walang tao sa bahay, kaya sobra ang kumpyansa sa sarili nang dumiretso lang siya sa bahay, ginamit ang spare key na bilin sa kanya’y itago, at pumasok sa masters bedroom. Nandoon pala ang kanyang ate! Buti na nga lang at tulog ito, knockout sa kombinasyon ng gamot sa trangkaso at gin.
Bukod sa pisikal na paniniktik, sinubukan din ni Thea ang electric surveillance. Mas mahirap ito, dahil walang tiwala ang ate niya, hindi lang sa kanya, pagdating sa cellphone. Buti na lang ang bayaw niya, hindi lang batugan, sisinto-sinto pa. Nang minsang hiramin niya ang cellphone, imbes na buksan at iabot sa kanya, sinabi lang nito kung ano ang passcode. Na-side load agad ni Thea ang app na pang-mirror. Ito rin ay ehersisyo sa pag-umpog ng ulo sa pader. Panay lang kabobohan ang alam ng kanyang bayaw. Isang beses limang oras nitong pinanood ang “championship” ng kung sinong kapwa-batugan din na adik sa MOBA. Isang beses tatlong oras itong nanood sa Twitch ng lalakeng naubos ang pera sa “laro” na halata namang slot machine lang.
Pinakagusto ni Thea sa lahat ang pagsunod sa pamilya. Sa ate niya siya nagpokus. Bakit naman pupunta ang bayaw niya sa puntod ng kanyang ama nang wala ang kanyang ate? Pakiramdam nga ni Thea, naging mas malapit siya sa kanyang ate sa pagiging anino nito. Kasama niya ito sa pang-araw-araw na commute, jeepney, MRT, bus. Kasama niya ito nang gumaan kahit papaano ang buhay nang i-implement ang carousel sa EDSA. Kasama siya nito sa paminsan-minsang treat sa sarili sa spa sa mall. Hindi siya pumapasok sa spa, syempre, pero namatyagan niya ang tuwa sa mukha ng kanyang ate, na mukha din naman niya, lagyan lang ng limang taong dagdag na sama ng loob, tuwing lumalabas itong natanggal na, kahit papaano, ng masahe ang tensyon sa kalamnan.
Kung gaano kapana-panabik ang kanyang ginagawa, ganoon naman kanakakabagot ang buhay ng kanyang ate. Walong oras, sunod-sunod pwera sa lunch break at dalawang pamigay na pambanyo, nakaupo lang ito sa maliit na cubicle, naghihintay ng magbabayad, manghihingi ng exact amount, magbibigay ng sukli. Siguro kung wala itong spa day, matagal nang nagbigti ang kanyang ate. Ayaw maging insensitive ni Thea, pero siya mismo muntik nang magpatiwakal sa panonood lang ng buhay na ganoon. Paano pa kaya kung kailangan niyang isabuhay talaga?
Limang araw na lang, Todos Los Santos na. Namamalimos na ang mga batang gitnang-uri, kunwari Trick or Treat.
Ano ba nga naman ang pagkakaiba ng buhay ng ate niya dito sa buhay niya noon abroad? Hindi rin naman exciting ang pinagkakaabalahan niya. Malaki nga lang ang bayad.
Bumalik siya ng bahay nang buong akalang ang pinakamalaking problema nang kanyang kakaharapin ay ang tae ng mga punyeteng tuta. Nag-iimis na siya sa sala nang mag-beep ang app na nagmomonitor ng tracker sa kotse ng kanyang kapatid. Tsinek niya ang kanyang relo. Alas tres pa lang ng hapon, ano ito, nag-off nang maaga? Tsinek niya ang audio feed mula sa bahay nito. Tahimik. Matagal na dapat siyang may video feed, pero nakonsensya pa siya. Ngayon tuloy hindi siya masigurado kung makikipagkita ang kanyang bayaw at ate sa isa’t isa. Papunta kaya sila sa puntod ng kanyang ama?
Sa sobrang pagmamadali niyang lumabas ng bahay, natapakan niya ang tae ng tuta. Sa sobrang pagmamadali niyang habulin ang kanyang ate, konting kiskis lang sa aspalto at isinakay na rin niya sa kanyang kotse ang madumi niyang sapatos.
Wala sa schedule ang adventure na ito. Sanay siya sa schedule. Buong kabataan niya, kinailangan niyang dumating sa eksaktong oras. Isang taon pagkatapos niyang ipanganak, nag-menopause ang ina niya. Sa isang beses na hindi siya sumunod sa schedule, sa kasong ito, sa pag-uwi sa Pilipinas, namatay ang ama niya. Tinuruan siya ng paniniktik sa kanyang ate na maging mas flexible. Mag-adjust kung kinakailangan.
Itong kotse, halimbawa, gusto sana niyang hindi pula ang kulay. Pero pula ang pinakakaraniwang kulay para sa mga kotse sa Manila, at para hindi mahalata ang kanyang pagsunod sa loob ng kotse, pula ang pinili niyang kulay. Dapat ay magmemeryenda siya pagkatapos maglinis, pero heto siya ngayon, nire-refresh ang kanyang tracker app, sa kalagitnaan ng Visayas Avenue.
Swertihan lang din. Nahuli ng kanyang mga mata ang SUV ng kanyang bayaw. Anak ng pating, wala na ngang trabaho may sarili pang SUV. Napasakit sa mata ito, una dahil pink, pangalawa dahil binabalot ito ng ad para sa sugal. “Online gambling, Thea,” sabi nito sa kanya, “ang kinabukasan.” Binayaran daw ito ng kompanya para ganunin, lapastanganin, ang kotse.
Isang oras din sila sa byahe, paano papuntang Manila ang mag-asawa. Natsek niya, kasama ng pamangkin ng kanyang bayaw, “babysitter” kuno, ang kanyang pamangkin. Muntik na niyang mabitiwan ang ahente ng pagkaulol sa Banaue, pero sinwerte siya ulit at naaninag itong kumakaliwa papuntang China Town. Bumalik din naman ito sa Quezon Avenue para pumasok sa Rotonda. Malamang sumusunod ang ate niya, ito ang nagda-drive, nakita niya, sa walang saysay na “navigation” app, na ituturing ang dalawang minutong nakaltas sa byahe bilang “efficiency.”
Ganoon ang kanyang ate, mahilig sa mga catchphrase at buzzword. Akala talaga nito may saysay ang mga slogan at mantra na idinideklara.
Noong bata pa sila, nakakita ng laruang pating si Thea sa Isettan. Sa Cubao ito, hindi sa Recto. Nagmamadali silang umuwi, at isa pa hindi naman sila noon tulad ng pamangkin niya ngayon, na basta umatungal bibilhan. Kung manghingi siya noon, baka nasungalngal siya. Wala silang pera. Pinakamahirap ang Pasko para sa mga walang pera.
Lumipas ang Paskong iyon. Dumating ang tag-init, at nag-beach sila. “O ha,” sabi ng ama nila. “Nakabawi na kami.”
Naisip ni Thea noon, hindi naman para sa kanila ang pagpunta sa Cebu. Para ba sa mga bata ang pagsisid?
Kinagat ang ina nina Thea ng pating. Hindi ito namatay agad. Pero namatay ito. Walang tao, sabi ng kanyang ama, ang pwedeng mabuhay pagkatapos makagat nang ganoong kalaki. Niyakap sila nito, pero hindi ito umiyak. Sa ospital, naglista pa ito ng trivia tungkol sa mga pating sa Pilipinas. Tiger shark daw ang naengkwentro nila.
Noong Paskong iyon, hiniling ni Thea ang parehong pating. Sa Uniwide sa Cubao nila ito nakita. Binili naman ng ama niya. Hanggang ngayon, nakay Thea pa rin ang pating na iyon. Luoy na at may amag, rubber pero inaamag, nakatago sa isang plastik na kahon, nasa ilalim ng lababo sa kusina.
Ngayong kumakaliwa sa isang motel ang SUV ng kanyang bayaw, ngayong natatanto ni Thea na hindi pala sila papunta sa North Cemetery, o ang mas pantastiko pa niyang hula, na papunta ang dalawa sa bahay ng buhay pa niyang ama, naalala niya ang pating na iyon.
Lampas pa ng USTE bago siya makapag-uturn. Dalawang oras siyang naipit sa Espanya. Masusuka-suka sa amoy ng regalo ng tuta, hinitsa niya hindi lang ang maduming sapatos, kundi pati ang kapares nito. Lumusot ang init ng bakal sa mga medyas niya.
Dumaan ang Pasko nang hindi niya natuklasan kung nasaan ang puntod ng ama niya. Unti-unti, inayos niya ang relasyon niya sa kapatid. Hindi niya syempre inamin ang paniniktik, pero tuwing bumibisita siya sa bahay nito, tinanggal niya ang isang aparatong pang-espiya. Imbes na matyagan ito, niyaya niya ang kanyang ate na manood ng sine, maglamyerda sa mall, kumain sa Mary Grace na parang normal na Titas of Manila.
Alam niyang nagkaayos na sila nang isang beses, habang tumitingin sa sale na mga damit sa SM Annex, ikinumpisal ng kanyang ate na nawawalan na ito ng respeto sa asawa dahil nga wala itong trabaho. Hindi siya syempre nakialam. Alam niya kung ano ang nangyayari sa mga sumisingit sa away-mag-asawa. Tama naman ang naging pusta niya. Sa adoptaversary ni Thea Jr., sweet na sweet pa rin ang mag-asawa. Nakinig naman sila nang magbigay siya ng tips sa toilet training.

Leave a comment