
Sariling Arkeolohiya ng Kaalaman: Ang Munting Pamayanan ng may Kapansanan (MPK) sa Aking Pagmamanunulat
Ayon kay Foucault (1969) sa kaniyang Archeology of Knowledge, mahalagang bakahin ang mga dati nang prekonsepsiyon sa kasaysayan. Balikan ang mga proseso ng diskurso sa lahat ng mga suliranin, limitasyon, pagkakaiba-iba, at mga kompleksidad nito. Mula rito’y muling nagbalikan sa isip ko ang halaga ng pagwasak at paghamon sa magaan, komportable, at dati nang mga pananaw at perspektiba sa kasaysayan. Iskema’t balangkas ng walang katapusang pagkakabisa ng pangalan-petsa-pangyayari. Na ang katangi-tanging magaling lang at pasok sa langit-sa-taas na pamantayan ng mahusay sa kasaysayan ay iyong mga nagtataglay lang ng matatalas na memorya; kayang kumabisa ng gubat ng katotohanan at ngumuya ng mga trivial na kaalaman.
Nasa elementarya pa lamang ako, kahit pa paborito kong asignatura ang HEKASI, aminadong di talaga ako mahilig magkabisa. Tinatamad ako, nalulula sa mga salita at numero. Di ko forte? Alinman sa mga ito. Ang mas interesado ako noon, sa mga sala-salabid na kuwento ng mga tao at pangkat na ito sa kasaysayan. Nabubuhay ako sa diwa ng kanilang mga ugnayan, ng kanilang mga tunggalian at pakikipagsapalaran—na parang naroroon sila sa simula, gitna, at wakas ng isang mahaba subalit napakagandang pelikula. Wala akong paki noon kung sino ang sino, o kailan siya/sila nabuhay o namatay, may parangal ba siyang natamo o nailagay na lamang siya sa pusali ng kasaysayan. Mas kamangha-mangha sa akin ang pagi-pagitan ng kaniyang mga paglalakbay, ang nginig sa dibdib sa mga pinanindigang desisyon.
Ano kaya ang naiisip ni Rizal bago siya barilin sa Bagumbayan? Sa huling mga segundo’y pinagsisisihan na ba niya ang lahat ng isinulat na aklat? Si Heneral Luna kaya, nang matanto ang pagtataksil sa kaniya ng mga kapwa rin rebolusyonaryo sa Cabanatuan, nagbalikan ba sa kaniyang isip ang imahen ng inang nagtatanong kung bakit niya ipinagpalit ang maalwang buhay para lamang mamuno sa napakagulo at napakasalimuot na digmaan? Mabigat sa metodo ng Archeology of Knowledge ang pagtutuntong sa mga dokumento—hindi upang gawing salalayan lamang ng nagdaan kundi mga aktibong monumento ng kasalukuyang konteksto o panahon. Naisip ko, sa bansang gaya ng Pilipinas na higit sandaang taon pa lamang lumalaya sa mga kolonyal nitong karanasan, laging mahalaga ang mga kuwento at naratibo lagpas sa simpleng pagkakabisa lamang. Mas lumalalim at tumatalim ang sensibilidad ng sinomang manunulat o mag-aaral ng kasaysayan, kapag kinikilala na niyang ang sariling mga karanasan ay lagi’t laging kabahagi ng mas malaking kasaysayan ng bayan at daigdig. Itinatakda ng makakapagyarihang impluwensiya at mga pamantayan.
PAGYAKAP SA DI-PAMILYAR NA ESPASYO: KUNG PAANONG PAMILYARISASYON DIN ANG PAGKALIGAW
Nakapag-asawa ang Nanay ko ng anak ng mga bulag. Kahit pa anak ako sa pagkadalaga, sinangguni ako ng Nanay kung papayag daw ba akong magpakasal na siya. Noon ay dali-dali akong pumayag dahil talagang inggit na inggit ako sa mga pinsang buo ang pamilya, inuuwian ng regalo, pagkain, o anomang pasalubong ng kanilang tatay. Tipikal na pamilyang Pinoy na kapag galing sa maghapong pagbabanat ng buto ang haligi ng tahanan, nariyang matamang nakaabang ang nanay at mga anak. Handang magsilbi: nakahanda na ang tuwalyang pamunas ng pawis at tsinelas na pamalit.
May isang gabi noong mga nasa lima o anim na taon ata ako, di ko na sigurado pero ang tanging rumerehistro na lamang sa isip ay iyak ako nang iyak nang matanto kong may kulang talaga sa buhay ko/namin ng aking Nanay—higit, nang makipag-unahan akong magbigay ng tsinelas sa aking tito kahit pa naroon naman ang aking mga pinsan para gawin ito. Natuwa rin ang tito at di pinahalata sa akin na hindi ako ang dapat na gumagawa noon, na may natatapakan na akong paa ng iba nang dahil sa kagustuhan kong punan ang hungkag na bahagi ng aking dibdib. Niyakap niya ako nang mahigpit habang ramdam kong parang nagiging ilog na ang buo kong katawan.
“Sure ka na ba? Kung ayaw mo ay di na rin ako a-attend, sabihin mo lang,” hirit ng Lolo ko habang nag-aayos na kami sa pagdalo sa kasal ng Nanay at ng mapapangasawa niya. Ng aking magiging amain. Kagyat kong sinagot na siyempre, gusto ko! Masaya ako! Kahit na ang totoo noon ay di ko maunawaan ang sarili. Natatakot ba ako na may makahahati na ako sa atensiyon ng aking Nanay kapag nagkaroon na ako ng mga kapatid? O dahil sa katotohanang tatayong ama sa akin ang isang estranghero?
Lagi naman tayong alangan sa mga bagay na di sa atin pamilyar. Lagi tayong takot sumugal. Balon ang tagpong iyon ng kawalang-kasiguruhan. Ang siguro’y sigurado akong napulot noong mga oras na iyon, mahalaga sa akin na kinukuha ang aking panig. Na kabahagi ako sa desisyon, di ako etsa-puwera, na may tinig din ako kahit pa parang nakalulunod ang lumangoy sa tubig na di nasasalat ng mga paa mo ang lalim.
Munting Pamayanan ng May Kapansanan (MPK) na kilala rin bilang “Bulagan” ang lugar na kinalakhan ng aking naging amain. Parehong may kapansanan sa paningin ang kaniyang mga magulang, ang aking magiging Lolo at Lola. Ang Lolo, talagang bulag na. Wala nang pag-asang makakita nang masabugan ng improvised na bomba sa dating pinagtatrabahuan. Ang Lola, partially blind ang bansag ng mga tao subalit halos nakaaaninag na lamang. Panganay ang naging amain ko sa limang magkakapatid, tatlong lalaki at dalawang babae. Ni hayskul di natapos dahil sa iba’t ibang dahilan. Siya ang tumatao sa bahay at nagiging magulang sa mga kapatid dahil araw-araw na umaalis ang mga magulang para magtrabaho bilang mga masahista. Iba’t ibang massage clinics ang duty mula Lunes hanggang Biyernes, tuwing Sabado’t Linggo naman, nagho-home serbis. Gabi na sila nagtatagpo-tagpo.
Kaya nang mapabarkada, hindi rin natutukan ng mga magulang na may kapansanan. Iba-iba ang naging trabaho para buhayin kami ng aking Nanay. Merchandiser, cook, delivery rider, tricycle driver, pahinante, construction worker, at marami pang iba. Nang lumaon, biniyayaan sila ng tatlo pang supling. Hirap man kami sa buhay dahil ni pagkain, minsan ay naiaasa pa ng aking Tatay sa mga magulang sa kawalan ng oportunidad para sa gaya niyang ni hindi nakatapos sa mataas na paaralan.
Sa kabila ng katotohanan na hindi naman niya ako tunay na anak, di ako mula sa kaniyang dugo at laman, lagi akong ipinakikila ng amain ko sa kaniyang mga kaibigan o nagiging kaibigan bilang kaniyang panganay. Labindalawang taon lang ang pagitan ng aming mga edad, kaya bakas na bakas sa mukha ng mga tao ang kalituhan. Di siya nagpapaapekto sa mga tanong at pagtataka. Kaya naman, bata pa lamang ako, niyakap ko siya nang buo, di lang bilang tatay na aabutan ko ng tuwalyang pamunas at tsinelas na pamalit sa tuwing uuwi siyang pagod galing sa maghapong pagbabanat ng buto. Di lang bilang ama na pupuno sa kulang ng aming “pamilya.” Niyakap ko ang kaniyang lugar na pinagmulan bilang akin. Ang kaniyang pamilya bilang akin. Tagalabas ako, at malinaw na malinaw sa akin ‘yon. Walang halong pretensiyon.
Subalit sa makitid kong pananaw noon, di naman dugo lamang ang pamantayang nagtatakda sa lapit at kapit sa identidad, lalo na sa espasyo. Hindi ba’t higit na makahulugan kung pinili mo ang bagay o lunan, kaysa itinakda o pinilit lamang na ipasubo sa iyo? Maliligaw, posible, pero tiyak na hindi na kapag ituturing mo nang iyo ang lupang kinatatayuan mo.
ANG MUNTING PAMAYANAN NG MAY KAPANSANAN (MPK) BILANG MIKROKOSMO NG PILIPINAS
Sumali ako sa singing contest sa Foundation celebration ng MPK na laging ginaganap tuwing buwan ng Mayo. Labindalawang taong gulang na ako nito. Olats dahil noong nasa kalagitnaan na ako ng kanta, ng Nandito Ako ni Ogie Alcasid, ‘langya, biglang bumuhos ang ulan. Dahil walang bubong ang court at sa inisyal ay paradahan lang naman talaga ito ng mga sasakyan, alisan ang mga hurado sa harap. Kani-kaniyang hanap ng masisilungan ang mga tao. Buti at di ako iniwan ng mga bulag na naggigitara at nagda-drums, itinuloy ko ang kanta. Todo birit pa ako sa chorus part habang minamasdan sila—napakaastig nila. Oo, hindi nila nakikita ang ulan, pero tiyak na mas nararamdaman nila ito kaysa sa akin na gumagana ang lahat ng pandama. Ganoon daw kasi iyon, kapag may nawalang sense sa iyo, halimbawa ang paningin o pandinig, mas lalakas ang iba pa dahil doon ka na dedepende para gagapin ang mga pangyayari sa paligid.
Pagkatapos na pagkatapos ko sa kanta, nagtawanan ang hosts at mga tao dahil parang nang-aasar ang tadhana: huminto sa pagbuhos ang ulan. Umuwi akong talunan pero masaya sa pakiramdam. Kung tumigil din ang mga bulag na musikero, malamang, di na ako sasali sa anomang pagdiriwang ng pamayanan. Isusumpa ko na ang MPK. Isa na namang katotohanan ang tumimo sa akin mula roon: sanay na silang nagpapatuloy sa buhay kahit pa anong unos ang danasin nila. Kaya dapat, ako rin.
Pati isports, di ko pinalampas. Sumali rin ako sa chess competition sa MPK na unang round pa lang, laglag na agad. Nakangiti sa akin si Jonas nang ma-checkmate niya ako. May isang minuto ata bago ako natawa at tinanggap ang pagkatalo. Inapiran ko siya. Anak siya ng bulag na si Mang Puroy, iyong bulag na nang mamatay ay baha sa amin kaya lahat ng nagsipaglamay ay lubog sa baha ang mga paa’t binti. Sobrang malas naman, sa isip-isip ko. Isang dangkal na lang ata ay aabutin na ng baha ang kabaong. Sa kabila nu’n, nanatili ang ngiti ni Jonas sa bawat makikiramay sa kanila. Mahirap na pati ito, nakawin pa sa amin ng kahirapan. Kaibigan ko pa rin hanggang ngayon si Jonas at isa ang ngiti niya sa lagi kong hinahanap-hanap sa aming lugar, saanman ako dalhin ng aking mga paa.
Si Carylle, anak din ng bulag na bagong salta sa amin. Maganda siya at maputi. May mga biloy na habang nasusulyapan ko noon, mas lalong bumibihag sa puso ko. Lagi siyang bumibili sa amin ng burger at shake, sa maliit naming puwesto malapit sa court ng MPK. Feeling ko noon, tadhana na ang gumagawa ng paraan para magkalapit kami dahil ako lagi ang nasasaktong nagbabantay kapag naghahanap siya ng meryenda para sa nanay at mga kapatid. Nagkakausap kami at nagkukumustahan habang niluluto ko noon ang order niya—kaya sinasadya kong hinaan ang apoy para mas tumagal ang moment. Landi. Kaso ang problema, nauna siyang nagbigay ng liham sa akin. Ipinaabot niya kay Wilma, sa kaibigan niya.
Sabi ni Wilma, sana maging kayo na ng kaibigan ko. Hanggang ngayon, di ko pa rin alam kung ano ang laman ng liham. Sa sobrang taranta ko sa pag-atake ng anxiety noong araw na iyon, naihulog ko sa bintana namin, sa bubong ng kuwarto, ang liham. Sobrang tanga ko. Napakahirap nitong sungkitin pabalik, parang isang maling desisyon na habambuhay ko nang pagsisisihan. Ilang subok man ang gawin ko, talagang bigo ako. Kung paano ba naman kasi, taga-MPK na nga ako, mag-aasawa pa ako ng taga-MPK? Ano na lamang ang sasabihin ng mga tao, lalo na ng iba naming kamag-anak na di naman malay sa lugar, ng mga diring-diri dito? Wala akong nagawa, sinaklob ako ng takot, hanggang sa inulan na ito at naarawan ng ilang araw, linggo, buwan, taon. Nasa kolehiyo na ako noon nang malaman kong nag-asawa na siya. Hindi taga sa amin.
Naggagayd (guide) ako sa Lola at Lola sa kanilang mga home serbis. Sa Pasig, Cainta, at Binangonan, Rizal. Dami kong alaala sa danas na ito mula pa noong walong taon gulang ako. May isang pagkakataon na hiyang-hiya ako sa party ng mayamang pinagho-home serbisan namin dahil pagpasok namin, nang ayain kaming kumain, kani-kaniyang tinginan ang mga tao. Sumisingaw sa kanilang balat ang pagtatanong. Nakasusulasok. Parang may nakapasok na ibang elemento. Naaawa ba sila o nandidiri sa amin? Di ko na alam. Sa inis ko, sumandok ako nang marami para sabihing oo tama kayo, patay gutom kami. Di ninyo na kailangang iparamdam. Mahirap kami, oo, pero di kami manhid.
Tawang-tawa pa rin ako kapag naaalala kong bigat na bigat ang lolo nang iabot ko sa kaniya ang plato na punong-puno ng mga pagkain mula sa buffet. Bakit ba? Pare-pareho naman kaming alipin. Kami, ng kagustuhang mairaos ang araw-araw na pamumuhay. Sila, ng kanilang panghuhusga at pangmamata sa maliliit.
Isa sa mga di ko malilimutang masasalimuot na kuwento sa MPK ay ang lamangan sa pamaskong handog at ayuda. Bukas na sikreto sa pamayanan kung paanong ginagamit ng maliliit ang kapwa maliliit para sa kanilang sariling interes at pakinabang. Dahil dinastiyang politikal ang umupo sa Pasig sa loob ng 27 taon, lumikha ito ng kultura ng lamangan at daigan. May kung ano-anong grupo ang itinatatag sa amin na nakapangalan sa mismong mga politiko, para nga naman kung eleksiyon, napakadali na lamang mobilisahin ng mga ito bilang pasampol ng kanilang puwersa.
Kung lider ka, tiyak na hindi lang isang supot ng pamaskong handog ang matatanggap mo. Malamang dalawa, o tatlo, o apat…o minsan pa nga’y para silang instant milyonaryo sa dami ng de-lata, bigas, noodles, toothpaste, at iba pa na mayroon sa bahay nila. Sila lang din at ang kanilang pamilya ang unang nakaaalam kung may pawalis si Mayor—at siyempre, may bayad ito. Ito iyong TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers. Siyempre, di naman lahat ay petiks lang dito, marami pa rin ang tumuTUPAD talaga sa tungkulin nila kahit katirikan ng araw. Pero sa danas ko noon nang humalili ako sa Tatay ko, iyong matatagal na sa ganitong kalakaran sa lungsod ang magsasabi pa na wag masyado seryoso, piktyur-piktyur lang, oks na. O, balik na lang kapag di na mainit. Sisimplehan ka pa ng parinig na, “masyado ka namang pabibo, pabida.” Nauunawaan ko namang mahirap ang trabaho kapalit ng ilang libong pisong ayuda galing pamahalaan, pero kung tayo mismo, nabubulok na sa sistemang ganito, paano pa ang mga nasa tuktok? Maaasahan ba natin silang ginagampanan nila ang mga gawain nila habang nasa loob sila ng malalamig na opisina? Nakatutupad ba talaga sila sa kanilang mandato?
Lamangan sa araw/iskedyul sa masahe. Isa pa ito. Kung sino lang ang malakas sa LGU, sa mga namamahala at nag-aapruba sa mga pa-massage demo, sila ang laging may pasok. Sila ang laging may kita. Siyempre sila ang may bola kahit pa sa kung sino-sino sa mga masahista ang pamamasahiin sa mga dumarating o pumupuntang kostomer. Tahimik man ang ilan, marami pa rin ang nagkikimkim na lamang ng sama ng loob. Bulag man sila, malinaw pa sa sikat ng araw para sa kanila na may hindi magandang nangyayari.
Sa aking pagmamanunulat, dito unti-unting lumitaw at umigting ang katotohanan sa aking mga pananaw na di lahat ng nasa aping uri, handang maglahad ng kamay sa kapwa-dukha. At kung kinakailangan pa nga, handa ring magtaas ng kamao para sa ikabubuti ng pamayanan. Para ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Patas na oportunidad sana sa kanilang hanay. Malayo pa ang aabutin ng plano at programa natin sa pagbibigay-solusyon sa mga deka-dekada nang suliranin ng bayan sa kahirapan at pagkakamit sa mga batayang karapatang pantao.
Patunay ang usapin sa MPK. Ilang bahagi lang ito ng mga tunay na kuwento ng nasabing mikrokosmo. Sa kasalukuyan, katatapos ko lang sulatin ang isang nobela at pinamagatan ko itong Bulagan. Patuloy akong magbubungkal ng mga katotohanan sa anyo ng mga tala at kuwento bilang mga buhay na dokumento.

Leave a comment