In-Ai-Ai

Makulay ang politika sa Pilipinas dahil nakikisabay ito sa pagkamalikhain o pagiging imahinatibo ng mga Pilipino. Kaya mayroon tayong Minarcos, Imeldific, ERAPtion, Dutertismo, at Sara All.

Sa kulturang popular, nariyan ang Marites, i-Dawn Zulueta mo ako, at Shinaron.

Gayunman, kahit sobrang talamak na ang paggamit sa Artificial Intelligence (AI), wala pa ring anthroponymic eponym, denominal verbalization, o neologism tungkol dito. Ang pinakamalapit ay nakita ko sa slide presentation ng isang nag-lecture dati sa isang Unibersidad. May definition ng AI sa tabi ng larawan ni Ai-Ai delas Alas. Nag-evolve na nga ito. Kung dati, pinipili ang pinakamatinong larawan ni Ai-Ai na magu-Google—naka-bright red gown na may V-neck, red headdress na may red satin bows, at red opera-length gloves—ngayon, may Ai-Ai nang in-edit at mukhang female cyborg.

Kaya mayroon akong proposisyon: gamitin ang terminong in-Ai-Ai sa mga tekstong garapalang ginamitan ng AI.

Gusto kong ipaliwanag ang pakahulugan ko. Ang mga tekstong ito ay mga akdang pampanitikan. May template ang mga teknikal na teksto, pero may self-plagiarism at patchwork din. Para sa lunang ito, sa malikhaing akda muna. Gayunman, maaalala ang councilor na nag-viral dahil sa ganitong linyahan:

May your Divine Light shine upon us, guiding us in our endeavors, and filling our hearts with hope and inspiration. May we also pray… Feel free to modify this prayer or tailor it to your specific needs and benefits. This we ask in Jesus name.

Shaks! Nag-copy-paste na nga ng resulta ni AI, hindi pa binasa. In-Ai-Ai na nga, hindi pa binura ang AI-generated system response.

*     *     *

Ang totoo, may mga gurong nagrereklamo. Nakakahuli sila ng mga estudyanteng in-Ai-Ai ang output sa assessment dahil hindi binura ang AI template response. Pino-post pa nga nila ang mga ito sa kanilang social media account para pagtawanan at libakin.

Garapal nga.

Narinig ko na rin ang balita tungkol sa isang estudyanteng garapal na nag-copy-paste ng mga creative output o literary work na na-generate ng AI para sa kanyang thesis. Grumadweyt na ang taong ito bago niya inaming ginamitan niya ng AI ang thesis niya. Baka pa nga nakatanggap ng pagkilalang summa o magna.

Galit ako dati sa AI. Noong panahon na bumalik ang klase matapos ang mga lockdown dahil sa pandemyang gawa ng COVID-19, talamak ang paggamit ng AI ng mga estudyante. Madaling hulihin dahil iyong mga nangopya lang ay magkaparehong-magkapareho ng output!

Pero, nang maglaon, naisip kong hindi dapat na ituring na kaaway ang AI. May kakilala pa nga akong isang manunulat na may premium account sa isang sikat na generative AI. Okay lang sa akin na gamitin ang AI, pero dapat may limitasyon.

Para sa mga nagsusulat ng iba’t ibang uri ng teksto, nakakatulong ang AI para ayusin ang gramatika, pagbabantas, at pagbabaybay. Naka-integrate na rin ang AI sa email kaya nga minsan, habang nagsusulat ka ng mensahe, bigla kang kukulitin para iwasto ang bahagi ng iyong isinulat o magmumungkahi ng mga parirala para matapos mo ang isinusulat mong pangungusap.

Kung may salitang nasa dulo ng dila mo, maaari mong gamitin ang AI na gaya ng sa search engine. Magagamit din ang mga ito na parang tesauro para sa pinakaakmang salitang gagamitin sa pangungusap batay sa konteksto. Hindi ba nga may aralin tungkol sa clining?

Para sa tulad kong hindi lang malikhaing manunulat, kundi mananaliksik din, malaki ang tulong ng AI. Pero isang babala: Madalas na may AI hallucination ang mga popular na generative AI. Kaya dapat marunong ding mag-verify ng datos ang gumagamit.

Isa pa, kung may tinatawag na AI enslavement, o todong paggamit ng AI hanggang sa mistulang alipinin na ito, may mga nagiging slave din ng AI. ‘Yung hindi muna nag-iisip, bago kumonsulta sa AI. Bukas agad ng AI page. Ang nangyayari tuloy, batay na rin sa mga siyentipikong pag-aaral, nakakaranas ng atrophy ang brain cells ng mga ito, na nagdudulot ng pagpurol ng cognitive function at short-term memory.

May mga malikhaing manunulat ding pinagtatagpi-tagpi ang mga iniluluwang linya ng AI. Ang nangyayari, para sa isang makata, halimbawa, na hilaw pa o hindi kritikal, magkakasaliwa at nagkakabuhol-buhol ang mga talinghaga at imahen. Mahahalata ito ng mga beterano nang manunulat at maski ng mga nagbabasa nang may layuning tunay na unawain ang teksto.

Walang pinag-iba ang paggamit ng AI sa paghahabi ng tula sa pagpupulot ng mga arkaikong salita mula sa mga binabasang lumang aklat ng tula ng mga idol na makata. Nakakaempatso rin ang ganitong praktika. Maitatanong, Bakit ganyan magsalita ang persona? Nabubuhay ba siya sa panahon ni Balagtas?

Ganito rin sa pagsasalin ng tekstong nasa ibang wika patungo sa target na wika. May mga machine translator na hindi pa natural ang daloy ng pagkakasalin ng tekso. May mga panandang salita rin ang mga ito kaya mabibisto mo na ginamitan lang ng online translator.

Ang paggamit ng AI ay maihahalintulad sa pagsakay sa bisikleta. Ng isang nakaw na bisikleta. Naisip ko ito nang makita ko ang isang bidyo sa Visor tungkol sa salpukan ng isang nagmomotor at nagbibisikleta. May nagkomento na kilala niya ang nagbibisikleta dahil gamit nito ang ninakaw sa kanyang bisikleta. Sa nasabing banggaan, sumemplang ang nagbibisikleta. Tumabingi ang isang gulong ng bisikleta. Nagpapakita ang insidenteng iyon ng kawalang-ingat ng nagbibisikleta, dahil nga hindi kanya ang bisikletang ginamit niya.

Gayon din ang isang manunulat na padaskol na gumagamit ng AI sa katha man o tula. Dahil in-Ai-Ai lang ang akda, walang pakialam sa unity of thought. Walang pakialam sa talagang nangyayari sa totoong buhay. Pinabayaang “mag-isip” ang AI, kahit kulang sa lohika at puso ang proseso nitong nakadepende sa kung anong datos lang ang isinusubo rito. Kaya, nakakatawa rin iyong sabi ng isang IT editor ng isang pahayagan. Gamitin pa raw natin nang gamitin ang generative AI, para matuto ito sa atin, kasama na ang syntax natin ng pag-i-Ingles. Ang nakakapangiwi rito, hindi tayo binabayaran sa pagpi-feed natin ng datos sa AI. Tayo pa nga ang gumagastos.

*     *     *

Sa ngayon, may ilan nang mga paaralan na nasa proseso ng paglikha ng ethical policies sa paggamit ng AI. Halimbawa nito ang paglalagay ng isang pahinang AI Declaration na nagpapaliwanag kung ilang porsiyento ng teksto ang ginamitan ng AI. Pero ano nga ba ang threshold? Dapat bang 20% pababa lang ng teksto ang may AI? Kalahati ng teksto? O, ano?

‘Yung mga aminado, kahit sa academic paper, inilagay ang generative AI sa byline—halimbawa, co-author si ChatGPT. Sa Palanca, pwedeng mag-co-author, pero wala pang ganitong nangyayari. Sa Makata ng Taon, bawal.

Pero paano kung sinungaling ang nagsulat? Kung may tangka talagang mang-angkin ng idea at manlansi? Naging usap-usapan ito sa mga ipinasang entry sa Palanca. Pero sa totoo lang, hindi lang sa mga timpalak dapat maging concern ang paggamit ng AI, kundi maging sa mga ipinapasang manuskrito sa mga palihan at publikasyon. (May publikasyon ngang ginagamitan ng grammar checker ang mga manuskritong ipinapasa sa kanila at sinusunod ang lahat ng mungkahi nito. Ang nangyayari tuloy, parang nayupi at nadistrungka ang mga pangungusap, at nagbubuntalan na ngayon ang subject-verb agreement.)

*     *     *

Nag-eksperimento ako. Gumamit ako ng dalawang sikat na generative AI. Sabihin na nating si A at si B. Nagbigay ako ng prompt kay A na gumawa ng tula batay sa mga kondisyon ko. Ganun din ang ginawa ko kay B. Pagkatapos, ang tulang ginawa ni A, inilagay ko kay B at tinanong ko kung gawa ba ng AI. Ganun din ang ginawa ko sa tulang ginawa ni B. Ang resulta: parehong sinabi nina A at B na hindi gawa ng AI ang mga tula. Tologo bah? Eh kaka-prompt ko lang sa dalawa.

Mahirap ding gumamit ng mga AI detector dahil hindi pa pulido ang mga ito. Nagsulat ako ng tula na may mga taludtod na orihinal kong idea at mga taludtod na galing sa nalathala nang sikat na tula ng ibang makata. Nang isalang ko sa isang kilalang AI detector, baliktad ang resulta. ‘Yung mga orihinal kong taludtod ang tinukoy nito na ginamitan ng AI, habang iyong ni-copy-paste kong mga taludtod galing sa sikat na tula ay nakapasa.

*     *     *

Paano natin kukumbinsihin ang mga malikhaing manunulat na huwag magpasa ng in-Ai-Ai na akda, kahit pa sabihin nating mawawala ang humanidad nila? Ang kanilang critical thinking? Magtitino kaya sila kung ipapahiya sila sa social media? May nahuli nga akong mga guro pa man din sa pampublikong paaralan na nagpasa ng mga tulang kinopya nila nang buo (ni hindi man lang in-edit nang bahagya) sa Facebook posts ng isang makata. Eh malas nila, kilala ko ang nasabing makata. Nasaan na kaya ang dalawang iyon? Kailangan ko silang hantingin at itsek kung hindi sila huminto sa kanilang nakakahiyang gawain.

Ginagamit na ang AI para mas mapabilis ang trabaho, hindi lang sa STEM-related industries. May projection na ng mass layoff sa workforce ng mga BPO at manufacturing. Sa humanities, sa halip na mag-hire ng content writer, proofreader, at graphic artist, ipinapagawa na lang ang output sa mga AI. Pinagkakaitan ng karapatang mabuhay ang mga tao dahil sa pagtitipid (READ: pagkagahaman) ng mga kapitalista.

Kung papayagan ang pagka-copy-paste ng AI-generated content sa mga timpalak, palihan, at publikasyon, dapat malinaw ang polisiya rito ng mga organisador, judge o taga-screen ng mga lahok, editor, at iba pang sumasala sa mga manuskrito. Kung ipagbabawal ito, dapat malinaw rin ang mga parusa o implikasyon sa proseso. Kahihiyan din naman ng may-akda kung madiskubreng ninakaw lang niya kay AI ang mga idineklara niyang orihinal na kanya.

Leave a comment

Tungkol sa Luntian Journal

Tuloy po kayo sa Luntian Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (inilalathala ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino/PSLLF).

Basahin ang latest na isyu.

Latest posts