Ang “kuan” sa Bisaya

Lita A. Bacalla

Ang salitang “kuan” ay may kahawig na galing sa salitang “Tsino” na madalas apelyido o pangalan  na nangangahulugang “close” o “malapit” sa Filipino. Pwede rin nangangahulugan “to manage” o “pamamahala”. Maari rin itong galing sa “Hindu” na ibig sabihin ay “logical thinking”. Ang salitang “kuan” sa Wikang Sebwano ay may nakatagong iba’t ibang kahulugan lalo na kung gagamitin ito sa pakikipagkomunikasyon at pakikipagtalastasan mula sa iba’t ibang konteksto. Hindi lamang ito ginagamit sa mga taga-Cebu kundi sa mga bisaya . Ang salitang “kuan” sa mga bisaya ay tinatawag na “filler gap” o “word filler.” Ginagamit ito bilang filler gap o word filler depende sa taong nagsasalita. Karaniwan itong ginagamit bilang pamalit kapag nakakalimutan ng nagsasalita ang mga bagay, tao, oras, lugar o pagkilos na nais niyang sabihin o tinutukoy. Ginagamit din ito sa pakikipag-usap sa isang tao kapag nais iwasan ang pagbibigay ng mga detalyadong impormasyon, lalo na kung ang mga detalye ay maaaring maging bastos o hindi kaaya-aya pakinggan sa mga taong sangkot sa usapan.

Batay sa pag-aaral ni Ganaban (2017), sa diskurso ng Taguig Tagalog, napatunayan na ang mga Bisaya na nagsasalita ay gumagamit ng salitang “kuan” bilang filler gap o mga salitang hindi mabigkas sa kanilang pagsasalita, na nagpapahiwatig ng hindi matukoy na ideya o hindi maipaliwanag na detalye. Katulad ito ng mga salitang “kanang,” “katong,” o sa Ingles, “um” at “well.”  Katapat naman ito sa salitang “ambot” na nangangahulugang “hindi ko alam” o simpleng pagtatapos ng isang pag-uusap upang tuluyang putulin ang usapan. Ginagamit ito kapag ayaw na magbigay ng mga detalye samantala ang “kuan” ay ginagamit nito na gusto ng nagsasalita na ipagpatuloy ang usapan at hangad pa nito na hindi putulin ang pag-uusapan. Hangad din niya na ang kaniyang kausap ay mag-iisip din sa tinutukoy niya na “kuan”.

Minsan, ang paggamit ng “kuan” ay nagsisilbing pahinto o saglit na pag-iisip, kung saan ang nagsasalita ay humihinto saglit upang mag-isip kung anong susunod na sasabihin. Ginagamit din ito upang ipahayag ang kawalan ng katiyakan. Sa diskurso ang “kuan” ay madalas ginamit sa mga taong malapit sa isa’t isa o may dati na silang alam sa bagay na tinutukoy o pinag-usapan mas madali itong mauunawaan ang ibig sabihin ng salitang “kuan.” Ngunit kapag ang kausap ay hindi pamilyar o walang kaugnayan sa isa’t isa at marinig niya ang pagbanggit ng salitang “kuan” maaari itong magdudulot ng kalituhan.

Ayon kay Atty. Sonny Garcia, Tagapangulo ng Akademiyang Bisaya sa aking pakikipanayam sa kanya, ang salitang “kuan” ay “ tila isang misteryosong salita dahil sa iba’t ibang kahulugan dala nito. Maaaring magbigay ito ng katawa-tawa, magmukhang bastos, o magdulot ng alitan, depende sa konteksto at sa sitwasyon”. Mahalaga ang pag-unawa sa kung kailan at paano gamitin ang salitang “kuan,” at sino ang kausap. Sa mga gumamit ng salitang ito ay hindi niya namamalayan ang madalas na pagbanggit ng salitang “kuan”,  ngunit kapag naririnig ito sa  hindi taal  o native speaker ang salitang  “kuan” ay madaling mapapansin at magtatanong agad “Ano yong ‘kuan’?” Nakakatuwa, di ba? Tiyak na ang bawat wika ay natatangi.

Narito ang mga halimbawa ng paggamit ng salitang “kuan” sa Wikang Sebwano:

  1. Katong “kuan”, ba imoha natong “gikuan”. (Yon, “kuan” ba , inano mo na ba “gikuan”.)
    Ang “kuan” dito ay nagpapakita ng pagiging malapit ng relasyon ng dalawang tao. Nagpapahiwatig ito ng pagiging magkaibigan o pamilya, kung saan ang bawat isa ay nakakaintindi sa ibig sabihin ng isa’t isa sa kontekstong iyon kahit hindi detalyado ang pagkabanggit.
  2. Kanang “kuan” ba, nakahinudom ka katong “kuan” nato. (Yong, “kuan” ba, naalala mo ba yong “kuan” natin).  Ang diskursong ito malinaw ang nag-uusap ay malapit sa isa’t isa o may pinagsamahan. Maaring sila ay magkakabata, magkatrabaho. Maaring ang unang “kuan“ pinaalala niya sa kausap at ang pangalawang pagbanggit ng “kuan” ay maaring pinagkasunduan, maaaring proyekto o panukala na sila mismo ang nagpaplano.
  3. Usa man ng imung gikuan-kuan diha? (Ano ba ang iyong “gikuan-kuan” diyan?)
    Maaaring tinatanong kung ano ang ginagawa ng isang tao sa isang partikular na lugar. Sa kontekstong ito, ang “gikuan-kuan” ay nagpapakita ng hindi malinaw na sagot o aksiyon.
  4. Nakit-an ka namo sa imong mama sa plaza, nagkuan-kuan man mo didto, oy!.(Nakita ka namin sa iyong mama sa plaza , “nagkuan-kuan” man ka doon, oy!)
    Dito, ang “nagkuan-kuan” ay maaaring tumukoy sa isang aktibidad tulad ng pakikipag-date, kung saan ang ibig sabihin ng “kuan” ay hindi detalyado ngunit may kinalaman sa isang hindi tahasang relasyon.
  5. Nabasa nako sa newspaper ang among silingan nasakpan nga “nagkuan” daw siya didto sa motel kauban sa iyang kabit. (Nabasa ko sa pahayagan ang aming kapitbahay na nahuli na “nagkuan” daw siya sa motel kasama ang kaniyang kalaguyo.)
    Sa kasong ito, ang “kuan” ay ginagamit upang magpahiwatig ng sekswal na aktibidad o pakikipag-ugnayan na hindi direktang tinukoy, ngunit may malalim na konotasyon. Kaya sa halip na lantarang sasabihin ang mga bagay na hindi kaaya-aya pakinggan ay gumamit siya sa salitang “kuan”. 

Ang paggamit ng “kuan” ay isang halimbawa ng kung paano ang wika ng mga Bisaya ay nagpapakita ng kanilang kultura. Ayon kay Zeus Salazar, ang wika at kultura ay hindi pwedeng magkahiwalay, kaya ang “kuan” ay isang salitang malalim na nauugnay sa mga bisaya at sa kanilang paraan ng pakikipag-usap at natatanging paraan sa pakikipagtalastasan..

Kaya, sa inyong lugar o rehiyon, anong mga salita sa inyo ang kakaiba na kumakatawan sa inyong kultura at identidad.  Maaari mo rin itong itampok upang ganap itong mauunawan ng iba.

Hindi Palaging Bata

Rommel A. Pamaos

“Bakit ang kulit mo?”

Tanong ko sa kanya nang puntahan ko siya sa likod ng klasrum. Paano, dumadaldal na naman habang exam. Kapag klase ko, nililipat ko siya sa gitna sa may likuran, yung kitang-kita ko ang kiti-kiti niyang katawan. Siya ang pinakamakulit kong bata ngayon sa mga hawak kong Grade 7.

“Hindi ka ba napapagod sa kakulitan mo?” Tawa-tawa lang siya. Kamot-kamot ng ulo.

“Partida sir, naglalakad pa ako papasok tsaka pauwi.” Sagot niya sa akin.

Nagulat ako nang malaman kung saan siya nakatira. Malayo-layo din. Sabi ko bakit? Kasi trip lang? Hindi siya mahatid ng papa niya dahil naaksidente sa construction, na-pala daw ang paa. Natawa ako kasi akala ko ay nagbibiro siya, pero totoo nga daw. Hindi naman daw kasi nag-co-construction ang papa niya. Pero dahil daw hindi ito makapag-renew ng lisensya, hindi naman makapasada sa binibyaheng traysikel. 

Tanong ko, sino ngayon nagtatrabaho sa inyo? Nangangalakal daw siya sa ilog sa likod ng bahay nila. Kwarenta pesos sa tatlong sakong puno ng mga inanod na bulasi, lata at kahit anong may halaga sa junkshop. Kaya naman sampung piso lang ang baon niya. At ang binibili niya? Malamig na mineral water sa school. 

“Ano ka ba. Magbaon ka kaya ng tubig, nagsasayang ka ng pera e.” Payo ko.

Siya naman ang hindi makapaniwala sa narinig niya sa akin, na para bang nakapalaking kasalanan ang sinabi ko. “Sa baby namin yung tubig namin sir.”

Dalawang taon lang daw ang kapatid niya, ka-edad ng panganay ko. Mamaya nga daw pag-uwi, kailangan niya makarami pambayad sa inutang sa tindahan na apat na pirasong diaper at tatlong swak pack ng bear brand.

Umaga bago mag-exam, maraming bata sa court. Nanonood ako ng mga nagbabasketball, volleyball, badminton at iba pa.. Sa bleachers namay ay naroon ang iba’t ibang estudyante na naghuhuntahan, mayroon ding nag-aaaral mag-isa. Bigla siyang lumapit sa akin, nasa taas ako ng bleachers. Nagpapaalam siya kung pwede niya daw akyatin yung taas ng stage kasi napunta doon ang bola ng volleyball.

“Hindi mo kaya akyatin. Kapag nahulog ka, kasalanan ko pa.” 

“Ui sir, magaling ako sa akyatan. Kaya ko sir!”

“Tumahimik ka diyan, hindi mo kaya.”

“Kaya ko ser. Sige ser, challenge ha. Plus sa quiz pag naakyat ko, ser.”

“Hind pwede. Hindi mo kaya.”

Hindi ko siya binigyan ng diretsong sagot. Kasi ang totoo, gusto ko ring makita kung kaya nga niya.  Kinakabahan ako kasi baka may makakita sa kanya, nag-aalangan akong tumakbo sa stage at pababain siya hindi pa man siya nakaaakyat sa taas. Pero talagang mabilis ang bata, ayun at maya-maya nasa taas na siya, kumakaway na sa akin habang hawak ang bola. Ako, pailing-iling, agad siyang pinabababa.

“Ano ser, diba kaya ko?”

“Ang kulit mo talaga e no.” 

“Ser, may sampu ka? Bili lang ako tubig.”

Binigyan ko siya ng singkwenta, dahil hindi ko pa siya nakikitang kumakain sa eskwelahan. Sabi ko sa kanya, bili ka ng pang-recess mo. Tuwang-tuwa ang bata at agad na tumakbo sa canteen. Pagbalik niya, nagtataka akong tubig lang ang dala niya, sabay abot sa akin ng kwarenta pesos na sukli ko. Nagpasalamat at bumalik ulit sa paglalaro. Hindi ko na siya sinaway kung bakit tubig lang ang binili niya. Hindi ko pinilit sa kanya ang pera, sanay siyang humanap ng pera sa sarili niyang paraan, ayaw kong isipin na nililimusan ko siya. Isang batang binigyan ng maagang responsibilidad sa buhay pero mas may dignidad pa sa ibang pulitiko sa Pilipinas. 

Kanina pag-uwi o ang tindi ng sikat ng araw. Naisip ko lang kung sumisilong kaya siya kapag naglalakad? May malamig na tubig kaya siyang dadatnan pag-uwi? At bigla akong nahiya sa sarili ko na minsan, hindi rin ako nag-iisip bago magsalita sa klase. Sinasabi ko, na ang pwede lang matulog sa klase ay mga single parent at nag-co-construction. Napakawalanghiya ko doon. Nakakabubulag din ang kaunting prebilihiyo. Naisasantabi din natin ang bagahe ng mga estudyante sa pag-isiip na mas maraming ginagawa ang mga guro. 

Natural lang na turuan natin silang maging responsable sa paaralan. Matatanda na kayo, hindi na kayo elementary. Kumilos ng ayon sa edad. 

Pero naisip ko lang, ilan kaya sa mga estudyante natin ang nagiging bata lang ulit kapag nasa eskwelahan na?

Ang Digmaan Gamit ang 6-Inch Heels

John Carlo V. Pineda

“Bakla, try mo nga, please lang. Hugis-bigas ka, bongga make-upan mukha mo. Balingkinitan naman tapos singer at matalino pa.”

Mga salitang gumulo sa nananahimik kong buhay nang minsan magkayayaan sa isang lugawan matapos manood ng isang gay beauty pageant sa kabilang barangay. 

Sa ilang taong pakikibahagi bilang make-up artist, handler, hurado at minsan pa nga’y organizer sa pageantry, masasabi kong napaka ipokrito ko naman kung hindi ko sasabihing hindi kailanman sumagi sa isip ko ang sumali at makipagpatalbugan sa entablado. Oo naman! Karamihan siguro o kung hindi lahat ay may pantasyang mabihisan at maayusan sa pageantry lalo na kung babad ka sa mga ito simula pa pagkabata! Sa mga oras na iyon ay nagsalimbayan sa akin ang mga katanungang: Ano kaya ang feeling na rumarampa ka at ganda-gandahan ka sa gitna? Ano kaya ang feeling nung pinapalakpakan? Ano kaya ang feeling kung nakatutok ang spotlight habang pinuputungan ng korona? Mga tanong na siyang lalong nagpaigting sa ideya tungkol sa pagrampa sa entablado. 

Buwan ng Mayo at nagparamdam na noon ang tag-ulan nang bisitahin ako ng kaibigang tumutulak sa akin para sumali sa isang pageant. Bumisita siya para ipaalam sa akin na magkakaron nga raw ng Queen of Isla Consuelo. Ayon sa kanya, ito raw ang kauna unahang gay pageantry sa barangay. Isang barangay sa Macabebe Pampanga ang Consuelo na medyo may kalayuan sa Plaza at tanging pagsakay sa bangka ang paraan para makarating doon. Mala-isla dahil napapalibutan ng dambuhalang katubigan ng Pampanga river. 

Kauna unahang Miss Gay sa Isla Consuelo? Magbibihis dyosa sa gitna ng Isla? Magandang ideya!

“So, go ka na ba?”

“Te, gusto ko naman kaya lang..”

 “Kaya lang ano?”

Hindi ko talaga akalaing darating ang araw na papasukin ko ang pagiging kandidata sa mundo ng gay/trans pageantry. Noon, isa lang ako sa mga tagapanood—masigasig na tagapalakpak, tagahiyaw, at minsang taga-ayos ng buhok sa likod ng entablado. Pero ngayon, ako na mismo ang kinukumbinsing sumali. Nakaupo kami ng matalik kong kaibigan sa isang lumang bench sa plaza, pareho kaming may hawak na milk tea, at habang nilalaro ko ang straw, sinabi ko sa kanya, “Bes, kung papasok ako sa laban na ‘to, hindi pwedeng bara-bara. Kailangan planado, pulido, at may paninindigan.”

Inilatag ko sa kanya, isa-isa, ang mga konsiderasyong kailangang harapin.

Una, sabi ko, “Kailangan natin ng suporta sa gamit—costume, gown, swimsuit, at casual wear. Hindi lang ito basta pageant. Alam mo ‘yan, ‘di ba? Patalbugan. Pabonggahan. Sa ilang taon kong nanonood at nag-aabang sa final cut, napapansin kong madalas ang nakakapasok ay ‘yung may effort sa kasuotan. Hindi man pang-beauty queen ang iyong mukha, pero kung rumampa ka na parang sinapian ni Venus Raj, tapos ang outfit mo ay gawa ng isang mahusay na designer, ibang usapan na.”

Napangiti siya. “Girl, parang wala kang bilib sa akin? Hindi mo ba alam, kaklase ko sa Zumba si Ate Letty—siya ‘yung assistant ng handler ng mga nananalo sa barangay pageant sa kabila. Sagot kita sa gamit!” Tumawa ako pero nilinaw ko, “Gusto ko ‘yang confidence mo, pero alam mong hindi lang basta isusuot ang mga iyan. Iche-check ko pa kung bagay sa concept na gusto kong dalhin. Gusto ko ‘pag lumabas ako, hindi ako ‘yung basta sumali. Gusto ko, tatatak. So kontakin mo na sila ha? Para maagapan natin.”

Ikalawa, make-up at hair. “Kaya ko mag-make-up sa sarili ko,” sabi ko, “pero sa hair? Iba ang usapan doon. Kailangang may kakampi tayo sa likod ng stage. Mabilisan. Gulatan. Ang goal, hindi ako makilala. Gusto ko, ‘pag nakita nila ako, mapapaisip sila, ‘Sino ‘to? Miss Universe level!’ Total, first time ko ito—dapat, pasabog.” Hindi ko rin maiwasang magmuni habang sinasabi ko ‘to. Isa akong guro sa pampublikong paaralan, at alam kong kahit may mga polisiya na tungkol sa gender inclusivity, hindi pa rin ligtas sa paghusga ng mga makikitid ang isip. “Ayokong maging ‘talk of the faculty’ kinabukasan,” bulong ko sa sarili. Pero hindi ito tungkol sa kahihiyan—ito’y laban para sa sarili kong pag-unlad at ekspresyon.

Ikatlo, ang lakad. “Hindi lang ito basta lakad sa stage. Kailangan may attitude. May kwento ang bawat tapak. Fierce kung fierce. Sultry kung swimsuit. Regal kung evening gown.” Aminado akong wala pa akong karanasan dito, kaya sabi ko sa kanya, “Mamaya, magsimula na tayong mag-ensayo. Ihanda mo na ‘yang heels mo.”

“Oo naman, ‘te! Matagal ko nang hinihintay ‘to!”

Ikaapat, ang duct taping. “Aminin natin, ito ang pinakamasakit na bahagi,” sabi ko habang napapailing. “Pero walang choice. Ayokong mag-viral sa TikTok dahil sa umbok ng surprise guest ko sa swimsuit round.” Isa ito sa mga mahirap na parte—hindi lang dahil sa sakit, kundi dahil sa kasamang kahihiyan kung pumalpak. Dagdag pa riyan ang balahibo sa binti kong parang taniman ng kawad. “Ayoko mag-ahit,” bulong ko sa takot sa follicle trauma.

Pero gaya ng lagi, andiyan siya para payapain ako. “Sis, ‘di ba uso ‘yung three-layered glossy stocking? Sagot ko ‘yan. Ako na magta-tape sa ‘yo. Hindi mo kailangang mahiya.”

Ikalima, talent portion. “Kakanta ako. ‘The Prayer’. Doble kara. Para Marcelito Pomoy levels. Para medyo may wow factor.” Gusto kong gumawa ng impresyon na higit pa sa ganda—gusto kong ipakita ang talento, ang diwa ng performance, at ang pusong kaytagal nang nais umarangkada sa entablado. Tumango siya at ngumiti. “Handa ka na. Huwag lang nilang hayaang makapasok ka sa Top 5, lalamunin mo sila sa Q&A. Alam ko ‘yan.”

Akala ko noon, puro bola lang ang sinasabi niya. Pero habang binabalikan ko ang aming usapan, naramdaman kong totoo ang kanyang suporta. Mula sa damit, make-up, duct tape, heels, hanggang sa kanta—hindi lang ito simpleng listahan ng kailangang gawin. Isa itong mapa ng aking muling pagsilang bilang sarili kong bersyon—hindi perpekto, pero buong-buo. At sa bawat hakbang ko sa stage, hindi lang ako lalakad para sa korona—lalakad ako para sa sarili kong kalayaan.

MAAGA pa lang, ramdam ko na ang kalampag sa dibdib. Halo-halong emosyon — kaba, kilig at excitement na dala ng realidad: ito na. Araw na ng kontes.

Kinontrata namin ang tito ko bilang drayber namin gamit ang kanyang motorsiklo na may kolong—sidecar na walang bubong, medyo naagnas na ang pintura, may bakas pa ng sticker ng “Barangay Fiesta 2016” na halos natuklap na ng alikabok, ulan, at ilang taon sa kalsada. Hindi ito marangyang sasakyan, pero sa araw na ito, para itong karwaheng magdadala sa akin sa isang entabladong matagal kong pinangarap, pinagdudahan, at sa wakas, pinanindigan.

Apat kami sa grupo. Ako ang naka-backride, habang sa kolong ay siksik ang mga kasuotan, sapatos, wigs, make-up kit, plantsa, extension cord, at ilang kilo ng kaba mula sa akin kasama ang mga bakla. Ang iba kong kasama—ang make-up artist, ang matalik kong kaibigan, at isang alalay—sumakay sa hiwalay na traysikel. Tahimik ang biyahe, isang katahimikan bago ang nagbabadyang digmaan. Sa hangin na dumadampi sa balat at sa mga matang nakatingin sa malayo, naroon ang sinyales: Ito na. Walang atrasan. Pagdating sa daungan, sinalubong kami ng amoy-alat ng dagat—yaong uri ng amoy na parang kumapit na sa balat ng lugar. Ang kahol ng mga askal, halakhakan ng mga batang hubo’t hubad na tumatakbo sa pampang, at ang paos na tunog ng tambutsong sinusuka ng lumang bangka ay tila sinadyang tugma sa emosyon ng umagang iyon—abala, magulo, ngunit puno ng sigla. Mabilis ang kilos naming apat, bawat isa ay may dalang gamit na tila mga sundalong may misyon. Para kaming mga mandirigma ng alindog, bitbit ang armor ng sequins at takong. Bawat gamit ay inaalalayan na parang sagradong bagay—gown na may glitters, bag na may kumikislap na stones, at wig na mahaba pa sa kasaysayan ng tsismis sa barangay. Sa isang sulok, may mga batang nakasilong sa lilim ng kawayan, tahimik lang na pinagmamasdan ang aming pag-landing. Para silang nanonood ng pelikula—wala pang eksena, pero dama na agad ang tensyon. Pagdating sa Isla, sinalubong kami ng isang mundong kay payak pero puno ng karakter. Ang paligid ay parang lumang pelikula—mga bahay na yari sa kahoy at yero, bakurang may mga alagang bibe at manok, at mga poste ng kuryenteng niluma na ng panahon. Sa gitna ng lugar, ang covered court na sentro ng aming misyon — amoy ng pinaghalong lansa at alikabok. Sa entablado, may kurtinang lukot-lukot at banderitas na sumasayaw sa ihip ng dagat, tila nagpapaalala na kahit ang hangin ay marunong pumalakpak.

Sa gilid ng entablado, nakabitin ang tarpulin na may mukha ni Congressman—nakangiti, malaki ang logo, at tinabunan na ang pangalan ng barangay. Sa mga poste, may nakadikit na bond paper na may pangalan ng mga sponsor: “Sari-Sari Store ni Aling Inday,” “RC Cola,” at “Team Captain Boyet.” Isa itong entabladong pinagtulungang buuin—ng plastik, pintura, at politika.

Alas sais pa lang ng gabi, akala namin na kami ang unang dumating. Pero hindi. Parang sinampal kami ng reyalidad: nandoon na ang mga kontesera, abala sa kani-kanilang giyera—may nagpapalagay ng eyeliner habang hawak ang basang sponge, may naka-monobloc chair habang nagpa-practice ng ngiti, may isa pang tila nagsusulat ng Q&A cheat sheet na nakasiksik sa palad. Ang putik sa backstage ay tila sinadyang ilagay ng uniberso bilang dagdag props sa drama ng aming pag-aayos.

Ako man, dahil sa pressure, ay agad na nagsuot ng costume. Mama Mary ang inspirasyon—kulay asul at puti, may LED lights sa laylayan, at rosaryong halos singhaba ng pagninilay ko sa buhay. Nang pinailaw ng handler ang palda, para akong nilamon ng liwanag, tinahi ng santinakpan sa sarili kong paniniwala. Sa isang sulok, may batang halos mapasigaw, “Wow, si Mama Mary ‘yan oh!” habang ang matandang lalaki sa tabi niya ay umiling—hindi na rin siguro alam kung dapat ba siyang magdasal o pumalakpak.

Sa entablado, abala ang emcee: “Mic test, one, two… hello, hello, barangay people!” Sa tabi, may poster ng “Palarong Pambarangay 2018” na tinakpan lang ng masking tape at pinatungan ng bagong pamagat: Queen of Isla Consuelo 2019. Sa paligid, may pangalan ng mga organizers—karamihan ay ka-apelyido ng kapitan, na tila ang pageant ay extension lang ng reunion nila.

Alas otso, pormal nang sinimulan ang programa. Isa-isa kaming tinawag. Sa bawat hakbang ko, ramdam ko ang katigasan ng plywood sa ilalim ng takong—kada tapak, may kalampag, pero hindi iyon basta ingay. Sa tenga ko, parang palakpak ng sarili kong lakas. Ang ilaw ng entablado, bagamat hindi kasing liwanag ng mga LED sa TV studio, ay sapat na para maramdaman ko: totoo ito. Ako ito.

Hindi lang costume ang suot ko nang gabing iyon. Suot ko ang mga taon ng pagdududa, ang mga gabing umiiyak sa salamin, ang mga salitang “huwag ganyan” na pilit kong pinaniniwalaan dati. Ngayon, wala na akong tinatago. Ngiti, kaway, tingin—lahat sinadya. Pero hindi para magkunwari. Kundi para magsabi: nandito ako, at hindi na ako magpapaliwanag kung bakit. At sa mga matang nakatingin sa akin—mga batang bakla, nanay na may bitbit na anak, tambay na nagpapanggap na hindi interesado—wala pa akong alam kung ano ang iniisip nila. Pero alam kong narito na ako. Nakalakad na ako. At sa entabladong iyon, sa gabing iyon, ako ay hindi lang kalahok. Ako ay alaala, ako ay patunay, ako ay simula.

Nang unang makaapak sa pageant stage bilang kandidata, alam ko sa sarili kong hindi lang ito tungkol sa korona. Hindi lang din ito tungkol sa palakpakan at hiyawan. Ito’y tungkol sa isang biglaang bugso ng damdaming, ang unang beses na maramdaman ang pagiging buo, nang walang tabing, matapos ang mahabang panahong pagtatago o pagiging inbisibol. Sa bawat pagrampa, tila iniaalay mo ang buong sarili upang tasahin ng mga huradong hindi mo kilala. Umaakyat ka hindi lang para magpakitang-gilas kundi ipakita ang lakas ng loob para magpakatay—talent, ganda, talino, lahat isinasalang. Ang hurado ang magtatakda ng kapalaran: kung ikaw ba ay hihiranging reyna o aalis na may bitbit na alaala ng pagkatalo. Sa bawat kumpas ng kanilang bolpen ay ang posibilidad ng pagkalimot o pagkakatangi. Mahiwaga ang entablado. Paano namin hinahayaan ang aming sarili na ipagkanulo sa mga numerong wala kaming kontrol? Bakit namin hinahanap ang katotohanan sa mga matang wala namang kaalaman sa aming pinagdaanan? Anong mahika ang bumabalot sa korona at kinakaya naming tumayo sa entabladong tila nilikha para talupan kami hanggang sa aming pinakaubod?

 Inihahain namin ang aming sarili sa publiko, upang magtanghal, sa kabila ng posibilidad ng kahihiyan. Inihanda ang entablado hindi lang bilang lugar ng kompetisyon, kundi bilang altar kung saan isinasakripisyo namin ang bahagi ng aming sarili. At ang kapalit? Ang pakiramdam na makita at mabigyang halaga. Isang kalasingang mahirap tapatan—isang pakiramdam na babalik-balikan mo kahit ano pa ang maging resulta. Kapalaran man ay hawak ng mga hurado, na sa amin naman ang tunay na kapangyarihan ng aming mga kuwento.

Sa mismong entablado, nagliliwanag ang iba’t ibang pailaw, kumikislap ang mga palamuti, at tila nakangiti ang tropeyong nakapatong sa pedestal. Sa gitna ng kinang ng gowns, dramatic make-up, at stage effects, may dalang sagrado ang pageantry para sa akin. Isa itong lengguwahe na tanging ako lamang ang lubos na nakauunawa—isang wika ng katawan, ng presensyang hindi humihingi ng paumanhin. Isang wikang nagsasabing: Nandito ako. Mahalaga ako.

Nang lumabas ako sa entablado suot ang aking costume, nagulat ako sa mainit na salubong ng sigawan at palakpakan. Hindi ako taga-Isla, wala akong kakilala rito, pero ang pagtanggap nila ay parang yakap ng matagal nang inaasam. Ang kaninang dumadagundong kong dibdib ay tila pinatatahan ng kanilang walang kondisyong suporta. Sa mundong ilang beses akong itinago at ini-etsapuwera, natagpuan ko ang pageantry bilang isang bagong batis ng karunungan. Karunungang nagsasabing: ang pagpapakatotoo ay hindi lang akto ng pagliligtas sa sarili, kundi isang anyo ng paglikha.

Dumating ang swimsuit round—ang pinakakinatatakutan ko. Sa round na ito, nairaos ang pag-iipit ng ari, pagtatago ng muscle at balahibo, at ang pagtiis sa loob ng ilang minutong parang walang katapusan. Limang minuto lang iyon, pero pakiramdam ko’y isang habang-buhay na kailangan kong lampasan. Dito ko napagtanto na ang kagandahan ay hindi iginagawad ng ibang tao; ito ay damdaming sumisibol mula sa sariling katotohanan, sa tapang at sa pagiging bukas. Sa lipunang tinuturuan tayong umayon sa porma at inaasahan, ang pag-akyat sa entablado nang kakaiba ay isang tahimik ngunit makapangyarihang rebolusyon. Hindi komportable, pero totoo. Hindi madali, pero makapangyarihan.

Kung pipiliin ko ang pinakapaboritong bahagi ng kontes maliban sa Q&A, ito ay ang evening gown competition. Sa bahaging ito, malaya ang katawan. Wala nang kailangang itago, wala nang kailangang ipitin. Kalmado ang lakad, banayad ang hagod ng kamay, at ang bawat indak ay parang panalangin. Suot ko ang gown na umaalon sa entablado na parang ilog ng nagngangalit na apoy. Sinabayan ito ng mahinhing musika, tila tibok ng isang libong pusong ngayon lang pinakinggan.

Sa entabladong iyon, sa gitna ng mga naglalabanang ilaw, naramdaman ko ang sarili kong repleksyon. Hindi sa salamin, kundi sa mga kapwa kandidatang lumalaban hindi lang para sa korona, kundi para sa karapatang ipakita kung sino talaga sila. Sa mundong ito, mas naliwanagan ako. Hindi ako nabulag ng kinang; sa halip, naging malinaw ang lahat. Ito ang mundo kung saan hindi ako kailangang humingi ng paumanhin. Sa gitna ng kinang at kislap, naroon ang aking tinig, buo, matapang, at handang marinig.

Sa huling bahagi ng gabi, habang nakapila kaming mga kandidata para sa question and answer, ramdam ko ang bigat ng katahimikan. Isa-isa kaming tinatawag, at bawat hakbang papunta sa gitna ng entablado ay tila pagsuong sa apoy—hindi dahil sa takot, kundi dahil alam mong isang tanong lang ang kayang maghubad o magluklok sa ‘yo. Nang ako na ang tinawag, pinilit kong iangat ang mukha, itikom ang kaba, at ngumiti.

Ang tanong: “Ano ang maipagmamalaki mo sa iyong sarili bilang isang bakla?”

Wala akong naunang sinulat na sagot para rito. Wala rin akong naihandang talumpati. Pero nang marinig ko ang tanong, para bang bumukas ang pinto sa lahat ng mga panahong itinago ko ang sarili ko sa loob ng aparador, sa likod ng pagkukunwaring macho, sa katahimikan ng classroom, sa pag-iwas sa salamin.

Sumagot ako, “Ang maipagmamalaki ko bilang isang bakla ay ang kakayahang tumindig kahit pilit ibinabagsak. Sa mundong gustong gawing katawa-tawa ang aming anyo, natuto kaming gawing sandata ang alindog, ang ganda, ang tapang. At ngayong gabi, ako’y narito—hindi lang kandidata kundi isang patunay na kahit ilang beses akong itinago, heto ako, nagpapakita, lumiliwanag.” Pagkatapos ng sagot na iyon, hindi ko maalala kung umani ba ng hiyawan o katahimikan. Pero ang natatandaan ko, tumingala ako sa ilaw ng entablado—mainit, matalim, at makapangyarihan. Sa ilalim ng liwanag na iyon, sa unang pagkakataon, nakita ko ang sarili ko hindi bilang “iba” kundi bilang “ako.”

Doon ko naunawaan: ang pageantry ay higit pa sa paligsahan ng ganda. Isa itong seremonyang panlipunan ng pag-angkin sa sarili—na sa bawat hakbang sa entablado, bawat kumpas ng kamay, bawat tanong na sinasagot ay tila deklarasyon ng: Ako ito. Dapat akong makita. Dapat akong marinig.

Ang entablado ay hindi lang lugar ng kumpetisyon. Isa itong altar kung saan iniaalay namin ang sarili hindi upang husgahan lang, kundi upang ipagdiwang. Dito, ang rhinestones ay hindi lang palamuti kundi panangga. Ang takong ay hindi lang aksesorya kundi sandata. Ang katawan naming binabatikos ay katawan ring kayang umindak, sumagot, at magtaglay ng dangal. Sa pag-uwi ko kinagabihan, nasungkit ko ang korona. Ngunit dala ko man ang korona o hindi, may iniuuwi akong higit sa tropeyo—isang bagong anyo ng sarili na hinubog ng liwanag, tanong, kaba, at tapang. Sa pageantry ko natuklasang hindi lang pala ako sumasali para makilala, kundi para kilalanin ang sarili ko. At sa mundong maraming beses tayong tinuturuan magtago, ang pagpapakita ng buong sarili ay radikal. Isa itong rebolusyon. Isa itong paglikha. 

Siya ang Istorya

Janet Hope Tauro Batuigas

Marami siyang kaibigan. Marami kasi siyang natulungan. Marami siyang istorya at makulay siyang istoryador.

Silverio ang ipinangalan sa kanya ng kanyang Inang Kastila, isang pangalan na tumutukoy sa kislap at liwanag. Nakangiti siya tuwing nag-iistorya tungkol sa kanyang Ina. Masipag daw ito, sabi niya, at siya ang bumuhay sa kanilang pamilya. Galing daw sa maykayang pamilyang Kastila ang kanyang Ina, subalit itinakwil ito ng pamilya nang sumama sa isang mahirap at walang dugong Kastilang si Pedro—ang Tatay ni Silverio.

Kahit naghihirap hindi tumigil si Silverio sa pag-aaral. Nag-working student siya sa kolehiyo. Sa umaga, nag-aaral siya; tuwing tanghalian, naghuhugas siya ng pinggan sa canteen; at sa gabi, nagtatrabaho siya sa car repair shop. Doon siya na aksidente at naputol ang kanyang hinliliit na parati niyang ini-istorya ng patawa.

Sa canteen niya unang napansin si Consolacion—isang mestisang Chinese na kilala sa pagiging suplada. Pero mabait at mas maganda raw ang kapatid ni Consolacion na si Aurora. Parating tinatawag ni Aurora si Silverio at pinapaupo sa lamesa nila para kumain. Maraming binibiling pagkain si Aurora, pero binibigay niya ito kay Silverio. “Sadyang mabait lang talaga siya,” sabi ni Consolacion. Pero ang istorya ni Silverio ay iba. Si Consolacion daw ang nagsasabi sa kapatid niya na tawagin siya dahil noon pa man ay may gusto na ito sa kanya. Ito ang parating biruan nila kapag may nagtatanong kung paano sila nagsimulang magkaibigan.

Parehong naging guro sina Silverio at Consolacion, pero maabilidad daw si Silverio. Nagustuhan ni Senador Ninoy Aquino ang talumpati ni Silverio sa rali at ang abilidad nito sa pag-oorganisa sa kanilang baryo sa La Castillana. Kinuha siya ni Ninoy para tumulong sa kanyang kampanya. Nagustuhan ni Silverio si Ninoy dahil ito raw ay matapang, matalino, mahusay makipagkapwa, at may karisma. Ito ang nakikita niyang magliligtas sa Pilipinas laban sa korapsyon at sa bulok na sistemang pinamumunuan noon ni Ferdinand Marcos. 

Pero idineklara ni Marcos ang Martial Law at kinulong ang lahat ng kumontra sa pasistang diktador. Una sa mga hinuli ay si Ninoy. Nawalan ng trabaho si Silverio. Ibinilin ni Ninoy ang mga staff niya sa pamilya ng mga Cojuangco para bigyan ng trabaho. “Ganyan siya kabait. Nakakulong na siya, kami pa ang iniisip.” Ito ang istorya ni Silverio.

Hindi na masyadong nag-iistorya si Silverio tungkol kay Marcos. Kagaya ng marami Pilipino, natakot na rin siyang magsalita laban sa diktadurang Marcos noong panahon ng Martial Law. Sa loob ng 14 na taon (1972–1986), libo-libo ang naaresto nang walang mandamiento de arresto. Ayon sa Amnesty International, mahigit 70,000 ang na-detain, 34,000 ang tinortyur, at tinatayang 3,240 ang pinaslang. Ipinasailalim din ang bansa sa mahigpit na curfew, ipinagbawal ang mga kilos-protesta, at may mga kasong ‘desaparecido’ o sapilitang pagkawala. Dahil dito, nasupil ang kalayaan at napatahimik ang mga tao kagaya ni Silverio.

Noong inilibing si Ninoy, pumunta si Silverio sa overpass sa Bicutan at doon niya inabangan ang malaking rali para sa libing. Hindi napigilang lumuha si Silverio. Hindi niya malaman kung ito ay dahil sa namatay si Ninoy o dahil sa wala siyang nagawa,noong panahon ng Martial Law naging complicit siya. 

###

Lumaki ang pamilya nina Silverio at Consolacion, lalo siyang naging “hard worker” ito ang terminong madalas niyang gamitin. Napunta siya sa shipping business kaya minsan ay nasa Hongkong at hindi nakakauwi. At kapag nasa bahay siya, masaya ang mga kasama sa bahay kasi marami siyang pasalubong istorya. Samantala, tahimik naman ang kanyang anim na makukulit na anak. Strikto kasi si Silverio sa mga anak niya. Ayaw niyang nakikita na nanonood ang mga ito ng TV. Lahat ay dapat nagbabasa o gumagawa ng assignment. Habang tahimik na nagbabasa ang mga anak niya ay maingay na nagtatawanan naman ang ibang mga kasama sa bahay dahil sa mga istorya ni Silverio.

Marami parating tao sa bahay lalo na kung naroon si Silverio. Hindi ito gusto ng ilang mga anak niya. Marami kasi siyang tinutulungan. May mga kamag-anak kasi siyang pinapaaral. May mga kabaryong hinahanapan niya ng trabaho, at iba pang kakilalang walang matirhan sa Maynila.Tuwing kainan at nasa bahay si Silverio, maraming tao ang nakapalibot sa lamesa. Lahat ay kumakain habang nakikinig at nagtatawanan sa kanyang mga kuwento. Kadalasan, ang istorya niya ay tungkol sa mga hirap na dinanas niya sa buhay. Malungkot pero may hugot linya siya dagdag na komedya kaya enjoy ang lahat makinig. Nakakatuwang pakinggan ang mga istorya niya at ang tawanan ng mga tao. 

###

Tumatanda na si Silverio, lumago ang kanyang mga investments at nagsipag-abroad. Investments ang pabirong tawag niya sa kanyang mga anak. Napagdesisyunan ni Silverio sa ibang bansa na lang manirahan, kasama ang kanyang mga anak dahil libre ang health care.

Paminsan-minsan ay umuuwi siya sa Pilipinas para sa family reunion. Uwi pa rin ang ginagamit na salita kahit na bakasyon o panandalian lang ito. Uwi ang salitang angkop dahil ang bansa pa ring ito ang kanilang bahay at buhay. Ito na marahil ang nakasanayan ng maraming Pilipinong migrante—ang manirahan sa ibang bansa at regular na umuwi, kadalasan isang beses kada dalawang taon, o kung masuwerte, taon-taon. Sa pag-uwi, nagpapalakas ang mga migrante sa pagkaing Pinoy, at nakikipagkuwentuhan sa mga kapamilya at kapuso. 

Nakakalungkot ang pagbabalik-abroad. Muli nilang tinatanong ang sarili: “Kailangan ba talaga naming lisanin muli ang aming bahay at buhay?”

Nakikita ni Silverio na ang pag-uwi ay tila isang ritwal ng pagdarasal para sa bayan—isang tahimik na pag-asa na sana’y may nagbago na sa sistema ng pamahalaan. Sana hindi na nila kailangang umalis. Sana wala na ang korapsyon. Sana wala na ang mga abusadong militar na nagpapatahimik sa mga aktibista at mamamahayag. Sana wala na ang mga batang namamalimos sa harap ng mga Porsche car dealers sa EDSA. Sana wala na ang mga political dynasty na tagapagtaguyod ng katiwalian. Ito at marami pang “hosanna.” Ito ang istorya ng Pilipinong Diaspora, sabi ni Silverio.

Ito rin ang ginawa ni Silverio nang umuwi siya noong Marso 2020, ang ritwal ng pagpapalakas ng katawan at pagdarasal sa pagbago ng bulok na sistema ng bansa para hindi na niya kailangan lumisan. Sana raw huling uwi niya na ito. Pagod na raw siya. Madalas na siyang ma-ospital sa kanyang “second home country.” Mabuti na lang at libre ang health care, may pension, at libreng tirahan. Madalas siyang binibisita ng kanyang mga anak at mga health care providers. Spoiled at inaalagaan siyang mabuti ng kanyang bunsong anak. Kaya nang nag-request itong umuwi, pinagbigyan niya ito at sinamahan pa.

Excited si Silverio makipagkuwentuhan sa mga kabayang kapitbahay, mga driver, at mga waitress sa café. Madalas magpa-“cute” si Silverio, ito na ang biro sa kanya ng mga apo niya. Masaya ang lahat sa mga istorya niya.

Hanggang sa dumating ang Covid. Isang pandemya na lalong nagpalitaw kung gaano kabulok ang bansa. Nagka-Covid si Silverio. Matigas din kasi ang ulo at gusto niyang laging nasa labas at nakikipag-istoryahan. Dinala siya sa ospital. May mga araw na bawal ang bisita, kaya sa Skype lang siya nakakausap.

Noong unang linggo sa ospital, nakakapagsalita pa siya pero panay ang ubo. Sabi niya ay uwi na lang siya. “I’m bored here.” Alam mo naman, ang isang istoryador ay gustong laging may odyens. Pinapanood siya ng TV para maaliw. “Ayoko, lalo lang akong nalulungkot.” “Bakit naman?” tanong ng kanyang mga anak.
“Puro istorya ng korapsyon at mga jeepney drivers na namamalimos.”

Malapit siya sa mga driver. Sa garahe siya nagtrabaho noong working student, at ang mga driver ang madalas niyang kausap.
“Kayo na lang ang manood. Baka may magawa pa kayo.” Ito ang huling sinabi niya, sabay ngiti. “Pahinga na raw muna,” sabi ng nurse. Nanonood ng TV ang lahat noong panahong iyon. Napapanood ang mga balita ng alegasyon ng overpricing ng medical supplies tulad ng face masks at PPE. May mga ulat na mas mahal ang bili ng gobyerno kumpara sa market price. May pinaborang mga supplier na konektado sa mga opisyal. Naglabas ng ₱275 bilyong pondo ang administrasyon ni Digong, pero kulang sa transparency at detalye ang paggastos nito. Paano ito ginastos, lalo na’t maraming frontliners ang walang sapat na PPE at maraming pamilyang mahirap ang hindi nakatanggap ng ayuda? Mahigpit ang community quarantine, pero ang mga mahihirap lang ang kinukulong at binubugbog habang ang mga kaalyado ng gobyerno ay nakakalusot. Lalong lumala ang red-tagging at pananakot sa mga aktibista at kritiko ng gobyerno, kahit ang paksa ay social services.

Pangalawang linggo—hindi na siya gaanong nagsasalita. Tumatango at ngumingiti na lang.

Pangatlong linggo—namaalam na siya. Nakapasok sa ospital ang bunsong anak niya, na siyang matagal nang nag-aalaga sa kanya. Tinawagan niya ang kanyang mga kapatid at isa-isang nagpaalam habang umiiyak.

####

Abril 1, 2020.

 Ako lang ang anak na hindi nagpaalam. Kaming dalawa lang ang sa pamilya na mahilig magbasa at magsulat sa diary. Sa wedding ko lang siya umiyak. Madalas kong ideklara ito na ako ang paborito niyang anak. 

 Pinilit ko lang alalahanin ang mga masasayang istorya niya, ang mga nakakatawa at nakakapagpa-isip na quotable quotes niya. 

Iniimagine ko rin na ito ang sinasabi niya sa sarili :
“Fool’s Day, This is a good day to die. Parang nakikita ko na mapapangiti sila habang lumuluha at habang inaalala ang istorya ng aking buhay.” 

####

Abril 2, 2020

Habang pinapanood ko sa zoom na ibinababa ang casket niya ng mga taong di siya kilala pinilit kung huwag magalit o maawa.  Ito ang mga salitang nagpakalma sa akin: Marami siyang taong tinulungan at minahal. At alam kong kung hindi dahil sa Covid nandiyan silang lahat ngayon, dahil alam nila na hindi lang siya makulay na istoryador, SIYA ANG ISTORYA.

Binhi ng Pagkatuto

Christian Jay D. Salazar

Habang nagbabasa ng librong “Story Book: Essays on the History of the Book in the Philippines” ni Dr. Patricia May B. Jurilla, nakilala ko ang paring si Manuel Blanco at ang kauna-unahang librong nakalaan para ipakilala sa mga tao ang ganda at kulay ng mga bulaklak at halamang matatagpuan sa Pilipinas. Sa aking pagkilala sa buhay ng pari, marahang-marahang sumibol sa aking puso ang inakala kong namatay nang binhi ng pagkatuto, ang dahilan ng aking pangarap at buhay. 

Naging pari si Blanco (1778–1845) sa iba’t ibang simbahan sa Bulacan, Batangas, Pasig, at Parañaque. Pagkaraan, inatasan siya ng simbahan na mamahala sa mga administratibong gawain ng kaniyang mga kapwa prayle. Dahil dito’y nagkaroon siya ng pagkakataon para libutin ang mga isla sa iba’t ibang parokya ng Luzon at Visayas. Ito ang dahilan para makilala niya ang isa sa kaniyang mga naging interes labas sa relihiyon: ang angking ganda ng mga bulaklak, puno, at halamang nananahan sa mayamang lupain ng Pilipinas.

Noong 1837, inilimbag ang kaniyang Flora de Pilipinas sa Imprenta de Sto. Thomas sa Maynila. Ang nasabing aklat ay may 900 pahina ng mayayamang datos sa taxonomiya, folklorikong kaalaman, at kultural na konteksto ng flora at fauna ng ating bayan. Mayroong makukulay na guhit at detalyadong deskipsyon sa bawat pahina ng libro ni Blanco. Sa katunayan, dahil sa kaniyang naging ambag sa larangan ng botanika, ipapangalan sa kaniya ang Blancoa canescensm o mas kilala bilang winter bell.

Habang binabasa ko ang kuwento ni Blanco’y hindi ko maiwasang isipin ang isang pari na pagkatapos madaganan ng tambak-salansan ng mga papel na babasahin at lalagdaan, pagkatapos maglakbay doon at kung saan-saan, habang sakay ng kalesa o anopamang sasakyan ay pilit nilalabanan ang antok at pagod upang panindigan ang kaisa-isang bagay na nakapagpapabawi ng kaniyang lakas at dahilan para mabuhay. Hawak-hawak ang kuwaderno at panulat, itinatala nang may pananabik ang laki, kulay, tekstura, pati ang buhay at kuwento ng tsiko, tungkod-pari, timbangan, singkamas, palosapis, at iba pang luntiang likas-yaman ng ating bansa.

Naramdaman kaya ni Blanco sa masukal at tahimik na kagubatan ng Pilipinas, sa nahihimbing na mga punongkahoy at halaman, ang pakiramdam na manahan sa malawak na hardin ng paraiso na likha ng Panginoon? Ito kaya ang dahilan para ipagpatuloy ni Blanco ang kaniyang proyekto sa harap ng mga kondisyon ng walang kasiguraduhan?

Bagaman naging kontrobersyal ang Flora de Pilipinas sapagkat kulang ito ng mga siyentipikal na batayan. Dahil pari si Blanco at hindi isang botanista, ito ang malaking puwang na iniiwan ng nasabing libro, ayon sa mga kritiko. Ngunit ano pa man, kapupulutan ng aral ang aking gilas at sigasig ng pari sa kaniyang matagumpay na proyekto.

Sa talulot ng blancoa, sa ubod ng bulaklak na ipinangalan kay Blanco, habang namamangha sa imahe na aking nakita sa internet ay nakita ko ang sariling natutulog sa mahabang panahon. Hindi makagalaw, pagod na pagod, nalimot  na ang mga bagay na minsang naging ningas ng aking buhay at pangarap, mga gawaing minsan kong napagtagumpayan nang sabik na sabik tulad ng pagbabasa at pagsusulat.

Ngunit sa mga talulot din ng blancoa nakita ko ang isang bagong sarili: mayroong pagsisikap na pagyamanin sa pagitan ng dalawang palad ang mumunting binhi ng pagkatuto at pagkamausisa sa mga bagay-bagay—sa sining, sa mundo, sa reyalidad. Nakita ko ang bagong sarili at ang dakilang hangarin na muling mamangha sa aking unti-unting pagsibol, maging isang punongkahoy na humahaba ang mga sanga upang abutin ang liwanag, ang langit, at ang abot-tanaw ng mga bagay na naghihintay pang maunawaan at matuklasan.

Magkaroon sana tayong lahat ng sapat na lakas upang gawin ang mga bagay na gusto nating gawin, tuklasin pa ang angking ganda ng mundo, at maitanim muli ang binhi ng pagkatuto at pagkamausisa tulad ni padre Manuel Blanco.

Paagto igto ag iya: Ilang oras na danas ng isang naghahabol at hinahabol

Larry Boy B. Sabangan

Ala una y medya. Sa ilalim ng tirik na tirik pang araw, sa lilim ng puno ng Aratiles sa kanto ng tindahan ng bigasan ay pilit na nakikidigma ang buo kong katawan sa nanlalagkit kong mga pawis na tila ginigisa ako sa sarili kong mantika na dala ng matinding alinsangan ng init sa buong paligid ng lansangan. Sumabay pa ang nakabibinging mga busina ng sasakyang nagpapatintero kay kamatayan. Dagdag pa ang makapal at itim na ubo ng mga tambutso. Magulo. Malagkit. Kasabad.

Sa kabilang kanto naman ay umaagaw sa aking pansin ang mga empleyadong gumuguhit ang ugat sa leeg sa pagsigaw ng karapatang pantao. Hawak-hawak ang isang plakard na may kulay dugong nakasulat “Tabangi ang among sweldo!” Maingay. Masalimuot. Masamok.

Bitbit ang isang asul na bag, matiyaga akong nag-abang ng masasakyan patungo sa terminal ng bus papuntang Iloilo upang muling makipagbuno ng kaalaman sa masterado. Isang semestre na lang at madudugtungan na ang huli kong pangalan. “Meeting with thesis adviser” kinabukasan kaya kailangan kong marating ang kabilang probinsya nang hindi na rin gagabihin sa biyahe. Limang oras kasi ang Iloilo mula Aklan sa karaniwang takbo ng sasakyan. Limang oras na pagsuong kalaban ang pagod, hilo at pagkabagot. Kadugay gid.

Pilit ng hinahatak ng pagal kong katawan ang kargang mga gamit para bukas sa presentation. Puno ng aklat, babasahin, laptop at ilang damit na pamalit. Nakapapagod. Hay, Kagaoy!

 “Bilisan mo na. Kailangang maka-alis ka na.” Pagdidikta ng nagmamadali ko ng isip. 

Kabudlay gid maghabol. Dalawang sakay bago ko marating ang terminal mula sa aking kinatatayuan. Samakatuwid, dalawang sakay ang mangyayari kalaban ang trapik at ang mismong masasakyan. Madalang kasi ang pampublikong sasakyan sa mga oras na iyon. Galing ako sa eskuwelahang pinapasukan, nananghalian lang at nagmadali rin akong umalis. Nawala na rin sa aking gunita na maglog-out pa dahil sa pagmamadaling maabutan ang alas tres na biyahe ng bus. Mga isang kilometro at kalahati lang naman ang layo ng paaralan sa provincial road at mga tatlong kilometro naman mula sa pusod ng bayan. Kalayo gid!

Sabi nga ng isa kong co-teacher, “Haman pa-Iloilo ka pa, e may mas lapit mang skuylahan para sa masters mo. Arte man.”

Maarte na pala ngayon ang mangarap at maghangad ng magandang kinabukasan? Maarte na pala ngayon ang pumili ng magandang paaralan para makapagbigay ng de-kalidad na edukasyon? Ayaw ko kayang humilera sa mga ibang nakatapos lang ng kanilang graduate studies dahil lang sa promosyon, dahil lang sa suweldo. Oo, praktikal na kung praktikal pero kinabukasan ko ang iniisip ko na gaya din ng iniisip ninyo. Kasi gusto ko ang kinabukasan ko ay maging produktibo at makabuluhan. Hindi ako nag-aral para lang magpa-promote. Nag-aral ako dahil gusto ko matuto. 

At ang mga kasunod na eksena na ng araw na ‘yon ay ang pag-unfriend niya sa facebook at pag-unfollow sa Instagram. Pakialam ko naman!

Sa kanto. Kani-kaniyang ruta ang mga traysikel dito. Hindi lahat ng dumadaan ay para sa akin. Hindi kaagarang mapagbibigyan ang sarili anomang oras na may dumaan. Kung maaari ay gusto ko na nga lang takbuhin o ‘di kaya’y hatakin papalapit ang terminal. Subalit matiyaga pa rin akong naghintay. Muli kong sinilip ang oras sa teleponong nasa bulsa at muling nagdikta ang isip ko. “Kailangan mo ng makasakay.”

Kung saan ka nga naman nagmamadali doon ka pa mas aasarin ng tadhana.

Dito sa probinsya ng Aklan, hindi naman gaanong nalalayo ang hulma sa mga siyudad gaya ng Iloilo o Cebu. Hindi nga lang ganoon katataas ang mga gusali at may ilang mga puno pa namang nagiging lilim. Hindi rin ganoon kasikip ngunit gaya ng Maynila ay kaliwa’t kanan din ang mga paang hindi maipantay sa pagmamadali. Puro naghahabol at hinahabol. Laging abalang mga nilalang. Ngunit ang isa sa wala dito ay ang SM. Puro lang department store ng mga intsik ang nagsikalat. Kung hindi bagong store ay panibagong branch na naman. Sinabayan pa ng mga hilerang café na halos pare-pareho lang naman ang inaalok. Kung hindi milktea ay siguradong burger.

Ala una kuwarenta y singko. Unang pagtatangka. Pumara ako ngunit paigto at paiya lamang ang mga sasakyan. May mga SUV, may mga multicab, may mga motor, trak at iba’t ibang kulay na traysikel. Iba-iba ngunit may kani-kaniyang ruta at may iba’t ibang halaga. Pula para sa direksyong norte, dilaw para naman sa sur at asul para naman sa sentro na siyang dapat kong sakyan. 

Kakaiba ang traysikel dito sa Aklan. Kaiba sa Capiz at ibang-iba rin sa Iloilo. Kung sa mga karatig na lalawigan ay sa harap ka lang makakasakay ng komportable, sa traysikel naman ng Aklan ay lahat ng bahagi nito, pasok ka. Madaog gid! Walo ang komportableng makakasakay. Tatlo sa harap gaya ng karaniwan kasama na ang isang pasobra. Sa likod ay apat naman ang kasya at dagdag pa ang isa sa likod ng drayber. Bale siyam lahat kasama na ang hinite ng makabagong kabayo. Bukod diyan, kaya ring magsakay pa sa bubong, sa gilid ng bubong at sabit pa sa likod. Hindi naman pagmamalabis ngunit kasya na siguro ang mga labing pitong tao. Kakaiba nga. Traysikel na nagpapanggap na dyip o dyip na nagpapanggap na traysikel. Ewan. Ambot.

Apatnapu’t limang minuto na ang lumipas mula ng ako’y naging estatwa sa kanto. Pinarahan ko ang isang traysikel na kulay asul ang pinta sa pagsisigurong ito ang mas makapaghahatid sa akin sa ikalawang sakayan ng bayan. Isa pa, ito rin ang traysikel na may eksaktong ruta. 

Walang sakay ang drayber. Sakto para maginhawa akong makaupo. Agad akong yumuko upang tanawin ang nagmamaneho at ilatag ang aking destinasyon. Sa aking pagtataya ay mga nasa singkuwenta anyos na si manong. May malagong balbas at mapagkakamalang laging nasa inuman dahil kuno sa malaking tiyan. Nakasuot ng jaket na khaki, naka-short at may sumbrerong itim. Walang ano-ano’y agad siyang gumanti ng tanong sa halip na pasakayin agad ako.  

Pila tao mo?”

Isang malaking tandang pananong ang nabuo sa isip ko. Bakit siya nagtatanong ng bayad-pasahe gayong may taripa naman. Hindi ba’t pare-pareho ang bayad sa parehong ruta?

Hindi kaagad ako nakasagot at hinayaan ko munang lamunin ako ng pagkaunawa sa tinuran niya ngunit hindi pa man nakaka-ilang segundo ay bumasag sa pagtutuos ko ang sinabi niya.

“Sambilog ka man lang ag eain ang daean. Dugang ka lang it bayad.”

Hindi na ako sumagot. Hindi na rin ako sumakay. Saka siya humarurot ng takbo paalis. Nagkamali ako sa inaakala kong traysikel. Dahil nag-iisa lang ako, hindi na niya ako maihahatid sa pupuntahan ko. Gusto yata ng drayber ay buong pamilya ko ang isakay. Ay ambot!

Kahit nagmamadali pa ako, wala silang mahihita sa akin. Nuknukan ako ng kuripot pero maalwan naman sa tamang pagkakataon. Ultimo nga sentimo sa pamilihan hindi ko pinalalampas. Kaya kahit nagmamadali pa ako hindi ako magpapadagdag bayad ng malaki gayong alam ko ang lugar ko. Hindi ko ibababa ang paninindigan ko. Kuripot ako.

Sinundan ko ng tingin ang kumakaway na papalayong traysikel na iyon habang mas tumitingkad ang nakapintang “God bless you!” sa paanang bahagi ng kaniyang sasakyan. Sa halip ang kasunod na kulay dilaw na traysikel na may ibang ruta ang tuluyang nagpasakay sa akin. Maluwalhati at matawhay ang lahat sa pagsakay ko. Walang anomang mga kondisyon o tanong man lamang ang drayber. Mas lalo akong nagtaka.

Kasabay ko sa daan ang pagkainis at palaisipan sa Traysikel kanina. Kasabay ko rin ang mga sasakyang panay ang habulan sa kahabaan ng kalsada. Para yatang may unahan ng mamatay. Nasaan ang mga LTO? Nasaan ang batas trapiko? 

Nang napasok na namin ang malikot at mataong bahagi ng bayan, mas bumigat at bumagal ang daloy ng aming pagtakbo. Muli kong sinilip ang oras. “Kailangan mo ng magmadali.” Muling dikta ng isip ko. Ano pa’t marami na rin namang sasakyan ang dadaan sa pangalawa kong sakayan kaya mapabibilis na rin ako sa destinasyon. Kunting tiis pa. 

Habang nasa gitna ng paglalakbay napadaan kami sa isang kapilya na siyang naging dahilan upang mas bumigat pa lalo ang lagay ng trapiko. May nagaganap na misa at hanggang labas ang mga tao. Nakaparada rin ang mga sasakyan sa daan. Parang nagpoprosisyon na kami sa kalagayan ng biyahe. Gusto kong magpakawala ng masasamang salita sa mga oras na iyon. Ngunit kinagat ko na lang ang aking labi sa inis. Parang gusto kong sumabog. Umagaw sa aking atensyon ang mga nakahilerang mga paninda sa mga bangketa. Nanghahalina rin ang amoy ng mga panindang mainit na mani at ang kaperaha nitong balot. Ang aga naman yata ng mga panindang ito. Sa tapat na kanto nama’y bubungad ang mahalimuyak na alok ng sampaguita. Nariyan din ang Rosal at ang kinuwentas na Calachuchi. Hindi puwedeng mawala ang parada ng iba’t ibang kulay ng kandila. Pula para sa magandang kapalaran sa pag-ibig. Puti naman para sa kapayapaan sa pamilya. Ang ibang kulay, hindi ko na tukoy kung para saan. 

Ilang segundo pa’y nilamon na ng batingaw ng kampana ang buong paligid. Unti-unti na ring iniluluwa ng simbahan ang mga mananamba. Ang dami. Kaabo gid.

Muli nang nagpatuloy ang aming paglakbay. Tumuling muli ang sasakyan. Salamat naman.

Alas dos diyes. Sunod na sakayan. Sa pagkakataong ito, minabuti kong pumuwesto sa lugar kung saan mas makikita ako. Pumara ako ngunit punô.  Pumara ako ngunit iba ang ruta. Pagod na ako. Bagsak na ang balikat ko at tigang na rin ang lalamunan ko. Pero mas pinili kong muling iunat ang ngawit kong mga kamay at muling pumara. Sandali pa’y mabilis pa sa kidlat na huminto ang isang traysikel sa aking tapat, kulay asul ulit ngunit walang rutang nakalagay sa harap at medyo kalawangin na rin ang kasu-kasuan.  Hindi gaya ng iba, ang traysikel na huminto ay hindi masyadong naalagaan. Mukhang galit sa talyer. Galit sa mekaniko. Ang samâ ng ubo. 

Lulan nito ang isang batang babae na nasa harapan at mukhang galing sa sinunduang paaralan. Naka-uniporme. Kulay pula ang kaniyang palda na may padrong checkered na puti at may lasong asul sa pang-itaas. Mukhang sa pribadong katolikong paaralan nag-aaral. “Grade 1-Faith.” ang nakalagay sa I.D. May dala pang lunch box ni Pikachu. Mukhang magkakasundo kami sa anime na paborito nito. Naghahanap din kaya ang batang ito ng mga legendary Pokemon sa daan? O sadyang naku-cute-an lang siya kay Pikachu. O baka naman walang choice ang bata kundi tanggapin lang kung ano ang inalok ng magulang.

Nagtanong ang drayber kung saan ang aking destinasyon. At sa pagsagot ko, agad niya ‘kong pinasakay. Ibig sabihin, pareho kami ng ruta. Walang dagdag. Walang kondisyon. Ayos! Ngunit sa pagsampa ko sa harapan ay agad nagwika si manong:

“Sa likod ka lang sakay!”

 Sa likod na lang daw ako umupo dahil arkilado ng bata ang sasakyan. Natigilan ako saglit ngunit agad ring sinunod ang drayber. Umandar na. 

Arkilado? Ng bata? Ang sasakyan? Ay ambot!

Sinandal ko na ang likod sa malamig na bakal ng traysikel. Inunat ang paa at pinantay sa sa sahig nito. Ibinaba ang mga gamit at isang malaking hikab at kasunod na buntung hininga ang pinakawalan.

Minus diyes bago mag-alas tres. Huminto kami sa isang traffic light. Nasa harap namin ang isang malaking trak. Hindi ko mabasa ang pangalan. Makulay ang pinta at may mukha ni Marian Rivera at Dingdong Dantes. Nang umilaw na ang sinyales para sa pagtakbo, nagsimula na muli ang paglalakbay ng gulong at ng aking mga tanong.

Kung arkilado ba ang sasakyan hindi na puwede makiupo sa harap? Kung ako lang ba mag-isa hindi na puwedeng umandar ang sasakyan? Kung malayo ba ang destinasyon, kailangan na ng dagdag bayad kahit may taripa naman? Parang nag-uunahang mga sasakyan ang sunod-sunod na tanong sa isip ko.

Napansin ko ang isang fast food drive thru katabi ng traffic light, kaya sa pansamantalang paghinto naming iyon, napabuntong hininga ako ng malalim at nag-isip muli, paano kaya kung ang trak ay mag-drive thru? Hindi rin kaya puwede?

Nakakapagod maghabol ng oras, ng sasakyan, ng masteral, ng pangarap. Hay ambot. Kailangan e, hinahabol din ako ng obligasyon sa trabaho, ng mga kapatid ko, ng magulang ko, nakakapagod maging breadwinner. Kailangang tumakbo. Kailangang parahan lahat ng oprtunidad. Kailangang magbakasali. Magtipid. Magmadali. Maghabol.

Alas tres. Naabutan ko ang bus. 

Naabutan ko ng tingin na humaharurot nang takbo papalayo sa aking kinatatayuan. Bitbit ang malaking bag, kasiping ang malagkit na pawis, walang bus na nahabol. Wala ring anumang lilim sa ilalim ng masakit sa balat na sikat ng araw.

Tatlumpung minuto muli ako maghihintay.

Dito sa Baba, Doon sa Taas

Marianne R. De Vera

Bumukas ang pinto at iniluwa si Ellena, pinakamasayahin sa grupo. Sapat na upang kamiý tumigil sa mga gawain, tiyak hindi ka nya titigilan habang di mo pinapansin. Sabi nga nila may bumabangka. Makikita sa loob ang bawat mesa na puno ng mga test paper, senyales na katatapos lamang ng final examination. Biglang malakas na binasa ang kapirasong papel na kanyang hawak, “Medical Mission.” 

“Tara, sama tayo sa isang misyon,” aya ni Ellena sa mga kaibigan na nagkukuwentuhan.

Isang makabuluhang gawain ang kanilang sasalihan—isang medical mission. Tila interesado ang lahat sa sinabi ni Ellena. Agad silang nagplano nagtanungan kung ano ang kanilang maibabahagi sa medical mission. 

“Sigurado ba kayo na kaya nating umakyat ng bundok at maglakad ng malayo?” tanong ni Patricia. 

“Ano ang mga dadalhin natin?” Tanong ko. 

“Sabi ni Doc Fernan, maaari raw tayong magdala ng mga damit, pagkain, school supplies, at gamot.”

***

Nasa itaas kami ng bundok sa Barangay Mabaldog. Dito ay kita ang buong bayan. sariwa ang hangin, maririnig ang lagalas ng tubig, at awitan ng mga ibong kasabay naming ninanamnam ang biyaya ng Kalikasan. 

Makapananghalian na nang dumating kami sa bahay ni Pastor. Naroon na rin ang iba pang miyembro ng simbahan na abala sa paggagayak ng mga gagamitin. Magkakasama kami nina Pastor sa university, kaya naman noong inaya kaming sumama ay hindi na ako nagdalawang isip sapagkat gusto kong maranasan ang buhay ng nagme-medical mission. Ang bawat isa sa atin ay may adbokasiya, at pamamaraan ng pagpapasalamat sa biyayang ating tinatanggap sa ating Panginoon kung kaya’t huwag tayong makalilimot na mananalangi’t magdasal, sabi nga nila kapag may gusto kang hilingin sa Panginoon, ipagdasal mo lang at matutupad din. 

Bandang alas-7 ng gabi, binalak kong maligo sa sobrang init ngunit sa oras na iyon ay patak-patak lamang ang tubig sa gripo. Hay, sa wakas nakapuno rin ng isang timba. Isang tabo palang ang aking ibinuhos ay halos mapasigaw na ako sa sobrang lamig ng tubig, tila may yelo ang tubig. 

***

Alas-4 na ng umaga. Naulinigan ko na gising na ang aming mga kasamahan kaya’t bumangon na rin ako at nagtimpla ng kape. Pumunta na kami sa Brgy. Hall, ang meeting place ng mga sasama sa medical mission. Pagdating sa lugar ay nadatnan namin ang iba pang kalahok sa medical mission—mga guro, doktor, pastor, manggagawa ng simbahan, at mga kabataang volunteer mula sa iba’t ibang organisasyon. Handa na rin ang mga gamit na aming kakailanganin: gamot, damit, bitamina, at mga bakuna para sa mga sanggol, buntis, at kagamitan sa pagtutuli.

Ilang sandali pa at dumating na nga ang isang malaking trak. Daig pa namin ang mga sundalo na lalaban sa giyera nang walang bala.  HAHAHA! Tawanan ang lahat.  

Isa-isa na nga kaming nagsakayan. Iba-iba man kami ng mga katayuan sa buhay, iisa lamang ang aming hangarin – ang maabutan ng tulong ang mga taong naninirahan sa kabundukan na lubos na nangangailangan.

***

Habang binabagtas ang kabundukan, masaya ang bawat isa habang kinukuhanan ng larawan ang maganda at payapang kapaligiran. Sariwang hangin ang dumadampi sa aking pisngi kasabay ng paglipad ng ilang hibla ng aking buhok. Ang kalangitan ay nagdidilim at nagbabadya ng malakas na ulan. Sa di kalayuan ay nakatutuwang pagmasdan ang mga kalabaw at kambing na umiinom ng tubig sa ilog, pati na rin ang mga batang nanghuhuli ng isda. 

Napakasimple ng pamumuhay. Ibang-iba rito sa taas kaysa sa baba. Siguro tatlong oras na kaming naglalakad sa hindi pamilyar na lugar kaya naman kita na rin sa mukha ng bawat isa ang pagkainip at pag-aalala. 

“Ilang ilog pa ba ang tatawirin namin? Ilang bundok pa ang aakyatin? Mukhang wala ng katapusan ang ilog na nilalakbay namin,” sa isip-isip ko nang biglang may malakas na tunog na umalingawngaw sa paligid.

“Ikkkkkkkkkkkkk! Ayyyyyyyyyy!! “Susmaryosep! Diyos ko!” 

“Ito pa lang ba ang simula? Ilang ilog pa ang ating tatawirin?” tanong ni Carmela.

“Ma’am, may limang ilog pa po tayong tatawirin,” 

***

May mga kawayan at sanga na nakaharang sa daan.  Dulot siguro ng mga nagdaang  bagyo.

“Saan tayo dadaan?” Tanong ng kasama naming doktora. 

“Kailangan pong alisin ang mga nakaharang. Wala na pong ibang daan,” saad ni Manong.

Dito ko naisip na ang lalaki ay may malakas na pangangatawan na siyang magsisimula ng mabibigat na gawain, katuwang ang kababaihan na siyang tutulong upang magliwanag at magkaroon ng daan kung saan may patutunguhan. Walang sinisino ang aming grupo, walang basehan ng katayuan, walang mayaman, walang mahirap. May mga kasamahan din kaming miyembro ng mga LGBTQ na hindi tinitingnan ang kanilang makikinis na kutis at handang tumulong sa oras ng kinakailangan. May kasama rin kaming buntis, sa kabila ng kanilang kalagayan ay pilit pa ring tumutulong sa paghawi ng mga sanga ng kawayan.

“Mommy, ilang buwan na po ang ipinagbubuntis niyo?” tanong ni Dok Fernan. 

“Kabuwanan ko na po, Dok,” sagot ng babae. 

“Buti po at sumama pa kayo sa kabila ng kalagayan ninyo?” 

“Kasi panahon pa po ng aking lola, isa na din po siya na tumutulong sa Medical Misyon tulad nito kaya po para sa akin mahalaga na maituloy, kasi proud po ako sa lola ko kaya ito rin ang maikwento ko sa aking anak pagdating ng panahon ay maituloy din n’ya.”

Muli, nagpatuloy ang aming paglalakad.

***

Bigla na namang nagpagewang-gewang ang sasakyan, simula na naman ng pagbagtas sa katubigan at kabundukan. Tulad ng buhay may mga pagsubok na dapat malagpasaan upang makuha ang tagumpay, muli na naman kaming bababa at di susuko sa pag-akyat. Ikkkkkkkkkk, ingit ng makina. Pikit, kagat labi, pigil hininga ang aking nadama sa oras na iyon. Tiyak ko pare-pareho ang aming nararamdaman. Buntong hininga na ang aming naging tugon pagkatapos makaahon at sa muling pagkakataon napagtagumpayan ang isa na namang bundok. lalaki, babae, guro, doktor, matanda bata, taga-rito sa bundok o taas, taga-rito sa patag ay kapuwa iisa ang nararamdaman at nais na makaligtas sa posibleng kahantungan.

“Alam ko na kaya pala ang pangalan ng baryong ito ay Mabaldog kasi dambuhalang mga bato ang mga nakapaligid, iba-ibang hugis ang nakakalat sa ilog na ito,”pabirong sabi ng kasama naming guro.

“Ito ang dapat na ginagawa sa mga medical mission, ang mga lugar na hindi napupuntahan, higit nila tayong kailangan, magbahagi ng kaalaman hinggil sa kalusugan, salita ng Diyos, karapatan sa ating gobyerno ng matulungan sila na magkaroon ng mas magandang pangkabuhayan at magpatuloy sa pag-aaral ang kanilang mga anak,” saad ni Pastora.

Tulad na lamang ng wastong pangangalaga sa sarili, kaalaman sa mga batang nagdadalaga at nagbibinata, kaalaman sa pagpaplano sa pamilya, at tamang nutrisyon. Sapagkat tuwing may dumarating na doktor sa kanilang baryo, nagtatago ang mga kabataang lalaki sapagkat ayaw nilang magpatuli. At ang iba naman ay ayaw magpabakuna, waring kinatatakutan na ang mga doktor sa kanilang baryo.

Sa wakas nakaahon din. Tunay na walang mahirap at walang imposible kung ang lahat ay nagtutulungan.

“Isa na lang pong bundok at mararating na natin ang lugar. Pero isang malalim na ilog at mabato ang huli nating daraanan,” paalala ni Manong. 

“Eto na po iyon. Mang Adong,  baba ka muna. Sukatin mo ang lalim ng ilog,” utos ni manong. Kumuha si Mang Adong ng mahabang panukat na kawayan at bumaba sa ilog. 

“Malalim,” eka ni Mang Adong sa drayber. 

“Kaya ba?”

“Kakayanin naman pero mas mainam na bumaba muna ang mga lalaki, manggilid muna kayo sa bundok. Sina Mam at Doktora muna diyan sa trak,” saad ni Mang Adong. 

Sa wakas natawid namin ang malalim na ilog.  Isang pagsisisi ba o isang pagpapaalala sa akin ang lugar na ito upang maranasan at malaman kung gaano kami kapalad doon sa kapatagan? Oisang pagbubukas sa aking kaisipan sa kaligayahan at kapayapaan?

Nagsimula na ang medical mission. Nagsipila na at nagpatala ang mga nasa nayon. May pasasalamat ang mga ngiti nila sa amin. Masaya nilang tinanggap ang mga munting pasalubong. Masarap ang pakiramdam na naging bahagi kami ng makabuluhang gawaing ito. Batid kong isang napakahirap na pagdayo sa bundok ang aming ginawa ngunit sa kabila nito walang pagsidlan ang aming kaligayahan dahil maraming tao ang naabutan namin ng tulong. Halos 150 katao ang aming napaglingkuran sa baryo.  Harinawang magkaroon muli ng pagkakataon upang sila ay mabisita. 

Kung susuriin, sila ay nasa kabundukan, walang mga materyal na kagamitan,  walang kuryente, limitado ang transportasyon, hindi sagana sa pagkain, kung ano ang kanilang mga itinanim iyon lamang ang kanilang aanihin at sama-samang kumakain na may masasayang ngiti. Sabihin na nating may kakulangan sa lahat, subalit bakas ang kasiyahanng mga paslit. Walang paghahangad, walang paninira, walang pang-aakin. Malaya ang lahat sa kabundukan. Lahat ay pantay-pantay, lahat ay may karapatang mabuhay nang malaya at tahimik kasama ang kalikasan.

Pagsapit ng hapon, naghanda na kami sa pag-uwi. Lahat ay nagmamadali paparating na ang ulan na may panaka-nakang pagdagundong ng kulog at matatalim na kidlat. 

“Tara na, gayak na. Baka abutan tayo ng ulan,” sabi ni Dok Jay.  May inilapag sa lamesa ang kanilang Apo, nagpabaon ng mga gulay at isda na nahuli sa ilog. Nagpasalamat ang bawat isa sa kanilang handog.

***

Sa huli, may pagmumuni-muni ang lahat at may mga nagbahagi ng karanasan. Samo’t saring mga bigayan ng opinyon, sa mga naging danas sa medical mission, mga sariling kaisipan at hangaring makatulong at mapataas ang kaalaman ng aming mga kapatid na naninirahan sa kabundukan. Simula na naman ng pagbagtas sa mga ilog na higit sampu ang bilang, paghawi sa kakahuyan, at di mabilang na mga dambuhalang bato. Si Pastor ang nanguna sa aming panalangin na hiling ay makauwi nang ligtas sa aming babagtasin, makarating sa aming mga tahanan nang may pagpapala, at muli kaming makabalik sa lugar na nangangailangan ng higit sa aming mga inaakala.

Muli kaming nagkuwentuhan ng aking mga kaibigang guro. Isang napakahalagang pagkamulat sa medical mission.  Ipinakita nito sa amin ang tunay at mahalagang kaligayahan ay hindi ang materyal na bagay kung hindi ang makuntento sa kung ano ang mayroon ka sa buhay.

Handa na ang lahat sa pag-alis. Isang makabuluhang gawain sa taas at mahalagang pagkamulat ang baon ng bawat isa pauwi sa ibaba.

Rampa-Awra-Drama

Ang paglalakbay ni Sola sa tunay na Korona

Roland L. Bautista

RAMPA

“I believe na ang mga baklang kagaya namin ay hindi lang basta ipinanganak dito sa ating mundo, I believe na katulad ng isang bahaghari matapos ang isang unos, kami ang siyang magbibigay kulay at bagong pag-asa sa mga darating pang umaga, I, thank you.” Hiyawan at palakpakan ang dumagundong sa buong plaza nang sagutin ni Sola ang tanong ng isa sa mga hurado sa Miss Hiraya sa Q & A portion ng pageant. Kinakabahan ang sangkabaklaan dahil sa hinaba-haba ng kanyang karera sa Miss Gay, ngayon lang ito nakasagot nang tumapak at naaayon sa simpatya ng madla. Matagal at maraming pakulo ang delibrasyon ng mga pupwesto para sa korona, ang iba ay inaantok na dahil halos alas dos na ng madaling araw at wala pa ring pinal na resulta kung sino ang mga tatanghaling bagong reyna. Lahat ay tensyonado at nababagabag na kung makakapuwesto si Sola kahit sa isa sa mga runners up at korona. Matapos ang iba’t ibang drag performances ng mga drag queens ay isa-isa nang tinawag ang mga kokoronahan magsisipagwagi sa gabing iyon. Ramdam ng aming barkadahan ang kaba at bawat sigaw ng bawat fanbase ng mga kandidata, kanya-kanyang sigaw at hampas ng mga nakahandang props bilang pagbibigay pugay kung sakali mang tawagin ang kanilang pambato. Isa-isa nang tinawag ang mga kandidata na nabigyan ng korona at dalawa na lamang ang natitira, handing-handa na rin kaming sumigaw kung sakaling tanghalin bilang Miss Gay Hiraya si Sola. Dumating na ang pinakahihintay na sandali. Ito rin ang nagbigay sa kanya ng pwesto upang makapasok sa top 5 at sa tanghalin bilang Miss Gay Hiraya 1st Runner up.

Tuwang-tuwa ako nang malaman kong sasali muli sa isang Miss Gay Contest ang isa sa aking matalik na kibigan na si Sola a.k.a Solenn Heussaff dahil siya ang magiging opisyal na kalahok mula sa Brgy Zapote. Siya ay naimbitahan ng isa rin sa aming mga kaibigan sa Maragondon, Cavite bilang isa sa mga programa ng kanilang barangay sa nalalapit na kapistahan. Bagama’t may kalayuan ay ginora na namin ito, rampa na din kase ng sangkabaklaan at baka sakaling may harvat, charot! Hindi maitago ang pananabik ng sangkabaklaan kung paano ipahahatid ang kani-kaniyang suporta. Kaniya-kaniya kami ng toka sa kung paano kami makakatulong sa iba’t ibang segment ng beauty contest. Isang lingo bago ang nasabing contest ay nagumpisa na kaming ihanda ang mga costume, props, gowns at syempre katulad ng secret weapon ni Trisha Echeverria sa Die Beautiful, ang mahiwagang notebook ng karunungan. Nagpadala na rin kaming ng mga solicitation letter sa iba’t ibang opisina at mga pulitikong tatakbo sa nalalapit na eleksyon.  Power suyod ang ginagawa ng mga bakla para makadiskarte ng mga gagamitin sa pageant, nahiya naman kase kame kay Miss Thailand nitong nakaraang Miss U na may dalang 17 maleta at hindi pa raw masyadong handa at laban na laban ang lola mo para maiuwi ang inaasam na korona. Syempre, panay din ang ensayo sa pagrampa na parang humihiwalay na ang balakang makabog lang ang “tsunami walk” ni Shamcey Supsup, kahit tirik pa ang araw. Kasabay nito, tuloy din ang pang pasarela training ng eabab na ito na may kasama na ring emote at walang katapusang hawi ng buhok habang kinukulam ang mga hurado para pumasok sa top 5 at umabot hanggang dulo. May nakatoka rin sa pagbuo at pag isip ng  mga bonggang linya ng  pagpapakilala ng sarili at kung sinong sikat  at trending ang pilit na  ginagaya mula sa tiktok na may iba’t ibang pakulo. Andiyan din ang  pasabog na photoshoot para makuha ang social media fanvote na kung sakali ay gagawan naman ng autolike sa mga dummy account at mga online harbat na mula sa ibang lahi. mula sa ng walang kamatayan at kung ano-anong kaechusan na kasabihan na dapat ay bago sa tenga ng mga manunuod, ang pasabog na talent kineme at higit sa lahat ang pagsagot sa makapigil-hiningang question and answer portion.

AWRA

Araw ng Sabado at handang-handa na ang paglipad ng mga sanggre at ang buong pwersa ng kabaklaan para suportahan ang nag-iisang diyosa mula sa dako paroon. Para kaming mga naglalakad na aparador at sampayan sa dami ng aming mga dalahing iba’t ibang damit at gamit para sa contest. Sakay ng babybus (dahil hindi naman afford ang grab) na bumabyahe patungong Cavite ay hulas na ang ilang patong ng BB cream, tongkil sa kilay ay putok na blush on dahil sa init ng araw. Malayo at haggardo versoza ang biyahe, bukod sa puro taniman at mga malawak na lupain ang nakikita, para pa kaming nasa bump car sa walang humpay na pagyugyog ng aming sinasakyan.  Matapos ang 1234567890 years ng paglalakbay ay nakarating na din kami sa lugar na pagdarausan ng beauty contest. Katulad ito ng isang tipikal na probinsiya, mapuno at dama mo ang ganda ni mother nature, medyo nakakatakot lamang dahil sa tahimik at matalahib na parang katulad sa “the wrong turn”. Chareng! Ilang minuto pa ay nakita na namin ang aming sundo na si Mother Tiny pero ang size ay parang si Barney. Chos! Siya ang president ng LGBT community sa kanilang barangay at ang nag-imbita sa amin doon, siya ring punong-abala para sa nasabing programa bilang pagkilala raw sa mga LGBT community sa kanilang lugar at kung ano-ano pang hanash.

Maraming tao ang nakaantabay sa pagdating ng mga kontesera, kitang-kita ang kanilang pagkamangha sa mga nagdadatingang kandidata. Bakas sa kanilang mukha ang pananabik at saya. Parang noon lamang sila nakakit ng mga diyosang nagbabaan sa lupa (ansaveh?!). At ang nakakaloka sa lahat ay ang pa-tarpaulin ni mayora, ang lahat ng kandidata ay may kani-kaniyang tarpaulin na hindi ata ginamitan ng camera 360 o ‘di kaya’y adobe photoshop man lang. Nakakaloka ang noo ni Sola na parang NAIA terminal 3 sa lapad na handang-handa na  rin ata para sa kaniyang pasiyam. Charot! Matapos naming dumaan sa kort ay nanuluyan muna kami sa bahay ni Mother Tiny. Simple lang ang kaniyang bahay, maraming halaman ang nakatanim sa kaniyang bakuran at ang nakakagulat ay nang dalhin niya kami sa kaniyang kuwarto, parang isang museo ng iba’t ibang tropeo na nakuha niya noon sa mga ganitong Gay Beau-cons. Ito raw ang kaniyang itinuturing na pamilya buhat ng siya ay palayasin sa kanila dahil sa kaniyang kasarian. Ngunit itinigil na rin niya ang pagkukwento dahil hindi naman daw siya si Ate Charo at niyakag na kaming kumain at maki-piyesta sa kaniyang kapitbahay.

DRAMA

Kasabay ng pagkagat ng dilim ay ang pag-uumpisa ng programa. Dumalo ang mga opisyal ng barangay at iba pang mga espesyal na panauhin. Nagkaroon ng pambungad na pananalita si Mother Tiny bilang kauna-unahang Miss Gay Hiraya ng kanilang barangay, makabagbag damdamin at  tunay na tumatak sa akin bilang isang bakla, bilang isang tao ang lahat ng aral at karanasang ibinahagi niya.

“Ang mga bading, bakla, shokla, o kung ano pa mang nais nyong itawag ay nagkatipon-tipon sa gabing ito. Hindi para kami ay pagtawanan, paglaruan at husgahan. Ang mga ganitong programa ay inilulunsad upang bigyan naman sila, kami ng espesyal na puwang at halaga sa lipunan, bigyang pagmamahal at patunayan na ang tunay na kagandahan ay hindi nakabatay sa kasarian o kaanyuan, dahil naniniwala akong ang mga taong nasa ikatlong kasarian ay mahal ng diyos, di kumukupas. I, thank you!” Sigawan at walang humpay na palakpakan ang naging sagot ng mga manunuod. Para bang may biglang tumapik sa akin at nagdulot ng kurot sa aking puso. Iginagalang at nirerespeto si Mother Tiny sa kanilang lugar, maraming tao ang humahanga sa kanyang tapang at nagawa hindi lamang sa komunidad ng LGBTQIA+ kundi sa kanilang buong barangay. Sa pagbaba ng entablado, bitbit niya ang pinaka enggrandeng koronang nanaising isuot ng sinumang bakla, para siyang isang diwatang nagniningning at inaaakit lahat ng manonood na kaniyang dinaraanan. Wala mang milyon at mamahaling koronang dala si Mother Tiny, ngunit naipanalo niya ang pinakamaningning na korona mula sa taumbayan at ito ang respeto ng mga tao. Sa kabila ng pagiging kuwela at maharot ay patuloy pa rin siyang nakaluklok bilang Miss Gay Hiraya ng kanilang lugar, suot pa rin niya ang koronang kailanma’y hindi maaalis ninoman.

Nagsimula na ang contest. Nakaaaliw at napakasaya ng naging programa. Maraming pakulo at pasabog ang mga kontisera hindi lamang upang masungkit ang korona ngunit para na rin pasayahin ang mga manonood. Bakas sa mukha ng mga taga roon ang saya. Walang halong diri at panlalait.

Matapos ang contest ay nag-uwi kami ng tropeo. Nanalo si Sola bilang Miss Gay Pangkalawakan 1st Runner up. Masayang-masaya kami ng gabing iyon, bukod sa pagkapanalo ay nagbunga ang lahat ng pinaghirapan at syempre nagkaroon din kami ng panahon upang muling magkasama-sama (dahil busy ang mga lola mo sa iba’t ibang kemerut sa buhay) lalo pa’t sa malayong lugar.

Maliban sa tropeo at masasarap na pagkaing aming natikman sa isang malayong lugar, bitbit namin ang pinakamasarap na pasalubong sa aming uuwian. Una, ang kagalakan na makadaupang-palad ang isang taong nagsilbing inspirasyon sa sangkabaklaan. Ikalawa, ang mainit na pagtanggap at pagpapahalaga ng mga taong bukas ang isipan at Ikatlo, ang pagkakaroon ng tunay na korona, bilang isang bading at higit sa lahat isang taong ginagalang at may espesyal na halaga.

Leave a comment

Tungkol sa Luntian Journal

Tuloy po kayo sa Luntian Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (inilalathala ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino/PSLLF).

Basahin ang latest na isyu.

Latest posts