
Mula Baha sa Luneta hanggang Palestina: Ilang Tala sa Pagtatapos ng 2025 at Pagtanaw sa Mga Hamon sa 2026
Disyembre 2025 ang paglulunsad ng Isyu 13 ng Luntian Journal. Tamang-tama sa pagbabalik-tanaw sa nakaraang taon bilang paghahanda na rin sa susunod.
Sa mga isyung lokal, korapsyon ng pondong para sa flood control at mga dambuhalang kilos-protesta ng taumbayan ang tumatak sa 2025 (Baha sa Luneta, Trillion People March at iba pa, lalo na noong Setyembre 21 at Nobyembre 30). Sa mga isyung global, tampok ang henosidyo sa Gaza, Palestina. Maraming manunulat/alagad ng sining ang tumugon sa mga tawag ng panahon.
Sa isyu ng korapsyon, ilan sa mga popular na awiting protesta ang “12 Days of Kurakot” (parodiya ng “12 Days of Christmas”; dati-rati, ang Goin’ Bulilit ng ABS-CBN ang kilala sa pagtatampok ng year-ender na parodiya ng nasabing awit) ng Bubble Gang episode na umere noong Nobyembre 30 (https://www.youtube.com/watch?v=VDP1WNv8apo), at ang parodiya ng “Christmas in Our Hearts” ni Jose Mari Chan na inawit ng UP Symphony Orchestra (UPSO) – lyrics ni Augie Rivera – na itinanghal noong Disyembre (https://www.facebook.com/reel/1491142018641671). Patunay ang mga ito na sa pamamagitan ng sining, hindi makakalimutan ng sambayanan ang krimen ng mga mandarambong at tiyak na magpapatuloy ang ating laban sa katiwalian at para sa mabuting pamamahala. Siyempre, kasabay ng paglikha ng mga akda, di rin dapat kalimutan ang diseminasyon ng nilalaman ng mga pahayag at tala ng iba’t ibang grupo kaugnay ng korapsyon at National Budget 2026 lalo pa’t punong-puno pa rin iyon ng mala-pork barrel na pondo na mas madaling kurakutin. Nasa ibaba ang ilang latest na pahayag kaugnay nito.
Habang isinusulat ko ang year-ender na ito, naging major issue din sa National Budget 2026 ang 51 bilyong pisong alokasyon ng gobyerno para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) Program (ang notorious na sistema ng ayudang medikal na pipila ka at hihingi ng guarantee letter sa mga politiko para ka makapag-avail). Ang sabi ng ilang healthcare reform advocates, dapat daw na direkta na lang itong ilagay sa PhilHealth para di na dadaan sa mga politiko. Sa isang policy brief (nasa ibaba rin ang link sa sipi), binigyang-diin ko ang ilang hakbang na “dapat isagawa tungo sa pagkamit ng pangarap na 100% libreng serbisyong pangkalusugan PARA SA BAWAT PILIPINO: WALANG BURUKRASYA, WALANG PILA, WALANG PAMAMALIMOS, WALANG PAGHINGI SA MGA POLITIKO, WALANG PAPELES, labas pa sa simpleng lipat-pondo mula MAIFIP tungong PhilHealth: 1) pagpapalakas sa preventive healthcare; 2) abolisyon o pagpapaliit ng PhilHealth; 3) buhos-pondo para sa renobasyon at pagtatayo ng mas marami pang publikong klinika, laboratoryo, ospital at iba pa; at 4) regulasyon sa mga bayarin sa mga pribadong ospital.” Masyadong mapangarapin, marahil, ang iisipin ng iba, pero sa 2026, panahon nang subukan nating mangarap muli. Sabi nga ni Che Guevara at ng mga estudyante noong 1968, “Be realistic, demand the impossible!”
Bilang solidaridad sa kalunos-lunos na sitwasyon ng mga Palestino, maraming makata at tagasalin ang sumulat at/o nagsalin ng mga tula at iba pang akda. Latest dito ang antolohiyang “Pagkat Tayo Man ay May Sampaga: New Philippine Writing and Translation for a Free Palestine” na inedit nina Joi Barrios, Faye Cura, Sarah Raymundo, at Rolando Tolentino.
Hamon sa mga kontribyutor ng Luntian na lumikha ng mas marami pang gayong mga akdang may kabuluhang panlipunan.
Bilang panimulang pagtanaw sa mga hamon sa 2026, bayaan ninyong itala ko ang ilang obserbasyon at panukala.
Una, ang adbokasi ng Tanggol Wika na maibalik ang mandatoring Filipino at Panitikan subjects sa college sa panahong lumalaganap na ang ilang panukala sa Senado na gawing 3 years na lang ang college programs at alisin na ang buong General Education Curriculum. Prelude lang pala talaga ang pagtanggal sa Filipino at Panitikan, narito na namang muli ang neoliberal na buldoser ng General Education: sama-sama nating hadlangan!
Ikalawa, ang pagiging optional na lang ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na sayang ang nasimulan noong mandatory pa pero dapat ituloy kung gusto nating matuto talagang magbasa ang mga batang Pilipino.
Ikatlo, ang pamamayani pa rin ng Ingles bilang wika ng gobyerno: kaya nakakalusot ang pangungurakot dahil nasa Ingles ang maraming dokumento at deliberasyon; kung wikang sarili ang gamit sa bawat dokumento at deliberasyon, mas madaling makikita ang panloloko at pandarambong. Dapat lalong seryosong isabalikat ang Filipinisasyon at paggamit ng mga wikang sarili.
Ikaapat, marami sa sektor ng kultura ang obsessed sa pagtatanghal ng ating kultura sa labas ng bansa pero ni hindi pa nga ito naitatanghal sa mga komunidad natin mismo (halimbawa, kung ilang aklat na ang unang naisalin mula Filipino tungong Ingles samantalang di pa naisasalin sa Cebuano, Waray, Kapampangan atbp.). Dapat lalong mapasigla ang pagsasaling mula Filipino patungong iba pang wika ng Pilipinas at vice versa. Habang binabasa ang talaan ng mahuhusay na aklat na idineklarang finalists sa 43rd National Book Awards ng National Book Development Board (NBDB), mapapansin din na lalong dapat pang pagbutihin ang pagbibigay-suporta sa mga manunulat na nagsusulat sa mga wika ng bayan at para rin sa mga manunulat na mas sa Ingles nagsusulat pero nais na ring magsulat sa mga wikang sariling atin.
Ikalima, bahagi na raw ng kultura natin ang korapsyon. Hindi tayo sang-ayon sa gayong pananaw. Manapa’y kultura ng naghaharing uri. Kung gayon, kung maitatanghal ang kultura ng masa, ang kultura ng sambayanan, katapatan at tunay na paglilingkod sa bayan ang maitatanghal na kulturang sariling atin, di ba? Laganap din ang kawalan ng pag-asa, ng exasperation sa mga nangyayari, ng sentiment ng powerlessness (“wala na tayong magagawa” “wala tayong power baguhin ang sistema”) pero may mahabang kultura tayo ng protesta, ng rebelyon, ng kontra-gahum. Marahil, kailangang mas itanghal ang gayong kultura upang mas maramdamang may pag-asa at nasa kamay natin ang pagbabago. Eksakto rin ito para mas maipagpatuloy ang laban kontra korapsyon na tumatak noong 2025. Kaugnay ng pagtatanghal sa kultura ng paglaban, kulang na kulang ang Pilipinas sa mga teleserye/TV series na gaya ng “Vencer o Morir” (“Victory or Death” sa Prime Video) o “La Révolution” (sa Netflix). Bakit nga ba wala pa ring biopic si Emilio Jacinto, ang tinaguriang “Utak ng Katipunan” at/o “Utak ng Himagsikan” (may debate pa rito dahil sa maraming teksbuk ay si Apolinario Mabini ang tinatawag na “Utak ng Himagsikan”) sa kanyang ika-150 kaarawan nitong Disyembre 15, 2025?
Ikaanim, realidad na kinakalakal na ng mga kumpanya ang kasiningan ng mga Pilipino (may creative industries na nga) kaya’t dapat tiyakin na hindi mapagsasamantalahan ang mga manggagawang pangkultura (gaya ng mga translator na binabarat dahil walang standards sa bayaran). Baka kaya nating magdebelop ng minimum na standard sa bayad sa translators, editors, writers at iba pa. Dapat ding ipagbawal o limitahan ang walang rendang libreng paggamit sa ating mga akda, sulatin, at datos para i-train ng mga kumpanya ang kani-kanilang Artificial Intelligence (AI). Kaugnay ng AI at akademya, mainam pagnilayan ang mga insight sa artikulong “AI is Destroying the University and Learning Itself” ni Ronald Purser sa Current Affairs.
Ikapito, may panukalang propesyonalisasyon ng pagiging translator. Sikapin pa nating mai-finetune ang borador ng panukalang batas upang mas maging nakadireksyon sa mga pangangailangan ng ating mga komunidad.
Ikawalo, bubuhayin daw ang panukalang Departamento ng Kultura (walang dakila at maunlad na bansa na walang ganitong Departamento). Mainam pero dapat tiyakin na ang hugis at direksyon nito ay progresibo, demokratiko, makamasa (gaya mismo ng nasa depenisyon ng kultura sa batas na nagtatag sa National Commission for Culture and the Arts/NCCA).
Maligayang Pasko at Maunlad na Bagong Taon sa ating lahat! Tuloy ang pagsulat at pakikibaka sa 2026!
Mga kaugnay na babasahin:
International Association of Genocide Scholars. “IAGS Resolution on the Situation in Gaza.” https://genocidescholars.org/wp-content/uploads/2025/08/IAGS-Resolution-on-Gaza-FINAL.pdf
Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK). “KBKK Notes sa National Budget 2026 Bicams.” https://www.facebook.com/photo/?fbid=122116207965020475&set=pb.61580614258503.-2207520000
Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights. “Israel has committed genocide in the Gaza Strip, UN Commission finds.” https://www.ohchr.org/en/press-releases/2025/09/israel-has-committed-genocide-gaza-strip-un-commission-finds
Purser, Ronald. “AI is Destroying the University and Learning Itself.” https://www.currentaffairs.org/news/ai-is-destroying-the-university-and-learning-itself
San Juan, David Michael. “Policy Brief sa Reporma ng Sistemang Pangkalusugan sa Pilipinas: Lipat-badyet ng MAIFIP sa PhilHealth, Di Sapat; Ano Pa Bang Mga Hakbang Ang Dapat?.” https://www.researchgate.net/publication/398722571_Policy_Brief_sa_Reporma_ng_Sistemang_Pangkalusugan_sa_Pilipinas_Lipat-badyet_ng_MAIFIP_sa_PhilHealth_Di_Sapat_Ano_Pa_Bang_Mga_Hakbang_Ang_Dapat
_____________________. “Cinema pandemia: Reflections on the underrated Netflix series La Révolution vis-à-vis current Philippine & international realities.” https://www.plarideljournal.org/article/cinema-pandemia-reflections-on-the-underrated-netflix-series-la-revolution-vis-a-vis-current-philippine-international-realities/
Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA). “Pahayag ng TAMA NA kaugnay ng Desisyon ng Korte Suprema na Nag-uutos sa Gobyerno na Ibalik sa PhilHealth ang 60 bilyong piso.” https://www.facebook.com/photo.php?fbid=756865617434703&set=pb.100093338134743.-2207520000&type=3

Leave a comment