Kapag Pasko 2: Alaala at Pagninilay sa Hinaharap

Ano’ng gagawin mo ngayong Pasko?

Nag-iisa ang ‘yong puso

Dapat mong isiping

Mayro’ng ibang

Nagmamahal sa ‘yo

Sa ‘yo

At kung ‘di makita ang hanap mo

Mga kaibiga’y naririto

Ating ipagdiwang yaring panahon

Tulad ng mga bata tuwing Pasko.

~ Ryan Cayabyab

Ikalawang taon kong aalalahanin at pagninilayan ang Kapaskuhan. Una ko itong naisagawa at nailathala noong nakaraang 2024 (Luntian, Isyu 11). Doon ko nahinuha ang napakayamang imbak na alaala at danas sa tuwing sasapit ang kapanahunang ito. Gaya ng iba pang mga Katolikong Pilipino, nakabatay pa rin ito sa mga gawaing simbahan (relihiyoso) at mga tradisyong ikinapit ng mga Pinoy (sekular) sa paggunita ng pinakamahabang Kapaskuhan sa buong mundo.

Lahat tayo ay may alaala ng Kapaskuhan. Nakabatay ito sa lokal na kultura gaya ng kung papaano ang mga taga-Bulacan o Pampanga o saan mang lalawigan o syudad. Maaari rin namang batay ito sa estado ng pamumuhay, mangyaring ito ay para sa mga may-kaya o sa mga pilit na itinatawid ang pamumuhay. At gayon din naman sa mga demograpiyang batayan gaya ng edad, kasarian, edukasyon, impluwensyang kultural, at iba pa. May iba’t ibang pamamaraan at pananaw ang mga kabataan (musmos o paslit at lalabintaunin) at mga nakatatanda (konserbatibo at mapamahiin). Kung kasarian naman, maaaring tagayan sa mga kalalakihan samantalang ang mga kababaihan naman ay abala sa mga dekorasyon o pahiyas. Samantalang sa edukasyon naman naituturo ang konseptong teolohikal, ekonomiko, antropolohikal o maging pilosopikal na pagdalumat at pagsasabuhay sa Kapaskuhan. Maaaring maging impluwensyang kultural din ang pagdiriwang ng Pasko kung ito ay isinasagawa batay sa konsepto o paraang banyaga o Kanluranin, gaya ng paghahanda ng Noche Buena, ang konsepto ng Santa Clause, ang lamig at kadalisayan ng niyebe, at marami pang iba. Pansinin na sarisari ang paraan pagdiriwang ng Kapaskuhan sa bawat Katolikong rehiyon, bansa, at kontinente.

Narito ang ilang gawain sa Kapaskuhan na aking babalikan at sisikaping bigyang ng pagninilay at higit na pangangahulugan.

I. Palitan ng Regalo

Nakamulatan ko na ang pagpapalitan ng regalo o exchange gift tuwing Pasko. Kalimitan ko itong naranasan noong ako ay nasa antas elementarya at hayskul. Ito na yata ang palaging naipapalaman sa mga programa ng Christmas Party bago matapos ang grading period.

Kadalasan na ang mga guro noong ako ay nasa elementarya ang siyang nag-oorganisa ng pagpapalitan ng regalo. Malay na ako noon sa kahulugan ng regalo tuwing Pasko, palibhasa’y bahagi ito ng aral ng Katekismo: ang maging mapagbigay at magpaubaya. Bagaman, may isa akong karanasan sa palitan ng regalo na palagi kong aalalahanin sa tuwing isasagawa ito. Grade 6 ako noon sa pampublikong paaralan. Kahit na nakararaos at nakaluluwag naman ang pamumuhay ng aming pamilya, dama ko na ang ilan sa aking kamag-aral ay sadyang kinakapos. Malimit ko ngang hinahatian o binibigyan ng aking baong pagkain ang ilang kaklaseng malalapit at alam kong walang pambili. Masarap kainin ang baon kapag may kakuwentuhan at kakulitang kaibigan, kaya nga kung minsan ay ako pa ang pasimuno ng ingay sa klase.

Noong naipabatid na ang Christmas Party sa aming klase, nagbilin ang aming guro na magdala ng regalong ibibigay sa kamag-aral. Dumating na ang araw ng aming kasiyahan. Nakapaghanda ang aking nanay ng simpleng regalo para sa exchange gift. Isa-isa kaming binigyan ng numero at saka pinabunot ng aming guro ng numero para sa maitakda ang regalong tatanggapin mula sa kamag-aral. Personal na iaabot ng kamag-aral ito at saka babati ng ‟Maligayang Pasko!” Natanggap ko ang aking regalo, kung di ako nagkakamali ay face towel na nasa makulay na balot na may kasamang munting laruang cowboy na nakasakay sa kabayo na lumulukso kapag pinipisil ang isang lobong nakakabit dito. Binuksan na ng aking mga kamag-aral ang kanilang regalo at nalunod sa ingay ng saya ang buong silid. Bagaman, ang isa sa aking malapit na kamag-aral ay walang natanggap dahil nagkamali sa pagtatakda ng bilang ang aming guro. Hindi siya kumibo hanggang sa matapos ang aming party. Maaaring nahihiya siyang lumapit o sadyang tahimik siya. Natapos namin ang Christmas Party na hindi niya ito naipaaalam sa aming guro. Nalaman ko lamang nang magsabi siya sa akin na wala siyang natanggap na regalo.

‟Walang nagbigay sa akin ng regalo,” ang pagtatapat sa akin ni Ronald habang naluluha siya at may bahid ng pag-aalala. Nagsisiuwian na rin ang aming kaklase. Mahirap habulin ang mga ito at baka hindi rin niya piliin pang makaabala.

‟Naku, nakalabas na si Ma’am. Sana sinabi mo kaagad kanina,” ang panghihinayang ko. At saka nagsimula siyang umiyak. Naramdaman ko ang kanyang labis na kalungkutan.

‟Tiyak na pagagalitan ako ng nanay ko. Umaasa siyang may ipapalit na regalo ang sombrero ng kapatid ko na kanyang piniling ipadala sa akin,” at lalo kong naintindihan ang kanyang kalagayan. At para lamang maibsan ang kanyang alalahanin, nagpasya akong ibigay na lamang sa kanyang ang face towel na aking natanggap.

‟Ito na ang iuwi mong kapalit ng iyong regalo,” ang bilin ko sa kanya. Tumahan siya. Nanahimik at saka kami sabay na lumabas ng silid.

Mula noon ay lalo kaming naging malapit na magkaibigan. Bagaman nagkahiwalay na kami nang ipagpatuloy ang hayskul sa magkaibang paaralan.

Naisip ko, napakasimpleng bagay lamang ng regalong hindi natanggap o maiuuwi, subalit napakalaking bagay nito sa isang paslit na umaasang makapag-uuwi ng regalong inaasahan at ikagagalak. Naibigay ko ang aking regalo pero pinalitan naman ito ng pagkakaibigan at napakasayang alaala.

II. Ang Simbang Gabi

Noong nasa elementarya pa ako, naging aktibong Cub at Boy Scout ako. Sapagkat lampa at sakitin ako noon kaya’t hinikayat ng aking guro ang aking mga magulang na isali ako sa programa ng scouting. Napakarami kong natutunan sa scouting gaya ng pagiging responsable, matulungin, maparaan, at mga kasanayan gaya ng pagluluto, pagtatali, at pagbabasa ng mapa.

Malimit din kaming iniimbitahan sa mga gawaing pangkomunidad at simbahan. Kapansin-pansin ang pagkakaroon ng bentahe nito sa aking kalusugan. At ito na rin ang aking naging extra-curricular activity sa paaralan.

Sa unang taon ko sa pagiging Cub Scout, naimbitahan kaming dumalo sa ikaapat o ikalimang araw ng simbang gabi. Alas-singko ng umaga ito. Hindi ako sanay na gumising nang maaga, kaya’t pupungas-pungas at inaantok pa sa simbahan. Bagaman, naroroon ang mga kaibigan kaya’t bahagyang napanatili ang sariling mulat at gising. Dumating na ang pari, at kilala ko ito bilang siya ang kura-paroko sa aming bayan. Siya ang nagbinyag sa akin. Batid ko ang pagiging istrikto nito at ang pagiging kritikal nito sa mga asal ng mga nananampalataya.

Hindi relihiyoso ang aking mga magulang noon, bagaman naging mas aktibo sila sa simbahan noong ako ay nasa kolehiyo na bilang kasapi ng Catholic Women’s Leagure (CWL) at Knights of Columbus.

Sa malamig na madaling araw na iyon, dinig pa ang huni ng kuliglig na tila nanunukso ng pag-idlip. Marami sa mga kasamahan ko ang namumungay na ang mga mata at unti-unting pumipikit, at napapayuko sa pag-idlip. Hanggang sa mapansin kong may ilan na ngang nakatulog habang ibinabahagi ng pari ang ikalawang pagbasa. Nawala na rin ang aking atensyon sa misa. Unti-unti na rin akong nagpaubaya sa pag-idlip at napasandal na sa upuan kahit pa babahagya kong naririnig ang buo at mababang boses ng pari habang isinasagawa niya ang sermon.

Nagising na lamang ako nang tapikin ng aking ama at sabihang malapit na ang komunyon. Sinikap kong manatiling gising at nausisang may ilan akong kasamahang nakapila na. Nagmadali akong tumayo at pumila para mangomunyon. Hinihintay ko rin ang bahaging ito sa misa. Noon, ang banal na katawan ni Kristo ay ipinapakita ng pari sa tatanggap at saka uusalin ang, ‟Katawan ni Kristo.” at sasagutin ng ‟Amen.” at saka ito isusubo sa babahagyang nakalabas na dila. Napansin kong magkadikit ang kamay ng ilang nauna sa akin na maaaring isang paghahanda sa pagtanggap ng Katawan ni Kristo. Hindi ko buong nakita na magkadikit pala ang kanilang palad na tila nananalangin. Inakala kong ilalagay ito sa aming palad at saka kami na ang magsusubo sa sarili, na ginagawa naman sa kasalukuyang panahon. Hiningi ko sa kura-paroko ang katawan ni Kristo, nagkatinginan ang mga nakasaksi nito. Hinihintay nilang sitahin ako ng pari o tanggihan na sa pagtanggap ng banal na katawan ng Kristo. Subalit itinapat ng matandang pari ito sa akin at binigkas namin ang mga kataga, at saka niya ito inilagay sa aking kaliwang palad. Isinubo ko ang Banal na Ostiya, at marami ang namangha na nagpaubaya ang pari na kilala sa pagiging konserbatibo.

Matapos ang misa, lumapit ang kura sa akin at sinabing sumunod sa wastong pangungumonyon. Buhat noon, palagi ko itong naaalala sa tuwing dumadalo ako ng Simbang Gabi. At ngayon, kung nabubuhay pa ang pari ay maaari ko nang sabihin sa kanyang tanggap na at pinahihintulutan na ang pagtanggap ng Katawan ni Kristo gamit ang palad na tinatambalan ng pag-aantanda ng Krus at mataimtim na pananalangin.

III. Ang Karoling

Hindi ko naranasan noong ako ay bata pa ang manapat sa bahay-bahay at isagawa ang pangangaroling gaya ng iba pang kabataan. Madalas na ang mga lalabintaunin o mga binata at dalaga sa aming barangay ang nananapat (nangangaroling) sa tuwing Disyembre. Alam na namin kapag papalapit na ang mga nangangaroling dahil nariringgan na ang kanilang pag-awit sa ilang kapitbahay at ang pagkahol ng mga nag-aalmang aso. May nangangaroling na saliw ang gitara, may mga nangangaroling na may kasama pang sayaw, may nangangaroling na may ilaw at nakauniporme.

Una kong naranasan ito nang isama ako ng aking magulang na noon ay opisyales ng Parents-Teachers Association bilang bahagi ng kanilang paglikom ng pondo sa pagpapaayos ng aming silid-aralan. Nagsisimula ito matapos ang hapunan at matatapos bago maghatinggabi. Kani-kaniyang mga barangay ang aming pinupuntahan, kasama na ang mga tahanan ng mga kilalang personalidad sa aming bayan gaya ng mayor, congressman, mga doktor, abogado, at iba pa.

Natutuwa ako noong una subalit sa makailang ulit na awiting Pamasko at makailang araw na pangangaroling ay nagsawa na ako, lalo na sa nakauumay at kung minsan pa nga’y wala sa tonong tinig ng mga kasama rito. Natutuwa lang ako kapag nagkayayaan nang magmeryenda muna sa madadaanang lugawan o tindahan ng bibingka at puto-bumbong.

Naiba na ang aking pananaw sa tradisyon ng caroling magmula nang ako ay naging kabahagi ng masistema at madisiplinang mga koro gaya ng Philippine Male Choral (PMC) at ng Neo Nocturne (NN). Pinag-iisipan ang repertoire, nagdagdag ng bagong awiting Pamasko, at iniisip ang ruta sa ilang araw na pananapatan. Ilang buwan ang preparasyon at rehearsals. Iniisa-isang pag-aralan ang mga bahagi ng piyesa at ang takdang tinig gaya ng Tenor 1, Tenor 2, Bass 1, Bass 2, Countertenor (TTBB/C) para sa all-male choir at/o Soprano 1&2, Alto 1&2, Tenor 1&2, at Bass 1&2 (SATB) para sa mix choir. Hindi nakaasa sa anumang instrumento ito sapagkat nakaareglo ang mga awitin bilang komplikadong piyesa para sa apat hanggang walong tinig (polyphony) at inaawit bilang acapella. Disiplinado ang mang-aawit. Alam ang kombinasyon ng chords, dynamics, kumpas at sinkopasyon, at iba pang elementong pangmusika. Isang pangangailangan ang matalas na pakikinig, pakikiramdam, pagsunod sa interpretasyon at kumpas, koryograpiya, at hindi lang basta ang pagbuga ng mga tono. Kaya naman mas makinis ang tunog ng mga awiting Pamasko. Bukod pa, marami sa mga awiting Pamasko ay nagtataglay ng kulay na kumakatawan sa kultura ng kanyang wika at nilalaman. May mga awiting Pamaskong nasa wikang Bisaya o Cebuano (gaya ng Kasadya ni’ng Táknaa), Ilokano (gaya ng Daytoy A Balay Tay Naturong Mi), o banyaga na naghahayag ng kanilang tradisyon sa pagdiriwang ng Kapaskuhan (gaya ng O Tannenbaum sa wikang Aleman, ng Petit Papa Noël sa wikang Pranses, ng Dejlig Er Jorden sa wikang Danish, ng Wexford Carol sa bansang Ireland, at marami pang iba). Pinag-aaralan ito at inuusisa ang katuturan ng bawat salita at pahayag. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, mas malapit sa akin at mas nadarama ko ang Kapaskuhan kung inaawit ng koro ang mga Pamaskong awitin. Maaaring naroroon kasi ang lambing ng tinig, ang tekstura at natural na lamyos ng tunog, at ang danas ng pagsasama-sama (communal and collective experience).

IV. Aral ng Awiting Pamasko

At para sagutin ang katanungan sa awiting isinulat ng ating Pambansang Alagad ng Sining na si Maestro Ryan Cayabyab, ‟Ano’ng gagawin mo ngayong Pasko?” Sa tulad kong ulila at malayo sa kamag-anak, maaaring ituon ang sarili sa pakikiugnayan sa mga kaibigan. Ito ang isang pagkakataon na magkumustahan, magsama-sama, magkulitan, at damhin ang kahulugan ng pagkakaiibigan. Gayon din, alalahanin natin ang mga taon na kasa-kasama natin ang mga kaibigan at kaanak na ngayon ay maaaring nahiwalay o nahimlay. May dulot na kalungkutan at pangungulila ang Pasko, pero naririyan ang masasayang alaala na dapat na maging inspirasyon natin para ipagpatuloy pa ang paggawa ng panibagong masasayang pagdiriwang ng Pasko.

Produkto tayo ng pandemya at bahagi pa rin ng ating paghilom ay ang higit na pakikisalamuha at pagbabahagi. Mainam na ipagpatuloy ang nakagawiang reunion o pagsasama-sama ng mga kaanak o malalapit na kaibigan. Isang pagkakataon ito para mas madama ang halaga ng kapuwa. Subukan nating makibahagi sa mga simpleng pagdiriwang ng Kapaskuhan, lalo’t dito natin nadarama ang tunay na pakikipagkapuwa at ang nagpapatibay pa ng ating samahan. Ika nga sa awitin,

Isang taong lumipas Isang taong dumaan
May tumaba, may pumayat, may nagtampuhan
May nagkabati, may nagsama’t hiwalayan
Kaya ang dami-dami nating kuwentuhan
Isang taong lumipas
Isang taong dumaan
May nadagdag sa atin, mayroon ding nabawasan
Ngunit sa dinami ng mga taong pinagsamahan
Tuwing Pasko tayo at tayo pa rin lamang

– Ryan Cayabyab

Mainam ding tuklasin natin ang mga kakayahan at kasanayan sa mga oras ng katahimikan bilang biyaya at oportunidad para sa eksplorasyon at paglikha. Pakinggan natin ang ating sarili. May ilang bagay tayong maaaring masimulan o maipagpatuloy sa panahong ito. Simulan natin ang isang taunang gawain, gaya ng paghahanda ng isang lutuing magiging bahagi ng ating hapag sa araw ng Kapaskuhan, ang paglalagay ng mga dekorasyon sa bahay na aking taon-taong pinag-iisipan na paraan din ng libangan at aliw (stress reliever), ang pagsisimula ng rekoleksyon ng mga alaala (writing memoirs).

Iba’t ibang palamuti
Ating isabit sa puno
Buhusan ng mga kulay
Tambakan ng mga regalo

~ Jose Javier Reyes, lyrics

Mula nang maitayo ang aming bagong bahay bago ang pagsisimula ng pandemya ay palaging isinasaisip kung papaano ito mabibihisan ng palamuting Pamasko. Bagaman, taon-taon ay nauulit lang ang parol, Christmas tree, Belen, may naidadagdag kami para magmukha itong bago at hindi inuulit ang gayak. Naiisip kong ipamigay ang mga dekorasyong hindi na gagamitin sa mga susunod pang taon.

Kay sigla ng gabi
Ang lahat ay kay saya
Nagluto ang Ate ng manok na tinola
Sa bahay ng Kuya ay mayro’ng litsonan pa
Ang bawat tahanan may handang iba’t iba.

– Felipe Padilla de León

Natatandaan ko pa kung papaano naghahanda ng pagkain para sa Noche Buena ang aking ina, ang paghahanda ng tradisyonal na suman ng aking ama at ang aming pinagsasaluhang mainit na tsokolate sa Noche Buena. Bagaman, kamakailan ay marami ang nagpuyos at naghayag na hinanakit dahil sa napabalitang pagtatakda ng P500 na budget para sa Noche Buena ng mga Pilipino. Isa ako sa mga masidhing tumutuligsa rito. Walang sino man ang dapat na bigyan ng pagtatakdang halaga at hindi ito makatotohanan sa taas ng mga bilihin sa kasalukuyan. Manapa’y sariwa pa ang sugat ng korapsyon at pandarambong ng mga nasa gobyernong ito na inihain bilang mainit na usapin sa lumalamig at tumatabang na katarungan sa ating bansa. Paano kaya nila inaalala at binibigyan ng kahulugan ang Pasko kung sila ay namumuhay sa katiwalian at pagnanakaw? Masarap kayang pagsaluhan ng kanilang mag-anak sa Noche Buena ang nakaw? Kung sa bagay, manhid naman sila sa pakikipagkapuwa at bulok na ang kanilang pananampalataya.

Kahit pa lubog na ang ating pamumuhay, pilit pa rin nating itatawid ang Kapaskuhan sa abot ng ating kakayahan. Ito ang panahon para rin maipagpatuloy ang nakamulatang tradisyon gaya ng pagdalo sa Simbang Gabi, ang panonood ng Panunuluyan, at ang pagiging kasapi ng isang pangkat sa komunidad na magiging abala sa proyekto sa panahong ito.

Ayon sa isang awiting komposisyon ng ating Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika na si Levi Celerio,

Misa de gallo sa tuwing Pasko
Nagdarasal ang bawat tao
At nagpapasalamat sa pagsilang
Ng Diyos na hari ng mundo.

Leave a comment

Tungkol sa Luntian Journal

Tuloy po kayo sa Luntian Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (inilalathala ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino/PSLLF).

Basahin ang latest na isyu.

Latest posts