
Sana Ngayong Pasko
Mas nauna kong nakilala si Ariel Rivera kaysa kay Jose Mari Chan dahil sa pagiging emotera ng nanay ko. E paano ba namang hindi? Imbes na masasayang Christmas song ang patugtugin ni Mommy, Sana Ngayong Pasko ang bumubungad sa akin sa umaga. Kaya naman lumaki akong bahagi na ng konsepto ko ng Kapaskuhan ang kalungkutan. Akala ko noon, favorite song lang talaga ito ni Mommy o trip lang niyang magsenti. Kasi nga naman, ang lakas maka-emo vibes ng lamig ng hangin lalo na kapag ber months. Hindi ko man tiyak kung bakit pero dama ko na noon na may kakaiba sa Pasko namin. Mapagtatanto ko na lamang ang rason ni Mommy nang tumanda na ako.
May malinaw na pinanggagalingan ang kalungkutan ni Mommy. Hindi pa man ako pinapanganak, iniwan na kami ng Tatay ko. Siya ang mag-isang kumayod para sa amin ng Ate ko. Kung ano-anong trabaho ang pinasok niya para lang masustentuhan ang pangangailangan namin. Hanggang sa tumanda na siya’t nanghina, si Ate na ang sumalo ng responsibilidad bilang breadwinner. Wala pa mang dalawang taon buhat nang magtapos si Ate ng kolehiyo, kinailangan na niyang umalis ng bansa para matugunan ang lumalaking gastusin ng aming pamilya, lalo na’t nagsisimula na rin akong mag-aral ng mga panahong iyon.
Sa Dubai unang nagtrabaho si Ate. Walang kakilala o kaanak na kasama o kumuha sa kanya. Mag-isa niyang nilakad ang lahat ng papeles. Sinabi na lang niya kay Mommy ang planong pag-alis nang maaprubahan na ang kanyang mga dokumento at makabili ng tiket. Nalungkot si Mommy nang malaman niya ito pero hindi na rin niya nagawang mapigilan si Ate dahil batid niyang wala na kaming ibang pagpipilian noon. Kailangang may magsakripisyo para mabuhay kami.
Nang patugtugin ni Mommy ang Sana Ngayong Pasko sa unang Disyembre na hindi na namin kapiling si Ate, doon ko naramdaman ang pamilyar na kalungkutang yumayakap sa akin sa tuwing naririnig ang kantang ito. Pero sa pagkakataong iyon, nagkaroon ng mukha ang kalungkutan sa akin – ang pangungulila ko kay Ate. At natitiyak kong ganoon din ang nararamdaman ni Mommy nang maabutan ko siyang nakatulala sa sala habang pinakikinggan ang kanta. Mas doble na marahil ang bigat para sa kanya. Hindi na lang para kay Papa niya inuusal ang mga liriko ng awitin kundi pati na rin kay Ate na unang beses naming hindi makakasamang magpa-Pasko.
Pitong taon na ang nakalilipas mula nang pumanaw si Mommy. Pitong taon ko na ring pinakikinggan mag-isa sa tuwing sasapit ang Pasko ang kanta ni Ariel Rivera. Nang unang beses ko itong marinig noong nawala si Mommy, hindi ko napigilan ang sariling humagulgol. Iyong pag-iyak na umabot na sa puntong halos hindi na ako makahinga. Mas malala pa marahil sa naging iyak ko nang mailibing siya. Sa pagkakataong iyon kasi, higit nang naging malinaw sa akin ang realidad na wala na talaga si Mommy. Hindi ko na siya makakasama sa Paskong iyon at sa mga susunod pa. Idagdag pa riyan na pinili na rin ni Ate na bumuo ng sariling pamilya sa ibang bansa. Ako na lang talagang mag-isa ang naiwan.
Nito lamang nakaraang araw, pinakinggan kong muli ang kanta. Aaminin ko, niyayakap pa rin ako ng kalungkutan sa tuwing naririnig ito. Pero ngayon, higit nang nananaig ang alaala ni Mommy na gusto kong sariwain at alalahanin. Ngayon ko lang lubos na nauunawaan kung bakit iyon ang pinipili niyang tugtugin noon. Napagtanto kong ang Pasko ay hindi lang pagdiriwang kundi paalala rin ng mga puwang na hindi kayang punan ng mga dekorasyon, pailaw, o masasayang pagtitipon. Pagkakataon ito upang maiusal ang iba’t ibang mga “sana” na hinihiling nating magkaroon ng katuparan tuwing Pasko.
Sa mga nakalipas na Kapaskuhan, iisang “sana” lang ang paulit-ulit kong hiniling. Sana makasama ko ulit si Mommy na kumain ng Noche Buena. Sana mayakap ko siya nang mahigpit at marinig muli ang mahinhin niyang tawa. Kahit isang gabi lang.
Ganito pa rin naman ang hiling ko ngayong taon. Nadagdagan lang ng isa pa. Alam kong hindi pa ako nagmamartsa at hindi pa ito opisyal. Pero sana ngayong Pasko, nagawa kong mapasaya si Mommy dahil naibigay ko na ang regalong matagal na niyang hinihintay – ang magkaroon ng anak na doktor.

Leave a comment