Taon ni Oriang

Noong Mayo 9, 2025, ginunita ng sambayanan ang ika-150 anibersaryo ng kaarawan ni Gregoria Alvarez de Jesus, tinaguriang “Lakambini ng Katipunan.” Naging usaping lingguwistiko pa ito dahil pinagtalunan ang tamang baybay ng kaniyang palayaw: kung Oriang ba o Oryang. Sa kasaysayan ng wika ng mga rehiyon, malaking isyu ang pagtatakda ng ortograpiya. Madalas na nagkakabanggaan ang mga lokal na organisasyong pangwika at ahensiya ng gobyerno dahil lang hindi magkasundo kung aling letra ang gagamitin.

Mas palagay ang loob ko sa paggamit ng Oryang. Pero sinunod ko na rin ang Oriang na baybay ng National Historical Commission of the Philippines. Sa Kartilyang Makabayan (1922) ni Hermenegildo Cruz ay Oriang na rin ang baybay.

Isa pang impormasyong malaganap sa internet ang pagtukoy kay Oriang bilang Pangalawang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan o Republika ng Katagalugan. Wala pa akong nakikitang papeles na patunay rito, at hindi dapat maiwang apokripo, dahil tiyak na pi-pick-up-in ng mga estudyanteng umaasa sa kung ano na lang ang lumabas sa internet. Sa katunayan, ito rin ang sinasabi ng ChatGPT. Talk about AI hallucination, ano?

Sa abot ng aking memorya, sa Project Gutenberg ko unang nabasa ang Mga Tala ng Aking Buhay at Mga Ulat ng Katipunan, ang autobiyograpiya ni Oriang. Hindi na ito ma-search ngayon. Ang mayroon lamang ay ang salin nito sa Ingles na nakapaskil sa The Kahimyang Project. Sa sulating ito matatagpuan ang bantog na pahayag na “Matakot sa kasaysayan pagka’t walang lihim na di nahahayag.”—ang ikawalo sa Dekalogo na ine-echo ang nasa Mateo 10:26 at Marcos 4:22. Tatlo lamang ang kinikilalang Dekalogo ng Rebolusyon sa kasaysayan: ang kay Oriang, kay Andres Bonifacio, at kay Apolinario Mabini.

Isinulat din ni Oriang ang dokumentong “Ilang Salita Lamang,” kung saan niya isinalaysay ang sumusunod tungkol sa apat na lider ng bayan noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol:

Naaalaala ko pa ng minsang dumalaw kami sa kaniya na ako, si Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang magkakasama at iba pa. Nang kami ay pauwi na ay narinig kong sinabi ni Emilio Jacinto kay Andres Bonifacio ang ganito: “Kakatwa palang tao iyang si Mabini pati si Rizal ay sinisiraan na di dapat sabihin sa harapan” na sinagot ni Andres na “Siyanga, nguni’t ang ibig ni Mabini ay ipakilala na higit siya kay Rizal,” kaya silang dalawa ay nagtawanan.

Namilog ang mga mata ko nang una kong mabasa ang talatang ito. At sa palagay ko, tungkulin na rin ng mga mananaliksik, lalo na ng mga historyador, ang pagberipika sa datos. Mas maiging bigyang-diin, sa ngayon, na taon din ni Jacinto ang 2025 dahil ika-150 anibersaryo (rin!) ng kaniyang kaarawan noong Disyembre 15. At lingid sa marami, isa rin siyang malikhaing manunulat.

Gaya ni Bonifacio, isa ring makata si Oriang. Sa Ang Silid na Mahiwaga: Kalipunan ng Kuwento’t Tula ng mga Babaeng Manunulat (1994), isinama ng patnugot na si Soledad S. Reyes ang dalawang tula ni Oriang: ang “Kasaysayan ng Isang Pag-ibig” (1897) at “Tula ni Oriang” (1898). Ang unang tula ay nakuha sa Julio Nakpil and the Philippine Revolution (1964) ni Encarnacion Alzona.

Naghihintay nga ako ng kung sinong iskolar na maglalabas ng mga pananaliksik tungkol sa dalawang tula. Isang pormalistang analisis kaya na magpapatunay (o magpaparatang) na hindi si Oriang ang nagsulat ng mga tula—gaya ng deduksiyon sa “Sa Aking Mga Kabata” na hindi diumano si Jose Rizal ang tunay na nagsulat. O pagbasa sa mga tula side-by-side sa talambuhay ng Lakambini bilang isang pambansang bayani at, kung gayon, makabuluhang bahagi ng ating kasaysayan bilang bayan.

Isa iyon sa mga hakbang na maaaring gawin para gunitain si Oriang. May mga sinimulan kami sa Caloocan Historical and Cultural Studies Association, Inc. (CHCSA, Inc.), kung saan ako nakaupo bilang Direktor ng Panitikan at Sining. Una na rito ang paghikayat ng aming mga pangunahing opisyal sa Local Culture and Arts Council ng Local Government Unit ng Makasaysayang Lungsod ng Caloocan na maglabas ng resolusyon at mga aktibidad bilang paggunita sa ika-150 ni Oriang, na anak ng Kalookan.

Nagsagawa kami ng online na panayam kay Eljay Castro Deldoc, ang nagsulat ng viral na “Ang Liham ni Andres Bonifacio kay Oryang.” Lumahok kami sa mga aktibidad, gaya ng inagurasyon ng busto ni Oriang sa Caloocan City E-Library, programa at exhibit sa Chua King Ha Galleries sa University of the East Caloocan, panonood ng pelikulang Lakambini: Gregoria de Jesus na inilabas ng grupong Pelikulove, at iba pa.

Inorganisa namin ang ikatlong Caloocan Writers Workshop (CWW) nang may temang “Oryang sa Sansiglo’t Kalahati: Pamana, Panitikan, at Kasarian sa Panlipunang Reporma.” Isinagawa ito noong Agosto 25-26, 2025 sa Lungsod Quezon. Ginugunita ang Agosto 25 bilang Araw ng mga Bayani. At sa Agosto 25, 2026 gugunitain naman ang ika-150 anibersaryo ng Sigaw sa Pugad Lawin/Sigaw ng Balintawak, ang sinasabing simula ng rebolusyon laban sa mga Espanyol. Tampok na panawagan sa aming palihan ang pagpapasa ng mga malikhaing akda na isinasabuhay ang diwa ng kontra-kolonyal na pakikibaka ni Oriang.

Kami rin ng isang kaibigang panelist sa CWW ay nagsipagsulat ng mga kuwentong pambatang tungkol kay Oriang. Panahon na ang makapagsasabi kung malalathala ang mga iyon sa malapit na hinaharap.

Hindi nagtatapos ang paggunita ng taon ni Oriang pagsampa ng 2026. Kung tutuusin, sa Mayo 8, 2026 pa ang huling araw ng pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng kaniyang kaarawan—hanggang sa ipagdiwang ang kaniyang ika-151 kaarawan.

Hindi rin dapat magtapos ang ating paggunita sa mga sakripisyo ng Lakambini para sa ating bayan sa anibersaryong ito. Dapat na pasidhiin pa ang kampanya hanggang sa manuot siya sa kolektibong kamalayan ng ating mga kababayang mambabasa, sa pamamagitan ng ating mga tula, maikling kuwento, dagli, personal na sanaysay, at iba pa. Dapat nating isabuhay ang kaniyang mga pinanindigan, lalo na sa panahong itong ninanakaw ng ating kapuwa-Pilipino ang kaban ng bayan at kinokontrol ng mga dayuhang mananakop ang ating politika at ekonomiya. Maririnig natin ang kaniyang winika habang kabi-kabila ang mga imbestigasyon sa mga ghost project at iba pang uri ng korapsyon, ang kaniyang banta sa mga korap: Matakot kayo sa kasaysayan. Walang lihim na hindi nabubunyag.

Leave a comment

Tungkol sa Luntian Journal

Tuloy po kayo sa Luntian Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (inilalathala ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino/PSLLF).

Basahin ang latest na isyu.

Latest posts