
Ang Konsepto ng Salát Tungong Disability Studies
Likas akong madaldal. Gusto ko ’yong pakiramdam na may kausap, may kahuntahan. Kaya naman kapag kausap ko ang aking lolo at lola—na aking pinaggagaydan o sinasamahan sa kanilang mga home serbis—tila nagkakaroon ng higit na pagkamalikhain ang aking mga kuwento sa mga katulad nilang walang paningin. Sapagkat sa pakiwari ko’y mas nahaharaya o naikikintal nila sa isip ang mga sensibilidad na posibleng hindi nila araw-araw naririnig. Kadalasang tungkol sa aking pag-aaral at napanood na teleserye, pelikula, at iba pa ang aking ibinabahagi sa kanila. Nagkakaroon ako ng higit na paniwala na ang aking mga kuwento, naratibo, o kadalasan mga biro, ay higit na nagkakasilbi kapag naibabahagi sa kanila.
Sa aking karanasan, mas nagiging malinaw ang mga bagay kapag naisusulat ko na. Halimbawa, kung may mga gusto akong gawin na hindi ko pa ganap na nauunawaan—at malabo pa sa akin ang aktuwal na ehekusyon nito—ginagawa ko ito sa paraang pasulat. Kapag may bago kaming pupuntahang lugar halimbawa para sa isang home serbis, ang ginagawa ko ay isinusulat ko ito sa isang kapirasong papel upang aking matandaan. Mula sa kapirasong papel, at kung hindi pa ako lubos na sigurado, saka lamang ako magtatanong o magkukumpirma sa aking tatay.
Ang aking tatay—na anak ng aking lolo at lola—ang naunang maging gayd sa akin, at siyempre, ang naging gayd ko na rin.1 Siya talaga, mula pagkabata hanggang sa siya’y magkapamilya, ang sumasama at gumagampan sa aking naging tungkulin o ika nga e “partaym” na trabaho. Kaya kapag nakumpirma ko na sa kaniya ang mga isinulat sa papel, sinasabi niya ang kaniyang pagkakaalala rito—paano ang biyahe, sa’n sasakay ng traysikel o dyip, sa’n bababa, at kung magtatanong man, kanino o sa’n dapat magtanong. Hindi pa uso no’n ang Google Maps o data-data.
Ginagawa ko ang aktong ito ng pagsulat o pagtatala dahil mahirap para sa amin ng iginagayd ko ang magkamali. Biláng lamang ang pera na puwede naming dalhin at ibayad bilang pamasahe, kaya walang lugar para sa pagkakamali. Malaking abala rin kasi—’di biro ang ubos-oras at lakas sa paglalakad pabalik. Kaya malinaw na itinatala ko muna ang lahat at kinukumpirma sa aking tatay, sa ibang gayd, o sa iba pang posibleng nakaaalam ng lugar.
Siyempre, hindi naman palaging maayos ang lahat. Maraming pagkakataon na ako’y napagagalitan o nasisita ng aking lolo (maging ng aking lola), lalo na kapag kami ay lumalagpas sa dapat na babaan. Lalo na kung mainit, lalo pa at nakauniporme pa rin naman sila (o semi-formal na mga damit) sa t’wing nagseserbis. Sino ba namang hindi magagalit o maiinis man lang?
Kabisado ng mga bulag ang haba ng biyahe, kasama na siguro ang trapik, pati na rin ang tunog o amoy ng lugar. Parang meron silang mental map ng isang partikular na lugar, lalo na kung matagal na nila itong napupuntahan, o napapadaan sa mga erya na ito. Dahil doon, natuto akong magsulat o magtala, kahit pa ng maliliit na detalye, para hindi ako makalimot. Hanggang sa dumating ang panahon na makabisado ko na rin ito—kahit pa wala na’ng kapirasong papel.
Ang hindi ko na nalimutan, ang magtala nang magtala. Mas tumatak sa akin ang halaga ng panulat. Ang halaga ng paglaban sa paglimot, dahil sa tila siklo’t serye ng paggabay o paggiya na isinagawa at naranasan ko. Kaya nais ko itong bigyang tuon bilang Konsepto ng Salát.
Sa usapin ng salat o pagsalat, mayroong napakalawak na pananaliksik sa agham hinggil sa pangangailangan ng mga tao sa konsepto ng touch (McNichols). Aniya, “From a developmental standpoint, infants literally cannot survive without human touch. Skin-to-skin contact in even in the first hour after birth has been shown to help regulate newborns’ temperature, heart rate, and breathing, and decreases crying (susog kina Ferber et. al.). Nakatutulong din ito sa pagkalma o pagkabawas ng tensiyon ng mga ina sa pamamagitan ng paglalabas ng oxytocin (na kilala rin bilang love hormone) lalo na sa mga unang buwan at taon ng sanggol.
Kaya naman, hindi maikakailang ang idea ng pagmamasahe bilang trabaho o propesyon ay hinding-hindi na maiaalis sa buhay at hanapbuhay ng mga may kapansanan sa paningin. Sa Pilipinas, mula sa mga bangketa, palengke, at mga high-end na shopping mall, makatatagpo tayo ng mga bulag na masahista. Isa sa mga pinakasikat at pinakamalaking massage clinic ay ang VIBES.2 Sinasabing kapag nawala raw ang isang sense o pandama ng tao, mayroong malaking tiyansa na mas tumalas pa ang iba. Itong sinasabing nabubuong “super senses” batay sa pananaliksik ay hindi lamang natutuhang pamamaraan dahil sa adaptasyon, kundi pagreremodel mismo ng utak ng tao, na mas nagbibigay-daan sa ibang pandama kung nawawala o humihina ang isa (Tompa). Kaya naman, ang pag-eempleyo sa mga may kapansanan sa paningin bilang tugon sa mga sumasakit na katawan at kasukasuan ay hindi na bago sa ating mga Pilipino. May mga ilang nagpapamasahe na mas gusto talagang nagpapaserbisyo sa mga “bulag,” (may diin nga sapagkat mayroon ding mga dilat na therapist). Hugot pa rin ito sa pagtinging humusay na ang mga ito sa pagpisil, paghipo, pagpindot, at paghagod mula nang mas umasa na ang mga katawan nito sa pandama o touch bilang isa sa pangunahing sense na gumagana sa kaniya.
Kung usapin naman ng pinagmulan, ang kasaysayan ng massage therapy ay mababakas mula pa noong 3000 BCE (o posibleng mas maaga pa) sa bansang India, kung saan ito ay kinikilala bilang isang sagradong sistema ng pagpapagaling sa natural na pamamaraan. Ito ay ipinapasa-pasa sa iba’t ibang mga henerasyon upang magpagaling ng mga pinsala sa katawan, makabawas sa nadaramang kirot, at maiwasan o makagamot ng ilang mga karamdaman (Florida Academy). Naglakbay ang mga pamamaraan ng pagmamasahe sa Tsina at iba pang bansa sa Timog Silangang Asya noong 2700 BCE, at nagkaroon na ng iba’t ibang lokal na aplikasyon, depende sa estilo, pamamaraan, o kultura ng bansang pananahanan nito.
Ang ilan pa sa mga masahista sa Bulagan o MPK, bilang bahagi ng integrasyon sa kanila sa lipunan, ay tinuturuang maghanapbuhay upang makaya nang mga itong suportahan ang mga sarili. Treyning sa paggawa ng sabon, pagmamasahe, at pagtugtog ng gitara o iba pang instrumentong pangmusika ang primaryang ginagawa halimbawa, sa Ephpheta Foundation for the Blind, Inc. Isa itong Non-Governmental Organization (NGO) na ang pangunahing layunin ay nakatuon sa community-based rehabilitation ng mga persons with disabilities (PWDs), lalo na ang mga may kapansanan sa paningin. Matatagpuan ito sa NVRC Compound, Burgos St., Project 4, Lungsod ng Quezon. Ang organisasyon ay nagpapatakbo at naglulunsad din ng mga blindness prevention program, pabahay sa mga mahihirap na mga bulag, tahanan para sa tinatawag nilang VIPs o visually impaired people, at isang community center. Dito rin nagsimula ang kaalaman at kasanayan ng aking mga lolo at lola sa pagmamasahe, bago sila dumating sa Lungsod Pasig noong unang bahagi ng Dekada ’80.
Kung papansinin, ang lahat ng mga pagsasanay na isinasagawa, halimbawa sa NGO na nabanggit sa itaas, ay nakalinya sa usapin ng pagsalat o paggamit ng kamay, palad, at daliri. Ang paglikha ng sabon, bagaman ang mismong proseso ay nakadepende sa paggamit ng mga likido at sangkap, kailangan pa rin ng manipulasyon ng kamay. Ang pagdampi ng mga palad at daliri sa balat ng minamasahe o sa kuwerdas ng gitara, pare-parehong kailangan ng pagsalat. Ang pagsasanay o programang inilalaan sa mga may kapansanan ay pagkilalang laging mahalaga ang pag-iral ng iba pa nilang pandama, at hindi natatapos sa pagkawala ng paningin.
Dahil nasa sektor ng serbisyo, ang integrasyon ng mga bulag sa komunidad o pamayanang kanilang pinagmumulan o kinikilusan ay mahalaga upang tumakbo ang mekanismo ng mga lugar na ito. Ayon sa National Council on Disability Affairs (NCDA) taong 2024, mayroong kabuoang rehistradong 1,336,325 na mga may kapansanan sa Pilipinas (at halos 600,00 sa mga ito ay may kapansanan sa paningin) ang nasa kanilang estadistika at mga dokumento. At sa RA 7277 na kilala rin bilang An Act Providing for The Rehabilitation, Self-Development and Self-Reliance of Disabled Person and Their Integration into The Mainstream of Society and For Other Purposes na nagsasabing:
(Sec. 2, e) To facilitate integration of disabled persons into the mainstream of society, the State shall advocate for and encourage respect for disabled persons. The State shall exert all efforts to remove all social, cultural, economic, environmental and attitudinal barriers that are prejudicial to disabled persons.
Sa usaping hanapbuhay ng mga taga-Bulagan o MPK, masasabing ang mga pangunahing trabaho o pinagkakakitaan pa rin ng mga bulag ay hindi pa rin nakaaalpas sa deka-dekada na nilang gawain bilang mga masahista, musikero o mang-aawit, o pamamalimos (na kahit pa nga ang akto ng paglahad ng palad para sa paghingi ng barya ay nakapaloob pa rin sa idea ng pagsalát). Ilang dekada na ring umiiral ang batas na ito para seguruhin ang maayos at maalwan nilang integrasyon sa lipunan, subalit hanggang ngayon, nananatili pa ring nakakawing ang kanilang pag-iral sa tila itinakda lamang sa kanilang gampanin sa lipunan, sa usapin ng serbisyo. Dito, tahasang kayang sabihing hindi pa rin naisasakatuparan ang itinatakda ng batas, o ang responsibilidad ng estado na sana’y mas nakapag-aangat na sa mga kaya nilang gawin sa iba pang propesyon, o linya ng industriya at/o pagpapakadalubhasaan.
Mula sa mga inilahad na katotohanang ito, ang dalumat ng pagsalát, salát, o kasalátan ay masasabing mahalagang pagsasakonteksto ng pisiyolohikal, sikolohikal, at politikal na realidad ng aking kinamulatang komunidad. Nakatuon o limitado sa nahahawakan o nasasalat ng mga bulag ang kanilang umiiral na pananaw sa buhay at daigdig. Kahit pa sabihing may mga institusyong pang-edukasyon na inilaan para sa kanila, nananatiling marami pa rin sa kanilang hanay, sa loob at labas ng aming pamayanan lalo na iyong mga nasa hustong gulang na ng pagtatrabaho, ay nakatali sa kakayahan lamang nila sa paggawa. Kapwa ring umiiral ang iba pang kahulugan ng salát na kahirapan o kawalan, lalo na sa usaping pang-ekonomiko at pagtatamasa ng karapatan na hindi malayong danas ng mga tulad nilang may kapansanan o PWD sa ating bayan.
Ang Bulag Bilang “Differently-Abled”
PWD, may kapansanan, disabled. Ito ang mga salitang bansag mismo ng mga taga-MPK sa kanilang sarili. Bagaman hindi ko narinig na ginagamit nila ang salitang “differently-abled” sa MPK o Bulagan (sa akademya ko ito unang narinig), sa pagsusuri ko’y masasabing differently-abled din talaga ang kalakhan ng mga may kapansanan sa komunidad. Kahit pa may lantarang kritisismo sa tila eupemistikong pagbabansag lamang sa mga may kapansanan ng terminong ito—ang kanilang pagkakaroon ng ibang kasanayan, kakayahan, o mga kayang gawin ay tila itinutulak lamang din ng kondisyong panlipunang nakapagtatakda ng kanilang sitwasyon. Maraming bulag ang nasa hanapbuhay rin ng pagkanta o pagtugtog ng gitara (o mga instrumentong pangmusika) sapagkat higit na lumalakas at/o tumatalas ang kanilang iba pang pandama tulad ng pandinig at pagsasalita. Bukod sa mga kilalang dayuhang may kapansanan sa paningin na mga mang-aawit o musikero na sina Stevie Wonder, Ray Charles, Jose Feliciano, Diane Schuur; naririyan din ang mga Pilipinong sina Willy Garte (kilala sa kaniyang mga awiting “Bawal na Gamot,” “Nasaan ang Liwanag,” at iba pa), at Alienette Coldfire na ang tunay na pangalan ay Katchry Jewel Golbin (na nakilala sa kanyang rendisyon ng “I Dreamed a Dream” mula sa Les Miserables at nakatanggap ng standing ovation sa France Got Talent). Sa murang gurang na tatlong taon ay natutuhan na raw ni Alienette na magsalita ng Pranses upang kaniyang maunawaan ang awiting “La Vie En Rose” ni Edith Piaf (Villano).
Naririyan din ang kauna-unahang bulag na Pilipinong naging topnotcher sa Licensure Examination for Teachers (9th rank sa buong bansa) na si Abdulaziz H. Dapiilin. Kasalukuyan siyang SPED teacher sa probinsiya ng Basilan (Balita); maging ang mga Filipino blind professionals na sina Anthony Mark Emocling (kauna-unahang bulag na nakapasa sa Bar Exam), Roselle Ambubuyog, isang premyadong innovator na lumikha ng kauna-unahang Windows Mobile screen reader at Braille interface para sa Symbian® OS (Pascua). Sa larang naman ng isports ay sina Alyana Nuñez, isang para athlete na pinarangalan ng Para Youth Star Award matapos ang kaniyang triple gold performance sa Philippine National Para Games 2024 (“Completely blind athlete”); at si Andrea Estrella na kauna-unahang blind female athlete na nanalo ng silver na medalya sa Spartan Trifecta World Championships na ginanap sa Greece (“Andrea Estrella”). Tiyak ay maging sa marami pang mga larangan ay dumarami na rin ang bilang ng mga may kapansanan sa paningin ang nagpaparamdam ng “kakaibang husay at abilidad” at lumilikha ng kasaysayan. Mahihinuhang mula sa mga pamamaraang ito nila natutuklasan ang layunin sa buhay na posibleng naging salat ang mga may kapansanan dulot ng “disabilidad” at sa hatid nitong kawalang pagkakataon o oportunidad.
Sa usapin naman ng pagkatuto at pagsasanay, kalakhan sa “edukasyong” kanilang tinatamo o tinatamasa ay patungo lamang sa kinasanayan nang mga trabaho sa kanila. Malayo sa posibilidad sanang kung susundin ang itinatadhana ng batas, makakuha rin sila ng mga kurso o programang may kinalaman sa agham, sining, teknolohiya, inhenyeriya, at iba pang pasok sa kanilang interes o sa mga espasyo o larang ng pagbubuo o paglikha ng kaalaman. Sa kabilang banda, mayroon naman nang mga mainam na inisyatiba ang ilang institusyon na makipag-ugnayan sa pamahalaan, partikular sa Kagawaran ng Edukasyon—subalit batbat din ito ng mga hamon at suliranin:
“The Resources for the Blind, Inc. (RBI) has more than two decades of partnership with DepEd in supporting the education of children with visual disabilities. They had initiated translating learning materials to braille format, which is now being continued by DepEd. They have also provided assistive devices in some schools, such as computer screen readers. However, not all children with disabilities have access to learning resources in accessible format, since not all schools have braille and other equipment needed to make learning resources available for all types of learners (Sol Cruz, et al.).
Mula rito’y mahihinuhang laging lumulundo ang mga simulaing tulad ng nililikha ng RBI sa mga problemang estruktural at sistemiko. Pondo, batas, at mga polisiyang lokal at pambansa ang malinaw na salat ang ganitong mga pangunguna at pagsusulong ng adbokasiya. Kaya naman, higit na nakapagtutuon na lamang ng oras, lakas, at talento ang mga may kapansanan sa paningin sa paghahanap ng pagkakakitaan o ikabubuhay batay sa kanilang kasanayan o oportunidad na inihahain sa kanila.
Ang kanilang araw-araw na rutina o eksposyur mula sa pagpunta sa mga lugar ng kanilang mga hanapbuhay ang kanila ring nagiging mundo—maging ng kanilang mga gayd o giya, na kung hindi nila mga anak o kapamilya, mga anak o kapamilya rin naman ng mga kasamahan sa MPK. Samakatuwid, ang usapin ng paggagayd o paggigiya, pagiging katuwang o kasa-kasama ng mga bulag sa kanilang araw-araw na pakikipagsapalaran, ay pagbubukas din ng kaisipan o kamalayan sa nasasalát o nasisipat ng mga bulag. Maaaring sa pagiging mabuti o pagkagaspang ng ugali ng mga kostomer, sa estilong gusto o ayaw ng mga ito (minsan ay hagod lang ang gusto, magaan, minsan naman ay “hard” o hard massage), o kahit pa sa mga mapanghimasok nitong mga tanong hinggil sa kanilang mga personal na buhay, at iba pa. Dahil nga nawalan o humina ang isang pandama, maituturing na pagsalát din ang kanilang pandinig. Mahalaga sa kanila ang pakikipagkuwentuhan. Sila man ang nagbabahagi o hindi. Marami sa mga tahanan sa aming komunidad ang mayroong radyo o kahit pa nga TV, dahil paraan nila ito ng pag-ugnay sa mundo. Matalas ang kanilang paghuli sa detalye ng isang dramarama sa hapon, sa kung sino-sino ang mga artista dito, at ang itinatakbo na ng banghay nito. Malay din sila sa mga balita ng pagtataas ng mga presyo ng bilihin, sino ang mga politikong tiwali, at iba pang maiinit na usaping lokal at nasyonal. Tila napanghahawakan nila ang anumang bagay na pumapasok sa tainga.
Sa aking danas bilang giya, naikukuwento o naibabahagi sa akin o sa amin ng lolo o lola ang naibabahagi rin sa kanila ng mga nagiging kostomer, mga kasama sa duty, ang kanilang gayd sa araw na iyon, o maging sa mga kapwa may kapansanan. Ang naratibo ng pagtatanong ng mga ito mula sa estilo ng kanilang pagmamasahe, hanggang sa mga personal din nilang buhay, ang nakapagbubukas ng ibayong pagtanaw o pagtingin sa komunidad. Tila naipapasa o naisasalin— direkta man o hindi—ang mga kuwento at naratibong ito mula sa danas ng mismong may kapansanan tungo sa aming mga giya na siya namang nagiging karanasan o pamamaraan namin ng pagbasa ng kani-kaniyang mga sitwasyon. Hindi lang bilang tagahatid o tagasundo ng may kapansanan, kundi bilang lehitimong kabahagi ng danas. Sa usapin ng pagmamasahe, hindi lang ang mga masahistang bulag ang kasangkot, tinatanganan kong hinding-hindi mawawala sa larawan ang mga gayd.
Sa pamamagitan ng pagkukuwentuhan, pagkukumustahan, o pagbabahaginan, tila nasasalat ko na rin ang mga naratibong naisasalin sa akin bilang gayd. Nagiging isa itong proseso ng panlipunang ugnayan, dahil posibleng naaari ko na rin (malay man o hindi) ang mga istoryang ito sa akto ng aking pagbibigay ng sariling mga pananaw, o kahit pa nga tingin ko sa paksang pinag-uusapan. Madalas, dahil nga walang kakayahang makita ang mga nasa paligid, napatatalas ng pagtatanong ng may kapansanan sa paningin ang pamamaraan sa paglalarawan ng mga giya. Halimbawa na lamang ay sa kulay ng isang bagay (lalo pa’t may mga bulag naman na hindi ipinanganak na may kapansanan sa paningin, partikular sa kaso ng lolo at lola), hitsura ng bagong sanggol ng pamilya (na kinakapa rin nila sa unang pagkakataon ang hugis ng mukha, kapal o nipis ng buhok, tangos ng ilong), laki at lawak ng mansiyong pinagmamasahian, at iba. Gaya ng aking mga naunang nabanggit, tila naitutulak ako nitong higit na maging malikhain sa paglalarawan at partikularidad ng detalye upang magawa kong maisalin ang nasisilayan ng mata sa kausap na may kapansanan. Walang perpektong paglalarawan, lagi itong subhetibo. Subalit sa aktong ito, tila mas napangangatawanan ko ang aking pagiging “mata” o “paningin,” na sa pagtagal ng naranasang pagtupad sa tungkulin o “partyam” na ring maituturing, mas napatatalas ko rin sa pag-usad ng panahon.
Naniniwala ako na bilang mga manunulat, napakahalaga na maitala natin ang partikularidad ng danas ng ating mga kinalakhan o sinibulang lugar. Nagkataon na ang aking pinagmulang komunidad—ang Bulagan o Munting Pamayanan ng may kapansanan (MPK), partikular ang mga may kapansanan sa paningin—ay isa sa mga walang tinig na sektor sa ating lipunan. Limitado ang mga pananaliksik o kahit mga akdang pampanitikan na ang pangunahing pinapaksa ay buhay ng mga may kapansanan. Bagaman kinikilala natin ang mga naunang manunulat na tumahak sa landas ng pagmumulat at representasyon para sa sektor na ito, napakahalaga ring marinig ang iba’t ibang pananaw—na sa ganang akin, partikular na kung paano ito nararamdaman mula sa loob mismo ng pamayanan, ng kani-kanilang mga tahanan, kabilang na ang sarili nilang mga perspektibo, maging ng kanilang pamilya, tagapangalaga, at kasama nila sa araw-araw.
Isang insidente ang matinding tumimo sa akin: may nabasa akong sanaysay ni Bebang Siy na pinamagatang Pinakamaaraw na Tanghali sa aklat na It’s Raining Mens (2014) na kung saan, habang nasa loob siya ng isang pampasaherong bus, nakita niya ang isang bulag na namamaybay sa bangketa gamit lamang ang kaniyang baston. Habang pinagmamasdan ito mula sa loob ng sinasakyan, naisip niya kung gaano kahirap ang maglakad nang walang nakikita—at paano kaya kung siya mismo ang mawalan ng paningin? Natapos ang kuwento sa imahen ng bulag na nilalamon ng dilim habang sinusundan niya ng tanaw. Bilang mambabasa, napaisip ako: bakit hindi ko ituloy ang kuwentong ito, samantalang alam na alam ko kung sino-sino sa mga bulag na iyon ang sa aming komunidad umuuwi?
Batid kong ang ilan sa kanila ay mga magulang, anak, at kapatid na nagsusumikap sa iba’t ibang larangan—bilang mga musikero (iyon mang mga solo o kapangkat sa rondalla), mang-aawit, masahista, o sa tawag ng aming komunidad, mga “trapik.”3 Hindi ito kathang-isip, kundi panlipunang realidad ng Bulagan. Kaya’t sa ganang akin tungkulin ko rin ito—at marahil kahit paano’y may kakayahang magsalaysay o magbahagi ng mga kuwentong ito.
Sa kabilang banda, sa artikulong “Can the subaltern speak?” ipinakapa na hinahamon ng konsepto ng subaltern ang mga konserbatibong pananaw sa diskurso na ang mga marhinalisadong sektor ay kadalasang nawawalan / inaalisan ng tinig sa kumpas ng mga dominanteng naratibong pangkasaysayan. Iminumungkahi nito na ang mga panlipunang sektor / pangkat na ito ay walang laya sa paglalahad, paghahayag, o pag-a-articulate ng kani-kanilang sariling mga kuwento at danas dulot ng umiiral na sistemikong opresyon na bumubusal sa kanilang mga pananaw at/o paninindigan. Binibigyang-tuon din nito ang pangangailangan na siyasating mabuti kung sino ang may kontrol o ganap na impluwensiya sa kasaysayan at paano nito naaapektuhan ang ating pag-unawa sa iba’t ibang mga pangkulturang identidad (Spivak).
Susog sa dalumat na ito, kailangan kong maging malay at maingat, kapwa bilang akademiko, malikhaing manunulat, at kabahagi ng lipunan ng mga may kapansanan sa pagbibigay-representasyon sa kanilang mga danas sa lilikhaing akda. Alin-alin sa mga totoo at tunay na pangyayari ang ilalahok sa mga aktuwal na diyalogo, tunggalian, at intensiyon ng mga tauhan? Higit bang maitatampok ang panlipunang realidad sa banghay ng akda—o perspektibo ko pa rin bilang “dilat” at wala namang kapansanan ang mamayani? Balak ko itong tugunan sa pamamagitan ng muling pagtatanong, pakikipagkuwentuhan, at pakikipamuhay sa kanila upang matawid o makatulay ako sa mga kasalukuyan nilang isyu at usapin; na malaki na ang tiyansang limitado na ang aking nalalaman o nauunawaan dala na rin ng aking kasalukuyang trabaho, sitwasyon, perspektibo, at ekonomikong kalagayan bilang guro sa kasalukuyan.
At bakit nga ba nobela, at hindi sanaysay, kung layunin ko lamang ay itampok ang katotohanan? Sa ganang akin, sa usapin at temang ito’y higit na makapangyarihan ang nobela bilang anyong pampanitikan sapagkat hinahayaan nitong katagpuin ng dokumentado at personal na danas ang malikhaing imahinasyon. Nais kong iangat ang mga totoong karanasan mula sa pagiging simpleng anekdota tungo sa mas malalim na pag-unawa sa mga panlipunang puwersang humuhubog sa mga ito.
Hindi ko rin tinatangkang maging realistang nobela lamang ang proyekto, bagaman nakahihikayat naman talaga na iyon ang maging tunguhin. Ang nais ko’y isang nobelang noir—isang anyong pampanitikan na tumatalakay sa karahasan, kriminalidad, at iba pang madidilim na aspekto ng lipunan at ugnayan ng mga tao. Sa introduksiyon halimbawa ng Manila Noir, sinasabing dahil sa pang-ekonomiya, pampolitika, pangkultura, at panlipunang kalagayan ng Pilipinas, tila napakatabang lupa ito ng mga kuwentong nasa nasabing anyo. “What you will also find are the noir essentials: alienated and desperate characters, terse dialogue, sudden violence, betrayals left and right (Hagedorn 13).”
Sapagkat ang aming komunidad ay hindi lamang binubuo ng mga kuwentong nagtatampok o umiikot sa pag-asa, sakripisyo, o kabayanihan ng mga manggagawang may kapansanan. Naririyan din ang kaliwa’t kanang nakawan, rambulan, droga, imoralidad, o kahit pa nga Tokhang—mga pangyayaring tila ipinalaganap hindi lamang sa tulad ng Bulagan kundi sa maraming lungsod at rehiyon sa bansa. Sa pamamagitan ng noir, layunin kong itanghal hindi lamang ang mga kaganapang ito kundi maging ang posibleng sistemikong mga dahilang dulot ng mga pambansang mga suliranin at usapin.
Dagdag pa, mula sa komento at suhestiyon ng mga panel (mga tagapayo at tagabasa) ng pag-aaral, gusto ko ring taluntunin ang posibilidad ng pagkakaroon ng narrator na bulag o may kapansanan din sa paningin—paano kaya nito higit na mapaiigting ang mga dramatikong tensiyon, tunggalian, at kiskisan sa nobela? Ano ang mundong malilikha sa pakiramdam, pandama, pandinig, pagsalat, at pagkukuwento ng isang bulag? Mainam ang tuluyang realisasyon ng tangkang ito upang higit na maunawaan ng mga mambabasa ang sensibilidad at sikolohiya ng mga may kapansanan sa paningin; higit sa isang lipunan na ang maraming pananaw at pagpapakahulugan sa buhay ay may kinalaman sa kung ano ang nakikita/nasisipat/nasisilayan ng mata.
Ang aming pamayanan ay hindi lamang tumpok ng mga bahay ng mga may kapansanan—ito rin ay representasyon ng mas malawak na lipunan: marupok, magulo, ngunit puno rin ng mga kuwento na karapat-dapat at interesanteng mapakinggan, mabigyang-hugis, at maitala bilang bahagi ng pag-iral ng naratibo at kasaysayan ng nasabing sektor.
Tala: Ang sulating ito ay bahagi ng panukalang disertasyon ng may-akda sa programang PhD Malikhaing Pagsulat sa ilalim ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman.
- Mula sa paggagayd na nakasentro sa pagkokomyut, ang mas naabutan ko na ay nagmomotor na ang tatay ko. Minsan, kung wala kaming masakyang traysikel dahil inaabot na kami nang gabi sa pinagseserbisan ng lolo, tatawagan siya nito at susunduin kami gamit ang kaniyang Honda Wave 100. Subalit dahil mayroon na rin siyang ibang trabaho at mahirap bumuhay ng sariling pamilya ang paggagayd, tila sa akin “naipamana” ang trabahong ito.
↩︎ - VIBES Massage. Mayroon itong maraming branches sa mga SM Supermalls, Robinsons Malls, Victory Malls at iba pang mall sa buong Pilipinas. ↩︎
- Ang terminong “trapik” o “nagtatrapik” ay hindi tumutukoy sa trapiko sa lansangan, kundi sa hanapbuhay ng ilang bulag na humihingi ng limos sa mga mataong lugar, partikular sa mga kalsadang may mga ilaw trapiko. Sa Meralco Avenue sa Ortigas Pasig, halimbawa, kapag ang traffic light ay pumula, nagsisilbi naman itong senyas para sa mga bulag upang “mag-green light”—lumapit sa mga motorista, rider, o pasahero tangan ang isang munting lata, basyo ng cup noodles, o plastic cup upang humingi ng kaunting awa. ↩︎
Mga Sanggunian
“Andrea Estrella, a 20-year old blind athlete, won a silver medal in the Female Para category clocking.” Facebook – Philippine Sports Commission, 13 Nov. 2024, http://www.facebook.com/psc.gov.ph/posts/andrea-estrella-a-20-year-old-blind-athlete-won-a-silver-medal-in-the-female-par/976642307832313. Accessed 17 Oct. 2025.
Balita, Carl. “CBRC celebrates the success of the Philippines’ first blind LET topnotcher, Sir Abdulaziz H. Dapiilin.” Facebook, 12 Jan. 2025, http://www.facebook.com/BalitaCarlito/posts/cbrc-celebrates-the-success-of-the-philippines-first-blind-let-topnotcher-sir-ab/1206756560813828. Accessed 16 Oct. 2025.
Hagedorn, Jessica Tarahata. Manila Noir: Anthology of Short Stories. Akashic Books, 2013.
McNichols, Nicole. “The Vital Importance of Human Touch.” Psychology Today, Sussex Publishers, 3 Aug. 2021, http://www.psychologytoday.com/us/blog/everyone-on-top/202108/the-vital-importance-of-human-touch.
Pascua, Ines Sehn. “Roselle Ambubuyog, the blind genius.” Facebook, 13 May 2019, http://www.facebook.com/photo/?fbid=2287732107931713&set=gm.1384529278368588. Accessed 17 Oct. 2025.
Sol Cruz, et al. Philippine Disability Sector Research: An Initial Analysis of Access to Social and Public Services, Education, Work and Employment, and Civic Participation and Governance. Mandaluyong, NATIONAL CAPITAL REGION, Philippines, The Asia Foundation, 2021, asiafoundation.org/wp-content/uploads/2024/08/Philippines-Disability-Sector-Research-An-Initial-Analysis-of-Access-to-Social-and-Public-Services.pdf.
Siy, Beverly. It’s Raining Mens. Anvil Publishing, Inc., 2014.
Spivak, Gayatri Chakravorty. “Can the Subaltern Speak?” Colonial Discourse and Post-Colonial Theory: A Reader, edited by Patrick Williams and Laura Chrisman, Harvester Wheatsheaf, 1994, pp. 66–111. Reprinted from Marxism and the Interpretation of Culture, edited by Cary Nelson and Lawrence Grossberg, Macmillan, 1988, pp. 271–313.
Tompa, Rachel. “The Plastic Fantastic Brain: Why Losing One Sense Rewires Others.” Fred Hutch, 19 Jan. 2016, http://www.fredhutch.org/en/news/center-news/2016/01/losing-senses-rewires-others-study.html.
Villano, Alexa. “WATCH: Blind Filipino Singer Wows Judges on ‘France Has Got Talent’” RAPPLER, 3 Nov. 2016, http://www.rappler.com/entertainment/151157-blind-filipino-singer-alienette-coldfire-katchry-jewel-golbin-france-got-talent.
“WATCH | Completely Blind Athlete Alyana Nuñez Shared Her Pride In…” Facebook – Radyo Pilipinas, 14 Oct. 2025, http://www.facebook.com/watch/?v=858818423138012. Accessed 17 Oct. 2025.

Leave a comment