Agahan

Schedar Jocson

Marahang hinahalo ng kutsarita
Ang gatiting na asukal sa mainit na kape
Iniisip kung ano’ng gagawin sa buong araw

Biglang mapapatitig sa
upuang nakapuwesto sa kabisera
nabanaag ang katawan ng kasabay
na humihigop ng mainit na kape
sa marahang pagpahid ng mantekilya
sa mainit-init pang pandesal
at ang dahan-dahang pagdaloy
ng dilaw na likido mula sa napritong malasadong itlog

Sa paghigop ng kape
Magigising ka sa lamig nito
Mag-isa ka na lang.

Alangaang

Marian A. Caampued

Di ko gamay ang tayog ng iyong mga pangarap,
O ang lalim ng iyong mga natupad;

Di ko lalong batid ang lawak ng iyong mga pangamba,
O ang kitid kaya ng iyong mga akala;

Ang sigurado ko lang, sa sentro ng alangaang ito—
pinagdadalubhasaan ko,
ang magpakalugod sa iyo.

Gusto Kong Maging Makata

Rodel D. Maquilan

Dahil naniniwala ako sa kulam ng mga salita’t parirala,
sa barang ng mga pangungusap at talata.

Dahil bato-balani sa kababaihan, gayuma sa karamihan, 
horisonte ng mga simbolismo’t kariktan.

Gusto kong maging makata, maliban sa nakapagpapagandang-lalaki,
maliban sa nakapaglalakbay ng libre gamit ang pakpak ng mga letra’t simili.

Dahil bihag ako ng mundong marupok, manlalakbay akong kumakatha,
nag-aalok ng taludturang kumukurot sa hibla ng pangungulila.

Dahil sa malabnaw kong dugo’y hinahanap ang mga tayutay at idyoma,
upang maging kabig ng sukat, tugma’t sesura.

Gusto kong maging makata gaya ng mga nasa aklat,
upang mailuwal ko ang mga pamagat mula sa aking balat.

Dahil nakakapagpapatalino ang paghaharaya, balon kang salukan ng dunong,
nagkakapangalan, nagkakapuwang sa mundo ng karungan.

Dahil tulad ng araw at buwan, tinatanaw sa malayo, pilit inaabot, pinipidestal,
Ginugupit ang mga imaheng pinangsusuob sa mga napasmang kumpisal.

Gusto kong maging makata, 
Dahil sa ako’y na-engkanto ng lilim at lalim ng mga talinghaga.

Parabula I

Allan Justo Pastrana

Naglulubid ang mga singsing pari
sa ulunan ng ating kama. Iyan lang
ang tiyak, kahit pa matiyagang binabagtas

ng mga langgam ang maalamating
mga daan sa loob at labas ng bahay
o matining na lunti ang bumabasag

sa liwayway. Ang mga gatla sa bintana’y
pirming gigising sa umid, o ang tandang
pananong kaya—ang taning,

ang halik? Kabig-kabig ang paunang
salita at ‘di wasto ang bantas.
Sa salaysay ng estranghero, magkakasugpong

ang mga walang-kinalamang bahagi
ng mga nasirang katawan sa kalsada.
Kapwa nakakamá sa sentido ang baril

at mata ng mundo: oo o hindi ang tabing
na nais sana nating hawiin
sa lalong madaling panahon. Dito

huminto ang hintuturo sa bersikulong
ito na ang sabi, inililigtas tayo tuwina
ng mga pinipili nating hindi makita.

Eksodo Sa Gabing Walang Bituin

Emersan D. Baldemor

Hindi palaging bumababa ang milagro
na parang hamog na nagpapahinog sa gabi;
minsan, bumabaligtad ito,
nagiging sipol ng pulis sa tapat ng ospital,
o buntong-hininga ng pader
na binutas ng mga buwitre’t pasista.
Sa amin, milagro ang paggising
na hindi tinubos ng bala o gutom;
milagro ang tinapay na walang amag
na nahagip sa pagkakabitak
ng dambuhalang rehimen.

May gabi na ang buong bayan
ay sumampa sa bubungan ng simbahan:
hinila ng mga kamay ang krus,
ipinanangga sa papalapit na tangke,
at sa patak ng dugo
nagdilang-anghel ang mga batik ng kalawang.

Sabi ng matatanda,
ang gabi raw na iyon ay punit sa kalendaryo,
binura sa talaan ng mga santo,
at ibinaon sa ilalim ng munisipyo
ang lahat ng larawan ng mga nawawala.

Kamatayan ang laging una sa prusisyon.
Sumusunod ang milagro
na binuo mula sa buhangin at paghilom
ng mga palad na may pilat.
Nakita ko ang langit,
hindi sa ibabaw, kundi sa ilalim
ng sapatos ng isang madre
na tinapakan ang palumpong
na kinapugutan ng isang dalagita
na nag-alay ng bulaklak
sa ngalan ng sining at pananampalataya.

Ang uniberso ay hindi isang templo.
Itoy marahil karsel
ng mga bituin na pinagbawalang sumabog.
Sa baryo namin, ang bituin ay si Lola
na araw-araw sumasayaw
habang naglalakad pauwi mula palengke,
bitbit ang radyo,
bitbit ang kwento tungkol sa langit
na tila mas malapit kung gutom ka,
at tila mas totoo kung may naglalaho
tuwing alas-singko ng hapon.

Ngayon, sa likod ng mga eskinita,
may mga batang naglilinis ng mga bituin
na bumagsak sa kanal.
Itinuturing nilang milagro
ang pagkatagpo ng isang bote
na hindi pa walang laman.
At sa tuwing may namamatay,
isa na namang araw ang inililihim ng kalendaryo,
upang hindi natin mabilang
ang dami ng gabing isinuko sa dilim.

Pahuling Pamiwas Sa Dagat Ng Mga Bituin

Emersan D. Baldemor

Sa tuwing lumulubog ang araw
sa likod ng pusali,
naglalakad ako palapit sa ilog
bitbit ang huling lambat,
sira-sira, gaya ng tuhod ko.

Hindi na ako nanghuhuli ng isda,
kundi ng alaala:
kung paanong minsan
ang mga buntala’y kumikislap
gaya ng bangus sa timba,
o ng mga mata ng batang
nangangarap maging astronaut
habang binabalatan ang galunggong.

Sa katandaan,
ang bawat pamiwas ay dasal
na sana, sa wakas,
may tumilamsik na planeta
mula sa dulo ng kawayan.

Ang Ibong Nagdadala Ng Takipsilim

Emersan D. Baldemor

Sa ibabaw ng poste,
nanatili ang ibon,
hindi para umawit
kundi upang hintayin
ang huling sinag
na magpapakintab
sa kanyang pakpak.

Sa likod niya,
nakabukang bibig ng langit
ang uniberso:
isang lawang walang pampang
na nililipad ng katahimikang
hindi pa nasusulat.

Kapag ganitong dapithapon,
walang ibang orasyon
kundi ang pagkalas ng anino
mula sa ating katawan.

At ang ibon,
tila batik sa kalangitan,
ay hindi lumilipad palayo,
kundi bumababa,
dahan-dahang
tumatapat sa tubig
na hindi kumikilos,
na tila ba naririnig
ang lahat ng dasal
na hindi na nausal.

Pagdating ng dilim,
wala na ang ibon.
Ngunit sa gitna ng lawa,
may isang kisap ng liwanag
na hindi bituin
at hindi rin buwan,
kundi alaala
ng isang nilalang
na minsang naghintay
habang humihina
ang araw sa balikat
ng mundo.

Tatlong Titig sa Tatlong Titik B sa Tatlong Tinta ni Manansala

Leupoldo Jr. Turla

UNANG B

Ito ang titig ko sa iyo:

Barong-barong itong estilong walang wakas,
Tila idinikit ng panis na kaning tutong sa lapag 
Saang palapag at butas nagtatago ang pulgas? 
Pagdila ng apoy, kahit bagong pako maduduwag.

Ito ang titig ko sa iyo:

Sisilip-silip lamang sa siwang ng tikling na lawanit,
Tila gumigising ang buwan sa ibinubulong na hibik.
Bakit nagtayo ng kaharian sa imburnal na langit?
Iniluwal na Masunurin sa Bagongsibol nakipagtalik

Ito ang titig ko sa iyo:

Lulugo-lugo maging sa paglalakad ng dantaon,
Tila nagpapaalam ang buldoser, dadalhin ang putong.
Paano naging pakpak ang dingding mo na parang ibon? 
Inihahain ang petsa sa lapida ng tagpi-tagping bubong.

IKALAWANG B

Heto ang titig ko sa iyo:

Buwa ka ng iyong yaring henerasyon,
Tila tinatahi ang hiningang bumubulong.
Paano pauunlarin naaagnas na nasyon?
Kumakalam na sikmura ay hilong talilong.

Heto ang titig ko sa iyo:

Kuyom sa palad, tugma at diwang nililiyag,
Tila nalilimutan ang kalinangang biniyak-biyak.
Bakit sumasamba sa Kanlurang makamandag?
Tumutuligsang gunita ng nag-uulyaning tibak.

Heto ang titig ko sa iyo:

Hinaharap ay hawak ng Haringbatang mapaniil,
Tila ngumunguya ng inaamag na Mana sa langit.
Sinong tumulak sa Walangtutol na magtaksil?
Tatanungin ka ni Baylen sa naglalangib na sakit.

IKATLONG B

Ganito ang titig ko sa iyo:

Kilo-kilometro ang iyong tinatanaw,
Tila naghihintay ng bukang-liwayway.
Ano ang pumundi sa bitbit na ilaw?
Pagtingala sa langit ay agaw-buhay.

Ganito ang titig ko sa iyo:

Pira-pirasong basag na salamin,
Tila pinapatay, diwang salamisim.
Saan nabulag ang dating paningin?
Pagbisita ang layon ng paninimdim.

Ganito ang titig ko sa iyo:

Pitak-pitak iyong inaasahang lungsod,
Tila binubuhay ang puntod ng buot.
Bakit umaasa sa pasan mong lugod?
Pagtingin sa pangarap ay pawang limot.

Badjao: Ang mga Gente Del Agua Salaw

John Harold Oliveros Francisco

Sila’y panatag sa kanlungang palutang-lutang 
sa lawak ng kawalang-malay, lagi silang 
Nabibinyagan at ang agua salaw ang lagi nilang 
sinamba sa loob ng ilang daang taon. 
Bansag sa kanila’y magigiting na balserong 
ang mga kaibiga’y sol, mar, viento at luna
Cae ulan o soleado, sila’y hindi kailanman 
nagiging enfermoso – kay tibay nga nila. 
Pagluwal sa walang lakas na sanggol – 
tapon agad sa agua salaw ang hantungan, 
Isang tradisiyong isinasagawa mula sa kanilang 
pagkasilang, hanggang sa matutong 
Lumangoy ang paslit na ayon sa indayog 
at kislot ng malawak at marikit na mar
Kalauna’y natuto silang makipagsapalaran 
sa walang katiyakang buhay sa maruruming 
Camino, walang laman ang kanilang barriga
sumisinghot ng Solvent, laging con hambre
pagkainip sa walang hanggang paghihintay 
at kawalan ng matitirhang casa. 
Dama ko ang pagkahabag sa kanilang sinapit— 
sila’y bahagi ng kulupong sa malupit na 
Sociedad, sila’y mga Badjao sa dakong ito na
sinisikatan ng maliwanag na Sol.

Talasalitaan ng ilang mga salita mula sa Wikang Chabacano

(Ang mga ispeling o pagbabaybay sa mga salita ay halaw sa Chabacano/ Chavacano Dictionary na inilathala ng Local Government of Zamboanga City, Philippines, Copyright 2017)

  • Gente Del Agua Salaw – Mga Taong Dagat
  • Sol – Araw
  • Mar – Dagat
  • Viento – Hangin
  • Luna – Buwan
  • Cae ulan – Pagbuhos ng ulan
  • Soleado – Tirik ang araw
  • Enfermoso – Sakitin
  • Agua salaw – Tubig na maalat / Tubig na galing sa dagat
  • Camino – Kalsada
  • Con hambre – Nagugutom
  • Sociedad – Lipunan

Dagat Itong Pandemya

Mark Anthony S. Salvador

Dagat itong pandemya, anak,
malalim na malalim na dagat.
Ang hangin ay marahas,
ang mga alo’y nanghahampas.
Nalulunod, anak, ang mga walang
maihaing pagkain sa hapag.
Nagkakakawag ang mga walang tiráhan.
Humihingi ng saklolo
ang mga hindi sumusuweldo.
Dagat itong pandemya, anak,
malalim na malalim na dagat.
Marami ang pagód na sa paglangoy,
at malapit nang lumubog.
Kahit ang mga nasa balsa,
inaalon ng pangamba.
Anak, sagana itong ating hapag.
Masasarap ang ating naiuulam.
Matibay ang ating bubungan.
Marami kang laruang mapaglilibangan.

Anak ko, nasa barko táyo.
At puwedeng sa ibang panahon,
wala na táyo rito.
Halika’t tulungan mo ako,
sasagipin natin ang mga
humihingi ng saklolo.

Kopla

Louise Vincent B. Amante

Naiisip kong isulat na kopla ay iyong tungkol sa pag-ibig. 

Maitatanong: Bakit tungkol sa bagay na gasgas na gasgas na?

Sa panahong ito, mali bang maging romantiko? Ang maniwala na pag-ibig ang kailangan ng daigdig?
Pag-ibig ang lunas sa dinadanas nating sakít ng kalingkingan — na sakít din ng buong katawan.

Isang pantas ang nagsabi, “Magkakaisa ang daigdig. Maniwala ka lang. Sumama ka’t makiisa.”

Kaya ang naiisip kong isulat na kopla ay tungkol sa pag-ibig.

At ang aking paniniwala rito. At pakikiisa.

Mga Bukás na Tagóng Liham sa Tinagò at Iba Pang Tula

Adrian Pete M. Pregonir

Kay Rommy

Nasa talampákan natin ang lángit
noong sabáy nating pinaghangaan
ang mahiwágang ritwal ng lungting
bumbúnan ng Tinagò. Dito, payapà
ang lahat at tanging buntónghiningá
ng ábot-tanáw at tanging mga iláhas
na hunghóng lámang ng mga sápat
ang nanghihimások sa ating mga pandinig.

Sabi mo, walang makapapalit sa ganitong
damdamin dahil tilà walang hanggang
pagkahimlay ang pakikiramdam sa loob
ng mga likas na pansamantala
at mga walang katubtúbang katumbás
ng mga susón-susóng pag-íral. Sabi ko,
maaaring dito na táyo ilibing at hindi
na magbabalik sa tahanang hinúbog
ng mga úsok at pasíkot-síkot
ng diyabolikong lungsod. Sagot mo,
hindi. Babalik táyo roón sa kung saan
tayong nagsimulâ. Hindi na ako nagsalita.
Sa ísip ko, maaarì namang magsimulâ
sa mga uríhi ng ating pagsisimula. Nagálit ka.
Ang sa akin lang, dito na táyo magpahingá.
Sa bumbúnan ng Tinagò kung saan
nakatagò ang ating mga pusò at mga pusò
ng iba pa nating katukáyo. Hayáan mo,
uunawain ko pa ang lahat kung bakit
nais mo pang bumalík sa marahás
na mga abenída ng iyong kabuhì.

Sa ngayon, hayaan mo akong pagniláyan
ang mga pasyá habang ramdam pa
ng aking talampákan ang langit ng lúpang
untî-untî nang nalulusaw. Hayaan mo muna ako.

Mga Talâ ng Pangakò sa Tinagò

Noóng dayúhan pa sa mga muóg ng alíw at lingát
ang mga malígwin at mayámungmóng na gulúgod
ng bundok na ito sa mga taga-pátag, dito na natin
unang binigkas ang mga panatà at pangakò
ng ating mahabâ-habâ pang pagpanglakáton.

Naáalala ko pa ang mga iyón, isa-isa, lahát—
patí ang mga salitáng pinakátiyák. Sabi mo,
kung ako ang palumpóng mulâ sa mga ligáw na taláhib,
at kung sakalì ako ay mahuhúlog sa tigáng
na dutà, luhà ng iyong ligáya ang magsisilbing ulan
upang magpaltok ang paslít kong gugma.

Hindî ko rin batíd kung totoó iyán.

Ang alám ko, untî-untî mong ginagawán
ng ruta ang matigbáw na bahagì ng aking pusò
upang makarating ka sa aking loób.

Sabi mo pa nga, anoman ang mangyári,
kahit ipapakò pa tayo sa punò o paulanán
tayo ng bála hanggang sa matulíg ng kantiyáw
ng bála ang ating mga tainga dalá ng mga súkab na kalaban,
kukulambuan mo ako ng rabóng ng iyong lingap.

Ngayon, binabalikán ko ang mga gulgól
ng iyong salitâ, isa-isa, lahat, pati ang pinakatiyak
na mga pangakò, at sa aking tagóng loób,
ipapakò ko ang matutulis na atungal ng pagkabalisa
sa malawak na espasyo ng dáwag
na ating binabagtas, hinahánap, pinupuksâ.

Leave a comment

Tungkol sa Luntian Journal

Tuloy po kayo sa Luntian Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral (inilalathala ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino/PSLLF).

Basahin ang latest na isyu.

Latest posts