
Kalachuchi
Janelle Tanguin
Ilang buwan na mula noong sinagot ako ni Eisling. Handang handa na ako para magpakilala sa kanyang mga magulang.
Nagkakilala kami sa isang gig sa Mow’s, kilalang tambayan ng mga indie kids at mga lokal na musikero sa eksena. Nung gabing iyon ay nagkataong parehas kaming mag-isang pumunta para manood at makinig sa paborito naming banda. Nakita ko siyang nakikipagsiksikan sa unahan. Unang tingin ko pa lang sakanya ay nabighani agad ako sa porselana niyang balat at maalong buhok na ’sing itim ng dagat tuwing gabi. Matagal tagal ko muna siyang pinagmasdan at nang tumingin siya pabalik sa’kin ay tila nag-slow mo ang mundo ko. Wala kami sa isang pelikula, pero nung mga sandaling iyon, parang kaming dalawa na lang ang natitirang mga tao sa maliit na espasyo na punong puno pa rin pala ng iba pang mga tao.
Nang matapos ang gig ay niyaya ko agad si Eisling lumabas. Naglakad lakad kami mula Matalino Street hanggang sa Maginhawa. Tinuro ko sakanya ang mga pangalan ng iba pang mga kalye na mula rin sa mga salitang pang-uri tulad ng: Mahiyain, Mahusay, at Malingap. Binaybay namin ang kahabaan ng Maginhawa na hitik sa iba’t ibang kainan at milk tea shops, lahat sila hinahalina kaming kumain. Nang makaramdam na rin kami sa wakas ng gutom ay dinala ko si Eisling sa paborito kong tapsihan.
Habang lumalalim ang gabi nun ay mas lumalim na rin ang usapan at pagtingin namin sa isa’t isa. Nung panahon na para ihatid si Eisling sa airport ng madaling araw ay parang ayaw ko na siyang pakawalan. Hindi ko mawari kung paano kami ipinagtadhanang magkita o magkakilala ng gabing iyon. Siya ay dayo lamang nun sa Kyusi. Pero ngayon ay halos araw araw na kaming magkasama.
Taga-Albay si Eisling. Isang maliit na probinsya sa rehiyon ng Bicol at kilalang tahanan ng Bulkang Mayon. Halos 13 na oras ang layo nito mula sa Maynila kung mag-bubus at halos isang oras naman kung mag-eeroplano. Hindi pa raw gaanong modernisado ang mga istraktura at pamayanan doon. Wala pang gaanong matataas na gusaling gusto yatang abutin ang langit. Paglabas mo umano ng bayan ay napapaligiran pa rin ang mga daan ng mayayabong at matatandang mga puno tulad ng Narra at Acacia. Matatanaw mo rin ang milya-milyang ektarya ng mga palayan sa gilid ng mga daan, pati mga kalabaw at magsasaka na abala sa pagtatrabaho. Tahimik ang lugar at napakasariwa ng hangin, ’di raw tulad dito sa Maynila na busina mula sa mga nagmamadali at galit na tsuper ang gigising sa’yo at nakakasulasok na usok mula sa mga sasakyan nila ang manonoot sa balat hanggang baga mo.
Tuwing lumalakas ang ulan at bumabaha sa Maynila ay mas kinakabahan pa rin si Eisling para sa kaligtasan ng pamilya niya sa Bicol. Madalas raw kasing daanan ng bagyo ang lugar. Pero nakukuwento niya rin na sa kabila ng malalakas na bagyo ay napakaganda ng pagsikat at paglubog ng araw roon. Sana’y masilayan rin umano namin ito ng magkasama. Tiyak na magugustuhan ko raw sa Bicol. Baka hindi ko na raw nanaisin pang bumalik ng Maynila.
Noong nanliligaw pa lang ako kay Eisling ay nabanggit ko siya sa aking ina.
“Ma, may nililigawan nga pala ako, taga-Bicol.”
“Aba, aba, baka naman kinukulam ka na niyan, ’nak?”
“Ha? Hindi naman siya mangkukulam, Ma.”
“Marami raw kasing mangkukulam at aswang doon, diba?”
“Baka naman sa Capiz yun, Ma?”
“Ah, basta. Mag-iingat ka lagi, ’nak, ha?”
“Siyempre naman po.”
Nung kuwinento ko itong pag-uusap namin ng nanay ko kay Eisling ay tawang tawa siya. Sabi niya, sana nga raw ay may taglay na lang siyang itim na mahika.
Minsan tinuturuan ako ni Eisling magsalita at umintindi ng Bikol, ang lengguwahe mula sa lugar nila. Marami umano itong iba’t ibang diyalekto, nag-iiba iba kada lugar sa rehiyon, ngunit nagkakaintindihan pa rin naman sila. Madalas magsalita ng Bikol – Legazpi si Eisling tuwing may nais siyang iparating saakin sa lengguwaheng ito na walang katumbas na kahulugan sa Filipino. Minsan naman ay nagsasalita lang siya gamit ito upang mapalapit sa lugar na kinagisnan niya. Lagi niyang nababanggit kung gaano niya na raw ka-miss ang lugar pati ang kanyang pamilya’t mga kaibigan, lalo na ang kanyang alagang pusa na si Salem.
Kaya naman naisipan kong ayain si Eisling na bumisita sakanila. Panahon na rin para magpakilala ako sa mga magulang niya bilang kanyang nobyo. Napagdesisyunan naming bumisita sa nalalapit na long weekend, bandang unang linggo ng Nobyembre. Sakto at wala ring pasok nito si Eisling sa med school kaya puwede kaming mag-bakasyon ng ilang araw.
Hindi naman ako natatakot na magpakilala sa nanay at tatay ni Eisling, kahit pa nakukuwento niya na may pagka-strikto umano ang mga ito. Alam kong mabuti ang intensyon ko sa unica hija nila. Ngunit, tila may kaba pa rin sa aking dibdib. Paano kung ’di nila ako magustuhan para sa anak nila? Paano kung hindi nila ako matanggap? Natatakot akong mawalay kay Eisling.
Tuwing naiisip ko ang mga bagay na ito, mas nararamdaman ko ang laki ng agwat ng estado namin sa buhay. Habang nag-aaral si Eisling ng Medisina sa isang pribadong paaralan dito sa Maynila ay nagsisideline ako sa mga gig bilang isang musikero. ’Di pa ganoon kasikat ang banda namin kaya madalang ang mga gig, pati na rin ang kita ko mula rito. Nakakahanap naman ako ng iba pang mga raket mula sa mga mas nakakaluwag kong kaibigan sa industriya, ngunit sapat lang ang kinikita ko mula sa mga ito para sa pang-araw araw.
Sinasabihan naman ako ni Eisling na ’wag ko raw muna alalahanin ang mga bagay na ito. Pero hindi ko pa rin maiwasang isipin na baka maging sanhi ito ng paghihiwalay namin, kung sakali. Ayaw kong dumating kami sa puntong iyon. Kaya naman ipinangako ko sa aking sarili na mas pagbubutihin ko pa para sakanya.
***
Ilang araw pa bago kami bumiyahe papuntang Bicol ay biniro ko si Eisling.
“Alam na ba nilang uuwi ka? At may dala pang boyfriend?”
“Hindi. Gugulatin na lang natin sila.”
“Sus…”
At sabay kaming nagtawanan.
***
Nung oras na para bumiyahe ay medyo namumutla si Eisling.
“Doc love, sigurado ka bang kaya mo bumiyahe ngayon?”
“Oo naman, parang nanghihina lang akong konti pero kaya ko pa naman.”
“Magsabi ka lang kung sumama pa pakiramdam mo at puwede naman tayong bumiyahe sa Pasko na lang.”
“Hindi. Kaya ko pa. Tara na, maiiwanan na tayo ng bus.”
Hinila niya ang kamay ko at dali-dali na kaming sumakay ng bus papunta sakanila.
***
Mahaba ang gabi ng biyahe namin. Nakaidlip-idlip kami ng ilang oras ngunit ramdam pa rin namin ang pagod at puyat mula sa biyahe. Pakababa namin sa terminal sa bayan o sentro kung tawagin nila, ay sumakay na kami ng traysikel na didiretso sa kanilang barangay.
Totoo nga ang sabi ni Eisling. Napaka-aliwalas ng lugar. Napakasariwa ng hangin dito, parang ngayon pa lang ako natututong huminga. Pinagmasdan namin ang pagsikat ng araw mula sa loob ng traysikel. Binati kami nito mula sa perpektong hugis apa na silweta ng Bulkang Mayon at ginintuang karagatan ng palay na umiindayog kasabay ng hangin. Pakiramdam ko’y isa akong mangingisda na nakadiskubre ng bagong isla.
Sumulyap ako kay Eisling. Kasing ganda at hiwaga niya ang lugar. Mas binibigyang buhay siya ng liwanag ng bagong araw. Pinipintahan nito ang napaka-puting balat niya ng iba’t ibang mga banayad na klase ng kulay kahel at dilaw. Siya’y tila isang kalachuchi na namumulaklak. Kasing-halimuyak niya rin ito.
Pumara si Eisling sa tapat ng isang asul na gate. Sa likod nito, sa tingin ko, ay ang tahanang kinalakihan niya. Isang palapag lamang ito ngunit malawak ang kinatatayuang lote. Siguro nung bata pa siya ay madalas siyang maglaro sa bakurahan nila. Baka diyan rin siya madalas makipaglaro kay Salem. Hindi pa rin ako makapaniwala na nakarating na’ko sakanila, sa lugar kung sa’n lumaki ang pinakamamahal ko.
“Kumatok ka na,” marahang utos ni Eisling nung malapit na kami sa gate.
“Padaba ta kang marhay,” bulong niya sakin. Humigpit ang kapit niya sa braso ko.
“Mahal na mahal rin kita, Eisling. Sobra sobra,” bulong ko pabalik.
Hinalikan ko siya sa noo. Ngumiti pabalik si Eisling ng may halong lungkot na ‘di ko maipaliwanag kung saan galing. Baka dulot ng pagod sa biyahe. Baka gusto na niyang magpahinga.
Hindi ko na siya natanong dahil pakalipas pa ng ilang segundo ay pinagbuksan na kami ng gate ng mag-asawa. Mukhang nag-aalmusal pa lang sila at may dala pang diyaryo at kape ang tatay ni Eisling.
“Magandang araw po, tito at tita. Narito lang po kami ni Eisling para dalawin kayo. Ako nga po pala si Matt, boyfriend niya po.”
Inabot ko ang aking kamay upang makipag-daupang palad, ngunit pakasabi ko nito ay namutla ang mga magulang ni Eisling. Biglang tumahimik ang paligid na para bang may dumaang anghel.
Nagsimulang magsalita ang tatay niya ng dahan-dahan.
“Hijo… wala na si Eisling. Magtatatlong buwan na. Hindi na siya nakauwi matapos pumunta doon sa isang gig sa Maynila. ’Di lumapag ang eroplano niya pauwi.”
***

Ang Huling Sulyap sa Hapon
Chester E. Ceriales
Gulong-gulo ang paupahang apartment na tinitirhan ni Vilma isang araw. Kaguluhan sa kanyang lunang hindi sanhi ng away o nakarimarim na pangyayari, kundi bunga ng pananabik na muling makasama ang pamilya. Sa isang maliit na mesa’y nakapatong ang iba’t ibang brand ng tsokolate. Sa kanyang mahabang couch naman nakalagay ang mga damit, sapatos at bag na kanyang ipamimigay sa iilang kamag-anak. Sa sahig naman nakalatag ang mga sabon at cup noodles na kanyang isisiksik sa balikbayan box. Maglalabing-isang taon na rin kasing hindi siya nakauuwi sa kanyang pamilya dahil sa pagtitiyagang makaipon ng malaking halaga mula sa bansang tinaguriang “Land of the Rising Sun”. Ang lupaing pinunlaan ng napakaraming pangarap ng mga OFW na ang tanging baon lamang ay sipag at ang panustos sa pang-araw-araw na kalungkutan ay panalangin.
Isang buwan bago ang flight ni Vilma pauwing Pilipinas ay nilikom na niya ang iba’t ibang maaaring maipasalubong sa kanyang pamilya, partikular na ang kanyang asawang si Miguel at ang kanilang nag-iisang anak na si Ashley. Ang iilan sa mga item na kanyang binili upang maipasalubong ay mga tsokolate, cup noodles at sabon. Sa kadahilanang nais ni Vilma na mag-uwi ng malaki-laking salapi sa tahanan, ang iilan niyang mga pasalubong ay kinuha lamang sa mga basurahan ng mga Hapon o tinatawag na gomi. Ang gomi ay isang salitang hapon na nangangahulugang pagtitipon ng mga basurang magagamit pa. Isinasagawa ang kaugaliang ito ng mga Hapon dahil sa mahigpit na kultura ng kalinisan at kaayusan, lipunan ng konsumerismo, mahigpit na iskedyul ng pagtatapon, mahal ang storage space o pagkakaroon ng kaukulang bayad sa pagtatapon ng malaking gamit. Bunsod nito, maliban sa nakapulot si Vilma ng mga magagarang kagamitan ay nakatipid pa siya sa mga pasalubong.
Ang lahat ng mga nabili o natipong pasalubong ni Vilma ay isinilid niya sa isang dambuhalang balikbayan box. Kaya kahit nagkalat man ito noong una, dahan-dahan niyang isiniksik sa kahon ang mga sorpresang magdudulot ng sobrang pananabik at saya sa kanyang pamilyang uuwian. Mga sorpresang bunga ng dugo’t pawis na inalay ng isang magulang na gustong mapabuti ang buhay ng kanyang pamilyang naiwan sa Pinas. Kapalit man nito’y lumbay at pag-iisa, hindi nito inalintana ng isang OFW na may tanging pangarap na maiahon ang pamilya sa kahirapan at matamasa ang buhay na may kasapatan sa pangunahing pangangailangan.
Ika-4 ng Agosto, 2025 — ang araw na pinakahihintay ni Vilma. Sa wakas, sa loob ng mahabang taon ay makikita, mayayakap at mahahagkan na niya ang kanyang mga minamahal sa buhay. Namutawi sa kanyang mukha ang galak na dulot ng pananabik na muling makasama ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang mag-ama. Isang malaking maleta at balikbayan box ang akay-akay ni Vilma papuntang Tokyo International Airport. Hindi niya ininda ang pagod at ngalay ng katawan sa pagdadala ng mga mabibigat na kagamitang alam niyang lubos na magdudulot ng kasiyahan sa kanyang uuwian. Nang siya’y makasakay na sa eroplano, hindi maikakaila ang saya sa kanyang mga mata na para bang maluha-luha pa. Sa halip na magpahinga sa kanyang kinauupuan, dilat na dilat ang kanyang mga mata sapagkat iniisip niya ang kanilang mga gagawin kapag sila na ay muling magkita’t magsama.
Habang nakaupo, napaisip siya na magkaroon ng isang maliit na salo-salo makalawang araw pagkatapos niyang makatapak sa kanilang tahanan upang kahit papaano’y makabawi siya sa lahat ng mga pagdiriwang na hindi siya kasama ng kanyang pamilya. Sabik si Vilma na magplano sa kanyang isipan ng maaari niyang ihandang mga dekorasyon at pagkain tulad ng lumpia, spaghetti, adobo, macaroni salad na paborito ng kanyang anak at mga inuming makapapawi sa uhaw ng kanyang mga bisita. Naisipan din niyang ibalot ang kanyang mga pasalubong upang madagdagan pa ng kaukulang pananabik ang mga pagbibigyan nito. Mag-aalas sais na ng gabi ng makarating ang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport. Sa kadahilanang maglalakbay pa siya pauwing probinsya sa Visayas, siya’y muling sumakay ng panibagong eroplano patungong Mactan-Cebu International Airport. Habang siya ay naglalakbay, mahimbing siyang nakatulog subalit tangay pa rin sa kanyang isipan ang pananabik na makapiling ang kanyang mga minamahal sa buhay.
Mula Cebu, sumakay na naman si Vilma sa bus patungong Dumaguete upang maghintay ng panibagong bus upang maihatid siya sa kanyang munisipalidad sa Negros. Hindi man alintana sa damdamin ni Vilma na nanaig ang pananabik subalit makikita sa kanyang pisikal na wangis ang kanyang pagod sa paglalakbay mula sa bansang kanyang pinagmulan. Nang makatapak siya sa Dumaguete, agad naman siyang lumipat sa bus patungo sa kanyang uuwiang munisipalidad. Dala ang ngiti kahit pagod kasama ng kanyang dala-dalang mga sorpresa, hindi ininda ni Vilma ang puyat at pagod sa kanyang paglalakbay. Sa kanyang pagsakay patungo sa huling destinasyon, baon niya ang kaligayahang maaaring maging dulot ng muli nilang pagkikitang magkakapamilya.
Nagsimula nang umandar ang makina ng bus, kasabay ang pag-andar ng puso ni Vilmang parang nagsusumigaw ng tuwa’t pananabik. Habang nakikinig sa busina ng iilang mga sasakyan at nakatitig sa mga tanawing tila nagpapaalala sa kanyang kamusmusan ay bigla na lamang siyang napaidlip sa kanyang kinauupuan. Sa kahabaan ng kanyang paglalakbay, isang nakapanlulumong trahedya ang nangyayari. Trahedyang gumulo sa pag-asang siya’y matatanaw pa ng kanyang mga minamahal sa buhay. Sa kalagitnaan ng biyahe ay bigla na lamang binawian ng buhay si Vilma. Ito’y marahil bunsod ng kanyang magkasabayang emosyon ng pagod at pananabik. Habang payapang nakaidlip sa bus, hindi namalayang ito na pala ang kanyang magiging huling sandaling hindi man lang masisilayan ang kanyang pamilya. Nagkagulo ang mga pasahero sa bus na para bang noo’y mga magulong pasalubong ni Vilma na hindi pa naoorganisa sa loob ng kahon. Ayon sa mga pulis at imbestigador, siya ay binawian ng buhay dahil sa cardiac arrest. Ito marahil ay bunga ng kanyang mahabang panahon na iginugol sa paglalakbay kasama na rin ng nagsusumidhi niyang damdaming makapiling ang kanyang mga minamahal sa buhay.
Sa tahanan naman ng pamilya ni Vilma, ang inaakalang sorpresang hindi lamang nakatuon sa mga materyal na bitbit ng OFW kundi maging ang presensya nito ay nauwi lamang sa pagdadalamhati. Nabalitaan ng pamilya at buong kamag-anak ni Vilma ang nangyari — maging sila ay hindi makapaniwala. Ang sorpresang dala-dala sana ay nagdulot ng pagkagulat na yaon din ay naging pagkalumbay bunsod ng kanyang paglisan sa mundong ibabaw. Nagbabang-luksa ang buong mag-anak ng yumaong OFW, tiyak na ang kanyang mag-ama. Hindi nila lubusang matanggap ang mga pangyayari na sa halip na magdiwang at magsaya ay nauwi pa sa pait at kirot ng pagkawala ng kanilang minamahal. Tila ba’y nagunaw ang kanilang mundo dahil ang palaging nagdadala ng sorpresa ay ngayo’y isang nakagigimbal na balita ang dala. Ang kahong puno ng sorpresa ay hindi na nabigyang-pansin sapagkat ang kahon ng namayapa ang mas dapat unahin.
Pagkaraan ng ilang araw, tuluyan nang inihatid sa kanyang huling hantungan si Vilma. Pawang sakit at lumbay ang dala-dala ng buong mag-anak na dumalo sa kanyang libing. Sa paglalakbay ng isang OFW pauwi patungo sa pamilya, hindi akalaing iyon na ang kanyang magiging huling tapak sa bansang Hapon na nagsilbing tahanan niya ng ilang taon at naging tulay sa pagbibigay ng magandang buhay sa kanyang pamilya. Sa kabila ng kanyang naging paglalakbay pauwi, isang panibagong daanan ang kanyang tatahakin kasabay ng paglubog ng araw tuwing hapon. Isang panibagong lupaing magpapaalala sa kahalagahan ng buhay na dapat pakaingatan at ituring na yaman habang ito’y nananahanan pa sa mundong ginagalawan ninuman.

Ang Nuno sa Tahanan ng Jumper
Aeron James De Leon
Hindi na bago sa aming barangay na kaunting patak lang ng ulan ay tila napupundi ang kuryente ng buong mundo. Para bang may lihim na kasunduan ang ulan at ang kable sa poste, na sa bawat patak, may ilaw na kailangang mamatay. Pero wala kaming karapatang magreklamo, lalo na raw kami, sabi ni Lola, na ang kuryente ay hindi sa amin kundi sa mga poste ng kapitbahay, tinatakas lang sa likod ng pinto.
“Walang dapat makakita,” laging bilin niya. “Walang dapat makarinig.” Kaya’t kahit may kuryente kami, hindi puwedeng buksan ang ilaw. Ang TV lang ang mahalaga, dahil iyon ang mundo ni Lola. Tatlong kumot ang tinapal namin sa malaking bintana para hindi sumilip ang liwanag ng paborito niyang teleserye. Si Ate ang tagamasid sa labas, sinisigurado kung may silahis ng liwanag o tunog na tatagos sa dilim. Lahat ng galaw namin, tila bahagi ng isang lihim na operasyon, mapaingay lang, maaaring mawala si Papa, baka makulong pa.
Kaya’t kapag umuulan, para kaming mga nilalang na naghahanap ng kanlungan sa loob ng sarili naming bahay. Sa mga gabing ganiyan, kapag ang ulan ay tila tinutunaw ang bubong sa lakas ng buhos, pinapatay ni Lola ang TV. Masyado pa raw maaga para matulog. Kaya’t bubuksan na lang niya ang gaserang gawa sa gin at palara, at kami’y mag-iikot sa banig, parang mga munting bituin sa ilalim ng iisang langit, nakikinig sa kaniyang mga kuwento.
Kuwento tungkol kay Papa, kung gaano ito kasipag mag-aral, kahit walang baon, kahit walang tsinelas. Kuwento ng kabataan ni Lola na umiihi mula sa itaas ng puno ng bayabas para gantihan ang mga kaaway. Kuwento kung paanong kahit Grade 3 lang ang natapos niya, ay nalampasan niya sa talino’t diskarte ang mga may diploma.
Isang anak lang si Papa, pero lima kaming apo. Lagi ang dasal ni Lola: “Sana makita ko pa ang anak ni Maria.” Si Maria ang bunso naming kapatid. Isang araw, pabirong sabat ni Mang Lito habang naglalako si Lola ng maruya: “Huwag kang humiling ng ganiyan, Estrella, baka si Hesus na anak ni Maria ang una mong makaharap!” Sabay nilang tawa, parang kay gaan sa bibig nila ang salitang kamatayan, para bang bahagi lang ito ng kanilang tsismisan.
Isang gabi, sabay sa kidlat at kulog, nahulog ang takip ng lamesa, natabig ng pusa. Tawa kami, sigaw, yakapan. Ang ulam namin sa hapunan: itlog na maalat at kamatis, hating kapatid, ang matira ay kay Papa at Mama. Wala pa sila, nasa bahay raw ng kapatid ni Mama, nagsusugal, nag-aaway.
“Wag kayong gagaya sa kanila,” bulong ni Lola, “’Pag Linggo, simbahan, hindi mesa ng tong-its.” Sa tuwing may bangayan, siya ang pader sa pagitan ng dalawang apoy. Siya ang kumakalma, siya ang naglalapat ng gamot sa sugat na dulot ng salitang masakit kaysa hampas.
“Hindi mo dapat ginagaya ’yan, Bunso.” Isang gabi, narinig kong ginaya ni Maria ang sigaw ni Papa. Nilapitan ko siya. Hinampas ko ang labi niya, hindi para saktan, kundi para patahimikin. Musmos pa siya para masanay sa salitang hindi na binabawi. Sa edad niya, hindi pa dapat siya marunong manakit gamit ang bibig.
Kaya’t muling nagsalaysay si Lola, mga kapreng nang-aakit, mga aswang na nag-aanyong tao, mga malignong sumusunod hanggang probinsiya. Boses niya ang musika ng takot at lambing. Habang lumalaki ako, natuto akong matakot sa dilim, sa probinsiya, sa katahimikang may halimuyak ng kuwento. Pero higit sa lahat, natuto akong matakot sa pagpanaw ng kuwento. Sa pagkawala ng kuwentista.
Dahil sino ang magtatanggol sa amin kung hindi na siya naroon? Sino ang yayakap kapag kumulog? Sino ang magpapaalala na dapat ay hindi tayo nagpapatalo kahit pa walang-wala?
Kapag dumating ang araw na makita na ni Lola ang “anak ni Maria,” hindi ako matatakot kung siya ay magpakita. Hindi ako tatakbo palayo. Tatakbo ako palapit. Hindi ako sisigaw sa takot, kundi sa tuwa. Hindi ako iiyak sa pangamba, kundi sa ligaya. Hindi ko siya tataguan. Yayakapin ko siya, at hihilingin: “Lola, isa pa pong kuwento.”
Sa tuwing iiyak ang langit, alam naming hindi ito luha ng lungkot. Biyaya ito, biyayang hinuhugot mula sa mga kuwentong hindi namamatay. Dahil habang umuulan, habang pumapatak ang ulan sa bubong na yero at muling pumapatay sa ilaw ng buong barangay, natututo kaming makinig, hindi sa mga bidyong malabo at teleseryeng putol-putol ang signal, kundi sa mga salaysay ni Lola na hindi kailanman napuputol.
Hindi mapapalitan ng mga palabas sa telebisyong pinagana ng nakaw na kuryente ang mga libreng kuwentong itinutulos ni Lola gabi-gabi sa gitna ng dilim. Mas pipiliin naming patayin ang TV kaysa mawala ang tinig niyang nagbibigay-linaw. Mas gusto naming manahimik ang bahay, basta’t ang katahimikang ito’y kasama siya. Mas gusto naming magdilim ang paligid kaysa dumilim ang mundo naming wala si Lola.
Sa kaniyang piling, may kapayapaan. Walang pangamba. Libre kaming tumawa, libre kaming matakot, libre kaming maniwala sa mga multo, at higit sa lahat, libre kaming mangarap kahit madilim pa ang paligid, sapagkat may isang liwanag na hindi kailanman mapapatay ng ulan o ng kawalan ng kuryente: ang mga kuwentong iiwan niya sa aming alaala. #

Magkukulambo sa Langit
Merdeka D. Morales
Maliwanag na ang paligid at nasa ibabaw na siya ng mga ulap nang muling magkaroon ng malay ang Magkukulambo. Hindi maputi ang liwanag na kanyang nakita subalit tila isang liwanag iyon na may ipinahihiwatig na gunita. Tinignan niya ang sariling kamay at pagkaraang suriin ang mga daliri nito’y iniligid ang mga mata. Wala siyang ibang nakita kundi ang mga umaandar na usok na parang makakapal na bulak. Hindi na siya papila-pilantod tulad nang nakagawian niyang ipalabas noon sa mga baryo bagamat nang maglakad ng kaunti’y napuna ng Magkukulambo na ang sahig ay walang sahig. Dagli siyang nagduda at muntik nang mapahilahod sa pagkagitla. Nanlaki ang kanyang mga mata at bumagsak ang panga. Nakatitindig pa ang Magkukulambo. Hindi siya lumulutang, subalit hindi rin bumabagsak. Ipinagpag niya ang ulo ng makailang ulit para makasiguro na totoo nga (at hindi lamang guni-guni) ang mga nakikita bago itinuloy ng marahan ang paglakad. Habang nasa daan ay isang pamilyar na amoy ang sumagi sa kanyang ilong. Amoy iyon ng gasolina sa palad at samyo ng alikabok sa pawid ng isang kubo sa burol. Totoo ba itong kanyang naamoy o nasa isip lang? Hindi siya makatiyak. Matapos ang ilang mga pagitan ng paglalakad ay mayroon siyang nadinig. Animo’y namumuong bulungan na may kasamang alingasngas. Tinalasan niya ang pandama upang malaman kung saang lupalop iyon nagmumula. Luminga-linga siya sa buong paligid. Nang magsingkit ang mga mata ng Magkukulambo’y namataan niya sa likod ng mga gumagalaw na ulap ang pila ng mga kamukha niyang napadpad doon. Tila may gumapang na lamig sa kanyang batok habang pinakikiramdaman ang mga ugong ng bulungan.
Habang nag-uunahan ang kanyang mga paa papalapit sa pila ay binayo ang magkukulambo ng maliliit at hiwa-hiwalay na imahen ng kanyang nakaraan. Para itong kidlat na bigla na lamang tumama sa kanyang ulirat kung kaya bahagyang bumagal ang kanyang paglalakad. Una niyang naalala ang naiwang pamilya. Ang halakhak ng mga bata at bungisngis sa masasaya nilang mukha kasama ang kanyang pangalawang asawa na ninirahan sa bayan. Naitanong tuloy sa isip ng Magkukulambo kung alam kaya nila ang nangyari sa kanya. Saang lugar kaya inilibing ng mga lalaki ang kanyang katawang lupa? Mayamaya’y sumunod naman niyang naalala ang mga ikinasang reyd, ang mga pagsusunog ng kubo at ang mga ginulping lider magsasaka na kinaladkad ng kanilang tropa papunta sa kampo. Mula sa pagiging masaya ay napakuyom ng kamao ang Magkukulambo sa ahitasyon ng hindi makontrol na imahen na ito. Muli niyang ipinagpag ang ulo ngunit naipaalala lamang lalo nito ang mga pinakahuling tagpo sa kanyang buhay; ang pagdilim ng kanyang paligid matapos papasukin sa kubo ng isang nagpapanggap ring mamimili at palibutan ng ilang di niya nakikilalang armadong indibidwal. Mga babae at lalakeng nakasuot ng kamisa chino, pang-ibabang parka at bota. Ilan na nga ba sila? Pito? Lima? Hindi na niya maalala. Pagdating dito ay binibigo na siya ng kanyang mga gunita. Matay niya mang isipin ay wala na siyang matandaan. Ang tanging naaalala na lamang niya rito ay pagdilim ng paligid pagkaraang makalaboso at dalhin ng nakapiring sa mataas na bundok.
Sa Banal na Kasulatan ng mga Kagaw na isinulat diumano ng propetang si Bulan Bariwan, natandaan niya ang narinig noong kabanata tungkol sa Pagharap sa Dios Pagkatapos ng Buhay sa Mundo. Bagaman hindi lubusang nakatitiyak sa noo’y naririnig lamang na mga sermon at usapan sa kinaaaniban niyang kulto, naisaisip ng Magkukulambo ang posibleng mangyari sa kanya pagdating sa unahan ng mahabang pila ayon sa banal na kasulatan. Naisip niya na magkukwento lamang sila sa Dios ukol sa kanya-kanyang naging danas habang nabubuhay sa mundo.
Hindi siya mahusay magkuwento subalit hindi rin naman masasabing mangmang sa larangang ito. Bagaman hindi nakapagtapos ng elementarya at paikot-ikot lang madalas ang kanyang mga bokabularyo at nasasabi, sa kanyang naging trabaho habang kahuntahan ang mga taga-baryo, maaaring ipagpalagay na para siyang arkitekto kung magdisenyo ng banghay. Napagtatagni-tagni ng magkukulambo ang mga pangyayari na ‘di aakalaing sa simula pa lamang ay may kaugnayan na sa isa’t isa. Kung minsa’y gumagamit siya ng maraming salita at sa ilang pagkakataon nama’y alam niyang tipirin ito at paglaruan ang katahimikan. Subalit higit sa lahat ng ito’y magaling magtago ng sorpresa ang Magkukulambo. Mayroon siyang mga hirit, pasabog at alas na ilalabas niya lamang sa bahaging kailangan na talaga ang isang bigwas o matinding dagok. Naiisip niya ang kasanayan niyang ito na natutunan sa mahabang panahon ng pakikiharap sa mga tao gamit ang isang prente kaya nakaramdam siya ng kaunting kumpiyansa na kung ito nga ang pagsubok upang makapasok sa pintuan ng kalangitan ay kapananabikan ng Dios ang mga maririnig sa kaniyang mga kuwento.
Nang makalapit na sa mga nilalang na naroroon ay napatabi siya sa isang panginoong may-lupa, propitaryo at magsasaka na mga kapwa nasa kanyang unahan. Ipinagpalagay niyang mga kasabay niya itong lumisan sa mundo ngunit nabihisan naman maigi bago makaakyat sa mga ulap. Lalo na itong panginoong may-lupa na ang anyo ay nakapang-Santa Cruzan. Hindi siya kinibo ni nilingon man lamang ng panginoon na ito sa pila kahit isang saglit. Sa dulo ay natanaw ng Magkukulambo si San Pedro sa bakuran na nag-aasikaso sa pagpoproseso ng mga bagong salta tulad nila. Siguardo ba ‘kong karapat-dapat dito sa langit? tanong ng Magkukulambo sa isip nang magkunot ito ng noo. Lalo siyang nalito nang makita niyang isa-isang tinatanong ni San Pedro ang bawat humaharap sa kanya para sa karampatang husga. Tila nakabatay sa mga sagot nila kung papapasukin ang isa sa kaharian ng Dios o pabababain sa hagdanan na sa palagay ng Magkukulambo ay daan padiretso sa impyerno.
Parang dinaga ang dibdib ng Magkukulambo habang lumalapit sa harapan ng pila. Hindi siya sigurado sa mga proseso at pormalidad upang makapasok sa langit. Subalit ilang sandali lamang ay tila naulinigan niya sa pila na ang tanong para sa lahat ay simple lamang at pare-pareho. Hindi pala sila magkukwento! Napabuntong hininga ang Magkukulambo sapagkat hindi pa nabubuo sa kanyang isip ang plano. “Wasto ba ang nadidinig ko,” tanong ng Magkukulambo sa anghel na katulong sa langit upang ayusin ang pila. “Oo,” tugon ng anghel, “simpleng pagbabaybay lamang ang pagsubok. Magkakapareho lamang ang katanungan sapagkat dito, ang lahat ay pantay-pantay. Hindi lang yun, tingin ko’y nais ni San Pedro na makapasok ang lahat sa pintuan ng kalangitan.”
Lalong nakahinga ng maluwag ang Magkukulambo dahil sa mga narinig. Nakawala na ang daga sa kanyang dibdib at para pa siyang nabunutan ng tinik sa leeg nang marinig ng malapitan si San Pedro nang tanungin ang magsasaka ng:
“I-spell mo ang GOD.”
“G-O-D,” mabilis na sagot ng magsasaka.
“Tama. Makatutuloy ka na sa kaharian ng Panginoong Dios,” wika ni San Pedro sa iisang tono at wala ni anumang pagbabago sa kanyang ekspresyon. “Yung susunod, lapit dito.”
Sa pagkakataong ito’y dagling lumapit sa harapan ni San Pedro ang propitaryo. May titig itong hindi galit, pero wala ring awa. Ganun pa rin ang tanong. “I-spell mo ang GOD.” wika ni San Pedro na walang ipinagbago ang ekspresyon at tono ng pananalita.
“G-O-D, tugon ng propitaryong puno ng sigla at nag-uumapaw ang galak.
“Tumpak. Pasok na sa langit. Lapit dito ang susunod.”
Matapos humakbang papalapit sa harapan ni San Pedro ang bihis na bihis na panginoong may-lupa, muling nagwika si San Pedro ng katulad na tanong. “Sige, i-spell mo ang GOD.”
“G-O-D,” magalang na sagot ng pipikit-pikit na maylupa.
“Good. Sige, pasok na sa langit.”
At sumunod na nga rito ang pagkakataon para sa nasasabik na Magkukulambo. Sa mga sandaling ito, handang-handa na siya at nakatitiyak sa sarili. Kayang-kaya niyang baybayin ang salita!
Marahang tinignan ni San Pedro ang Magkukulambo sa harapan. Hinagod ito ng kanyang mga mata mula ulo hanggang paa at saka sinabing:
“Okay. I-spell mo ang ECCLESIASTES.”

Mga Berso ng P(K)abaong Walang-Wala
Geramy B. Espiña
- Kung Paano Bumati ang Umaga
Nagsimula ang lahat nang walang pag-iingat, puro pagmamadali. Gaya ng dati, tinanghali na naman ng gising si Niko. Ang sabi kasi, mamayang alas dos pa raw ang libing ng pinsan niyang si Nonoy. Sa kalagitnaan ng magandang tulog ay ginising siya ng kanyang Nanay Lina na aligaga nang umalis ng bahay para mauna sa simbahan. Ang siste, ililipat daw ngayong umaga ang iskedyul ng misa para kay Kuya Nonoy dahil may ikakasal na mayamang foreigner mamayang hapon na diumano’y magbibigay ng malaking donasyon sa simbahan pagkatapos.
“Buhat na doon, pamungay-pungay ngan laksiha basi makabulig ka man.” sabi ng kanyang Nanay sa wikang Waraynon. Pinapahanda na siya ng kanyang Nanay para makatulong sa pag-aasikaso mamaya sa libing. Ang problema lang, halos hindi pa maidilat ni Niko ang kanyang mga mata dahil siya kagabi ang naging punong abala sa pagbabantay sa huling lamay hanggang alas kwatro kaninang umaga.
“Wag mo naman pangunahan ng init ng ulo ang umaga ha, Niko. Maligo ka na’t sumugod sa simbahan pagkatapos mong maghanda.”
Tama nga naman, bawal ngayon ang mainit ang ulo, masyadong marami pang kailangang asikasuhin.
Kape. Yan ang nasa isip ni Niko habang nagmamadaling magbihis. Nang hinanap niya ang itim na sapatos sa bandang bintanang may kawayang tukod, ay sandali siyang napatigil ng magandang bungad ng langit ngayong umaga. Mabuti’t hanggang kagabi lang ang lakas ng ulan dahil sa shearline, mukhang titirik ngayon ang araw. Sinwerte ang libing ni Kuya Nonoy.
Swerte, naisip ni Niko. May patay bang siniswerte?
Habang nagbibihis, unti-unting sumisiksik sa kanyang alaala ang masasaya at mahahalagang sandali nila ni Kuya Nonoy noong nabubuhay pa ito. Naalala niya kung paano sila dumadapa sa tulay para masilip at masilo ang mga alimango sa mabatong bahagi ng sapang malapit sa bahay nila, at kung paano sila pumitas ng mga hilaw na bunga ng bayabas sa dating bakanteng lote na ngayon ay mayroon nang nakatayong covered court.
Hindi man kapatid sa dugo, kapatid pa rin ang turingan nila habang tumatanda. At ngayon, hindi niya papayagang basta na lang mailibing ang kanyang naturingang kapatid nang wala siya roon.
Nang papaalis na ay tiningnang muli ni Niko ang orasan, 9:55 na. May limang minuto na lang bago magsimula ang misa samantalang limang minuto rin ang byahe ng motor papuntang simbahan. Malumbay niyang nilingon ang lamesa sa kusina kung saan naroon ang malunggay pandesal na iniwan ng kanyang Nanay kanina, katabi ang mga plastic na garapon ng kape, asukal at gatas.
Hindi bale, makapaghihintay naman ang almusal. Si Kuya Nonoy hindi.
- Kung Bakit Nakapanliliit ang Perpektong Araw
Malayo pa lang siya sa poblacion ay nakikita na ni Niko ang pulang bubong ng kanilang simbahang bato. Gaya ng maraming pueblo na nabuo sa panahon ng mga Kastila, ang kanilang simbahan ay nasa sentro ng mga importanteng daanan sa kanilang lugar.
Kapag may mga okasyon o pagdiriwang, laging nilulusob ng mga tao ang simbahan para makiusyoso at madalas, para makikain na rin. Normal nang makakita ng isang daang tao sa mga pagtitipon-tipon dito sa poblacion. Ngunit ngayong araw, napansin ni Niko ang mga bagong punas na upuang nakahelera na walang nakaupo.
Mabilis niyang binilang ang kakarampot na bilang ng mga taong nagkukumpulan sa may altar: Kwarenta lang silang lahat. Pumuwesto si Niko sa bangkong malapit sa Porta Mayor, para kahit paano ay may maitulong siya, kahit ang tanging tungkulin lang niya ay sumagot sa mga nakikiusyoso sa labas ng simbahan.
“Nanay Lina, kung hindi po kami makaaabala masyado… Sana makabisita kayo sa baryo. Para kay Nonoy.”
Sa pagitan ng mga hikbi at iyak ng asawa ni Kuya Nonoy na si Ate Mina, binalita niya kina Nanay Lina, Tatay Jun, at Niko ang pagkamatay ni Kuya Nonoy. Sepsis daw ang dahilan, matapos ang halos isang buwang pagtitiis mula sa sugat na nakuha sa aksidente sa construction site na pinasukan nito. Ang siste, pinangakuan daw silang mga biktima ng tig-sampung libong piso kapalit ng katahimikan basta’t walang reklamo at walang imbestigasyong magaganap. Kabilang si Kuya Nonoy sa mga pinakagrabe ang tinamo kaya’t labinlimang libo raw ang inabot sa kanila, mas mataas nang kaunti sa iba.
Sa takot na maubos agad ang pera sa pagpapagamot, pinili na lamang nilang magpatingin muna sa tambalan. Ngunit sa halip na gumaling, unti-unting namuti ang sugat dahil sa nana, kasabay ng paulit-ulit na lagnat at panginginig lalo na kapag oras na ng pagtulog. Nang tuluyang hindi na siya makapagsalita nang buo at makakilala ng asawa at mga anak, saka pa lamang nila napagdesisyunang ipa-admit sa ospital. Isang araw lang ang itinagal nila sa loob bago tuluyang bumigay ang katawan ni Kuya Nonoy.
Muling hinila sa kasalukuyan si Niko nang marinig ang kampanilya ng pari na nasa altar. Hudyat na ng pagbabasbas sa kabaong. Kung dati ay halos maubusan ng oras ang mga tao para sa parteng ito dahil sa rami ng gustong makasilip bago isara ang kabaong, ngayon ay tila hindi mo kailangang magmadali.
Hindi pa man sila nakakalabas sa simbahan, abala na ang mga tauhang kinuha ng ikakasal sa pagsabit ng tarpaulin sa labas at pagpuno ng mga bulaklak sa Porta Mayor na hininging pabor daw ng bride na gawing singkulay ng red carpet na lalakaran niya mamaya.
- Kung Paano Hindi Tumigil ang Mundo Para Sa’min
Gaya ng hula ni Niko kanina, tirik ang araw nang nilakad nila ang daan papuntang sementeryo para ihatid si Kuya Nonoy.
Ang kaninang kwarenta kataong nasa simbahan ay mas natapyasan pa ngayon nang binilang niya. Labinglima na lang silang naglalakad, pero may iilang traysikel na nakasunod. Pagkalampas sa munisipyo, magkabilaang hanay ng kabahayan ang nadadaanan nilang may nakalatag na mga tent sa labas at may mga taong nag-iinuman, kumakain, at nagbi-videoke. Tumigil saglit ang mga traysikel na nakasunod sa kanila at saka bumaba ang mga taong sakay. Naroon pala ang kapitan sa barangay nila Kuya Nonoy, ilang mga kasamang kagawad at ang kinatawan ng kontraktor na aako raw sa pagpapalibing.
Sumenyas ang mga ito kay Ate Mina na kakain daw muna sila saglit at saka susunod. Nangilid ang luha ng asawa ni Kuya Nonoy at saka nagpatuloy sa paglalakad.
—
Alas tres na ng hapon nang dumating sila kasama ang kapitan ng barangay nila Kuya Nonoy at ilang mga kagawad. Sa mahigit dalawang oras na paghihintay, tanging sina Niko, Nanay Lina at Tatay Jun na lang ang naabutan nilang nanatili sa sementeryo kasama ang mag-iinang naulila.
Nang umalis na ang lahat, saka lumapit muli si Niko sa bagong puntod para usisain ang pagkapulido ng ayos. Tiningnan niya ang pagkapatong na lapida kung saan may tipid ang detalyeng nakaukit: 1991-2024.
Biglang niyang naalala ang kwento dati ni Kuya Nonoy nung minsang sumama siya sa pagbisita sa libingan ng kanyang Nanay Lomeng.
“Hindi pwedeng wala kang pagkaing baon kapag malayo ang iyong pupuntahan, mapa-buhay ka man o patay.” Sabi ni Kuya Nonoy nang minsan niyang maitanong kung bakit nag-iiwan siya lagi ng pagkain.
Napatingin muli si Niko sa hungkag na puntod ng kanyang Kuya Nonoy. Maya-maya’y naging abala siya sa paglikom ng mga napitas na bulaklak malapit sa puntod at saka pinalibutan ang lapida ni Kuya Nonoy. Sa bandang ilalim ay inihelera niya ang mga bote ng mineral na tubig at ang biskwit na bigay sa kanya kanina. Dumukot din siya sa pitaka ng limangdaang pisong papel at maingat na ibinaon sa bagong hukay na lupa.
“Baunin mo nalang ito sa paglalakbay, Kuya. Pagkasyahin mo. At kung may sobra pa, bigyan mo ang unang sasalubong sa’yo diyan sa kabila,” bulong ni Niko sa puntod ng kaniyang Kuya Nonoy.
Hinaplos niya nang dahan-dahan ang malamig na lapida. Marahan siyang tumindig at saka umusal ng isang maikling dasal. Pagkatapos ay tumalikod siya at hindi na muling lumingon. Tahimik, unti-unti na siyang lumakad papalayo.

Paghihimagsik ng Tahimik na si Sabang
Michael Andio Tagalog Suan
Malinis ngunit masangsang ang mga daan, may nakabibinging katahimikan at makulilim na iniwan ng Anghel ng Kamatayan ang bayan ng Likaharma. Lagpas isang taon na rin siya nag-ikot sa buong bayan upang kumuha ng buhay sa bawat tahanan — hindi siya mapili, lahat ng maaring mapatay, mamatay. Iniwan niya ang Likaharma sa kamay kaniyang anak na si Rugo, isang mahusay at matalinong nangunguha rin ng buhay. Kasama ni Rugo ang marami pa nitong mga sundalo na tinatawag nilang Dundungan Sub. Kinakailangan ni Rugo ang mga sundalo sapagkat gabi lamang ito nakalalabas, sapagkat tuwing umaga, tila hinihigop ng sikat ng araw ang kaniyang kapangyarihan sa katawan. Ganito ang siklo araw-araw ng pangkat nila, sa umaga papatay ang mga Dundungan Sub at sa gabi naman itong si Rugo. Sa unang araw nila ay nakapaslang na agad sila ng siyam na buhay mula sa iba’t ibang tahanan mula sa sentro ng bayan ng Likaharma.
Lingid sa kaalaman ni Rugo, may isang tahimik na babae mula sa liblib na baryo ng Sinakay; isa sa pinakamaliit na baryo ng Likaharma. Ang babaeng ito ay nagngangalang Sabang. Sa buong araw ang palagi lamang niyang ginagawa ay umupo sa bahaging kanto ng kanilang tahanan, nakaharap sa pagitan ng nagsalubong na pundasyong kahoy ng bahay. Si Sabang ay binayayaan ng Bathala ng isang kagilagilalas na kapangyarihan — siya ay lumalakas sa bawat buhay na nakukuha ng Anghel ng Kamatayan at ng pangkat nila Rugo. Ang mga buhay na ito ay sumasanib sa katawan ni Sabang, nagsasama-sama at lumilikha ng isang kapangyarihan na tinatawag na Taróng. Ang kapangyarihang makatatalo kay Rugo at sa mga pangkat nito.
Pagkatapos ng isang mahabang araw ng pagkaupo sa harap ng magkasalubong na pundasyong kahoy ng kanilang tahanan, tumungo si Sabang sa may sapa, sa harap ng bahay nila upang maghugas ng kaniyang kamay at maghanda na ng isang hapunan. Sa gitna ng paghuhugas, isang sigaw ng matandang babae ang bumasag sa katahimikan ng gabi, “Walang hiya ka Rugo, bakit mo pinatay ang aking anak? Ang sama mo, anak ka ng demonyo!”. Napatingin si Sabang sa direksyong pinagmulan ng sigaw, pagkatapos nito ay bumalik ang katahimikan. Ilang minuto lamang ay lumabas ang mga kapitbahay ni Sabang mula sa baryo Sinakay, lahat ng tao roon ay maririnig tiyak ang sigaw dahil sa liit at liblib ng baryo na iyon ay magkakalapit-lapit lang din ang bahay nila. “May napatay na naman si Rugo at ang mga kampon niya”, sabi ng isang balbas saradong mamà. “Si Manang Vergie at ang anak niyang si Chabam” ngaralgal na sagot ng isang pang mamà. Sumugod ng patakbo si Sabang sa kaniyang tatay, “Itay! Itay, may napatay na naman si Rugo at ang mga kampon niya, dito lang ma”, pinutol ng ama ang nag-aalalang samo ni Sabang “Dito lang malapit sa atin, Oo sina Vergie anak at si Chabam na iyong kababata”. Malapit na kaibigang babae ni Sabang itong si Chabam, sa sobrang lapit nilang magkaibigan, si Chabam lamang ang nakaaalam ng lihim na kapangyarihan at kakayahan ni Sabang. Si Chabam rin ang tagabilang ni Sabang kung ilang buhay pa ang kailangan bago mabuo ang Taróng, may taglay kasing kagalingan sa numero at pagmemermorya itong si Chabam. Ito rin ang nabibigay payo kay Sabang sa mga maaari nitong gawin kapag nabuo na ang Taróng at kapag humarap na si Sabang kay Rugo at sa mga kampon nito. Nang makumpirma ni Sabang at ng tatay niya na sina Manang Vergie at Chabam nga ang napatay ni Rugo ng gabing iyon, walang alinlangan na pumunta si Sabang sa tahanan ng kaniyang matalik na kaibigan. Pagkarating niya roon, kitang-kita pa niya ang lasog-lasog na katawan ng mag-ina. “Chabam, bakit mo ako iniwan? Hindi ba’t sasamahan mo pa ako magplano upang matalo itong si Rugo”, pautal-utal na samo nitong si Sabang sa harap ng bangkay na kaibigan. Nasabi niyang magpaplano pa sila pero ang totoo, na plano na lahat ni Chabam bago pa mangyari ang lahat ng iyon — na plano na ni Chabam ang mga hakbang na gagawin ni Sabang para matalo si Rugo.
Kinabukasan, sa gitna ng pagdadalamhati ni Sabang sa nasirang kaibigan, may lumapit na isang malayong kamag-anak nina Manang Vergie sa kaniya “Ikaw ba si Sabang?”, tanong ng ale at sumagot naman itong si Sabang “Opo, ako po. Bakit ho?”. “Habang nag-aaayos ako ng gamit nina Vergie at ni Chabam, nakita ko itong liham na ito na nakaipit sa isang damit ni Chabam, may nakalagay na ‘Para kay Sabang’ kaya naman hinanap ko ang Sabang at naituro nila sa akin na ikaw nga iyon”, tinanggap naman ni Sabang ang liham mula sa kaibigan at nagtanong ng ganito “ano pong sinasabi ng sulat na ito ni Chabam?”, “hindi ko tiyak ineng, hindi ko na binasa pa ang laman nito”. “Ganoon po ba? Sige po maraming Salamat po” nagtatakang tugon ni Sabang habang iniisip ang maaaring laman ng sulat.
“Para sa Kaibigan kong Si Sabang!
Kagabi, nanaginip ako ng isang nakakatakot na panaginip — ito ata ‘yong tinatawag nilang bangungot. Basta ewan hindi ko maipaliwanag. Ang nakita ko lamang ay may mangyayaring masama sa akin, pero hindi ko tiyak kung ano ito. Puro dugo ang bahay namin ay nakahandusay na lamang ako. Kaya naman sinulat ko itong liham na ito, para baka sakaling hindi ko mabanggit ang mga mahahalagang impormasyon at plano na naisip ko para sa paghaharap ninyo ni Rugo at ng kaniyang mga sundalo — ang mga Dundungan Sub. Tandaan mo ang mga hakbang na ito bago mo tuluyang mapatay si Rugo; Una, kapag nakompleto mo na ang buhay na kakailanganin sa Taróng, lumabas ka at tawagin mo ang buong baryo Sinakay, banggitin mo sa kanila ang iyong kapangyarihan. Kailangan mo magsalita, labanan mo ang iyong pagiging tahimik at hindi pagsasalita nang madalas, ito ang una mong bala. Pangalawa, hikayatin mo silang sumama sa iyo bilang kakampi, hindi mo makakayanang mag-isa ang Si Rugo at ang kaniyang mga sundalo, inuulit ko takasan mo na ang pagiging tahimik mo, magsalita at hikayatin mo sila. Pangatlo, kapag nahikayat mo na sila ay tumungo kayo sa iba’t ibang baryo ng Likaharma, maraming tulad mo na tahimik lamang subalit gusto na ring magapo ang pamamaslang nitong sina Rugo; ng kaniyang ama at mga kampon, inuulit ko kailangan mo magsalita, tumakas sa iyong pagiging tahimik at mapag-isa. Panghuli, ikaw ang haharap mismo kay Rugo at ang taumbayan ang haharap sa mga Dundungan Sub…
Bago matapos ang liham na ito, nais kong sabihin na dalawang buhay nalang ang kailangan mo upang tuluyang mabuo ang Taróng.
Mag-iingat ka palagi. Mahal kita Sabang tandaan mo iyan.
Kasama sa Paglaban,
Chabam”
Itinupi ni Sabang ang liham na tulad sa orihinal nitong pagkakatupi, tumulo ang luha eksakto sa pangalangan ni Chabam sa sulat, dahil nabasa ang papel at lumitaw ang pangalan nito sa pagkabasa. Pagtungo ni Sabang sa kanilang bahay, tila may kung ano nangyari sa kaniyang katawan, nakaramdam ito ng inerhiya mula sa labas patungo sa kaniyang loob. “Ito na ba ang Taróng?” tanong niya sa sarili. Ang tahimik na si Sabang ay nagsimula na magsalita ng mga mapanghikayat na retorika. Makapangyarihan na ang mga salitang binibitawan niya noong oras na iyon. “Ito na nga ang Taróng”. Naisip niya na ang huling buhay na nagpakompleto sa pagbuo ng Taróng ay ang buhay nila manang Vergie at ng kaniyang matalik na kaibigan na si Chabam. Pumikit sumandali si Sabang at nagpasalamat kay Bathala at sa buhay ng mga nawala lalo na kay Chabam. Lumabas siya ng kanilang tahanan at ginawa ang mga nasa liham ni Chabam upang matalo si Rugo at ang mga Dundungan Sub.
Tinipon niya ang mga tao mula baryo Sinakay, binanggit ang kanyang natatangging kapangyarihan at hinikayat ang mga ito nasamahan siyang talunin ang ginawang pagpapahirap at pagpatay ni Rugo at ng kaniyang ama at mga kampon. Nahikayat nga niya ang buong Sinakay dahil sa makapangyarihan at matatalim nitong pagsasalita sa harap ng maraming tao. “Ibang Sabang na itong nasa harap ko” sabi ng tatay ni Sabang habang namamangha sa mga binabanggit ng anak. Tumungo ang mga taga-Sinakay mula sa iba’t ibang baryo ng bayan ng Likaharma. Ganoon din ang ginawa ni Sabang, at nahikayat niya ang mga ito na samahan siyang kalabanin ang mamamatay na si Rugo. Sa mga pag-iikot nila Sabang, nalaman na rin ni Rugo na may isang babae na naghahanda upang siya ay paslangin, subalit pinasawalang-bahala niya ito dahil naniniwawala ito na hindi siya kayang patayin ng isang babae “Isang babae lang ‘yang Sabang na iyan, hindi ako natatakot diyan at huwag kayong matakot sa babaeng yan! Ituloy ninyo ang pagkuha ng mga buhay!”. Nagpatuloy lamang sa pagpaslang sina Rugo at ang mga Dundungan Sub, at mas lalong dumarami ang napapaslang nila kada araw. Tila isang panghahamon kay Sabang at sa taumbayan na sila ang makapangyarihan at mas malakas. Hindi alam ni Rugo na hanggat patuloy na pumapatay ang kaniyang mga sundalo at maski siya, lumalakas nang lumalakas lalo ang taglay na Taróng nitong si Sabang.
Umabot ng dalawang linggo ang pag-iikot nila Sabang upang manghikayat. Kasabay naman nito ay ang paglaki rin ng bilang ng mga napapaslang ng pangkat nila Rugo. Isang biyernes, nagtungo sina Sabang at ang buong taumbayan ng Likaharma sa labas ng palasyo ni Rugo — mga hapong-hapo, basa ng pawis. Hinarap agad ng mga Dundungan Sub sina Sabang at ang taumbayan. Nagsimula na ang marahas na labanan sa pagitan ng mga sundalo ni Rugo at ng taumbayan. Habang abala na nakikipaglaban ang mga Dundungan Sub sa taumbayan, dumiretso naman si Sabang kasama ang iilan sa kwarto kung saan namamahinga ang takot sa araw na si Rugo. Walang naiwang bantay sa loob at kahit sa kwarto ni Rugo kaya mabilis na nakapasok sina Sabang. Doon namasdan nilang natutulog si Rugo, tila isang sanggol na mahimbing ang tulog sa umaga at hindi magising-gising sa ingay na likha ng labanan sa labas. May mga napatay na naman ang mga Dundungan Sub sa hanay ni Sabang, na mitsa ng pagkalakas ni Sabang. Ang lakas ng Taróng ni Sabang ang nagudyok sa kaniya na buhatin ang natutulog na si Rugo patungo sa labas, upang madampian ng nakapapasong sinag ng araw. Pagkalabas ay nagising itong si Rugo subalit hindi na nakalaban, unti-unti itong nanghihina at tila nag-aabong papel ang kaniyang katawan. Pagkaraan ng isang minuto, naubos at naging alabok na lamang sa hangin ang katawan ni Rugo, dahil dito ganoon din ang nangyari sa mga sundalo niyang Dundungan Sub. Napuno ng alabok sa paligid dahil sa mga namatay na katawan ni Rugo at mga sundalo nito.
Nang makita ng taumbayan ng Likharma ang mga alabok na mula sa katawan nina Rugo at mga Dundungan Sub, tumulo ang luha ng mga ito at humalo sa pawis na hatid nang mainit na araw. Nagmistulang putik sa kanilang mga katawan ang alabok at ang mga pawis o luha na nasa kanilang mga mukha. Sumigaw ang taumbayan “Mabuhay si Sabang!”, pasigaw na tugon ng marami “Mabuhay!”. “Mabuhay si Bathala na nagbigay ng Taróng”, sigaw ni Sabang. Tumugon naman ang madla “Mabuhay!”. Humiyaw nang malakas ang madla “Salamat sa Taróng!” at sumigaw nang may pagpupuri si Sabang ng “Mabuhay at Salamat sa Kataróngan!”.

Uhaw
Christian Philip A. Mateo
Binuksan niya ang bitbit na bote ng tubig mula sa convenience store. Nagbukas ng TV at umupo sa kama. Tinabihan niya ako habang iniinom ang kalahating litrong tubig. Hinihintay niya akong umimik. Pinipigilan ko namang tumingin sa mga mata niya. Hindi ko kasi alam ang sasabihin ko. Ano na naman ang gagawin ko ngayon?
Hindi na kami umusad sa ganito. Gabi-gabi na lang, para akong bangkay na tinititigan niya hanggang sa makakuha siya ng sagot. Sinubukan niya akong alukin ng tubig. Pinagpapawisan na raw kasi ako. Umiling lang ako habang patuloy na nagbabasa ng nobelang ilang beses ko nang natapos. Hindi na ako nakatiis at tiningnan ko siyang pabalik. Huminga ako nang malalim. Tiningnan ang bawat sulok ng kaniyang mukha. Kilala pa ba kita?
Naramdaman niyang may alinlangan sa aking mata kaya naman agad niyang pinutol ang tingin sa akin. Umurong siya sa dulong bahagi ng kama. Pinakikiramdaman niya ako, ngunit hindi na diretso ang tingin niya. Hindi na siguro.
Wala pa ring umiimik sa amin kaya ibinaba ko na ang librong hawak ko. Ano?
Ingay lamang ng mga kuliglig ang narinig ko. Nang tumayo ako para ibalik sa tukador ang aklat na hawak ko ay napansin kong nagsimula siyang lumuha. Sinubukan niyang magsalita, ngunit bago pa man niya sabihin ang nais niya’y agad kong hinawakan ang madulas niyang buhok at mapulang pisngi. Bakas sa mukha niya ang lumbay. Mariin kong iginapos ang sarili sa kaniya at idinampi ang labi sa kaniyang labi. Mahigpit kong hinawakan ang kaniyang katawan papalapit sa akin hanggang sa maramdaman ko ang init ng kaniyang paghinga. Walang ano-ano’y hindi na lamang labi namin ang naging isa. Hindi siya nagdalawang-isip na halikan ang aking leeg, pababa sa aking dibdib, at pataas muli sa leeg. Hindi namin namalayang wala nang saplot sa katawan ang isa’t isa habang nasa sulok ng kuwarto. Patuloy namang nag-iingay ang telebisyong pinaandar niya kanina.
Niyakap niya akong muli at hinalikan sa pisngi. Humiga naman ako sa balikat niya. Para kaming mga uod na handa nang maging paruparo. Hindi makitaan ng espasyo sa isa’t isa. Tumayo siya at muling kinuha ang bote ng tubig na iniinom niya kanina. Inubos niya ang natitirang laman nito at dumiretso sa banyo. Ngumiti lang siya sa akin ngunit pansin ko pa ring mugto ang kaniyang mga mata. Nais kong magsalita, ngunit walang ingay na lumalabas mula sa akin. Hindi ko siya napigilan. Agad siyang nagbihis at umalis ng kuwarto. Muli naman akong sumampa sa kama habang hinihintay ang kaniyang pagbabalik. Narinig ko na lamang ang kalansing ng susi sa pinto sa ibaba. Hindi ko na siya hinintay. Bigla akong nauhaw. Hinanap ko ang munting boteng hawak niya kanina at nakita ko na lamang na nakahandusay ito sa sulok ng kuwarto. Sa lugar kung saan magkayakap ang aming mga katawan. Wala na itong laman. Tiningnan ko lang ito hanggang sa dalawin na ako ng antok. Ilang oras na ang lumipas nang naisipan niyang bumalik. Mabilis ang kaniyang kilos. Walang pag-aatubili. Binuksan niya ang pinto ng kuwarto at tila hindi niya ako napansing nakatalukbong ng kumot sa kama. Hindi na niya binuksan ang ilaw. Hindi niya na rin ako ginising.
Dumiretso siya sa harap ng aparador. Tiningnan ang bawat sulok nito at bigla ring tumingin sa akin. Naaalala ko kasi, bawat suot niya ay ipinapakita niya sa akin. Hindi kasi siya marunong manamit. Kinuha niya ang berdeng polo shirt. Hindi ‘yan bagay sa ‘yo. Masyadong malaki.
Sunod niya namang hinablot ang puting longsleeves na paborito niyang suotin tuwing lalabas kami para kumain. Yayayain mo ba ako? Masyado pang maaga.
Hanggang sa hindi lang mga pang-itaas na damit ang kinuha niya. Kinuha niya na rin ang mga kupas na pantalon, makukulay na medyas, pati ang paborito kong necktie. Alas kuwatro pa lang ng umaga. Bakit parang abalang-abala ka?
Bago pa man lumalim ang aking pagkahimbing, naramdaman kong tumabi siya sa akin. Hinawakan niya ang aking kamay, at hinalikan ang aking pisngi. Iyon na yata ang pinakamalungkot na halik na ibinigay niya sa akin. Sana hindi. Sana hindi.
Pagdilat ng aking mga mata, ako lang mag-isa sa kuwarto. Wala na siya. Malinis na ang aparador. Wala na ang lahat ng gamit niya. Ang naiwan na lamang ay ang bote ng tubig sa sulok, kung saan niya ako huling niyakap, at ang halik niya sa aking pisngi na matagal kong daramdamin. Wala na akong magagagawa. Wala akong nagawa.

Ang Tagapagligtas
Gabriel Mari Oblefias
Nakaupo sa kaniyang tronong yari sa pinagtagpi-tagping kahon at styrofoam sa may estero si Madonna. Nakasahod ang kaniyang kamay. Naghihintay maambunan muli ng mga iaalay na pilak at tirang biskwit kung susuwertihin.
Kalong-kalong ni Madonna ang tinatawag niyang Tagapagligtas. Abala ito sa pagsupsop at pagpapalusog mula sa pinaghalong maalat na pawis, libag at kakarampot na gatas na galing kaniyang kaliwang utong. Kailangan mong lumaking malakas. Bulong ni Madonna sa paslit na nagsisimula nang magngipin. Hinalikan niya ang malansang noo nito at saka marahang hinaplos gamit ang kalyado niyang palad.
Sa kaniyang harapan papalapit si Bigote. Nakausli ang tiyan na hirap na hirap nang maikubli ng masikip nitong asul na uniporme. Isang maling ubo lang ay puputok na ito at bubulwak ang nakaipit na taba.
Tumindig si Bigote sa harap ni Madonna at Tagapagligtas. Dinukot niya ang isang plastik na lighter sa bulsa ng uniporme sa dibdib at nagsindi ng sigarilyo. Lumuhod siya at binilang ang mga baryang alay sa palad ni Madonna. Kinse pesos. Binugahan ni Bigote ng usok ang mag-ina. Dinakot at isinilid sa bulsa ang kakarampot na alay at saka umalis. Dinig ni Madonna ang pagkalansing ng mga barya na unti-unting napipi sa ingay ng lungsod.
Pero mali si Bigote dahil walang halaga ang baryang kinamkam. Kumpara sa kumikinang na gintong mga mata ng kalong-kalong ni Madonna na Tagapagligtas.

Bulong
Jessa Miranda Daguno
Di pangkaraniwan ang araw na ito!
Maririnig ang tagiktik mula sa mga lamesa. Minamandohan ng tig-4 na manlalaro ang mga tiles na may mga chinese characters. May ilan, naglalatag ng tiles na may imahe ng kawayan o di kaya’y bulaklak. Tumatawa-tawa ang iba habang seryoso ang may hawak ng dice.
Ipinarolyo!
Samu’t sari ang ingay:
“Chi!”
“Pong,”
“Gong!”
“Sik wu!”
Sumasabay rin sa ritmo ang halakhak at pagmumura. Masigla at napakasaya sa kalye liban sa isa.
May isang musmos. Marahang naglalakad na tila ‘kay bigat-bigat ng mga paa. Putlang putla’t tuyong tuyo ang labi. Payat ang pangangatawan. Magang-maga ang mga mata.
Kung ang mga bisita ay nag-iingay dahil sa pagkapanalo’t pagkatalo, naiiba siya. Panay ang kanyang ubo, bakas ang dinadaing na karamdaman.
Marahang lumapit sa puting kabaong. Malumanay na hinawakan ang salamin na pumapagitna sa kaniya at sa kanyang ama.
“Tay,” mahinang sabi nito habang tuloy-tuloy ang pagragasa ng kanyang mga luha, “Di ko na kaya… kunin mo na ‘tong sakit ko.”

Biyaya
Jessa Miranda Daguno
“Kailangan mo mamili,” nababahalang sabi ng kasamang pari, “pag-isipan mong mabuti. Matagal mong pinangalagaan at pinangarap ang posisyon mong ‘yan.”
Hindi niya inalintana ang alalahanin ng kaibigan. Bagkus, tinugunan niya ito ng malumanay na kilos habang inaayos lahat ng kagamitan, kasama ang mga dokumento’t mga larawan.
“Kailangan lang ay mapadpad ka sa malayong lugar. Bubuo ng bagong simula’t iiwan ang nakaraan dito.” Saad ng kasama.
“Iiwan ko ang pagpapari,” nakangiti at kumpiyansang sagot nito habang sinasara ang zipper sa kanyang bagahe. Walang bigat. Walang pagdududa.
“Aalis ako,” nakangiting sagot sa kapwa pari. Punong puno ng pangarap ang mga mata, “kaysa talikuran ang regalo sa akin ng panginoon, ang mag-ina ko.”

Online Class
Daniel Avila De Guzman
Alas singko ng umaga nang magising siya. Sanay na siyang bumabangon nang maaga araw-araw para pumasok. Bukod sa ayaw niyang masermonan ng guro nila sa unang asignaturang Araling Panlipunan 10, alam niyang kapag huli siyang umalis ng bahay, matinding trapik ang sasagupain niya sa daan. Aalis siya ng bahay na bagong ligo, darating siya sa paaralan na amoy usok.
Dahil sa 42 degrees ang Heat Index kahit buwan na ng Hunyo, nagpasya ang kanilang paaralan na mag-online class muna alinsunod sa inilabas na DepEd order no. 037, s. 2022. Sandali siyang nag-almusal. Ginupit niya ang dulo ng pakete ng stick ng kape, ibinuhos sa tasang basag ang tenga, hinalo, saka sinawsawan ng pandesal. Sapat na para maitawid ang umaga.
Kinuha niya ang bag. Binuklat ang gula-gulanit na modyul. Kinapa ang itim na ballpen sa maliit na bulsa.
Nagbukas siya ng messenger sa cellphone niyang Infinix SMART 9 HD. Regalo sa kanya ng Nanay niya noong makatapos ito ng Grade 9 na may karangalan. Regalo sa kanya pero tatlo silang magkakapatid na gumagamit.
Nasa GC na nila ang link ng online class sa Araling Panlipunan. Bumuntong hininga siya. Kumamot sa ulo. Kumagat sa pandesal. Humigop ng kape. Free Data lang ang gamit niya. Wala siyang pang-load. Wala rin silang wifi sa bahay. Kaya tulad ng dati, nakipagtitigan siya sa mga pahina ng modyul habang pinapaso ang kanyang labi ng mapait na kape.

Peklat
Marjorie R. Resuello
Karaniwang araw lamang ito, walang ipinagkaiba sa mga nagdaang araw. Buhat dito, buhat doon ng mga kahoy. Isasalansan nang maayos. At kakaskasin ang mga ito. Susukatin ang mga tabla.
“Kailangan kumita, at makarami akong magagawang headboard sa araw na ‘to.” bulong ni Jomar sa sarili.
Alas syete pa lamang umarangkada na sa pagbuhat ng mga kahoy ng melina at mahogany, na bagong dating buhat pa sa Isabela. Pagkatapos, inilarga na ito isa-isa sa sawmill. Mabilis ang kilos niya, animo’y lagare sa kanyang paggawa. Paroo’t parito. Paano ba naman hindi makakabisado ang gawain ito, dalawampu’t taon na niya itong ginagawa.
Tuloy-tuloy ang paghahati sa mga kahoy. Gamonggo man ang pawis nito ay hindi niya alintana. Hindi siya nagpapasindak, kailangan niyang bumawi mula sa ilang araw na hindi nakapasok sa trabaho dahil sa pagkakasakit, at walang maihain sa hapag ng kanyang pamilya. Walang allowance na maibigay ng boss. Magulo ang isipan.
Pagdaka’y lumipat siya sa isang bahagi, na may table saw, binuksan ang switch upang maputol ang maliliit na piraso ng kahoy. Maingay ito, katulad ng mga ingay na sumisigaw sa kanyang isip. Panaka-naka ang paglagay ng kahoy at hahatiin, tumalsik na piraso, nang biglang may likidong bumahid sa kanyang mukha, alam niya pawis lang ‘yon na kanina pa nag-uunahang pumatak, ngunit nang may bumagsak na kulay pula sa table saw. Namanhid siya. Bigla niyang naalala ang mga araw nang tinuturuan pa lamang siya ng kanyang ama sa gawaing ito, labag man sa loob, sumunod pa rin, at bakas pa sa kanyang kaliwang paa ang peklat nito nang maipit ito sa pulya ng daynamo.
“Pre, ‘di ata maganda ang bungad ng pagpasok mo,” sigaw na may pag-aalala ng kanyang kasamahan, na nasa di-kalayuan.
Bumalik sa kanyang ulirat. Naramdaman ang hapdi sa mukha. Isa na namang alaala ang nag-iwan ng marka, at ibinulong sa sarili, “Mahirap. Nakakapagod. Paulit-paulit. Hindi ako sigurado kung paano, pero may plano, hindi panghabambuhay ganito ang aking trabaho.”

Transient
Eduard Escuadra
Pangatlong araw na namin ngayon sa tinutuluyan namin ni Nanay Asa. Malapit na rin sana siyang bumalik sa UAE. At in all fairness naman ha, ngayon lang ako nakaranas ng libreng transient. Kaiba ito sa tuwing sinasamahan ko ang aking Nanay sa Maynila. Isinasama niya ko roon sa uupahan niya ng lima hanggang isang linggo sa isang dormitoryo na tumatanggap sa mga maglalakad lamang ng mga papeles o dokumentong kakailanganin sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
Pero katulad ng transient na natuluyan namin dati ni Nanay Asa sa kung saang dormitoryo sa Lungsod ng Maynila, mayroon ding libreng agahan. May kung anong sigla akong nararamdaman kapag libre ang pagkain, siyempre, lalo pa’t kung libre ang tinutuluyan. Pereho ring sementado, malamig din naman kahit papaano, malawak din, may ilang palapag din ang tinutuluyan namin. Kung tutuusin, kahit hindi pamilyar ang ilang mukha na mga kasama namin, kayang-kaya ng mga ito na makipakapuwa-tao sa isa’t isa. Katulad din ng mga naunang transient na natuluyan namin, maingay at may kung anong bagabag din akong nararamdaman sa loob dahil hindi ko naman kakilala ang ilang mga kasama, mahirap na, mabuti na ang sigurado.
Nang nararamdaman ko naman na ang pagkabagot, biglang dumating si Nanay Asa. Basang-basa siya. Pagkadating niya sa puwesto namin bigla siyang bumulalas ng reklamo, “ ‘Nak, Hanggang beywang na ang tubig sa loob ng bahay. Sabi pa sa harap, matatagalan pa tayo rito sa loob.”
Napalakas ako ng hampas sa aking noo nang marinig ko ang reklamo ng aking Nanay Asa. Pinabanlaw ko muna siya ng katawan sabay ako humiga sa tent sa loob ng malaking bulwagang tinutuluyan namin. Babad na babad na rin siya kasi may tubig na raw sa lahat ng dinaanan niya.

Leave a comment